TOTOO nga ang sinabi ni Sir Charles na kinabukasan ko na mararamdaman ang tama ng wine na ininom ko.
Hindi ako nakabangon pagkagising ko kinabukasan dahil sa bigat ng pakiramdam ko; masakit masyado sa ulo at parang gusto ko na lang matulog nang matulog. Paano kasi ang dami ko rin nainom kagabi, pero hindi naman ako nakaramdam ng pagkalasing, sarap na sarap pa nga ako sa lasa ng wine. Pero ngayon, ramdam na ramdam ko na ang epekto. Iba ang tama ng lintik na wine na ’yon, ibang klase, kung gaano ito kamahal ay gano’n naman kalakas ng tama kapag nainom, parang traydor dahil kinabukasan mo na talaga mararamdaman ang epekto.
“Hays. Napakatraydor talaga ng wine na ’yon, parang kumikirot pa rin ang ulo ko,” nakasimangot kong reklamo habang nagkakape na rito sa kitchen kasama si Greta at Ben na parang tulala pa, tulad ko ay parang mga hangover pa rin. Lutang na lutang ang kanilang mga hitsura at parang pulang-pula pa ang mga mata.
Hapon na at ngayon lang talaga kami nakabangon, kahit papaano ay nahimasmasan naman ako nang makaligo, pero kumikirot pa rin talaga ang ulo ko.
“Gret, patimpla naman ako ng kape, oh.” Si Jeg na kakapasok lang at napapahikab itong naupo sa tabi ko.
“Sapak gusto mo? Ang lakas ng loob mong utusan ako kahit may sarili ka namang mga kamay at paa,” asik na sagot ni Greta na sumama pa ang tingin kay Jeg.
Sumimangot naman si Jeg at tumingin sa akin. “Ikaw na lang, beautiful Hazel. Pahingi ng kape, ipagtimpla mo ako with milk.”
Umismid ako. “Huwag mo akong utuin, hindi uubra sa akin ’yan. Magkusa ka na lang magtimpla kung gusto mo ng kape, wala kang alipin dito.”
Napakamot na lang ito sa ulo at tumayo na lang para magtimpla.
Tahimik kaming nagkape na parang may mga sariling mundo, dahil pare-pareho lang naman kaming tulala.
Hanggang sa pumasok si Sir Charles at isang bote ng maliit na inumin ang nilapag sa harap ko. “Inumin mo ’yan para mawala ang hangover mo.”
Para naman akong natauhan at agad na napaangat ng tingin dito.
“Kami, sir, saan ang amin?” hirit ni Ben na parang saka lang nagising sa pagkatulala.
“Tsk. Asa ka pa, alam mong kay Hazel lang concern ’yang si sir,” agad pagkontra ni Greta.
Pero hindi na sila pinansin pa ni Sir Charles at sa akin lang ito nakatingin. Hanggang sa kinapa na lang nito bigla ang noo at leeg ko na para bang tinitingnan kung mainit ako o kaya may lagnat.
“Sumunod ka sa akin pagkatapos mo, may pag-uusapan tayo,” bilin nito sa akin bago lumabas na ng kitchen.
Oo nga pala, hindi ako nakasunod sa kanya kagabi kaya hindi ko pa alam kung ano ang pag-uusapan namin.
“Ibang klase rin talaga ’yang si Sir Charles ah. Ang unfair, si Hazel lang ang binigyan ng hangover drinks, tayo wala,” pagsimangot ni Ben na umiling-iling pa bago humigop muli sa kanyang kape.
Napaasik naman si Greta. “Bakit sino ka ba para bigyan niya? Eh tauhan lang naman tayo na sumusunod sa mga utos niya kapag wala si Boss. Si Hazel naman ang kanang kamay niya with love, kaya ’di na nakapagtataka kung bakit kay Hazel siya lagi nag-aalala, kasi nga mahal na mahal niya ’yan. Tama ba, Hazel? Aminin mo.”
Umarko ang kilay ko. Napunta na ang tingin nilang tatlo sa akin.
“Talaga? May relasyon kayo ni Sir Charles?” sabay na tanong sa akin ni Ben at Jeg na parang gulat na gulat.
Napaasik na ako at tumayo na. “Hays. Ang dudumi ng mga utak ninyo. Wala! Wala kaming relasyon! Oh sige, sa inyo na lang ’yang drinks. Inumin niyo na lang para malinisan ang madumi ninyong pag-iisip!” inis kong sagot at nilapag na lang sa harap nila ang drinks bago lumabas na ng kitchen.
Nakakainis talaga itong si Greta, parang lahat lahat na lang napapansin. Samantalang gano'n naman talaga si Sir Charles makitungo sa akin. Palibhasa kasi seryoso lagi pagdating sa kanila.
Paglabas ko ng kitchen ay agad akong dumiretso sa kuwarto ni Sir Charles at kumatok. Pero katok ako nang katok wala namang sumasagot. At nang buksan ko ang pinto at pumasok na sa loob ay wala palang katao-tao. Kaya naman lumabas na lang ako ng mansyon. Saka ko lang nakita si Sir Charles na nakatayo malapit sa pampang at parang may kausap sa phone.
Lumapit na lang ako at tahimik na huminto mga isang dipa ang layo. Hinintay ko na lang itong matapos sa kanyang kausap.
“Hazel.” Hinarap na ako nito matapos makipag-usap sa phone.
“Sir, ano po pala ang sasabihin niyo sa akin? Pasensya na at nakalimutan kong puntahan kayo sa kuwarto kagabi, nakatulog na kasi ako.”
He looked at me. “May misyon na binigay sa iyo si Boss.”
Napasinghap ako bigla sa narinig. Parang akong nabuhayan bigla. “Talaga? Ano ’yon, sir? Anong misyon ang binigay sa akin ni Boss?”
Pero imbes na sagutin ang tanong ko ay nilampasan na ako ni Sir Charles.
“Follow me. Let's talk in the room.”
Kaya naman sumunod na lang ako.
Pumasok kami muli ng mansyon at dumiretso sa isang room. Pagkapasok namin ng room ay binuksan ni Sir Charles ang kanyang laptop at pinapanood sa akin ang isang video galing sa Ruthless Game.
“Panoorin mo nang mabuti kung paano siya makipaglaban, at sabihin mo sa akin kung kaya mo bang talunin ang isang tulad niya.”
Pinagmasdan ko naman ang galaw ng dalawang lalaking nakamaskara sa video. Parehong magaling sa pakikipaglaban, pero hindi nagtagal at nanalo ang naka-ninja outfit.
“So ano, kaya mo bang talunin ang lalaking ’yan? Hindi ako puwede sa kanya dahil mataas ang ranggo ko sa RG, at ipinagbabawal na ng majesty ang makipaglaban sa hindi ka-level. Pero ikaw puwede dahil bago ka pa lang, pareho kayong isang taon pa lang bilang myembro ng laro. Kaya naman ikaw na muna ang tumalo sa lalaking ’yan. Pero kung sa tingin mo hindi mo kaya, then ibibigay ko na lang kay Greta—”
“No, sir, kayang-kaya ko siyang talunin. Kahit dalawa pa na ganiyan kagaling, kayang-kaya ko!”
Napatitig na sa akin si Sir Charles. Hanggang sa isang black envelope na ang inabot nito. Nang buksan ko ay nagliwanag ang mukha ko nang makitang RG invitation card ang bumungad sa akin.
“Kill him in RG fight next week. Tatlong laro pa lang ang naipapanalo niya, pero alam kong kayang-kaya mo siyang talunin. That’s your mission, Red Parrot.”
Napangisi na ako at agad na sumaludo. “I will, sir! Makakaasa ka na mapagtatagumpayan ko ang misyon na ’to! Hinding-hindi kita bibiguin kay Boss!”
Napangiti na si Si Charles. “That’s my Hazel, wala nang kinatatakutan pa.” Ginulo-gulo nito ang buhok ko bago nilapit ang mukha sa akin. “Pasyal tayo gusto mo?” aya nito sa akin.
“Saan naman, sir?”
“Kahit saan mo gusto.”
Na-excite naman ako at agad na tumango. “Sige! Ngayon na ba?”
“Hindi, bukas na lang kapag wala ka nang hangover,” ngising sagot sa akin at pinisil pa ang dulo ng ilong ko bago pumasok ng bathroom.
Napasimangot na lang ako. Pero nang mapatingin sa hawak kong invitation ay agad din napangiti.
Sa wakas, may access na ako para makapasok sa RG.
Mukhang kailangan ko yata magsanay muna sa loob ng one week. Mas mabuti na ang sigurado kaysa and umuwing baldado.
KINABUKASAN, umalis na kami ni Sir Charles ng private island at pumunta naman sa kabilang Isla, ang L.A. Island kung saan ang hideout ng aming grupo. Ang isla kasi kung saan ikinasal sina boss ay private island ’yon na tanging kami lang na pinagkakatiwalaan niya ang may access na pumasok, gano’n kahigpit si boss, hindi basta-basta ito nagtitiwala kung kani-kanino, at isa pa ang hindi pagpapakita sa kaniyang mukha kahit sa kaniyang mga tauhan. Kaya kami lang talaga na mga loyal sa kaniya ang tanging nakakakilala sa kanyang tunay na anyo.
Pagdating namin ni Sir Charles sa hideout naming isla ay saglit lang kami at umalis din kami agad dahil ipapasyal niya na raw ako. Excited naman ako kasi libre niya. Well, sa limang taon na naming pagsasama bilang isang grupo ay sanay na ako sa kanya. Si Sir Charles ang tipo na seryoso pagdating sa trabaho, pero mabait naman, hindi nga lang ito pala-kwento. Pero sanay na rin naman ako sa kanya, katunayan nga ay Charles minsan ang pagtawag ko sa kaniya kapag wala kami sa Isla at kaming dalawa lang; iyon din kasi ang gusto niya, ang tawagin ko siya sa kanyang pangalan kapag kami lang dalawa.
“Sir, ang dami na nitong nabili mo sa akin. Baka hindi ko ’to mabayaran lahat,” wika ko habang kumakain kami.
Nasa isang fancy restaurant na kami rito sa Makati at kasalukuyan nang kumakain ng lunch dahil tapos na niya akong ipag-shopping, at talagang napakarami ng kanyang binili sa akin, puro mga mamahalin pa.
“Ikaw talaga, sinabi ko bang bayaran mo ’yan? Regalo ko ’yan sa ’yo kasi magaling kang makipaglaban, at alam kong mapagtatagumpayan mo ang misyon na binigay sa ’yo ni Boss.”
Napangiti ako. “Salamat, sir. Talagang ang laki ng tiwala mo sa akin kahit hindi naman ako kasing galing mo.”
He just smiled. “Tsk. Kumain ka na nga lang, baka ma-late pa ako sa flight ko.”
“Flight? What do you mean, sir?” Nangunot na ang noo ko.
“May mission din na binigay sa akin si Boss, pero nasa Budapest nga lang. Kaya kailangan kong umalis. Baka next week pa ang balik ko. Basta tawagan mo na lang ako kung may problema.”
Napaawang na lang ang labi ko. Hindi ako makapaniwala. So kaya naman pala ipinasyal niya ako kasi aalis na naman siya ng bansa.
Kaya naman pagkatapos naming mag-lunch ay dumiretso na nga kami ng airport dahil 30 minutes na lang pala at flight na niya.
“Mag-iingat ka sana sa misyon mo sa Budapest, sir. Tawagan mo rin ako kung may problema, pupuntahan agad kita kahit sa Budapest pa ’yan.”
Napangiti si Sir Charles at ginulo-gulo pa ang buhok ko. “I will. Drive safe, okay?”
Ngumiti ako at tumango.
Hinintay ko pang makalipad ang eroplano na kanyang sinakyan bago ako umalis ng airport.
Mag-isa akong nagmaneho pauwi gamit ang kanyang kotse. Pero imbes na umuwi sa mansyon ni Sir Charles ay mas pinili kong dumiretso sa isang lugar na gusto kong puntahan.
Around 2PM nang dumating ako sa isang grade school. Hininto ko ang kotse ko sa labas ng campus at nanatili sa loob ng kotse.
Oras ang hinihintay ko bago ko nakita na nagsilabasan na ang mga batang estudyante. Dali-dali ko nang sinuot ang sunglasses at binalot ng scarf ang ulo ko.
Pero pagbaba na pagbaba ko pa lang sa kotse ay bigla nang may huminto na isang red Rolls-Royce La Rose Noire Droptail sa mismong harap ng gate ng school, at kasunod nito ang tatlo pang itim na kotse.
Mabilis na lang akong tumagilid ng tayo sa tabi ng kotse ko at kinuha ang phone ko bago nilagay sa aking tainga para hindi ako mapaghalataan.
Pero hindi nagtagal, isang maliit na boses na ang narinig ko.
“Daddy!”
Bigla na lang lumakas ang pintig ng puso ko nang marinig ang munting boses na ’yon. Parang humapdi bigla ang sulok ng mga mata ko, pero gayunpaman ay nanatili pa rin ako sa aking kinatatayuan habang hawak pa rin ang phone at nakalagay sa tainga ko.
Pero mula sa dulo ng mata ko ay kitang-kita ko ang anak ko na agad na lumapit sa kanyang ama at pinakita ang braso.
“Daddy, look! I have five stars! Nasagot ko ang mga questions ni teacher!”
“Wow! Daddy is so proud of you, my dear princess!” Binuhat na ito ng kaniyang ama at hinalikan pa sa pisngi.
“Ang galing ko ’di ba, daddy?”
“Yes, of course! You are my daughter, manang-mana sa daddy na magaling sa lahat!”
Rinig ko ang munting bungisngis ng anak ko. Kaya kahit naluluha ako ay hindi ko mapigilan ang tipid na mapangiti. I missed my daughter so much.
“I want ice cream, Daddy!”
“Again? Inuubo ka na nga, sweetheart. Iba na lang kaya? How about, uhm . . . a cake? Or something not too sweet.”
“No! I want ice cream! Please, Daddy! Please!”
“Okay, fine. But promise me first, na two weeks muna bago ka kakain ulit ng ice cream.”
“I promise po, Daddy!”
“Okay! Let’s buy ice cream then.”
“Yehey!”
Humigpit na lang ang hawak ko sa phone at pumasok na muli sa kotse nang makitang ipinasok na nito ang anak ko sa kaniyang kotse.
Sumunod ako sa kanilang hulihan, pero sinimplehan ko lang para hindi ako mahalata.
Hanggang sa ang aking pagsunod ay dinala ako sa isang park kung saan maraming mga tao.
Mas malala pa ako sa magnanakaw na nakasilip lang habang nakakubli sa isang halaman na nasa loob ng park.
Mula sa aking puwesto ay kitang-kita ko ang anak ko na nakaupo sa wooden bench chair at kumakain na ng ice cream habang gumagalaw-galaw pa ang mga nakalambitin na paa na para bang kumportableng-kumportable sa pagkakaupo at sarap na sarap sa kinakaing ice cream. Parang may kung ano pa itong sinasabi sa ama, pero hindi ko marinig dahil malayo ang puwesto ko.
Hindi ako makalapit dahil bukod sa kasama nito ang demonyong ama ay marami pang mga tauhan na nakabantay sa paligid.
Kumuyom na lang ang kamao ko nang mapatingin sa ama nito na nakaupo sa tabi nito.
“Maghintay ka lang, Tredius. Mapapatay rin kitang hayop ka, at mababawi ko rin ang anak ko mula sa ’yo.”