CAN YOU BE MY TATAY?

1046 Words
“SIGURADO ka ba na size eight ang paa ng Nanay mo?” amused na tanong ni Luther sa batang babae nang samahan niya ito sa sapatos na gustong bilhin nito. Aliw na aliw siya dahil mukhang limang taong gulang pa lang ito pero daig pa niya ang may kausap ng matanda. Pati ang sukat ng paa ng nanay nito ay alam na alam. “Opo. Iyon po ang nakikita ko kapag sinusuotan ko ng sapatos si Nanay. At saka naririnig ko rin po kapag bumibili siya ng tsinelas.” “Ang bait mo naman. Sinusuotan mo pa ng sapatos ang nanay mo,” nakangiti na ginulo niya ang buhok nito. “Sigurado ako na tuwang-tuwa rin sa’yo ang tatay mo.” “Wala po akong tatay. Hindi po kasi sila nagkatuluyan ng nanay ko kasi hindi raw po sila meant to be. Kaya nga po naghahanap din ako ng boyfriend para kay Nanay at saka tatay ko na rin po.” Matamis ang ngiti na tumingala ito sa kaniya. “Puwede po ba kayo? Mabait naman po ako. Maganda at masipag naman ang nanay ko. Pero puwede po ba na huwag n’yo nang sabihin kay nanay na nirereto ko po kayo sa kaniya? Ayaw na po kasi niyang mag-boyfriend at mag-asawa. Pero gusto ko naman po na may kasama siya palagi bukod po sa akin." Lalo lamang naaliw sa kadaldalan ng batang babae si Luther. Habang tumatagal ang pakikipag-usap niya rito ay patindi nang patindi ang kakaibang kasiyahang nadarama niya sa kaniyang puso. Siguro dahil naalala niya rito ang kapatid niya. Na binawi na ng Diyos dalawang taon na ang nakalilipas. Ikinuyom ni Luther ang mga kamao para labanan ang nagbabadyang pagkirot ng kaniyang dibdib nang maalala ang pinakamamahal na kapatid. “Sir, kukunin n’yo na po ba ito?” tanong sa kaniya ng saleslady na nagpapaalis sa bata kanina kaya hindi na niya nasagot ang tanong ng bata. Hanggang ngayon ay wala pa rin itong ideya sa totoong pagkakakilanlan ng lalaking kaharap. “Ilalagay ko na po ba sa cart n’yo?” “Ako na po ang maglalagay, Ate. Maraming salamat po!” Kinuha ng batang babae ang box ng sapatos at saka inilagay sa cart. Nakakatuwa talaga ang pagiging mabait at magalang nito. Kaya maging ang saleslady na nagpapaalis dito kanina ay mukhang aliw na aliw na rin sa bata. Hinawakan naman niya ito sa kamay at dinala sa section na pambata. “Ikaw naman ang bumili ng sapatos mo. O ng kahit anong magustuhan mo. Ilagay mo lang lahat sa cart. Si Tito Luther na ang bahala.” Akala niya ay magtatalon ito sa tuwa katulad ng ibang mga bata na tinutulungan ni Luther. Kaya nga nagulat siya nang umiling ito. “Thank you na lang po. Pero marami pa naman po akong sapatos at mga damit sa bahay. Ako po kasi ang palaging binibilhan ni Nanay,” pagkukuwento nito. “Kaya gusto ko po na siya naman ang bilhan ko ng sapatos.” Mukhang matibay ang paninindigan nito kahit bata pa lang kaya hindi na pinilit pa ni Luther. Isinama na lang niya ito sa counter para bayaran ang sapatos. “Thank you po talaga, Tito Luther, ha? Siguradong matutuwa nito si Nanay. Hindi na maiiwan ang suwelas niya kapag sumakay kami ng jeep,” tuwang-tuwa nitong saad ng iabot niya rito ang paper bag. Tawang-tawa naman si Luther dahil sa pagiging bibo nito. Parang gusto tuloy niyang makita at makilala ang nanay nito. Gusto lang niyang batiin dahil sa pagkakaroon ng anak na katulad ng batang kasama niya sa mga oras na iyon. “Pasensiya na po kayo kung ito lang muna ang maibabayad ko sa inyo, ha?” Inabot nito kay Luther ang alkansiyang butas na. Nasa loob niyon ang mga barya na binilang nito kanina dahil ibinalik nila para hindi malaglag. “Saka ko na lang po kayo babayaran kapag nakaipon na po uli ako mula sa baon ko.” Natigilan siya at napakurap-kurap. Naalala niya ang sarili niya rito. Mula pagkabata ay masinop na si Luther. Mahilig siyang mag-ipon mula sa mga baon niya. Umiling siya. “Hindi naman ako naniningil, eh. Ang mabuti pa, itabi mo na lang ‘yan. Kung gusto mo, ibigay mo sa nanay mo para may dagdag sa panggastos n’yo,” nakangiting wika niya rito. “O ibili mo kapag may nagustuhan ka.” “Hindi rin po ito tatanggapin ni Nanay kasi para daw po ito sa field trip ko.” Kinuha ng batang babae ang kamay ni Luther at ibinigay ang alkansiya. “Simula po ngayon, kayo na ang bahala kay Ming-meow, ha? Maraming salamat po uli, Tito Luther.” Pumatong pa ito sa upuan na malapit sa counter at saka humalik sa pisngi niya. “Ang bait n’yo po talaga. Sana po kayo na lang ang tatay ko.” Natahimik siya bigla. Lalong binalot ng kakaibang damdamin ang puso ng binata dahil sa paghalik sa kaniya ng batang babae. Lalo na ang huling sinabi nito na animo’y humaplos sa puso niya. Sana po kayo na lang ang tatay ko. Napabuntong-hininga na lang si Luther. Binuhat niya ito at maingat na ibinaba mula sa tinutuntungan nitong upuan. “Gusto mo bang ihatid na kita? Siguradong hinahanap ka na ng nanay mo.” Akmang sasagot pa sana ito nang humahangos na dumating ang isang babae. “Gale, anak! Nandito ka lang pala. Juskong bata ka! Kanina pa kita hinahanap. Sirang-sira na ang beauty ko, tingnan mo, o. Lagot ka talaga sa nanay mo. Siguradong nabaliw na rin iyon sa paghahanap sa’yo.” Ngumiti rito ang batang babae kaya akala ni Luther ay iyon ang nanay nito. “Sorry po, Ninang Lara. Bumili lang po ako ng sapatos para kay Nanay. Pero kulang pa po ang laman ng alkansiya ko kaya natagalan po ako. ‘Buti na lang po pinautang ako ni Tito Luther.” Nakangiti na tiningala siya nito. “He’s a heaven sent.” Hindi niya alam kung bakit nakahinga siya nang maluwag nang malamang ninang lang pala ng batang babae ang dumating. Tumingin ito sa kaniya. “Pasensiya na po kayo sa—”Awtomatikong nanlaki ang mga mata nito dahil kilala pala siya nito. Muntikan pa itong atakehin sa puso na napasapo sa dibdib. “Sir Luther?!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD