SWEET CHILD

1436 Words
“NANAY, ano po ang ginagawa n’yo?” inosenteng tanong ng limang taong gulang na anak ni Jianna na si Gale nang lapitan siya nito. Yakap-yakap nito ang maliit na manika. Sandaling itinigil ni Jianna ang ginagawa at nakangiti na tumingin sa anak. “Nilalagyan ko ng shoe glue ang sapatos ko, anak. Sira na kasi, eh.” “Bakit hindi na lang po kayo bumili ng bagong shoes, Nanay?” Malungkot na tiningnan nito ang sapatos niya. “Kawawa naman po kayo. Baka maiwan na naman ‘yan kapag sumakay po tayo ng jeep.” Hindi niya mapigilang matawa nang maalaala niya ang sinasabi ni Gale. Noong nakaraang taon pa nang masira din ang isang sapatos niya at naiwan ang suwelas niyon pagsakay nila ng jeep. Ang talas talaga ng memorya ng anak niya. Nakangiti pa rin na sinapo ni Jianna ang maliit na mukha nito. “Wala pang sahod si Nanay kaya wala pa akong pambili, anak. At saka isa pa, maayos pa naman ‘tong sapatos ko. Natanggal lang talaga sa dikit.” Idiniin niya ang pagkakadikit niyon at saka ipinakita sa anak. “See? Wala ng sira! Hindi na ito maiiwan sa pagsakay natin ng jeep mamaya.” “Oo nga po! Ang galing talaga ng nanay ko!” namamanghang bulalas ni Gale habang nakatitig sa hawak niyang sapatos. “Ako na po ang magsusuot niyan sa inyo, Nanay,” prisinta nito nang makitang yumukod siya para magsuot na ng sapatos. "Para hindi po magusot ang uniform n'yo." Awtomatikong namasa ang mga mata ni Jianna habang pinapanood ang kaniyang anak na isinusuot sa paa niya ang kaniyang itim na sapatos. Limang taon pa lang ito pero ang dami ng alam sa buhay. Bukod sa pagiging ubod ng bait, magalang, malambing at matalino ay responsableng bata na si Gale sa murang edad nito. Marami nga ang naaaliw sa anak niya dahil parang matanda na raw kung kumilos at magsalita. Ganoon kasi ito pinalaki ni Jianna. Para kahit single mom siya at wala silang ibang kasama sa buhay, hindi maramdaman ng kaniyang anak na may kulang sa pagkatao nito. Na masaya sila kahit silang dalawa lang. Unti-unti na rin niya itong iminulat sa realidad ng buhay. Hindi siya ang tipo ng ina na nagtatago ng sikreto sa anak. Hangga’t maaari, sinasabi niya kay Gale ang totoo para lumaki itong matapang at malakas ang loob. “Okay na po, Nanay!” kapagkuwan ay bulalas ni Gale. Pinunasan pa nito ng pampakintab ang sapatos niya kaya naman lalong namasa ang mga mata ni Jianna sa kabila ng ngiti na nakasilay sa kaniyang mga labi. “Tara na po at baka ma-late na po kayo sa trabaho n’yo. Mababawasan po ang sahod n’yo.” “Ikaw talaga. Ang dami mong alam.” Bahagyang ginulo ni Jianna ang buhok nito bago siya lumuhod sa harapan nito. “Basta behave ka lang mamaya sa mall, ha? Hindi pa raw kasi magaling si Nana Olyn kaya walang magbabantay sa’yo dito.” Ang kasambahay nila ang tinutukoy niya na siyang nagbabantay at nag-aalaga kay Gale kapag nasa trabaho siya. Mabait at mapagkatiwalaan naman ang kuwarenta anyos na si Nana Olyn at tatlong taon ng naninilbihan sa kanila kaya kampante si Jianna na ipagkatiwala rito si Gale kapag nasa trabaho siya. Si Nana Olyn na rin ang naghahatid-sundo sa anak niya simula nang pumasok ito mula Daycare hanggang ngayon na Kindergarten na ito. Pero nagkasakit ang matanda kaya umuwi muna sa bahay nito na katabing barangay lang naman nila. Mabuti na lang at nagkataon na Sabado kaya walang pasok ang anak niya. Dahil isang beses lang ang day off ni Jianna kaya minsan, si Nana Olyn na rin ang dumadalo kapag may mga meeting sa eskuwelahan. Gayon man, ginagawa naman niya ang lahat para magampanan pa rin niya ang pagiging magulang kay Gale, hindi lang sa pinansiyal na pangangailangan. Kaya minsan, nakikipagpalitan siya ng day off sa mga katrabaho niya kapag may mahalagang event sa eskuwelahan, tulad na lang ng Family Day. Mabuti na lang at maayos ang pagpapalaki niya kay Gale at naiintindihan siya nito. Ni minsan ay hindi man lang ito nagtampo sa kaniya dahil sa mga pagkukulang niya. “Promise po, Nanay. Magbe-behave po ako mamaya.” Itinaas pa ni Gale ang kanang kamay nito. “Hindi po ako magpapasaway para hindi po sumakit ang ulo n’yo.” “Hmmm. Ang bait-bait talaga ng anak ko.” Nasisiyahan na pinanggigilan ni Jianna ang pisngi nito at saka pinapak ng halik. “Let’s go na? Baka ma-late si Nanay. Wala tayong pang-Jollibee sa sahod ko.” “Oo nga po, nanay. Nami-miss ko na po ang Chicken Joy!” Pagkatapos siguruhing nakasara na ang mga bintana at pinto ng inuupahang apartment at nakasara na rin ang tangke ng gasul ay hinila na ni Jianna si Gale palabas. Kumunot ang kaniyang noo nang mapansin niya ang alkansiyang pusa na yakap-yakap nito. “Bakit dala-dala mo iyang alkansiya mo, anak?” “Kakatayin ko na po si Ming-meow, Nanay. Para may pambili na po kayo ng sapatos.” Naaantig ang puso na sinapo niya ang kanang pisngi nito. “Pero, anak… iniipon mo iyan para may baon ka sa field trip n’yo next month. Akala ko ba gusto mong mag-Ride All You Can sa Enchanted Kingdom?” “Ayaw ko na po pala no’n, Nanay. Nakakahilo daw po ‘yon sabi ni Nana Olyn kaya ibibili ko na lang po kayo ng sapatos. Advance Christmas gift ko po sa inyo." “Pero pera mo iyan. Ipon mo iyan galing sa baon mo kaya para sa’yo iyan, okay?” Masuyong kinuha ni Jianna ang alkansiya sa kamay ng anak at ipinatong sa lamesita. Pagkatapos ay kinuha na niya ang susi na nakasabit at muling hinila ang anak. Napansin niya na parang may itinatago ito sa kabilang kamay ngunit hindi na lamang niya pinansin dahil napatingin siya sa orasan kaya nagmadali na sila. “NANAY, ang pogi po ng lalaki, o. Mukha rin siyang mabait kasi tinulungan po niya si Lola sa pagbaba kanina. Binigyan pa po niya ng pagkain at pera,” bulong sa kaniya ni Gale habang nakasakay na sila sa jeep papunta sa mall na pinagtatrabahuan ni Jianna bilang saleslady. “Bagay na bagay po kayo, Nanay. Boto na po ako sa kaniya kapag siya ang naging boyfriend n’yo at saka tatay ko.” Pasimpleng pinandilatan ni Jianna sa Gale pagkatapos niyang marinig ito. Hindi naman ito kumontra at napahagikhik lang. Bukod sa magagandang katangiang nabanggit, likas na pilya rin ang kaniyang anak. Palibhasa alam nito ang totoong kuwento ni Jianna at ng ama nito at dahilan kung bakit lumaki ito na walang ama dahil isa iyon sa mga hindi niya inilihim, palagi siya nitong sinasabihan na magnobyo o kaya ay mag-asawa na raw siya para may makakatuwang na raw siya at magkaroon naman ito ng tatay. Halos lahat ng mga lalaking sa tingin ni Gale ay mabait, inirereto nito sa ina. Minsan nga ay nakikipagkaibigan pa ito sa mga lalaking natitipuhan para kay Jianna para lang malaman kung pasado ba o hindi. Sa ganoong mga pangyayari napapagalitan ni Jianna si Gale. “Anak, ilang beses ko bang sabihin sa’yo na hindi mahalaga ang hitsura pagdating sa pagpili ng lalaki? Tama na nakita mong mabait siya at matulungin. Pero hangga’t hindi mo pa lubos na kilala ang isang tao, huwag ka agad magtitiwala. At mas lalong huwag na huwag kang makipag-usap o kahit lumapit man lang sa mga stranger. Paulit-ulit ng sinasabi iyon ni Nanay, ‘di ba? Dahil ayokong mapahamak ka,” pabulong at malumanay na paliwanag niya sa anak. “At saka isa pa, masiyado ka pang bata para sa gano’ng bagay. Hindi mo pa dapat pinapakialaman ‘yon. Si nanay na ang bahala do’n.” Magalang naman itong tumango. “Sorry po, Nanay. Gusto ko lang naman po na may makatulong na kayo sa pag-aalaga sa’kin kasi hirap na hirap na po kayo sa pagtatrabaho. At para maging masaya na rin po kayo.” Pakiramdam ni Jianna ay natunaw ang kaniyang puso sa narinig. “Anak, gusto kong malaman mo na hindi ako nahihirapan sa pag-aalaga sa’yo dahil napakabait mong bata. At masaya ako kahit tayong dalawa lang ang magkasama sa buhay kaya wala ng balak mag-boyfriend o mag-asawa si Nanay. I have you and I don’t need anyone else. You’re my everything, sweetie.” Puno ng emosyon ang kaniyang mga mata na sinapo niya ang mukha ni Gale at saka ito nginitian. “I love you, anak.” “I love you too po, Nanay.” Tila naglalambing naman na yumapos ito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD