ILANG buwan pa ang hinintay ni Jianna na bumisita ulit sa branch nila si Sir Luther. Para sana mabayaran na niya ang utang ni Gale.
Mahigit three hundred pesos lang naman iyon. Pero ewan ba niya. Gustong-gusto na niyang magkita sila ng big boss niya.
O hindi lang talaga siya sanay na may utang.
“Talaga po, Nanay? Luluwas po tayo ng Maynila?” tuwang-tuwa na bulalas ni Gale nang sabihin niya rito ang balak.
“Opo, anak. Sasamahan natin ang Ninang Lara mo na dalawin ang Tito Jude mo,” ang boyfriend ng kaibigan na nalipat sa Manila branch ang tinutukoy niya. “Pero sa sahod na ni Nanay para may pamasahe at baon tayo. Doon na kita iti-treat ng Jollibee kasi binilhan mo ng bagong sapatos si Nanay.”
Lalong napatalon sa tuwa ang anak. “Yehey! Makakakain na uli ako ng Chicken Joy at makakasakay na uli ako ng train at makakakita ng matataas na building.”
Animo’y may kumurot sa puso ni Jianna habang pinagmamasdan ang kasiyahan sa mukha ni Gale. Damang-dama niya kung gaano ito kasabik na makarating sa malaking siyudad. Ilang buwan na rin nang huling pumunta sila roon. May team building ang branch nila at isinama niya ang anak.
Hindi dahil sa kakapusan ng pera kaya hindi niya maipasyal palagi sa malalaking siyudad si Gale. Kundi sa kaniyang nakaraan na hanggang ngayon ay patuloy niyang tinatakasan.
Ang kaniyang ama.
“Basta mag-promise ka kay Nanay na hindi ka lalayo sa akin o kay Ninang Lara kapag nando’n na tayo, ha? Alam mo naman na mas maraming tao doon,” malambing na paalala niya sa anak. “At hindi lahat ng taong makakasalamuha mo ay kasing bait ni Sir Luther.”
“Promise po, Nanay,” masayang sagot nito. “Puwede rin po ba nating bayaran si Sir Luther kapag nakita natin siya? Marami na pong laman ang Piggy-oink ko. Baka kasya na po ‘yon pambayad sa utang ko sa kaniya.”
“Oo, anak. Pero hayaan mo nang si Nanay ang magbayad niyon,” naaaliw na sagot ni Jianna.
Iyon naman talaga ang isa sa mga rason ni Jianna kung bakit naisipan niya na sumama kay Ninang Lara. Bukod sa nagkataong day off niya iyon at gusto rin niyang maipasyal si Gale, nagbabakasakali rin siya na magkrus ang landas nila ni Sir Luther. Nang sa ganoon ay mabayaran na niya ito.
Napag-alaman niya kasi kay Ninang Lara na sa pinakamalaking branch daw ng kanilang mall namamalagi ang big boss nila. Naroon daw ang main office nila at ang opisina nito. At ang ikinatuwa pa ni Jianna, doon din daw na-destino si Jude.
SUMAPIT ang pagluwas nilang mag-ina, kasama si Ninang Lara. Ilang oras din ang naging biyahe nila sa bus bago sila nakarating sa Pasay, kung nasaan ang main office nila.
Dumiretso muna sila sa apartment na tinutuluyan ni Jude dahil may susi naman si Ninang Lara. Nasaa trabaho na kasi ang nobyo nito. Nagpahinga muna sila sandali bago lumabas at namasyal. Medyo nanibago kasi sa mahabang biyahe si Gale. Napagod at nakatulog.
Pero tuwang-tuwa at masigla na uli ito nang sumakay sila ng train. Hindi rin matapos-tapos ang pagkamangha nito sa tuwing nakakakita ito ng malalaki at matataas na gusaling bihira nitong makita sa probinsiya nila.
Hindi tuloy maiwasan ni Jianna na mahaluan ng lungkot ang isang araw pero masayang bakasyon nila. Kung hindi lang sana niya tinakasan ang ama, hindi ganoon ang magiging reaksiyon ng kaniyang anak. Hindi sana ito matatakam sa Chicken Joy dahil mas marami pang masasarap na pagkain ang matitikman nito.
Gayon man, hindi kayang iparanas ni Jianna ang marangyang buhay na nakalakhan niya sa anak kung ang kapalit naman niyon ay masalimuot na buhay. Masaya na siya sa simple lang pero malaya.
“SIGURADO ka ba na ayaw mong magpasama?” tanong ulit ni Ninang Lara kay Jianna bago siya umalis papunta sa opisina ni Sir Luther. Alam pala iyon ni Jude kaya itinuro sa kaniya. “Kung bakit kasi gustong-gusto mong bayaran pa ang utang ni Gale sa kaniya. Three hundred pesos lang naman ‘yon. Barya lang ‘yon kay Sir.”
“Kahit na. Utang pa rin ‘yon,” sagot niya. “Para namang hindi mo alam na hindi ako makatulog kapag may utang.”
“Sus. Ang sabihin mo, gusto mo lang talagang makilala ang big boss natin kasi na-curious ka sa sinabi ko na saksakan siya ng guwapo,” biro pa ng kaibigan niya. “Sama na lang kaya ako? Para makita ko uli si Sir.”
“Sira ka talaga,” tinawanan lang niya ito. “Lagot ka kapag narinig ka ni Jude.”
“Alam naman niya na crush ko ang big boss natin kasi hindi lang naman ako ang babaeng humahanga do’n. At tanggap niya ‘yon,” pabirong katuwiran pa nito, sabay hagikhik.
DAHIL wala naman siyang balak na tumagal kaya hindi na isinama ni Jianna si Gale. Iniwan na lang muna niya ito sa isang playhouse kasama si Ninang Lara.
Lalabas pa kasi siya ng mall kung nasaan daw ang head office ni Sir Luther. Nag-alala siya na baka malibang si Gale sa mga makikita at mawala niya ito.
Madali lang naman matunton ang opisina ng big boss nila. Ilang sandali pa ay nasa labas na niyon si Jianna. Mabait din ang guard na napagtanungan niya.
“Pumasok na lang po kayo sa loob, Ma’am. I-a-assist po kayo ng secretary ni Sir Luther,” magalang pang sabi nito pagkatapos ipaalam ni Jianna na empleyado rin siya ni Sir Luther at gusto lang niyang magbayad ng utang. Ikinuwento pa niya ang totoong nangyari kung paano siya nagkautang sa big boss nila.
Ipinakita rin niya ang kaniyang company ID. Ganoon din ang iba pa niyang government ID na magpapatunay ng totoong pagkakakilanlan niya. May mga dala pa nga siyang NBI at Police Clearance. Alam kasi ni Jianna na hindi basta-basta ang taong gusto niyang kausapin kaya hindi rin ganoon kadaling pumasok sa opisina nito.
Ngunit mukhang totoo nga ang sabi-sabi na ubod ng bait at down-to-earth ng Owner-CEO nila. Kahit daw ang pinakamababang empleyado ay puwedeng pumasok sa opisina nito nang hindi nahihirapan.
“Thank you po, Sir,” magalang siyang nagpasalamat sa guwardiya bago pumasok sa pinto na itinuro nito. Muli niyang ibinalik ang suot na face mask dahil medyo inuubo siya sa mga oras na iyon.
Kahit ang secretary na nag-assist kay Jianna ay mabait at palakaibigan din. Ipinalaam lang nito sa boss, sa pamamagitan ng intercom, na may bisita ito at isang empleyado, agad na siyang pinapasok.
Aminado siya na may kaba siyang naramdaman nang tumuntong ang mga paa niya sa maaliwalas at malawak na opisinang iyon. Ang linis pa! Sobrang lamig na aircon ang sumalubong sa kaniya kaya bahagya siyang napayakap sa sarili.
Unang pasok pa lang niya roon pero ramdam na agad ni Jianna na komportable siya. Siguro dahil sa mga halaman na nakita niya sa paligid. Pati ang malaking aquarium na may makukulay na isda ay hindi rin nakaligtas sa kaniyang paningin.
Nagpapatunay na marami ng narating ang nagmamay-ari sa opisinang iyon dahil sa dami ng awards at certificates na naka-display. Nakadagdag din sa magandang vibes ang malamyos na instrumental na musikang narinig ni Jianna. Parang nakakapagpahinga at nakakapag-relax ng isip.
Kung siya ang nasa loob ng opisinang iyon, siguradong gaganahan din siyang magtrabaho.
“Ahem!”
Napaigtad si Jianna sa malakas na pagtikhim na iyon. Hindi niya namalayang napasarap na pala ang paglibot-libot niya sa opisinang iyon. Nagulat na lang siya nang mapagtantong nakatayo na pala siya sa isang executive table. Noon lang niya napansin ang lalaking nakaupo sa swivel chair at nakatitig na pala sa kaniya.
Oh my gosh! muntikan nang sigaw ni Jianna nang mamukhaan niya ang lalaking kaharap.
Hindi siya maaaring magkamali.
Ang lalaking nasa harapan niya ngayon ay walang iba kundi ang mangingisda na naka-one night stand niya five years ago!