“ANAK, huwag mo na ulitin ang ginawa mong ‘yon, ha? Pinakaba mo kami nang sobra ng Ninang Lara mo,” mahinahon na pakiusap ni Jianna sa kaniyang anak nang matagpuan niya ito na kasama ang kaibigan, sa kabila ng pagtaas-baa pa rin ng kaniyang dibdib dahil sa takot at kaba. “Nag-promise ka sa’kin na magbe-behave ka, ‘di ba?”
“Sorry po talaga, Nanay. Promise po, hindi ko na po talaga uulitin.” Mangiyak-ngiyak itong yumapos sa beywang niya. “Gusto ko lang naman po na ibili kayo ng sapatos, eh. Pero kulang po ang laman ni Ming-meow.”
Mabilis na kumalas siya sa anak. “Ano? Ibig sabihin, dinala mo pa rin si Ming-meow, anak?”
Naalala ni Jianna na parang may itinatago si Gale kanina nang umalis sila sa bahay. Ngayon lang niya napagtanto na dala-dala pala nito ang alkansiya.
“Opo.” Mangiyak-ngiyak pa rin itong tumango. “Sorry po kung sinuway ko na naman po kayo, Nanay. Gusto ko lang po talaga kayong ibili ng bagong shoes.”
Naaawa na siya sa anak dahil parang paiyak na ito kaya agad na lumambot ang kaniyang anyo at mabilis itong niyakap. “It’s okay. Hindi na galit si Nanay. Basta huwag mo na ulitin ang ginawa mong ‘yon, ha? Paano na lang kung may bad guy na kumuha sa’yo at dinala ka sa malayo?”
“Hay, naku. Iyon na nga ang paulit-ulit na sinabi ko sa kaniya, bestie,” sabat naman ni Ninang Lara na katulad niya ay tila kabado pa rin. “Buti na lang ka’ko at si Sir Luther ang nakakita sa kaniya.”
“Sino?” bulalas ni Jianna at mabilis na bumaling sa kaibigan.
Ramdam niya ang awtomatikong pagrigodon ng kaniyang puso nang marinig ang pangalang iyon. Isang imahe ng nakaraan ang agad na pumasok sa isipan niya na lalong nagpalakas ng kabog sa dibdib niya.
“Si Sir Luther,” pag-uulit nito. “Iyong big boss natin.”
Nanlaki ang mga mata niya. “ Iyong may-ari nitong mall?”
“Mismo! Hindi nga ako makapaniwala, eh. Noong una, napagkamalan ko pa na normal shopper lang,” pagkukuwento pa ni Ninang Lara. “Pero nang makita ko siya, grabe. Parang tumigil sandali ang mundo ko, bestie. Ang guwapo talaga ng Owner-CEO natin,” kinikilig na dagdag pa nito. “Kung wala lang talaga akong boyfriend, pipikutin ko ‘yon.”
Pinandilatan niya ito bago pa man marinig ni Gale ang ibang sasabihin.
“Opo, nanay. Siya nga po! Akala ko nga po namimili lang din siya, eh,” dugtong naman ni Gale habang nangingislap sa tuwa ang mga mata. “Ang bait-bait po pala ng may-ari nitong mall, Nanay. Pinautang pa po niya ako ng pambili ng sapatos n’yo at sinamahan niya ako sa counter. Tapos siya po ang nagbayad. Kaya ibinigay ko na lang po sa kaniya si Ming-meow. Pero nag-promise naman po ako naa babayaran ko siya kapag nakaipon na po uli galing sa baon ko.”
“Iba ka talaga, anak. Biruin mo, may-ari nitong mall, inutangan mo?” biro ni Ninang Lara sa inaanak. “Sana nagpa-autograph ka na rin tapos binigay mo sa’kin.”
“Hindi naman po siya artista, Ninang, eh.”
Nakikinig lang si Jianna sa usapan ng mag-ninang ngunit lumilipad ang isip niya. Hindi pa rin nawawala ang kaba niya pagkarinig sa pangalang iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya.
Hindi naman siguro iisa ang ‘Luther’ sa nakaraan niya na isang mangingisda at ang ‘Luther’ na big boss nila, ‘di ba?
Bukod sa malaking pagkakaiba ng estado sa buhay, marami naman ang magkapangalan sa mundo. Siguradong coincidence lang. Sa ideyang iyon kaya bahagyang kumalma ang kabang naramdaman ni Jianna.
“Nanay, ito nga po pala ang sapatos na binili namin ni Sir Luther para po sa inyo. Tama po ba na eight ang size ng paa n’yo, Nanay?”
Napatitig si Jianna sa paper bag na inabot sa kaniya ng anak. Ayaw sana niyang tanggapin iyon dahil nahihiya siya na galing iyon sa big boss nila. Pero iniisip niya na baka magtampo naman si Gale. Dahil may ambag din naman ito sa perang pinambili niyon. At naibigay na raw nito ang alkansiya sa boss nila.
Kinuha niya ang paper bag at inilapag sa sahig. Kapagkuwan ay lumuhod sa harapan ni Gale at sinapo ang mukha. “Thank you sa pagiging sweet mo, anak, ha? Pinapaiyak mo na naman si Nanay, eh. Pero dahil inutang mo kay Sir Luther ang kalahati ng pinambili mo nito kaya babayaran natin siya, ha?”
“Opo, Nanay.” Masayang tumango na ito. “Kasi kapag utang, dapat bayaran po, ‘di ba? Kahit mayaman si Sir Luther.”
Nakangiting tumango si Jianna. “Yes, anak.”
NANG dahil sa nangyari kaya na-late si Jianna sa pagbalik niya sa trabaho. Mabuti na lang at sadyang mabait ang manager niya. Naintindihan nito nang sabihin niya ang totoong dahilan ng pagkaka-late niya.
Pero hindi na lang niya sinabi na ang big boss nila ang nakasama ni Gale dahil nahihiya siya. Nagkautang siya roon nang wala sa oras. Namroroblema tuloy siya ngayon kung paano babayaran si Sir Luther.
Ang alam niya kasi, bihira lang iyon pumunta sa branch nila. Sa Maynila raw ito namamalagi. Pero sa dami ng malalaking branches sa lungsod na iyon, hindi niya alam kung paano hagilapin ang big boss nila. Nahihiya naman siyang magtanong sa manager nila at baka kung ano pa ang isipin.
“Nanay, ang guwapo at ang bait po talaga ng boss n’yo na si Sir Luther. At mukhang binata pa naman po siya. Baka po puwede na siya na lang ang maging tatay ko?”
“Gale!” Pinandilatan niya ito habang naglalakad na sila papunta sa sakayan ng jeep. Labasan ng mga empleyado sa shift na iyon kaya marami silang kasabay. Agad niyang tinakpan ang bibig ng madaldal na anak bago pa man may makarinig sa kanila. “Nakakahiya kapag may nakarinig sa’yo.”
Napahagikhik lang ito. “Nababaitan lang po kasi talaga ako sa kaniya, Nanay. Tapos parehas pa pong parang pancit canton ang buhok namin.”
Napailing si Jianna. Mukhang hindi talaga siya tatantanan ng kaniyang anak hangga’t hindi siya nag-aasawa.
Bilang nanay, naaawa rin naman siya minsan kay Gale dahil alam niya na gustong-gusto na nitong magkaroon ng ama at kapatid. Gusto rin naman ni Jianna na bigyan niya ito ng buo at normal na pamilya. Pero natatakot siya na baka magkamali siya sa pagpili ng lalaking mamahalin at pakakasalan.
Sa tuwing nakakapanood o nakakarinig siya ng mga balita tungkol sa mga batang minamaltrato ng kanilang mga stepmother o stepfather, lalo siyang nagiging determinado na huwag nang mag-asawa.
Naaaliw na inakbayan niya si Gale. “Ilang beses ko bang sabihin sa’yo na hindi naman mukhang pancit canton ang buhok mo, anak. Kulot ka lang. At hindi porke’t kulot ang buhok ay hindi na maganda.”
“Pero bakit nga po ako ulit kulot ako, Nanay? Straight hair naman po kasi kayo, eh,” puno ng kuryosidad na tanong nito nang makasakay na sila ng jeep. “Sabi po ng mga classmate ko, baka daw po ang tatay ko ang kulot. Tapos morena po ako kahit maputi naman kayo. Kaya ang sabi nila, baka nagmana daw po ako sa tatay ko.”
Muli na namang sumagi sa isipan ni Jianna ang nangyari ng gabing iyon. Parang tukso na naalala pa niya ang mukha ng lalaking naka-one night stand niya.
Hindi mapigilan ni Jianna ang paglikot ng kaniyang imahinasyon sa alaalang iyon. That was five years ago. Siguradong hindi na rin maalala ng lalaking iyon ang nangyari sa kanila. Isang gabi lang naman. Then, that’s it. Tapos na. Walang strings attached, walang drama. Umalis nga siya nang walang paalam at hindi na na inalam ang buong pangalan ng pinag-alayan niya ng kaniyang virginity.
She took a deep breath. Yeah, it’s just a one-time thing. But it led to something more.
At iyon ay si Gale.