"Anais!" papasok na ang sasakyan sa San Ildefonso Maligaya HS nang marinig ko ang pagtawag ni Andeng sa akin. Anong ginagawa ng babaeng ito rito? "Sir Storm, pakihinto na lang po sa tabi." Sumunod naman ito. Tinulungan n'ya akong maibaba ang dalawang bata. "Mauna ka na po sa principal's office. Susunod na lang po ako." "Okay." Tipid na sagot ng lalaki. Saka lumulan ulit sa sasakyan at pinausad na iyon patungo sa parking lot ng eskwelahan. "Andeng, anong ginagawa mo rito?" takang tanong ko. Binuhat nito si Elio bago ako hinarap. "Kasama ko iyong madam ko. Nasa classroom siya. Gusto mo ako na munang magbantay sa dalawa? Sunod ka na sa sir mo." "Sige. Tempest, makinig at sumunod kay Mama Andeng." Bilin ko. "Opo, mama." Saka ito tumakbo sa upuan kung saan nakapatong ang bag ni Andeng. "