February Maaga kaming umalis ni Nixon mula sa mansyon at nagtungo sa isang simbahan sa Maynila, kung saan naroroon si Renzo. Hindi ito ang simbahan na dapat sana'y pagdarausan ng aming kasal—dahil sa Mindoro iyon nakatakdang ganapin. At ngayon ang mismong araw na sana'y ikakasal kami. Pagdating namin sa simbahan ay naaktuhan na namin sa tapat nito ang isang itim na kotse. Naririto rin ang mga tauhan niya at nagbabantay. Si Renzo ay natanaw naming naglalakad patungo sa altar, mag-isa, laglag ang mga balikat at parang kay bigat pa rin ng mga dinadala niya hanggang ngayon. Tahimik ang buong simbahan. Walang katao-tao. Tanging mga yabag ni Renzo ang maririnig. Wala siyang suot na barong o amerikana—tanging simpleng polo at itim na pantalon ang kanyang suot. Walang bulaklak, walang musika.