“MAGHAHANDA na ako ng isusuot. Sisiguraduhin kong magiging diyosa ako sa launching ng Buena-Can!”
“Ako nga, kinontak ko na ang kaibigan kong designer. Siyempre hindi ako papatalo! Minsan lang ako makakaranas ng launching party sa edad kong ito at sa dami ng kompaniyang napasukan ko.”
Iyon ang naabutan kong pinag-uusapan nina Ate Mitch at ng isa ko pang officemate na si Ate Karina. Nasa pantry sila at nagkakape. Kinse minutos pa bago mag alas nueve.
“Good morning, girls!”
“Uy, Solde, good morning! Nauna ako sa’yo ngayon dumating. At dala ko na ang promise ko sa’yo na potato salad!”
“Talaga, Ate? Naku, tamang-tama! Tinanghali kasi ako kaya hindi na nakapag-prepare ng baon.”
“Marami ‘yong ginawa ko. Mamigay rin tayo sa iba.”
“Sige, Ate. Good ‘yan!”
“Solde, ikaw ba naghahanda na rin ng susuotin sa launching?” tanong sa akin ni Karina. Taga itaas din siya at isa sa pinakamasipag mag-overtime.
“Ah… hindi pa. Pero meron naman akong mga damit na pang formal occasion. Hindi na siguro ako bibili ng bago tutal isang gabi lang naman.”
Tumango si Karina. “Pero dapat bongga rin ang attire nating mga empleyado sa kasal ng boss natin,” sabi niya dahilan para matigilan ako.
“Wow, ha! Invited ka, Karing?” natatawang tanong ni Ate Mitch. “Bakit naman tayo pupunta pa sa kasal ni Sir Xavi? Trabahador lang tayo.”
“Exactly! Saka sinabi ni Mr. Candelaria na invited tayo lahat at isa raw siya sa principal sponsors.”
“Kahit sponsor si Mr. Candelaria, awkward pa rin na pupunta tayo e, hindi naman tayo kamag-anak ng mga ikakasal. At kahit empleyado tayo, paano naman kung ayaw ni Sir Xavi? Parang hindi nga siya komportable kahapon noong binabati natin siya sa kasal niya. Baka private wedding ang balak nila na binuking ni Mr. Candelaria. At isa pa ‘yong bride? Malay mo kung masama ang ugali ng babae at ayaw ng may ibang tao sa kasal nila ni Sir?”
“Malalaman naman natin ‘yan kapag may date na. Basta kapag pwede, go tayong lahat. Lalo na ikaw Solde dahil ikaw ang pambato namin dito sa Buena-Can!” turo sa akin ni Karina bago sumimsim sa mug ng kape niya.
Napangiti na lang ako. I didn’t have to voice out my feelings on that. Pero ngayon pa lang ay nakakatiyak na ako na hindi ako pupunta kung sakali mang imbitahin kami ni Sir Xavi sa kasal nito.
Alas dies na ng umaga kaya akala ko ay hindi na daraan si Sir Xavi. Pagdating ay tuloy-tuloy siyang naglakad papasok ng kaniyang opisina. Hindi ko alam kung maghapon ba ulit siya rito sa main o pupunta siya sa warehouse. Kung ako ang papipiliin, mas gusto kong wala siya.
“Solde, can you give me a few minutes?"
Nagulat ako nang tumigil si Sir Xavi sa harap ng mesa ko paglabas nito ng office. Tumayo ako at tumango.
"May ipapakuha ako sa’yo, pero nasa kotse. Sunod ka na lang?”
Isang maiksing tango ulit ang tugon ko. “S-sige, Sir, susunod po ako.”
Naghihintay siya sa akin sa ibaba ng hagdan nang lumabas ako. Hindi ko na naman napigilan ang pagkalampag sa dibdib ko. This is what I don’t like whenever he’s around. Ayoko ng epekto niya sa akin.
Pagdating sa ibaba ay sabay na kaming naglakad papunta sa kinapaparadahan ng kaniyang kotse. Napansin kong wala ulit si Kuya Boy kaya hindi ko na napigilang magtanong.
“Nag-resign na ba ang driver mo? Noong isang araw ko pa hindi napapansin si Kuya Boy.”
“No. Pinagpapahinga ko muna siya. Lagi kasing dumadaing ng sakit ng katawan.” He unlocked and then opened the compartment of his car. Nanatili lang ako sa gilid at hinayaan siya sa ginagawa.
“Bakit hindi siya magpa-check sa doktor para mabigyan siya ng gamot?” tanong ko ulit. Mas mabuti na itong nag-uusap kami, nakakalimutan ko ang epekto sa akin ni Sir Xavi.
“Ayaw ng matanda. Kahit anong kumbinsi ko sa kaniya, ayaw talaga. Pahinga lang daw ‘yong pananakit ng katawan niya at gagaling din siya.”
Napatango na lang ako at hindi na sumagot. Ilang sandali pa ay isinarado na ulit ni Sir Xavi ang trunk ng kotse. Lumapit siya sa akin. Iniabot niya ang isang kahon na may nakalarawang mamahaling uri ng scooter.
Nagusot ang noo ko. “Ano ‘yan, Sir? Gamit ba 'yan sa office?”
He chuckled. “No. Hindi mo nakita ang tatak? It’s a kickboard cruiser. Regalo ko sa anak mo. Sana magustuhan niya.”
Mahabang segundo ang lumipas bago ako nakapag-react. “B-bakit... bakit mo binibigyan ng ganiyan ang anak ko?” naguguluhang tanong ko.
He shrugged. “Gusto ko lang. Masama ba?”
Umiling ako, pero nasa mukha ko ang pagtanggi sa regalo niya. “H-hindi ko kasi pinapayagang lumabas basta ng bahay si Alfonso.”
Tumaas ang mga kilay ni Sir Xavi. “Alfonso? Magandang pangalan. Pero bakit hindi mo pinapalabas ng bahay si Alfonso?”
Hindi ako sumagot. Kailangan ko pa bang ikwento na minsan nang nawala si Alfonso kaya takot na takot na akong palabasin siya nang hindi ko alam?
“Ibig sabihin hindi siya nakakapaglaro? I think that’s not good. Bata ang anak mo, Solde. Dapat mas marami siyang alam na pisikal na laro. Baka puro gadgets lang siya.”
“Hindi siya puro gadgets. He also has a pet dog. Naglalaro din siya sa labas, pero kapag kasama lang ako. At hindi siya marunong gumamit ng ganiyan.”
“Fine. I’ll just visit to your house on weekend para ako na mismo ang magbigay nito sa anak mo. Ako na rin ang magtuturo at sasama sa kaniya na mag-scooter.”
Natigilan ako at nagpa-panic na umiling. “H-hindi! It’s impossible, Sir Xavi. Pasensiya na! Salamat sa regalo, pero mabuti kung ibabalik mo na lang ‘yan sa binilhan mo o kaya ay ibigay mo na lang sa iba. Hindi ko papayagan ang anak ko na sumakay sa ganiyan.”
“Masyado mo naman yatang dini-deprive ang anak mo? Minsan lang siya magiging bata kaya hayaan mo namang ma-experience niya ang ibang bagay.”
Natahimik ako sandali bago sumagot. “Nanay ako, Mr. Buencamino. I know what I’m doing and I know what’s best for my son. Can’t you just respect it?”
Ilang segundo kaming nagsukatan ng tingin bago ako ang unang sumuko. I heard his resigning sigh.
“Fine. I’m sorry.”
Hindi ako sumagot. Tiningnan ko lang siya sandali at pagkatapos ay tumalikod na ako at naglakad pabalik sa opisina.
Hindi nagtagal si Sir Xavi sa office. Umalis din siya at nagtungo sa warehouse sa Cavite. Kapag naiisip ko ang nangyari kanina, sinasalakay pa rin ako ng kaba. Hindi siya pwedeng makita ni Alfonso. Pitong taon lang ang anak ko noong mawala si Alistaire, pero sigurado akong natatandaan pa niya ang hitsura ng ama niya. Xavi will only remind my son of his father. Baka akalain ni Alfonso na buhay ang tatay niya at ayokong umasa ang anak ko. Hindi ako papayag na masaktan si Alfonso.
“James, may itatanong sana ako sa’yo kung okay lang.”
Pauwi na ako nang sadyain ko si James sa itaas na office para kausapin. Doon kasi ito mas naglalagi kaysa sa ibaba.
“Bakit, Ma’am Solde? May problema ba?”
“Wala naman. Itatanong ko lang sa’yo kung alam mo ang bahay ni Kuya Boy.”
“Kuya Boy? ‘Yong driver ba ni Boss?” kunot-noong tanong niya.
“Oo, siya nga. Hindi kasi siya nakakapagtrabaho. May ibibigay sana ako kaya lang hindi ko naman alam kung saan siya makikita.”
“Alam ko kung saan siya pupuntahan, Ma’am. Ano po bang ibibigay mo?”
Laking pasalamat ko na nag-volunteer si James na siyang magbigay kay Kuya Boy ng herbal oil. Sa tingin ko kasi ay makakatulong iyon para guminhawa ang pakiramdam ng matanda. Binigyan ko na lang si James ng pakonswelo kahit tumatanggi siya.
“Balitaan ko kayo, Ma’am, bukas pagpasok.”
“Sige, James. Maraming salamat at pasensiya na sa abala, ha?”
“Wala ‘yon, Ma’am Solde!”
Isang linggo ulit ang lumipas. Sa sobrang abala ay hindi ko na namamalayan ang pagdaan ng mga araw. Madalang kong makita si Sir Xavi. Fully-operational na kasi ang warehouse at dahil doon kaya nadagdagan ang mga trabaho sa main office. Madalas na rin akong mag-overtime. At bukod sa trabaho ay nagsisimula na ring maghanda ang kompaniya para sa official launching nito sa susunod na Sabado.
“Ibig sabihin, matagal ka nang wala sa culinary school? Hindi mo tinapos ang certificate program?” tanong ni Jowell nang tawagan niya ako.
It’s already past eight in the evening. Hindi ko muna sana sasagutin ang tawag dahil nasa office pa ako, pero naisip kong sabihin na sa kaniya ang totoo na nagtatrabaho ako sa isang bagong tayong logistics company.
“Alam ba ‘yan ni Alf? He doesn’t tell me anything whenever I call him. O iniisip ng anak mo na alam ko ang tungkol diyan?”
“Siguro," sagot ko. "Kilala mo naman ang pamangkin mo. Sobrang tahimik at parang walang pakialam sa mundo. Hindi ‘yon magsisimula ng usapan maliban na lang kung tatanungin.”
“Tama. Pero h’wag mong iligaw ang usapan, Solde. Ang tanong, bakit ngayon mo lang sinabi sa’kin ang tungkol diyan? Is there a problem?”
“Wala!” maagap na sagot ko. “Walang problema, Jowell. Sasabihin ko rin naman sa’yo kaya lang ay naghahanap pa ako ng tiyempo. Alam ko kasing magtataka ka kapag ipinaalam kong tumigil na ako sa culinary school.”
“Bakit nga? Bakit nagbago ang isip mo? Why all of a sudden you chose to work in a small company?”
“For a change,” sagot ko na alam kong hindi totoo dahil wala naman talaga akong balak magtrabaho sa Buena-Can. Kaya lang ay naroon na ako. Paninindigan ko na lang ang naging desisyon ko.
“For a change?” ulit ni Jowell. “Hindi ba at bagong bagay rin naman ang culinary school?”
“Yes, pero hindi ba nga at nagsisimula pa lang ang kompaniya na pinapasukan ko? So that’s it! Nagsisimula sila at kasama ako. Pakiramdam ko ngayon, nagsisimula rin ako ng bago. You know that’s what I need, Jowell, right?”
Nakumbinsi ko naman si Jowell sa mga rason ko. Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin siya. Iniligpit ko na rin ang mga gamit ko para makauwi. Sabay pa kaming lumabas ni Buddy na galing sa itaas. Huminto muna kami sa harap ng building at sandaling nagkwentuhan.
“Kung alam ko lang na nag-overtime ka, dapat pala sumabay na ako sa’yo na mag-dinner,” wika ni Buddy.
“Hindi ko rin alam na overtime ka. Masyadong busy ang mga tao kaya wala nang napapansin.”
“Tama! Excited nga ang mga tao sa itaas para sa launching. By the way, Sol, may ka-date ka na ba?”
Nagusot ang noo ko. “Date? Anong date?”
“Para sa launching? Dapat may escort ka. Kung okay sa’yo, available naman ako. Partners naman tayo dapat, ‘di ba? Buddy and Sol!”
Napatawa ako sa biro nito. He’s young and a fresh graduate. First regular job nito ang sa Buena-Can. At parang bunsong kapatid ang tingin ko kay Buddy.
“Ano, Sol? Ako na ang escort mo? Or date na lang para mas magandang pakinggan?”
“Naku, hindi uso sa aking ang escort, Buddy. Isa pa, may usapan na kami nina Ate Mitch at Karina. Susunduin ko sila para sabay-sabay na kaming pupunta sa launching.”
Napailing ito. “Gano’n ba? Sayang naman!”
Ilang sandali pa ay nagpaalam na kami sa isa’t isa. Kumaway pa sa akin si Buddy bago ito sumakay sa motorbike niya. Dumirecho naman ako sa kinapaparadahan ko ng kotse.
Nasa driver’s seat na ako at nagsusuot ng seatbelt nang mag-ring ang aking cellphone. Pagtingin ko ay pangalan ni Karina. Nauna itong umalis ng office kaysa sa akin kaya nagtaka ako sandali kung bakit ito tumatawag. Sinagot ko na lang ang cellphone ko.
“Solde, nasa office ka pa ba?” bungad nito.
“Nasa parking lot na. Bakit?”
“Favor naman! May iniwan kasi akong report sa ibabaw ng table ni Mr. Candelaria. Hindi ko na nabalikan bago ako umuwi. Pwede bang pakikuha at pakitago muna sa mga gamit mo? Bukas ko na lang kukunin.”
“Sige, ‘yon lang pala. Babalikan ko na ngayon.”
“Thank you, Solde! Hindi ka lang maganda! Isa ka pang anghel!”
Natawa na lang ako sa papuri ni Karina. Pagkababa ng cellphone ay nagtanggal na ulit ako ng seatbelt. Hinanap ko muna sa bag ko ang susi ng aking drawer bago lumabas ng kotse para balikan sa office ang sinasabi ni Karina. Isa iyon sa mga patakaran ni Mr. Candelaria sa opisina. Ayaw ng matanda naming boss na nag-iiwan kami ng report o kahit anong dokumento sa mga mesa. Dapat daw ay secured ang mga papeles at nasa tamang lugar bago namin iwan ang aming pwesto.
“Ma’am Solde, bakit ka bumalik?” tanong ni James nang makita ako nito.
“May nalimutan lang ako. Kukunin ko sandali at uuwi na rin. Naglilinis ka pa ba?”
Tumango ito. “Sa itaas pa ako, Ma’am kaya bukas pa ang office sa ibaba. Gusto mo bang samahan kita?”
“A, hindi na. Kaya ko na. H’wag mo lang akong ikakandado ulit,” biro ko kaya napakamot na lang sa batok nito si James.
Naka-off na ang air-con sa aming opisina, pero bukas pa rin ang mga ilaw. Dumirecho ako sa pinto ng office ni Mr. Candelaria. Hinahap ko sa mesa nito ang sinasabi ni Karina. Pagkakita ko sa folder ay kinuha ko na agad at saka ako lumabas para maitago iyon sa drawer ko.
“May hinahanap ka ba?”
Nabitiwan ko ang susi ng drawer nang may biglang magsalita mula sa pintuan ng opisina ni Sir Xavi. Nilingon ko ang walang iba kundi ang mismong may-ari. Nagtaka ako kung paanong nakarating siya roon nang hindi ko namamalayan, pero naisip ko rin agad na baka pumasok siya kanina habang nasa office ako ni Mr. Candelaria.
“G-good evening. Nariyan ka pala?”
“Anong hinahanap mo?” seryoso ang mukha niya nang muling magtanong.
Natigilan ako sandali bago umiling. “Wala naman,” sagot ko at saka yumuko para damputin na ang susi. Naitago ko na ang report ni Karina at ila-lock ko na lang ang drawer. Pagkatapos noon ay aalis na agad ako.
“Ito ba ang hinahanap mo?”
Nag-angat ako ng tingin kay Sir Xavi. Nakakunot pa nga nang bahagya ang noo ko dahil wala naman akong ibang hinahanap maliban sa report na ipinakisuyo ni Karina. Subalit napaawang ang bibig ko nang makita ang hawak ni Sir Xavi. Hindi ako agad nakapagsalita. Hindi ko napansin na wala pala sa bag ko ang aking wallet. Hindi ko sigurado kung nahulog ko ba iyon o naiwan ko sa aking mesa, pero ang malinaw ay nasa kamay iyon ni Sir Xavi. Napilitan tuloy akong lumapit dito.
“Akin ngang wallet ‘yan. Saan n’yo nakita?” tanong ko.
Hindi siya sumagot. Inilahad niya sa akin ang wallet ko at kinuha ko naman agad. Napalunok ako. Hindi ko alam kung ngingiti o ano. Naalala ko kasi ang huling beses na nag-usap kami. He wanted to gift my son a scooter, pero hindi ako pumayag. Hindi naman siguro iyon big deal dito.
“T-thank you, Sir.”
Hindi ulit sumagot si Sir Xavi. Napakaseryoso ng mukha niya ngayon, pero hindi ko na para alamin pa kung anong problema. Kung hindi sa kompaniya, baka personal kaya mabuting manahimik na lang ako.
“Sige, Sir, mauna na ako sa inyo.” Pagtalikod ko ay saka ko pa siya narinig na nagsalita.
“May nalimutan ka pa, Solde. Hindi mo kukunin?”
Nagusot ang mga kilay ko. Pumihit ako ulit paharap kay Sir Xavi para alamin kung ano pang tinutukoy niya.
“Sorry. I was curious about the owner of the wallet. Nakita ko tuloy ito.” Itinaas niya ang isang kamay.
I startled. Talo ko pa ang tinamaan ng kidlat nang makita ko sa kamay ni Sir Xavi ang picture ni Alistaire. Ramdam ko ang pagtakas ng kulay ng aking mukha habang palipat-lipat ang tingin sa picture ng asawa ko at sa may hawak noon.
He walked towards me. Hindi ako makapagsalita. Gusto kong sabihin na hindi basta makikita ang picture kung hindi nito hinalughog ang wallet, pero ang hirap magbukas ng bibig. Parang niyayanig ang kinatatayuan ko.
“Bakit may picture ko sa wallet mo? Hmm?” tanong niya. Ilang dali na lang ang layo namin sa isa’t isa. He's towering me kaya nakatingala na ako sa kaniya.
“S-Sir…” Nanginig ang mga labi ko. Hindi ko naituloy ang dapat na sasabihin nang makita ko ang pagtatagis ng mga panga ni Sir Xavi.
“Tell me, Solde. May gusto ka ba sa’kin?”