Hindi agad nakapagsalita sinuman sa kanila. Nanatili lamang silang nakatitig sa isa't isa. Mata na lang ang nag usap sa kanila. Unang naglibot ang mata ni Arnold, mula sa pagkakatitig niya sa mata ni Cecille ay dumako siya sa ilong, sa mga pisngi nito at sa mga labi, at muling nagbalik sa mata. Samantalang hindi pa din kumukurap si Cecille, patuloy pa din ang pagtitig niya at unti-unting sumilay ang ngiti nito. Ngiting napakatagal bago niya ulit pawalan. 'Yung ngiti na si Arnold lang ang makakapaglabas at yung ngiting dalawampung taon na ang nakalipas bago maalala ng labi niya ang korte ng ngiti na yun. At sa pagkakangiti ni Cecille ay para itong mensahero na mabilis na nakarating sa mga labi ni Arnold at sinabing suklian niya ang matatamis na ngiti na 'yun.
"K-kamusta ka na. W-wala kang pinagbago ah. Hindi ka tumatanda." bungad ni Arnold at sumilay ang kislap sa mga mata nito.
"A-ayos naman. I-ikaw din naman eh. Ikaw, kamusta ka na?" ang sagot ng hindi pa din natitinag sa pagkakatitig sa kaharap na si Cecille. Gusto niya talagang sabihin ay hindi pa din nagbabago ang kagwapuhan at kakisigan ni Arnold.
"Dito ko nagtatrabaho simula pa ng grumadwait ako. Teka, ano ginagawa mo nga pala dito?" biglang parang natauhan na tanong ni Arnold.
"Huh ah ano, 'yung yung asa-- si Lukas nabaril. Dito kami ni-refer ng ospital sa Cavite." mula sa pagkakagising nito sa hipnotismo ay parang nahirapan o nahiya si Cecille na bigkasin ang salitang asawa sa harap ni Arnold.
"Si Lukas ang pasyente ko?" tanong ni Arnold na nahalata ni Cecille na nagbago bigla ang reaksyon ng mukha nito.
"O-oo." napayuko si Cecille.
"Doc excuse me, tawag na po kayo sa loob." tinig na galing sa nurse na hindi nila namalayang nasa tabi na pala nila.
"I'm coming." sagot ni Arnold dito.
"Cecille, bakit sa dinami-dami ng doktor ako pa?" tanong ni Arnold pagkatapos sagutin ang nurse.
Hindi nakasagot si Cecille dahil alam niya ang ibig sabihin ni Arnold. Tiningnan lamang niya ito at pinilit basahin nito ang sinasabi ng kanyang mga mata.
"Sino kasama mo? Usap tayo mamaya Cecille." nagmamadali ng pumasok si Arnold sa loob ng OR at hindi na niya hinintay ang isasagot ni Cecille na sinundan lamang siya ng tingin hanggang makapasok siya.
Habang isinusuot ni Arnold ang mga gloves na inabot sa kanya ng nurse ay nakatingin na siya kay Lukas. Si Lukas na bata pa lang sila ay binubully na siya. Si Lukas na ipinapahiya siya sa maraming tao. Si Lukas na nagpabugbog sa kanya sa mga barkada nito at si Lukas na umagaw ng nag iisa niyang minahal... si Cecille. Bakit sa dinami-dami ng doktor ay natapat pa sa kanya si Lukas? Kung pwede lang umatras at hayaan na lang niya itong mamatay ay ginawa na niya o kaya'y tusukin niya ng matulis na instrumento ang puso nito para mapabilis na ang pagkawala nito. Pero isa siyang doktor na may sinumpaan na gagamutin ang sinuman na nagangailangan ng tulong. Sumagi sa isip ni Arnold ang ama ni Lukas na si ex-mayor Juancho Valentin, ang pinagkakautangan niya ng loob kung bakit siya doktor ngayon. May mga ginawa mang masasakit sa kanya ang dating mayor ay utang na loob pa din niya dito kung nasaan man siya ngayon at 'yun na lang tatanawin niya para gamutin ang mortal niyang kaaway na si Lukas.
Sa labas ng operating room ay hindi pa din nakakaalis sa kanyang kinatatayuan si Cecille. Pakiramdam niya ay bubuwal siya sa oras na siya ay kumilos. Dalawampung taon, hindi niya lubos maisip na sa loob ng dalawampung taon ay sa ospital pang iyon sila magkikita ng nag-iisang lalaking inibig niya sa buong buhay niya. Parang nakaramdam siya ng pananabik sa muli nitong paglabas sa OR at pagkikita nila at magkausap pa sila ulit. Naisip bigla niya ang asawang si Lukas, ang kalagayan ng kanyang asawa na ngayon ay gagamutin ni Arnold na sukdol ang galit sa kanya. Biglang natanong ni Cecille sa sarili kung gagamutin nga ba ni Arnold si Lukas gayong kaaway niya to. Kusa bang dumating kay Arnold ang pagkakataon para ito ay makaganti sa lahat ng ginawa sa kanya ni Lukas? Alam ni Cecille na nagkakasala siya sa kanyang iniisip at alam niyang may sinumpaan ang mga doktor na gumamot kahit na sino pa ito, kahit kaaway pa ito at dinalangin niya na sana ay maisip ni Arnold 'yun sa kabila ng mga nagawa sa kanya ni Lukas.
Nang makaramdam si Cecille na kaya na niya ang katawan ay mabilis niyang tinungo ang nakita niyang upuan at mabigat na ibinagsak ang katawan dito.
Hindi pa din siya halos makapaniwala na nagkita sila ni Arnold. Wala itong pinagbago sa loob-loob niya. Nagkaroon lang ng kaunting puting buhok at halos ganun pa din ang itsura nito nu'ng huli silang nagkita. Bumalik bigla sa alaala ni Cecille ang nakaraan... ang kanilang naging masaya, makulay at sa huli ay pinakamapait na karanasan niya sa piling nito.
1989 nang lumipat ang pamilya nila Cecille sa barangay Tulaoc sa may San Isidro sa Cavite. Nag-iisa lamang siyang anak nila Aling Upeng at Mang Delfin. Mula sila sa Laguna at dahil namatay na ang kapatid na matandang dalaga ni Mang Delfin na nag iisa na lang sa buhay ay umuwe na sila duon upang may tumira sa bahay nito. Mabato pa ang kanilang barangay at hindi pa sementado ang kalsada.
"Akala ko ba eh dito nakatira sa barrio na to ang mayor? Eh bakit hindi pa din patag ang daan?" reklamo ni Aling Upeng sa asawa habang papalapit na sa pupuntahan ang nirentahang jeep na pinanghakot ng gamit nila.
"Hindi dito Upeng, duon sa nadaanan nating barangay bago ito. 'Yung sementado na yung kalahati. Inuna daw ipa-sementado ng buo ang kabayanan balita ko. Andun kasi ang palengke, simbahan saka ang munisipyo pero sunod-sunod na daw yan ipapagawa." sagot naman ng asawang si Mang Delfin.
Maraming bata na nagsisipaglaro sa kalye ng sapitin nila ang bahay na lilipatan. Nakita ito ni Cecille at ikinatuwa niya dahil tahimik sa kanilang pinaggalingang lugar.
"Hoy Cecilia, tumulong ka nga dito. Bitbitin mo yung kaya mo. Kalilipat lang natin eh sa mga naglalaro ka kaagad nakatingin. Saka mag ge-grade six ka na sa pasukan, alangan ka na sa mga ganyang laro." sabi ni Aling Upeng kay Cecille.
Huminto naman sa pagpapatintero ang mga batang naglalaro sa tapat ng bahay ng lilipatan nila at nag alok na tutulong ang mga ito. Matapos maibaba at maipasok ang mga gamit ay nagpaalam na muli ang mga bata na babalik sa paglalaro.
Mahirap lang ang pamilya nila Cecille. Tanging pagtatanim lang ang nalalamang hanapbuhay ng kanyang ama kahit na sila ay nasa Laguna pa lang at dahil sa pakikisama sa mga kapitbahay ay nakakahanap ng mapagtatrabahuhan si Mang Delfin sa oras na kailangan ng manananim.
"Ilapit mo kay Mayor si Cecille mo. Mas maganda kung sa bahay mo sasadyain para mas makausap mo ng maayos. Mabait din ang asawa ni mayor, si mam Lilia." sabi kay Aling Upeng ng isang kapitbahay.
Dahil sa mag ha-high school na si Cecille at wala pang gaanong public school nuon sa Cavite kaya't may nagmungkahi kay Aling Upeng na ilapit kay Mayor ang anak para kunin itong scholar.
Isinama ni Aling Upeng ang anak sa bahay ng mayor isang araw ng Sabado at mabait naman silang pinaunlakan na pumasok ng bahay. Nakita agad ni Cecille ang isang halos sing-edad niyang lalaki na naka head set at may hawak na walkman at bumubuka ang bibig nito at naisip niyang sinasabayan nito ang kanta 'dun sa pinakikinggan. Nakaupo ito sa may hagdanan habang hinihintay nila ng Nanay niya ang paglabas ng mayor. Sa murang edad ni Cecille ay naisip niyang swerte ang batang iyon dahil anak ito ng isang mayor at mukhang nasusunod ang gustuhin nito. Bibihira ang may walkman nuon at nakakapakinig lamang siya sa mga tugtugin sa maliit na transistor radio sa bahay nila na may am/fm na istasyon. Pulos mga balita at drama sa AM at mga tugtog at awitin sa FM. Madalas pa silang mag-agawan ng istasyon sa bahay. Ang gusto ng tatay niya ay mga balita, ang nanay naman niya puro drama ang gustong sinusubaybayan at siya naman ay mga tugtug at awitin. Napansin ni Cecille na paminsan-minsan ay tumitingin sa kanya ang lalaki at bigla siyang nahiya ng napansin nitong nakatingin siya. Nawala ng tuluyan ang atensyon nuya dito nang bigla siyang sikuhin ng mahina ng Nanay niya dahil pababa na ang mayor at ang asawa nito.
Tumayo naman agad si Aling Upeng at Cecille mula sa pagkakaupo sa malambot ng sofa.
"Magandang umaga po mayor, mayora." bati ni Aling Upeng. Muli na namang binunggo ni Aling Upeng ang anak at alam na ni Cecille ang ibig sabihin nu'n.
"Magandang umaga po." bati naman ni Cecille sa mag-asawang papalapit sa kanila.
"Daddy, kelan mo ulit ako ibibili ng tape. Sawa na 'ko kakapakinig dito. Pati family computer ko 'yun at 'yun din nalalaro ko." biglang sumingit ang lalaki na anak nila Mayor.
"Lukas, may bisita tayo. Mamaya mo na lang sabihin yan." sagot ni Mayor sa anak.
"Oo nga anak, bibili tayo mamaya na lang ha." segunda ng ina nito.
"Puro na lang ganun... puro na lang ganun. Hindi naman tinutupad." nakamunyangot na sabi ni Lukas at padabog itong umalis.
"U-upo kayo." sabi ni Mayora kila Aling Upeng habang paupo na din silang mag-asawa.
"Ano po bang maipaglilingkod ko?" tanong agad ng mayor sa kanila.
"Eh, m-mayor ito nga po pala anak ko, si Cecille, magha-high school na po kasi siya eh mayor manananim lang po sa bukid ang asawa ko. Ipapasok po sana naming scholar ang anak ko. May utak naman po siya. Kasama din po siya sa top ten." pagmamalaki ni Aling Upeng.
"Magandang bata itong si Cecille ha. Alam n'yo po talagang kumukuha talaga ko ng sampung scholar taon-taon at tinitingnan ko din naman ang kakayahan ng isang magulang o ng pamilya kung mapag-aaral ba nila o hindi yung inilalapit sa aking scholar. Sa Lunes agahan n'yo akong puntahan sa munisipyo. Dalhin n'yo card ni Cecille kahit xerox copy lang para maasikaso natin yung scholarship niya." sabi ni Mayor.
"Naku, salamat po mayor mayora. Salamat po talaga. Cecille ano sasabihin mo?" pananabik na sabi ni Aling Upeng.
"Maraming maraming salamat po." sagot naman ni Cecille.
"Maganda talaga 'tong si Cecille ha. Alam mo hindi mapagkakamalang mahirap tong si Cecille." diretsong salita ni Mayora.
"Lilia!" may banta sa pagkakatawag ni Mayor sa asawa at bahagya nyang tiningnan ito ng matalim.
"I-ibig kong sabihin, m-mukhang mayaman kung titingnan itong si Cecille. Tingnan mo 'yung balat, kutis na kutis pa lang. S'an mo ba pinaglihi 'tong anak mo?" natutuwang sabi ni Mayora.
"W-wala naman po, mapuputi po kasi 'yung mga kamag-anak ng asawa ko. Du'n po siguro minana nitong anak ko 'yung puti niya." si Aling Upeng.
"Pa'no? Ganun na lang po. Asahan namin kayo sa Lunes, saka sana naman po ay makuha din namin lagi ang suporta po ninyo." si Mayor.
"'Yun pa nga po pala mayor. Magpapalipat na din po nga pala kami ng pagboto dito sa cavite. Paano po ba gagawin?" si Aling Upeng.
"Ah ganun ba. Sige sa lunes na din pa-assist ko na lang kayo. Isama mo na din ang asawa mo ha. Kailangan ko din ng suporta nyo para naman mapagpatuloy ko ang paglilingkod sa bayan natin." sabi ni Mayor.
"Makakaasa po kayo mayor."
Sa kanilang paglabas ay inihatid sila ng isang babae na kasambahay ng mga Valentin.
"Yung anak ko scholar din ni Mayor mag fi-first year din." banggit nito kay Aling Upeng.
"Ganun ba? Sana maging magkaklase sila itong anak ko. Babae din ba anak mo?" tanong ni Aling Upeng.
"Lalaki anak ko. First honor nga 'yun nitong elementary." pagmamalaki ng babae.
"Galing naman pala ng anak mo." si Aling Upeng.
"Magkita tayo sa enrolment para makilala mo anak kong si Arnold." sabi pa nito habang binubuksan ang gate.
"Sige, salamat ha." paalam ni Aling Upeng.