Nang araw na dumating iyong DNA result ay ipinaalaga muna ulit namin kay Thunder ang dalawang bata. Si Lola naman ay kasama namin dito sa sala. Kinakabahan din. "Sana nga talaga ay magkapatid kayo ni Andeng." Bulong ni Lola sa akin. Dumating na rin si Mayor Miguelito kasama si Precious Pearl na agad yumakap sa akin at kay Andeng. Alam ko... sa aming lahat dito ay isa ito sa nagdarasal na sana ay may maganda ngang resulta ang DNA test na ito. Ina ito na nagdarasal na sana nga ay matuldukan na ang paghihirap nito dahil sa mga anak n'yang nawawala. Sana nga ito na iyong dalangin n'ya... sana nga kami o isa man lang sa amin ang sagot sa dalangin n'ya. "Ready na ba kayo?" tanong ni Senior Landon. Sabay-sabay kaming tumango. Kahit si Lola na parang pinakakinakabahan sa amin ay napatango rin.