“BASTA, behave ka lang dito, anak, ha?” malambing na pakiusap ni Jianna kay Gale nang makarating sila sa loob ng mall. Nakaupo ito sa loob ng maliit na stall ng kaibigan niya at ninang naman ng anak niya. “Huwag kang makulit at huwag magkakalat. Lalo na kapag may mga customer si Ninang Lara. Huwag din mag-play dito kasi baka masira o madumihan ang mga damit na paninda ni Ninang.”
Nakangiti na tumango sa kaniya si Gale. “Okay po, Nanay. Don’t worry about me po. Hindi po ako magpapasaway kay Ninang Lara para hindi masira ang beauty niya.”
“Naku, matagal ng sira ang beauty ni Ninang kaya huwag mo na akong bolahin pa,” sabat naman ng kaibigan ni Jianna habang nag-aayos ito ng mga paninda. Bukod kay Nana Olyn, si Ninang Lara ang pinagkakatiwalaan niya pagdating kay Gale.
Nangungupahan ito sa katabing apartment nila pero madalas na sumabay sa nobyo na security guard naman sa mall na iyon. Si Ninang Lara din ang naging katuwang ni Jianna noong unang dating niya sa apartment at ipinagbubuntis pa lang niya si Gale. Hanggang sa naging matalik na magkaibigan sila at naging pangalawang ina sa anak niya.
“Anong sira ka diyan? Ang ganda-ganda mo kaya. Look at you. Kamukha mo nga si Emma Tiglao, eh,” puri niya sa kaibigan.
“Emma Tiglao o Emma’ng Natuklaw?” Inirapan sila nito kunwari. “Itong conyo na mag-ina na ‘to. Kung hindi ko lang kayo love, kanina ko pa kayo kinurot sa singit. Pareho kayong bolera, eh.”
Nagtawanan lang silang tatlo.
Kapagkuwan ay napatingin si Jianna sa suot na relo at saka muling tumingin kay Ninang Lara. “Basta ikaw na muna ang bahala sa kaniya, ha? Pupuntahan ko siya mamaya kapag break time ko na. Pasensiya ka na rin sa abala.” Niyakap niya ito. “Thank you talaga. Hinding-hindi ko makakalimutan lahat ng kabutihan mo sa’min, bestie. Promise, babawi ako sa’yo.”
“Sus, kung makapag-emote ka naman diyan. Para kang others.” Natatawa lang na kumalas ito sa kaniya. “Basta love na love ko kayo niyang anak mo kahit hindi ako makasakay sa pagiging conyo n’yo kung minsan.”
Natawa rin si Jianna. “Love na love ka rin namin. ‘Di ba, anak? Love natin si Ninang?” baling niya sa anak na agad namang yumapos sa itinuturing na pangalawang ina bukod kay Nana Olyn.
“Opo, Ninang. Love na love po kita.”
“Bago pa man tayo makabuo ng teleserye dito, pumasok ka na,” pagtataboy sa kaniya ni Ninang Lara. Bagaman at halata namang naantig ito sa kanila. Hindi lang talaga ito kagaya ni Jianna na masiyadong ma-drama. “Bawal kang ma-late at may usap-usapan na ngayong araw daw magsu-surprise visit dito ang may-ari nitong mall.”
“Ha? Totoo?”
Sa dalawang taon na pagtatrabaho ni Jianna sa nasabing mall bilang saleslady ay naging regular na rin siya. Pero kahit minsan ay hindi pa niya nakita o nakilala ang may-ari niyon. Bihira daw kasi itong pumunta roon. Ang sabi ng mga katrabaho niya, binata at guwapo raw iyon kaya naman talagang inaabangan ng lahat kapag bumibisita. Lalo na ng mga bakla at babaeng empleyado.
At aminado si Jianna na na-excite din siyang makilala sa wakas ang may-ari ng pinapasukan niya.
“Pero huwag kang mag-alala dahil ubod ng bait naman iyon. Medyo… babaero nga lang daw at magaling sa kama. Ang guwapo nga naman kasi,” bulong lang sa kaniya ni Ninang Lara para hindi iyon marinig ni Gale.
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang pinamulahan ng mukha at isang bahagi ng kaniyang nakaraan ang aksidenteng sumagi sa isipan niya. Ngunit agad din niyang iwinaglit iyon.
“Sige na, pasok na ako bago pa ako maabutan dito ng big boss natin. Naka-uniform pa naman ako,” paalam niya sa kaibigan bago muling hinarap ang anak. Inayos pa niya ang buhok nito at saka hinaplos ang makinis na pisngi kahit morena ito dahil minana sa ama. "Sorry dahil kailangan kang iwan dito ni Nanay. Alam mo naman na bawal kitang dalhin sa loob ng department store, ‘di ba?” Sa parteng iyon ng mall nagtatrabaho si Jianna.
“Opo, Nanay. Don’t forget to smile lang po palagi para maraming customer po ang bibili, ha?” Sinapo pa ni Gale ang buong mukha niya at ngumiti ito nang ubod ng tamis.
Ginaya naman niya ang matamis nitong ngiti. “Smile lang tayo palagi, anak. Para palaging…”
“Masaya ang buhay!” dugtong naman nito na ikinangiti lang nila ng kaibigan niya.
Kuhang-kuha talaga ni Gale ang pagiging bibo ng ama nito. Kahit nahihirapan na, masaya pa rin. Pati ang kulay ng balat at pagiging kulot ay namana rin nito. Pero bukod doon, halos lahat naman ng mga katangian ng kaniyang anak ay nakuha nito kay Jianna. Lalo na sa pisikal na katangian.
Nag-iwan siya ng pera kay Ninang Lara para pang-merienda ng mga ito, kahit pa nga todo tanggi ang kaibigan niya, bago tuluyang nagpaalam si Jianna. Walong oras ang duty niya sa mall na iyon. May twenty minutes break siya sa umaga at hapon. Isang oras naman sa lunch break. Tuwing Linggo naman ang day off niya. Hiniling niya talaga iyon sa mabait na manager niya para bonding time nilang mag-ina.
Kahit minimum wage lang siya sa trabahong iyon, kahit papaano ay napagkakasya naman ni Jianna ang sahod niya sa kinsenas at katapusan dahil pinag-aralan niyang mabuti ang tamang pagba-budget. Bukod doon, galante naman ang may-ari ng mall. Tatlong beses ito kung magbigay ng bonus sa lahat ng mga empleyado. Hindi lang tuwing December kung mamigay ng pamasko. Marami rin silang benefits na nakukuha na malaking tulong din sa pamumuhay nilang mag-ina.
Kapag may libreng oras, nag-o-online affiliates naman si Jianna para may dagdag kita siya. Mga produkto lang naman at hindi kailangang ipakita ang mukha kapag nag-po-promote siya kaya okay lang. Hindi man kalakihan pero kahit papaano ay nakakatulong iyon para makabawas sa mga gastusin nilang mag-ina. Kapag mahaba-haba ang oras niya at sinuwerte siya, nakakapag-ipon siya ng pambayad niya kay Nana Olyn sa loob ng isang buwan.
Mahirap ang maging single mom, oo.
Pero para kay Gale, gagawin ni Jianna ang lahat, mabigyan lang niya ito ng magandang buhay na hindi kailangang maranasan ang mga naranasan niya noon sa piling ng sariling ama.
Nanikip ang dibdib niya sa pagkaalala sa kaniyang nakaraan kaya agad niya iyong iwinaksi sa isipan nang makarating siya sa kaniyang puwesto. Sa tindahan ng mga pabango.
“Good morning, Jianna,” pa-cute na bati sa kaniya ng kasamahan niyang si Vincent. Twenty-two years old lang ito at mas bata ng limang taon sa kaniya pero panay pa rin ang pa-cute kahit alam na may anak na siya. “Ang ganda mo naman ngayon.”
Sabagay, halos lahat naman yata ng lalaki sa mall na iyon ay humahanga sa kagandahang taglay ni Jianna kahit hindi naman lingid sa lahat ang pagiging single mom niya. Mga mata pa nga lang daw niya kasi ay nakakagiliw nang tingnan. Parang may kakaibang spark daw na mahirap iwasan. Idagdag pa ang itim na itim at mahabang buhok niya na bagsak na bagsak pa. Daig pa raw niya ang modelo sa isang fashion magazine. Matangkad, maputi, at makinis ang balat. Kaya nga marami ang nagsasabi na hindi raw bagay sa kaniya ang maging empleyado lang. Mas bagay daw sa kaniya ang maging asawa o tagapamagmana ng mall na iyon.
Pero wala ng balak pa na mag-asawa o magnobyo pa uli si Jianna kaya hindi na lang niya sineseryoso ang mga lalaking nanliligaw sa kaniya. Hindi naman siya likas na masungit kaya dinadaan na lang niya sa biro ang pambabasted niya sa mga ito.
“Araw-araw naman akong maganda, Vincent. Pero mas maganda pa rin si Cathy, ‘di ba?” tukso niya rito at sa isa pa nilang katrabaho na may gusto naman sa binata. “Bagay talaga kayo.”
Napakamot na lang ito sa ulo.
Si Jianna naman ay nag-umpisa nang magtrabaho. Excited na siyang mag-breaktime para makasama na uli niya ang anak.