Lina
"Ingat ka po, Ninong." Inihatid ko si Ninong hanggang sa kotse niya. Ako ang bumitbit sa office bag niya.
Iniabot ko ito sa kanya matapos niyang pumasok sa backseat. Naririto naman na ang driver niya.
"Kapag dumating ang Tita Gilda mo, i-text mo ako kaagad, okay?"
"Opo, Ninong."
Binigyan na lamang niya ako ng munting ngiti at isinara na rin ang pinto. Paglabas nila ng gate ay isinara ko naman ito ng mabuti. Pumasok na rin ako sa loob ng bahay. Ako na lang mag-isa ngayon dito, pero plano kong mamalengke at mag-grocery dahil ubos ang mga stock namin sa kusina. Wala na rin akong lulutuin mamayang hapon.
Binigyan naman ako ni Ninong noong isang araw nang budget para doon. Hindi nga lang ako nakaalis dahil naririto noon si Tita Gilda. Marami siyang mga inuutos sa akin.
Ngayong wala siya ay makakakilos na ako ng maayos. Walang pupuna sa akin at wala ring mag-uutos. Sana nga ay hindi na lang siya umuwi. Mas mabuti pa ngang maghiwalay na lang sila ni Ninong. Hindi sila bagay dahil masama ang ugali niya.
Sinasaktan niya lang ang Ninong ko.
Minabuti kong maglinis na muna ng buong bahay, mula sa second floor hanggang sa ground floor. May walong kwarto ang bahay na ito. Pito ang naririto sa taas at isa sa ground floor na matatagpuan sa may kusina. Kwarto iyon ng mga kasambahay, pero bakante na ngayon dahil nga nagsi-alisan na silang lahat.
Nahihirapan din akong maglinis dahil nga napakalaki nitong bahay. Tuwing naririto si Tita Gilda ay kailangan kong masimot ang lahat ng alikabok sa bawat sulok. Napaka-arte niya. Kung naging mabait lang sana siya sa mga kasambahay, hindi ako mahihirapan ng ganito. Mukhang ayaw na rin munang kumuha ni Ninong ng kasambahay nang dahil sa kanya.
Mahigit isang oras ang ginugol ko dito sa second floor, bago ako bumaba sa ground floor. Nilinis ko rin doon ang silid ni Ninong.
Paano naman ako hindi seseksi nito? Lakad dito, lakad doon ang gawa ko. Akyat-baba pa ng hagdan. Maglalaba at magluluto pa. Mamamalantsa pa ng mga damit nila. Maglilinis pa ako ng pool sa likod at magwawalis ng ilang kalat sa labas.
Kung minsan ay inuutusan pa niya akong mag-carwash. 'Di na lang siya magpa-carwash sa labas. Mura lang naman siguro ang bayad do'n. Hindi nga ako inuutusan ni Ninong ng mga ganun.
Dalawang oras ang ginugol ko sa paglilinis dito sa ground floor, kasama na rin ang sa labas at palibot ng bahay. Sumapit na ang tanghali at nakaramdam na akong muli ng gutom. May kaunting kanin pa naman ang natitira at ulam mula kaninang almusal. Ininit ko na lang din ang mga ito sa kawali at kaserola bago kinain.
Nagpahinga din muna ako sandali bago umakyat muli sa second floor at pumasok sa silid ko. Naligo na ako sa banyo para sa pamamalengke ko ngayong tanghali. Hahanapin ko pa nga pala kung saan ang palengke dito.
First time ko pa lang kasing mamamalengke ngayon. Ang mga dating kasambahay kasi ang gumagawa no'n noong naririto pa sila. Magtatanong-tanong na lang ako. Gusto ko ring maglibot-libot dito sa siyudad. Simula kasi noong dalhin ako ni Ninong dito ay nakakulong lang ako sa bahay.
Hindi ko pa alam ang pasikot-sikot dito pero kasama ko naman si Magtanong, at may pamasahe din naman ako. Nagsuot lang ako ng maayos at malinis na damit. Isang maluwag na short na hanggang tuhod ang haba at isang maluwag na puting t-shirt. Ganito lang talaga ang mga damit ko sa probinsya. Maaliwalas kasi ito sa katawan at kumportable.
Isinuot ko na rin ang luma kong shoulder bag at sipit na tsinelas. Dinala ko ang susi ng bahay, cellphone ko at wallet ko. Inilagay ko ang lahat ng ito sa bag ko.
Lumabas na rin ako ng bahay at ikinandado ang pinto. Siniguro ko ring walang naiwang mga nakasaksak sa loob. Lumabas na rin ako ng gate at ikinandado ito ng maayos.
Napatingala ako sa kalangitan. Medyo maulap at hindi gaanong mainit. Hindi naman siguro uulan. Mabuti na rin ito. Hindi na ako nagdala pa ng payong dahil dagdag pabigat lang 'yan sa akin mamaya sa mga dalahin ko.
Lumingon ako sa kaliwa at kanang bahagi ng kalsada. Dito palagi sa kanan nagtutungo ang kotse ni Ninong, kaya malamang dito rin ang labasan. Nagsimula na akong maglakad.
Napatingala na lang ako sa mga naglalakihan at mga nagtataasang mga bahay din ng kanyang mga kapatid at mga pinsan dito sa loob ng subdivision. Halos magkakadikit lang naman ang mga bahay nilang lahat dito.
Pero hindi lahat ay dito nakatira. Nasabi na kasi sa akin ni Ninong kung ilan silang magkakapatid at kung nasaan silang lahat. Marami kaming napapagkwentuhan tungkol sa mga buhay nila sa tuwing nagkakasabay kaming kumain. Ma-kwento rin kasi kung minsan si Ninong. Ay hindi, madalas pala.
Ilan sa mga kapatid niya, mga pinsan niya at mga pamangkin niya dito ay nakita ko na. Kung minsan ay pumupunta din sila sa bahay ni Ninong. Ilan na nga sa kanila sila Kuya Darell Jr., si Sienna, si Dandan at Micah na kambal at ang kambal din na sila Darren Jr. at Dark. 'Yong iba ay hindi ko pa makabisado ang mga pangalan.
Madalas kasi ay nagkakasama-sama sila dito sa labas. Nakikita ko rin silang nagja-jogging tuwing umaga. Ang iba ay may mga dalang bola na ginagamit sa basketball. Tuwang-tuwa ako sa tuwing nakikita ko sila dahil sobrang gugwapo nila at gaganda. Napakagaganda pa ng mga kutis nila, at higit sa lahat, mababait sila.
Binabati din nila ako at nginingitian. Nasabi na rin kasi ni Ninong sa kanila na inaanak niya ako at dito na ako titira sa kaniya simula ngayon.
Hindi ko sila makita ngayong tanghali. Siguro ay nasa school silang lahat. Mukhang nag-aaral pa rin naman silang lahat. Kasing-edad ko lang sa kanila ang karamihan. Ang iba ay matanda lang sa akin ng ilang taon.
"Ay! Pusa mong kinagat!" bigla akong napahiyaw sa gulat nang bigla na lamang may nagbusinang kotse sa likod ko!
Kaagad ko itong nilingon at isang gray sports car ang bumungad sa akin. Napagilid akong bigla at yumuko sa harapan nito.
"Sorry po," ani ko sa driver kahit hindi ko naman nakikita dahil sobrang dilim ng bintana ng kotse nito.
Kinabahan naman ako nang bigla itong huminto sa harapan ko. Unti-unting bumaba ang bintana nito sa tapat ko at nasilip ko sa loob niyon ang driver.
"Hey, Lina! Where are you going? Sorry, nagulat ba kita?" Nakangiting si Kuya Darell Jr. ang bumungad sa akin sa loob.
"Kuya Darell! Ikaw pala 'yan. Nagulat mo 'ko do'n, ah. Akala ko kung sino na."
Lumawak naman ang pagkakangiti niya. Bigla siyang lumabas ng kotse niya at lumapit sa akin. "Masyado kang magugulatin. Saan ka ba pupunta?"
"Eh, maghahanap po ako ng palengke. Mamamalengke po ako."
"Palengke."
"Opo. Alam niyo po ba kung saan? Pwede niyo po bang ituro sa akin?"
"Sa supermarket namamalengke ang mga maid, sa mall. I'll just take you there. Wala ka bang kasama? Ikaw lang bang mag-isa?"
"Opo. Wala na po kasi kaming maid. Umalis na silang lahat."
"Why?"
"Eh..." Napakamot ako sa ulo ko. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kanya ang dahilan. Baka kasi lumabas na sinisiraan ko sa kanila si Tita Gilda.
"Get in. I'll take you there." Binuksan na niya ang pinto ng kotse niya.
"Eh, nakakahiya naman po. Baka maabala ko kayo."
"Doon din naman ang way ko. Come on." Inalalayan na niya akong makasakay sa loob.
Kaagad niyang isinara ang pinto at umikot siya sa kabila. Kakaiba ang bango dito sa loob ng kotse niya. May sound trip pa siya, na pop rock band ang mga singer. Mga makabagong song ang tinutugtog nito.
Pumasok siya sa driver's seat at naupo ng maayos sa tabi ko.
"Wala ka bang pasok ngayon sa school, Kuya Darell?"
"Meron sila. Ako lang ang wala."
"Bakit?"
"Tinatamad," nakangisi niyang sagot, bago niya sinimulang paandarin muli ang kotse niya.
Ayos na sagot 'yon, ah. Tinatamad kaya absent.
"Put on your seatbelt," aniya sa akin.
Hinanap ko naman sa gilid ko ang sinasabi niya. Nakita ko kasing may suot na rin siya niyon.
"Ito ba 'yon, Kuya?" Nakita ko naman ito sa kanang bahagi ko.
"Let me." Bigla namang huminto mula sa pagtakbo ang kotse niya. Mabilis niyang kinalas ang seatbelt niya at lumapit siya sa akin.
Nagulat ako dahil kamuntik nang sumayad sa mukha ko ang mukha niya!
"Oops, sorry. Ito lang ang hihilahin mo." Mukhang nagulat din siya at sandaling napatitig sa akin sa halos isang inches lamang na pagitan ng aming mga mukha. Yumuko din siya kaagad at ikinabit sa kaliwang bahagi ko ang seatbelt. Yumakap na ito sa katawan ko. "Okay na."
"Salamat, Kuya."
Isinuot na niyang muli ang seatbelt niya at ipinagpatuloy nang muli ang pagmamaneho ng kotse niya.
"Malapit lang ba dito ang mall? Wala ba ditong public market? Mas mura yata kasi doon ang bilihin kaysa sa mall. Siguradong mahal doon."
"Mahihirapan ka lang sa public market. At saka, sabihin mo lang sa counter ang pangalan ni Tito Desmond, alam na nila 'yon. Hindi mo na kailangan pang magbayad."
"Pero binigyan niya naman ako ng budget."
"Yon naman pala. Wala namang problema. Sa mall ka na lang dahil mas convenient doon. Sasamahan na nga lang kita. Baka maligaw ka pa. Saka, mahihirapan kang umuwi dahil marami ka nang dala mamaya. Marami ka bang bibilhin?"
"Medyo marami din, Kuya. Pero huwag mo na lang akong samahan. Pumunta ka na sa pupuntahan mo. Nakakahiya na sa iyo, eh."
"Huwag ka nang mahiya. Tito ko naman ang Ninong mo. Hindi rin naman masyadong importante ang pupuntahan ko."
"Eh--"
"No more buts."
Hindi na ako nakasagot pa. Mukhang hindi rin naman siya magpapatalo.
"G-Gusto ko rin sanang mag-ikot-ikot din dito."
"Gusto mong mamasyal? Sasamahan din kita. Ngayon ka pa lang ba nakatuntong dito sa Manila?"
"Ngayon pa lang, Kuya. Hindi ko pa nga alam kung paano ang pasikot-sikot dito." Napalinga na ako sa labas nang makakita na ako ng mga naglalakihang mga billboard. Mga naggagandahang mga artista ang naroroon.
"Mahihirapan ka kung ikaw lang mag-isa. Hindi ito katulad ng probinsya. Maraming manloloko dito at mga adik."
"Adik?"
"Yeah, so never trust anyone you meet on the street or anywhere else. It's dangerous for you. They may take advantage of you. Mabuti na lang pala naabutan kita."
Kinabahan naman akong bigla sa sinabi niya.
"H-Hindi ko alam, Kuya."
"Dapat ay hindi ka hinayaan ni Tito na lumabas nang mag-isa."
"H-Hindi na ako nagpaalam sa kanya. Mamamalengke lang naman kasi ako, eh."
"Patay tayo dyan. Dapat ay magsasabi ka pa rin sa kanya, kahit lalabas ka lang ng bahay."
"Mamaya ko na lang sasabihin sa kanya. Wala kasi akong load, eh."
"Okay. Wala rin akong load, eh. Pareho tayong walang load."
Sabay kaming natawa sa isa't isa. Ang yaman-yaman niya pero walang load. Ang ganda-ganda pa ng kotse niya.
"Maiba tayo. Graduate ka na ba? Ilang taon ka na?" tanong niya naman.
"18 pa lang po ako. Katatapos ko lang po ng grade 12. Next year na po ako mag-aaral sa college."
"Hmm." Napatango-tango naman siya.
"Ikaw, Kuya Darell? Anong year mo na ngayon? College ka na ba?"
"4th year college."
"Wow, ang galing naman. Ga-graduate ka na ba next year? Anong course mo?"
"Automotive Engineering."
"Wow! Ang bigat niyan, ah. Pero absent ka ngayon."
Muli naman siyang natawa. "Ngayon lang naman ako absent."
"Sayang pa rin."
"What about you? What course will you take in college?"
"Gusto kong mag-nurse."
"Oooh... Matapang ka sa dugo?"
"Opo."
"Do you have a boyfriend?"
"Wala pa po."
"Pero may mga nanliligaw?"
"Meron din naman pong mga nabulag noong nag-aaral pa ako."
Bigla naman siyang humalakhak. "Bulag talaga? You're funny. Paano naman mabubulag, eh maganda ka naman." Saglit niya akong nilingon.
"Bulag ka na din, Kuya Darell."
Mas lalo pa siyang humalakhak ng malakas, at hindi ko mapigilang mahawa sa kanya.
"I like you na talaga, Lina. Magpaalam kaya ako kay Tito Desmond. Ligawan kaya kita."
Napahinto naman akong bigla sa sinabi niya. Nakangiti niya akong nilingon at muli ding tumutok sa kalsadang binabaybay namin ngayon.
"Wala namang magagalit, 'di ba? Wala ka pang boyfriend ika-mo?"
"Eh... h-hindi pa po ako nagpapaligaw, Kuya. Mag-aaral po muna ako."
"Okay lang naman. Hindi naman kita iistorbohin sa pag-aaral mo. I'll even help you."
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Lumarawan bigla sa isipan ko ang mukha ni Ninong.
Pumayag na ako sa kanya na bibigyan ko siya ng anak, eh. Hindi ko na pwedeng bawiin 'yon.