AMBER’S POV
“KITTY!” excited na tili ko nang mapagbuksan ng gate ang matalik kong kaibigan simula pa pagkabata. Mahigit dalawang buwan kasi kaming hindi nagkita dahil na-assign siya as branch manager sa ibang lugar.
Tuwing weekends lang siya umuuwi pero wala rin akong time para makipagkita sa kanya dahil mas nilalaan ko ang oras ko para kay Noah. Kaninang umaga ay nag-text siya. Nagtatampo dahil wala na raw akong time para sa kanya. Kung hindi raw kami magkikita ngayong araw ay friendship over na kaya nang mabasa ko ang text niya ay mabilis pa sa alas kuwatro na tinawagan ko siya.
Kailangan ko pa aluin ang bruhilda at para gumanda ang mood ay sinabi ko na ipagluluto ko siya ng paborito niyang kare-kare. Napag-usapan namin na pupunta siya dito sa bahay para mag-lunch. Sa gabi pa naman kami ni Noah magkikita kaya mahaba-haba ang magiging bonding time namin.
Hindi sa pagmamalaki pero marunong ako magluto. Madalas kasi akong tumutulong sa kusina. Isa pa, well trained ako ni Mama at Lola. Kung mag-asawa na kami ni Noah ay lagi kong bubusugin ang sikmura niya. Napansin ko kasi na medyo pumayat siya at namumutla.
Nang makapasok ay kaagad na binagsak ni Kitty ang katawan sa sofa ko. Tila uhaw na uhaw ang hitsura niya bagay na kinailing ko. Paano ba naman kasi tanghaling tapat pero naka-winter coat at bota. Para siyang artista na tinatago ang identity sa paparazzi.
Weird talaga ang fashion style ng kaibigan ko. Kapag namamasyal nga kami sa mall ay lagi kaming pinagtitinganan ng mga tao. Parang nakakita ng colorful alien sa katauhan ni Kitty. Magpagayun pa man ay never kong kinahiya ang kaibigan ko. Keber ba namin sa opinyon ng iba.
Iniwan ko si Kitty at pumunta ako ng kusina. Pagbalik ko ay may dala na akong isang basong tubig.
“’Ayan, inumin mo. Ano ba kasi ang pumasok sa utak mo at nagsuot ka ng winter attire. May snow ba dito sa ‘pinas?” sabi kong marahan na sinabunutan ang buhok niya.
“Ouch! Elegancy ang tawag dito, Friend.”
“Elegancy?! Eh, kakain lang naman tayo ng kare-kare.”
“Tsk! Ikaw ang naturingan na model sa atin pero hindi mo alam kung ano ang tinawag na class.”
“Tumigil ka na, Kitty sa kahibangan mo,” gigil kong sabi.
“Ano na balita sa iyo? Bakit lagi ka nang busy? Hindi mo na yata ako tinatawagan ng lasing at ngumangawa ng iyak.”
Matamis akong ngumiti. “Friend, nagbagong buhay na ako. Isa pa, may nagpapasaya na sa akin.”
Nanlaki ang mata niya. Excited na niyugyog ako. “Sino? Oh my God! May love life ka na ba sa wakas?”
Kinilig na tumango ako.
“Eh, sino nga!”
“Basta kilala mo siya.”
“Si Eric? Ang bank manager?”
“No, hindi.”
“Si Jared? Iyong kasama mong model?”
“Wrong again.”
“Eh sino nga!” Nanggigil na si Kitty.
“Si Noah,” pahayag ko. Ngiti-ngiti.
“Sino ulit?” tanong niya.
“Si Noah ang best friend ko. Noah Delgado.”
“Oh ‘no.” Bumagsak ang balikat ni Kitty. Hindi tinago ang pagkadismaya.
Although pareho ko silang best friend pero hindi sila close sa isa’t-isa. Hindi feel ni Kitty si Noah dahil may nararamdaman daw siyang bad vibes sa pagkatao nito. Ang nobyo ko naman ay hindi kailanman nag-effort na makuha ang loob ni Kitty. Ayaw ko rin silang ma-obliga na maging close dahil lang sa akin. Okay din naman sa akin na napapagitnaan ako ng dalawang best friend since sa ibang university naman nag-aral si Kitty.
“Alam kong hindi mo gusto si Noah. But I can assure na mali ka ng akala sa kanya. Mabuti siyang tao.”
“Pero Amber—hay ewan.”
“Alam mo naman ‘di ba na may gusto na ako sa kanya noon pa? Masaya ako ngayon, Kitty. Walang kasing saya.”
Matiim niya akong tinitigan. Mababakas ang pag-aalala sa mukha. “Hindi ko alam kung sasabihin ko ito sa iyo.”
“Ang alin?”
“Nakita ko si Noah noong nakaraang gabi nang mag-dinner date kami ng boyfriend ko. Ang sweet nila ng kasama niyang babae. Kahit sino man ang makakita sa kanila ay sasabihin mo talaga na mag-jowa sila.”
“Kailan iyan?”
“Last Monday.”
Naalala ko na nanng gabing iyan ay nagpaalam sa akin si Noah na hindi niya ako maihahatid pauwi dahil magkikita raw sila ng lawyer niyang si Layla Perez. May importante raw silang pag-uusapan.
Kilala ko si Layla. Kaibigan naman siya ni Noah since high school. Parang tulad din namin ni Kitty na hindi pa rin nawawalan ng communication kahit may kanya-kanyang karera na. Kahit noon ay threaten na ako kay Layla dahil ubod nga ng ganda at sexy pero wala naman akong karapatan na pagbawalan si Noah dahil kaibagan lang ako noon.
Ngayon na boyfriend ko na siya ay ayaw ko naman na masakal siya sa akin. Mas nauna pa nga niyang nakilala si Layla kesa sa akin. Then what if kung ako naman ang pagbabawalan niya sa friendship namin ni Kitty?
So far, hindi ako paranoid na klaseng girlfriend pero mas maigi na rin na makasigurado. “I-describe mo nga ang babaeng nakita mo?”
“Morena lang siya pero sobrang kinis at silky ng kutis. Matangos din ang ilong. Parang may lahing bombay. Sexy siya na malaman kasi nga malaki ang hinaharap at matambok ang pwet.”
Walang duda si Layla nga ang tinutukoy niya. Natawa ako. “Dios ko, friend. Kaibigan niya ang tinutukoy mo. Alam mo parang magkapatid na ang turingan nila sa isa’t-isa. Parang tayo din. Aware ako na sweet sila pero walang malisya iyon.
“Pero Amber…”
“Trust me this time. Hindi ako sasaktan ni Noah. Pinapangako ko iyan sa iyo.”
“Sana nga,” sambit ni Kitty pero mababakas sa mukha niya na hindi siya kumbinsido.
“Kumain na nga tayo. Baka lumamig pa ang niluto ko.”
“Bisita ako kaya pagsilbihan mo ako.”
“Aba!”
“Ayaw mo?”
Irap lang ang sinagot ko sa kanya.
Humalakhak si Kitty. “How ironic, ang tinitingala na modelo sa buong mundo ay inalila ko lang.”
“Hoy ang feeling mo!” Inumang ko ang kamao sa kanya. “By the way, hindi na ako model. Hindi na ako pumirma ng another contract. Isa na ako ngayon sa mga shareholder ni Noah.”
“Bakit hindi ko alam iyan?”
“Hello! Madalas kitang tinatawagan pero lagi kang ‘Amber, wait! busy pa ako. I’ll call you back later’” Ginaya ko pa ang mismong boses niya. “Then namuti na ang mata ko sa pahihintay sa call mo pero wala.”
“Sorry, friend. Sobrang hectic kasi ng mall kung saan ako ngayon naka-assign.”
“I understand.”
Pumunta na ako sa kusina at hinanda ang kakainin namin. Talagang pinanindigan ng bruha na magmala-donya. Nakapatong pa ang dalawang paa niya sa center table habang busy sa pagkalikot ng cellphone. Nang sinabi ko na ready na ang mesa, aba’y alisto.
Habang kumakain ay marami kaming pinagkukwentuhan ni Kitty. Hindi namin namalayan na halos masimot na namin ang mga niluto ko. At least sa pagliligpit at paghuhugas ng pinggan ay tinulungan niya ako.
Pakiramdam ko ay kulang ang buong maghapon para sa amin ng matalik kong kaibigan. Halos hindi maubos ang mga kwento at tawanan namin. Sobrang miss namin ang isa’t-isa.
Bandang alas singko nang tinulungan ako ni Kitty na kulutin ang buhok ko. Sinabi ko kasi sa kanya na susunduin ako ni Noah para sa dinner date. Na-touch ako dahil kahit ayaw niya sa nobyo ko ay suportado pa rin niya ako.
“Amber, I have to go. Pupuntahan ko pa ang kapatid ko sa dorm niya para ibigay ang allowance niya.” Paalam ni Kitty nang matapos siya sa buhok ko.
“Kailan tayo magkikita ulit?”
“Next week pagplanuhan natin kung saan tayo gagala.”
“Sure!”
Hinatid ko siya hanggang sa guard house. Tamang-tama naman na dumaan na taxi kaya pinara na namin.
“Mag-iingat ka, ha? I’m so glad na okay ka na. Hindi ko hahadlangan ang kaligayahan mo dahil ang mas importante sa akin na hindi ka makita na umiiyak at malungkot.”
“Huwag mo akong paiyakin,” sabi ko na may namuong luha sa aking mga mata pero hindi tuluyan na bumagsak dahil bigla niya akong siniko. “Ouch!”
“Huwag na tayong mag-drama. Sige, bye. Baka pumapatak na ang metro.”
“Wait! Ayaw mo bang hintayin na muna si Noah?”
“Saka na. Sige na maghanda ka na para sa date niyo.”
Pagkatapos humalik ni Kitty sa pisngi ko ay pumasok na siya sa loob ng taxi. Hinintay ko muna na mawala sa paningin ko ang sinasakyan niya bago naglakad ulit pabalik ng bahay.
Pagdating ay dumeretso kaagad ako sa aking kwarto. Namili ng susuotin na. Inabot ako ng halos isang oras sa pag-fit sa harap ng salamin bago nakapili. Simpleng red haltered red dress na pinarisan ko lang ng silver stiletto. Naglagay na rin ako ng makeup sa mukha.
Nang pumatak ang alas siete ay nakahanda na ako. Inaasahan ko na rin ang pagdating ni Noah. Ngunit lumipas ang isang oras ay hindi ko pa rin naririnig ang paghinto ng sasakyan niya sa harap ng gate. Tinawagan ko ang cellphone niya. Naka-off kaya nag-alala na ako. Paano kung may nangyaring masama sa kanya habang nasa daan?
Ilalabas ko na lang sana ang kotse ko nang sa wakas ay dumating si Noah. Nakahinga ako ng maluwag. Halos tumakbo ako papunta sa kinaroroonan niya. Hindi siya bumababa ng kanyang kotse.
Napatda ako nang makita na hindi siya nag-iisa. Nasa front seat si Layla. Bumangon ang inis sa dibdib ko. Bakit niya kasama ang babae ito? Akala ko ba may dinner date kami?
“I’m sorry, Babe. Nasiraan kasi ng kotse si Layla kaya sinabay ko na lang siya since malapit lang dito ang bahay niya. Ida-drop na lang natin siya kapag nadaanan natin.”
“Ganoon ba...”
“Hi, Amber!” bati sa akin ni Layla na humilig para makita ako.
“H-hello.”
“Sorry kung makakaistorbo ako sa date niyo.”
“Okay lang.”
Hinintay ko na bababa siya ng kotse para lumipat sa likuran. Pero makapal talaga ang mukha. So, ibig sabihin ako na girlfriend pa pala ang mag-adjust?
Sinara ko lang ang buong bahay bago sumakay sa kotse ni Noah. Tahimik lang ako. Lihim na naghihimutok. Sila lang kasi ang nagkakaintindihan at nagtatawanan. Tungkol sa golf ang kanilang pinag-uusap kaya sobrang out of place talaga ako.
Nasasaktan ako na tila nakalimutan na ni Noah ang presensya ko. Nakikita ko na enjoy siya sa company ni Layla. Hindi ko nakikitaan ng ganyang sigla kapag kami ang magkasama. May dapat na ba akong ikabahala?
“’Di ba, Amber?” untag ni Layla na nilingon ako.
“Huh?”
“Ang sabi ko bumababa ngayon ang demands kay Carla Jones.”
Ang tinutukoy niya ay ang supermodel na inaakala ng lahat na mahigpit kong karibal sa karera. Actually, ang mga tao lang naman ang nag-a-assume nito dahil nga pareho kaming in-demand sa modelling industry pero sa likod ng camera ay magkaibigan kami ni Carla Jones.
“No. Kabi-kabila pa rin ang mga offer sa kanya.”
“Because you give up the spotlight, dear.”
“It’s okay. Mas masaya naman ako ngayon dahil tahimik ang buhay ko.”
“Oh yeah, nasangkot ka pala sa kaliwa’t-kanan na eskandalo kaya good for you. By the way, kayo pa rin ba ni Dave Suarez?”
Nagkasalubong ang kilay ko. Hindi ba siya aware na nakapa-unappropriate ng tanong niya lalo na’t naririnig ng boyfriend ko?
“Layla,” saway ni Noah sa kanya.
Humalakhak siya. Hinampas sa balikat si Noah. “Joke lang, hindi naman kayo mabiro na dalawa. Alam ko naman na baseless rumor lang ang lahat.”
“Mabuti at alam mo,” malamig kong wika.
Hininto ni Noah ang kotse sa harap ng condominium building kung saan nakatira si Layla.
“No. Huwag ka nang bababa. Kaya ko nang mag-isa.”
Lihim na nanibugho puso ko. Napa-gentleman pala ng boyfriend ko sa best friend niya.
“Bye, Amber,” baling sa akin ni Layla.
“Bye.”
Nanlaki naman ang mata ko habang nakamata sa kanila nang dumukwang si Amber upang mahalikan sa pisngi si Noah. Swear! Nakita ko na nagdikit ang gilid ng mga labi nila. Ewan ko rin kung guni-guni ko lang na malagkit ang tinginan nila sa isa’t-isa.
“Bye, Noah. Mag-enjoy kayo sa date niyo.”
“Take care.”
Nang makaalis na si Layla ay saka pa lang ako humalukipkip. Tila hinihintay niya na lumipat ako sa harapan pero hindi ko ginawa. Hindi ko maitago ang inis.
“Don’t tell me your jealous?” amuse na tanong ni Noah.
“Why should I?”
Mas lalo pa akong umusok sa inis nang tinawanan niya lang ako.
“Layla is my lawyer and a good friend of mine. Alam mo iyan. Besides, hindi ko tipo ang tulad niya at mas lalo na hindi kami talo.”
“Kaya pala ang lagkit ng tinginan niyo,” asik ko.
“Babe, you’re hallucinating.” Iling niya. “So, hindi ka talaga lilipat?”
Hindi ako sumagot.
“Bubuhatin kita kung ganoon.”
“Alright! Alright! Ito na.” Awat ko nang akmang bubuksan na niya ang pinto ng kotse para bumaba.
Lumipat ako sa tabi niya. Wala kaming imikan. Hindi niya na rin kinontra ang toyo ko.
Nagtaka ako kung bakit huminto kami sa isang saradong restaurant. Ilang beses na rin ako nakakain dito at sa pagkaalam ko ay alas diyes pa ang closing time. Tumingin ako sa mga katabing building pero wala nang ibang restaurant. Ano ang plano ni Noah? Akala ko ba dinner date itong lakad namin?
Binuksan niya ang pinto ng kotse. Sa gulat ko ay nilagyan niya ng blindfold ang mga mata ko. Indikasyon lang na may inihanda siyang surpresa kaya dinagsa ng excitement ang puso ko.
"What's this, B-Babe?"
"Just wait and see." Inalalayan niya ako sa paglakad.
Wala man akong makita pero narinig ko ang pagbukas ng pinto. Ilang sandali pa ay tinanggal niya ang piring ko at ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ko nang makita ang paligid.
Natuptop ko ang aking bibig sa sobrang shock. Sa gilid ng red carpet ay may nakasinding na mga kandila na nakasilid sa isang bote na korteng puso. Puno ng petals ang sahig. Sa dulo ay isang table na may heart shaped petals na napapagitnaan ng dalawang mahahabang kandila.May eleganteng wine glass. Nakatayo sa gilid ang mga empletado ng naturang restaurant.
Naluluha na napatingin ako kay Noah. I never feel this special in my whole life. Pinaghandaan niya talaga ang lahat. Alam ko rin na hindi biro ang nagastos niya para arkilahin ng isang gabi ang mamahalin na restaurant na ito. Sa tuwa ay hindi ko mapigilan na yumakap sa kanya.
"Thank you so much for this surprise, Babe."
"Hindi pa tapos ang surprise ko, Babe," sabi ni Noah na nakangiti na inalalayan ako papunta sa table. Nang makaupo ako ay hindi ko inaasahan na luluhod siya sa harapan ko at inilabas mula sa bulsa ng niyang amerikana ang isang maliit na kahon na naglalaman ng isang singsing.
“I know it's too soon but I cannot wait any longer. Will you marry, Babe?”
“Oh! Babe!” Niyakap ko siya ng mahigpit. "Yes, I will marry you!"