“MAY mga issue ba sa operations o staffing na kailangan kong malaman?” patuloy na usisa ni Luther sa store manager ng department store sa branch ng sampung mall na pag-aari niya.
Iyon ang kauna-unahang branch ng kaniyang mall sa Quezon Province kaya iyon ang pinakamaliit at bihirang bisitahin. Dahil siya rin ang CEO o Chief Executive kaya masiyadong abala si Luther sa pangangasiwa sa pangkalahatang estratehiya at direksyon. Dahil nasa Metro Manila ang pinakamalalaking branches kaya doon na siya namalagi.
Aminado ang binata na hindi madali ang maging Owner-CEO.
Ngunit mas gusto niyang magkaroon ng kontrol sa lahat ng aspeto sa negosyo niya. Mas mabilis din siyang makagawa ng desisyon. Mas maayos. Na hindi hindi kinakailangang ikonsulta pa sa ibang tao. Mas madali rin niyang maproteksiyunan ang kaniyang interes at mga ari-arian. Natuto na siya sa mga naunang negosyo niya noon na ipinagkatiwala niya sa matalik na kaibigan ngunit nalaman niyang unti-unti na pala nitong ninanakaw ang pera niya hanggang sa tuluyang nalugi.
Higit sa lahat, mas gusto ni Luther na siya na rin ang nag-i-implement ng vision para sa kumpanya. Mas maayos at malinaw. Gusto rin niyang siguraduhin na hindi lang basta kumikita ang kaniyang negosyo kundi nabibigyan din ng kahalagahan ang mga taong nasa likod nito. Ang mga empleyado. Kaya nga kahit minimum wage lang ang sahod, bawing-bawi naman ang mga ito sa mga bonus na ibinibigay niya. Hindi lang tuwing December kundi tatlong beses pa sa isang taon.
Naranasan na rin kasi ni Luther ang maging simpleng empleyado lang kaya alam niya ang pakiramdam sa tuwing kinakapos sa pera.
Yes.
Luther started from humble beginnings, working his way up from scratch. Mula sa pagiging simpleng mangingisda ay naging tindero siya ng mga isda at gulay sa palengke. Pero nasunog ang palengkeng iyon kaya napilitan siyang maglako kung saan-saan. Pati ang pagtitinda ng fishball at kwek-kwek ay pinasok din niya noon. Ngunit lahat ng iyon ay nalugi at nawala dahil sa pagtitiwala niya sa maling tao.
Napilitan siyang mamasukan bilang contractual na empleyado sa mga mall, factory, at laboratory. Pero masiyadong maliit ang sahod para sa katulad niya na may binubuhay na kapatid noon na may autism. Bukod doon, maraming babae ang nagkakagusto sa kaniya, kahit iyong may mga asawa na. Palagi tuloy siyang napapaaway kaya nag-resign na lang siya.
Hanggang sa bumalik sa pagtitinda si Luther at iyon ay ang mga Ukay-ukay na damit na binili niya mula sa kaniyang tiyahin na nag-migrate na sa ibang bansa. At ang negosyo niyang iyon ang nagbukas ng pinto sa kung nasaan man siya ngayon.
So, that was how it was.
Luther's journey to becoming a successful mall developer was not easy. Pero dahil hindi siya sumuko kaya nagbunga rin lahat ng hirap at pagsisikap niya.
“Mayroon po kaming minor issue sa staffing, Sir. Medyo kulang po kami sa tauhan ngayong peak season , which is normal naman po kapag ganitong Ber-months na.” Napakisap si Luther nang marinig niya ang sagot na iyon ng store manager na nasa kuwarenta na. “Pero rest assured na ginagawa naman po namin ang best namin para ma-handle ang situation. Nire-rearrange po namin ang schedule ng mga tauhan at nagpo-post po kami ng job openings para makahanap ng mga bagong hire, kahit seasonal lang,” magalang na paliwanag pa nito.
Nginitian niya ito. “I understand the situation, Miss Mortel. Huwag ho kayong mag-alala. Gagawin namin ang lahat ng makakaya namin para matulungan kayo sa staffing issue. Please let me know if there's anything else you need to resolve this issue. At huwag n’yo rin ho sanang kalimutan ang mga benepisyo ng mga empleyado natin, mapa-seasonal, contractual o regular man. Kung kinakailangang dagdagan ang sahod kapag peak season, do it.”
Napangiti ang store manager. “Thank you, Sir. Napakabait n’yo ho sa mga empleyado n’yo,” sinserong wika nito.
Tapos na ang pakikipag-usap ni Luther sa mga kailangan niyang kausapin kaya hinanap niya ang kasintahang si Carmen. Nainip ito kanina kaya nagpaalam na maglibot-libot muna.
Dahil bihira lang naman siyang pumunta roon kaya mangilan-ngilan lang ang mga empleyadong nakakakilala kay Luther. Hindi rin siya katulad ng ibang mayayaman na may nakasunod na mga bodyguard kaya palagi siyang napagkakamalang normal shopper lang. Lalo na at simpleng damit lang ang mas gusto niyang isuot kapag hindi naman siya a-attend ng mahahalagang meeting o event.
Habang hinahanap ang nobya ay nakita ni Luther ang isang batang babae na nagbibilang ng barya habang nakasalampak sa sahig na nasa tindahan ng mga sapatos. Hindi niya mapigilang maaliw nang mapansin din niya ang alkansiyang nasa tabi nito na butas na.
Lumapit ang binata at saka lumuhod sa harapan nito. Agad naman nitong napansin ang presensiya niya kaya tumigil sa pagbibilang at tumingin kay Luther.
“Hi.” Nginitian niya ito. “What’s your name?”
Bahagya itong lumayo sa kaniya. “Sorry po. Pero bawal daw po akong makipag-usap sa mga stranger sabi ng Nanay ko. Nag-promise na po ako sa kaniya kanina na hindi na ako uulit.”
Lalong napangiti ang binata. “I’m Luther,” pagpapakilala niya rito para hindi ito matakot sa kaniya. “Gusto mo bang tulungan kita sa pagbibilang?”
Sandaling napatitig naman ito sa kaniya. Marahil ay naramdaman nito ang kabaitan sa boses niya kaya ngumiti rin ito sa wakas. “Salamat na lang po. Pero marami po kasi ito. Baka po mainip kayo sa pagbibilang.”
Muli siyang napangiti dahil ang cute-cute nito. “No. Hindi ako maiinip. Alam mo ba na dati akong tindero kaya sanay akong magbilang ng mga barya?”
“Talaga po?” namamanghang bulalas nito. “Ano naman po ang tinitinda n’yo dati?”
“Marami. May mga isda, gulay, prutas, damit, fishball, kwek-kwek, at kung ano-ano pa na puwedeng ibenta at pagkakakitaan ng pera.”
“Para po pala kayong si Nanay. Masipag,” nasisiyahang sagot ng batang babae. Mukhang unti-unti ng napapalagay ang loob nito sa kaniya. “At maganda rin po ang nanay ko. Matangkad, maputi. At hindi po pancit canton ang buhok niya tulad ng buhok natin,” dagdag pa nito, sabay hagikhik.
Natawa rin si Luther dahil sa sobrang pagkaaliw niya sa bata. Napansin niya na kulot din pala ang buhok nito tulad niya. Pareho ring kayumanggi ang kulay ng balat nila. At habang nakatingin siya sa mapupungay nitong mga mata, bigla na lang siyang may naramdaman na hindi niya maipaliwanag. Na para bang minsan na siyang nakipagtitigan sa mga matang iyon.
Ipinagpatuloy ng batang babae ng pagbibilang ng barya na nakakalat sa sahig.
“Five hundred twenty-seven lang pala,” malungkot nitong bulong. “Kulang.”
Ewan.
Pero bigla rin siyang nakaramdam ng lungkot sa kaniyang puso dahil sa kalungkutan na gumuhit sa inosente at maamong mukha ng batang kaharap habang nakatitig ito sa isang partikular na sapatos. Kitang-kita sa mga mata nito ang pagkagusto.
Kumunot nang bahagya ang noo ni Luther dahil hindi naman pambata ang sapatos na iyon.
“May gusto ka bang bilhin kaya binibilang mo ang pera mo?” masuyong tanong niya rito.
Tumingin ito sa kaniya at malungkot na tumango. “Ibibili ko po sana ng sapatos ang nanay ko kasi sira na po ang ginagamit niyang pamasok. Dito rin po siya nagtatrabaho sa department store.”
Lalo siyang naaliw at naantig sa kabaitan ng bata. “Ano ba ang pangalan ng Nanay mo?”
“Si Ji—”
“Naku, hindi ka pa rin pala umaalis. Sinabi ko naman sa’yo na bawal kang magkalat dito sa loob ng department store, ‘di ba?” saway ng isang saleslady at hinila patayo ang batang babae. Hindi naman ito galit at tila nag-aalala lang. Mukhang hindi nito kilala si Luther kaya hindi agad siya pinansin. “Sa bahay mo na lang bilangin iyang pera mo at bumalik ka na lang kapag umabot na iyan ng eight hundred pesos para sa sapatos na gusto mo, beh. Bawal kasi talaga dito ‘yang ginagawa mo, eh. Mananagot ako nito, eh,” dagdag pa nito at saka lang binalingan si Luther na napagkamalang customer lang, “Pasensiya na ho kayo sa abala, Sir, ha? Wala po kasing kasama itong bata nang dumating siya rito. Nangungulit at bigla na lang nagbukas ng alkansiya.”
“Sorry po, ate. Pero hindi naman po ako nangungulit, eh. Gusto ko lang naman pong ibili ng sapatos ang nanay ko,” magalang naman na depensa ng batang babae.
Magsasalita pa sana ang saleslady pero pinigilan na ito ni Luther.
“It’s okay. Ako na ang bahala sa kaniya,” nakangiting wika niya rito dahil alam niya na ginagawa lang naman nito ang trabaho. At iyon ay ang iwasang maabala ang mga namimili hangga’t maaari. “Bumalik ka na lang sa trabaho mo.”