Parang ipinako pa din sa pagkakasandal sa dingding si Cecille sa pagkakahalik na 'yun ni Arnold, na dapat ay nagmamadali din siya sa pagsunod kay Arnold dahil sa emergency na tawag ng nurse at baka may sabihin pang iba 'to o hanapin ang kasama ng pasyente. Hinawakan niya ang labi niya na pakiramdam niya ay nangingilo pa dahil sa marubdob na pagkakahalik ni Arnold. Pakiramdam niya ay nakadikit pa din ang labi ni Arnold sa mga labi niya. Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakasandal at umayos ng tayo bago siya lumakad na hawak pa din ang mga labi niya. Pero wala na siyang dinatnan ng makarating siya sa may harapan ng pinto ng operating room. Pakiramdam niya ay nanlata siyang bigla kaya't muli siyang naupo sa kinauupuan kani-kanina lang.
Bakit ginawa ni Arnold sa kanya 'yun sa loob loob niya. Talaga bang hindi pa siya nakakalimot sa pinagdaanan nila? Bakit ganu'n pa din ang halik niya, kagaya pa din ng halik niya nu'ng huli silang magkita dalawampung taon na ang lumipas? Totoo kaya ang sinabi nitong sobrang miss na siya ni Arnold? Hindi lang isang miss ang sinabi niya, pero hindi na matandaan ni Cecille kung ilang ulit sinabi ni Arnold dahil sa halik na 'yun.
Nasa kanyang pagmumuni-muni si Cecille ng may humahangos sa pasilyo galing sa main entrance ng ospital at papunta 'yun sa kanyang direksyon. Maaaring iyon na ang hinihintay nilang isa pang doktor. Natiyak niyang iyon na nga dahil diretso ito sa operating room. Siya namang pagbalik ni Ex-mayor Juancho.
"Wala pa ba Cecille?" tanong agad ng kanyang biyenan na ang hinihintay na doktor ang tinutukoy nito.
"Kadarating lang po daddy ngayong ngayon lang. Daddy, nag-seizure daw po si Lukas." sagot ni Cecille.
Hindi sumagot ang ex-mayor at nahalata ni Cecille na naging balisa ito. Hindi mapirmi si Ex-mayor sa isang pwesto, pabalik-balik ang lakad nito na sinusundan naman ng kasama nitong tauhan na siya ding driver nito.
"Lubayan mo nga pagsunod sa 'kin. Para kang aso d'yan. Malakas pa ko. 'Wag mo ko gawing inutil." sigaw ni ex-mayor sa kasama.
Para namang napahiya ang kasama ni ex-mayor at pumirmi sa isang tabi sa hindi kalayuan sa kanyang amo. Ginagawa lamang niya ito dahil may mga pagkakataon na biglaang nahihilo si ex-mayor at nawawala ito sa balanse. Walang kumikibo sa kanilang tatlo at naghihintay ng anumang balita na manggagaling sa loob ng operating room. Nagtatalo na naman ang isip ni Cecille dahil mas sinasakop ng kanyang isip ang pangyayari at sinabi ni Arnold sa kanya, na imbes na nag aalala siya sa kanyang asawa. Naiisip niyang kasalanan na ngayon na tumingin siya sa iba dahil kasal sila sa simbahan, at ano pa ba ang aasahan niya pagkatapos ng halik na yon?Ayaw niyang samantalahin ang pagkakataon na si Lukas ay kasalukuyang nag-aagaw buhay at eto siya na naghihintay sa anumang mangyayari na susunod sa kanila ni Arnold.
Maganda din kaya ang napangasawa ni Arnold? Ilan na kaya ang anak niya? Naiinis na si Cecille kung bakit tungkol kay Arnold ang umuukopa ng utak niya. Bakit hindi siya mag-alala kay Lukas.
Nang biglang may lumabas galing sa OR. Isang nurse na mukhang may pupuntahan dahil sa mabilis na kilos nito. Nahinto ang pag-iisip ni Cecille at napatayo siya. Nakuha din ng nurse na lumabas ang atensiyon ng ama ni Lukas. Hindi hinanap o tinanong sinuman sa kanila kaya si Cecille ang kumausap sa nurse.
"Excuse me, kamusta na po si --- ang asawa ko, 'yung pasyente po?" mabilis ang ginawang pagtatanong ni Cecille.
Dahil naunahan na siya, naghintay na lang si ex-mayor ng isasagot ng nurse na mukha ding nagmamadali.
"Under operation pa din po. Kailangan pa din po ng dugo ng pasyente dahil madami po ang nawala sa kanya. Ubos na po 'yung sinalin sa kanya sa pinanggalingan n'yong hospital. Sige po, excuse me." sabi ng nurse na nagmamadali at umalis na ito.
Mas lalong nataranta si ex-mayor. Napapahawak na ito sa ulo niya habang nagpapalakad-lakad na animo'y may malalim na iniisip.
Ano kaya ang ibig sabihin ng nurse sa loob-loob ni Cecille, walang kasiguraduhan ang sagot nito sa tanong niya. Dalawang doktor na ang nasa loob ng OR.
"Cecille." biglang tawag ni ex-mayor.
"Po, daddy?" sagot ni Cecille.
"B-baka nagugutom ka. May kainan pala diyan malapit lang o kahit magkape ka man lang." wala lang siguro masabi si ex-mayor dahil sa tensyong nararamdaman nito.
"Okay lang po ako Daddy, hindi po ako nagugutom." sagot naman ni Cecille.
'Yun lang at wala na naman silang kibuang tatlo ng pabalik na ang nurse na kanina lang ay lumabas ang OR. May dala ito, marahil 'yun na 'yung dugo na isasalin kay Lukas.
"Nurse, gaanong katagal ang operasyon?" si ex-mayor naman ang nagtanong.
"Mga 2-3 hours po. Sige po, excuse me." mabilis na sagot ng nurse.
"Salamat." pahabol ni ex-mayor sa nagmamadaling nurse.
"Diyos ko, iligtas nyo po anak ko." usal ni ex-mayor na narinig ni Cecille.
Tumayo si Cecille at nilapitan ang biyenan upang aluin ito.
"Daddy, makakaligtas po si Lukas." aniya sabay himas nito sa likod ng biyenan.
Nang biglang nag-ring ang cellphone ni Cecille.
"Hello Karl, bakit anak?" bungad ni Cecille pagkasagot ng phone.
"Mommy, kamusta na po si Daddy?" tanong ni Karl sa kabilang linya.
"Nasa OR pa Daddy mo Karl.n Naghihintay pa kami ng result 2-3 hours daw ang operation." sagot ni Cecille na naririnig ng kanyang biyenan.
"Mommy, pupunta daw po diyan sa ospital sila Lola kasama si Tita Doreen. Sasama din po ako." sabi ni Karl.
"Wait sabihin ko kay lolo mo ha." sabi ni Cecille.
"Daddy, si Karl po. Pupunta daw po sila mommy at Doreen. Sasama daw si Karl." si Cecille habang naka-hang sa kabilang linya si Karl.
"Akina nga kausapin ko si Karl." si ex-mayor na naka-akma na ang kamay para abutin ang cellphone sa manugang.
"Hello Karl. Sino magda-drive sa inyo?" tanong ng lolo ni Karl.
"Si Tita Doreen daw po." sagot ni Karl.
"Makulit din yang Lola mo na 'yan. Sige, sabihin mo sa tita Doreen mo na 'wag kalimutang pagdalhan ng gamot ang Lola mo, baka biglaang mahilo yan." si ex-mayor na napalatak pa.
"Sige po Lo. Tatawag na lang po ako kay Tita. Dadaanan daw po nila ko dito sa bahay." si Karl.
"Okay sige. Mag-ingat kayo." si ex-mayor.
"Opo Lo. Sige po. Bye."
"Okay sige."
Matapos ng usapan ay ibinalik na ni ex-mayor ang phone ni Cecille at muli itong naupo.
"Daddy, bakit hindi na lang po si Cholo ang nag-drive sa kanila?" tanong ni Cecille.
"Ayaw pinapa-drive ni Doreen 'yung sasakyan niya sa iba. Du'n lang sa asawa niya. Hindi ko na nga tinanong eh alam ko may pasok si Doreen ngayon. Nabalitaan na siguro, tsk tsk."
"Daddy, pahinga po muna kayo sa sasakyan. Buksan n'yo na lang po ang aircon para mapahinga po kayo. Dito muna po ako. Ako na lang po magbantay dito. Hinihingal na po kayo napansin ko." may pag-aalala sa tono ni Cecille.
Nagdadalawang isip man, sinunod na lang ni ex-mayor ang sinabi ng manugang at baka sakali ngang mabawasan ang nerbiyos at tensyon niyang nararamdaman.
"Sige sige, basta paglabas ng mga doktor tawagin mo 'ko agad o baka bumalik din ako agad. Padalhan kita ng kape diyan ha Cecille." si ex-mayor na akma nang patayo.
"Sige po Daddy. Salamat po." sagot ni Cecille na umalalay sa pagtayo ng biyenan.
Muling napag-isa si Cecille. Iba naman ang tumakbo sa kanyang isip. Natutuwa siya dahil maganda na ang buhay ni Arnold. Mas higit niyang ikinatuwa na natapos pala nito ang pangarap na maging doktor. Samantalang siya ay nanatili na lang na taong-bahay.Gusto niyang manghinayang na kung sila pa sana ay maganda na ang buhay nila, pero naisip din niya na maaaring hindi din nakatapos si Arnold kung nangyari man 'yun o baka mas naging miserable pa ang buhay nila.
Gusto niya tuloy maiinggit sa asawa ni Arnold kahit hindi pa man niya ito nakikita dahil kilala niya kung paano magmahal si Arnold. Alam niya ang mga pangarap nito sa buhay at alam niya na mabuting tao ito. Naiisip niya tuloy na sana ay siya ang nasa lugar ng asawa nito ngayon.
Maaaring ang halik na 'yun ay dulot lang din ng kagaya ng naramdaman niyang pananabik nilang pagkikita at hindi para dugtungan ang pag-ibig nilang naudlot at hindi nagkaroon ng katuparan. Maaaring malalaki na din ang anak ni Arnold kagaya ni Karl.
Siguro ay gwapo din kagaya ng ama, nangingiti habang nag iisip si Cecille. Naiisip niya na sana sa paggising ni Lukas at nakita niyang si Arnold ang gumamot sa kanya, sana ay magpasalamat ito at sana'y magbago na ito dahil may panahon pa at baka matutunan din niyang mahalin ang asawa.