Ria Peñaflor
"Mama! Mama, may ililibing na naman!"
Napalingon ako sa apat na taong gulang kong anak na babae na ngayo'y tumatakbo palapit sa akin. Ako nama'y abala sa pag-a-arrange ng mga bulaklak sa mga vase.
"Anak, sinabi ko sa'yong huwag kang lalabas!" agad kong sagot sa malakas at malamig na tinig para malaman niyang galit ako at hindi ko na naman gusto ang ginawa niya.
"Sumilip lang po ako, Mama. Hindi ako nagpunta sa mga tao. Dalian mo na po. May bibili na ng mga bulaklak!"
"Kung ililibing pa lang 'yon, may mga bulaklak na silang dala." Ipinagpatuloy ko ang pag-aayos ng mga natitira pang bulaklak.
"Baka may ibang dadalaw sa iba. Tapos wala silang bulaklak."
Napangiti naman ako. "Heto na, matatapos na 'ko." Inilagay ko na sa malapad na planggana ang mga vase na may pinaghalong white and yellow na chrysanthemum flowers. Fifteen pieces lang ang nagawa ko ngayon dahil babago lang namumulaklak muli ang iba ko pang mga halaman.
"Sasama po ako, Mama!" May pagmamadaling isinuot ni Daeria ang sumbrero niya.
"Bitbitin mo 'yong plastic ng mga kandila," utos ko naman sa kanya.
"Opo!" Agad din siyang pumasok sa loob ng barong-barong namin, at paglabas ay dala na niya ang isang malaking supot na naglalaman ng mga kandila at posporo.
Maingat kong isinunong sa ulo ko ang planggana, at naglakad kami patungo sa may gate nitong Monte de Gracia Memorial Park. Nakahawak sa tela ng bestida ko ang aking anak.
Natatanaw ko na nga ang kapapasok lamang na mga sasakyan at mga tao dito sa loob. Dumating na nga ang unang ililibing na patay sa araw na ito, Sabado.
Marami na namang dadalaw sa araw na ito. Sayang lang at kakaunti lang ang paninda kong mga bulaklak ngayon.
"Mama, maraming kotse. Mukhang mayaman sila," turan ng aking anak habang pinagmamasdan din ang mga tao.
Magagandang kotse nga ang dumating, at sa hitsura pa lang ng mga tao, mukhang mayayaman nga sila. Lahat sila ay nakasuot ng puti. May mga sunglasses ang iba.
Sino naman kaya ang patay?
Pero pangmayaman naman talaga ang sementeryong 'to, kaya hindi na 'yon kataka-taka pa.
Dito kami nakatira ng aking anak. Naririto rin ang hanapbuhay ko. Dating katiwala dito si Tatay, pero tatlong taon na ang nakalilipas simula noong yumao siya sa sakit na pneumonia. At dito na rin siya inilibing, sa tulong ng may-ari. Pumalit sa kanya si Tiyo Mariano at siyang nakakasama namin dito.
Sanay na dito ang aking anak, dahil dito ko na siya ipinanganak. Kaya wala lang sa kanya ang mga nadaraanan naming mga puntod. Diyan pa nga siya naglalaro araw-araw. Matapang siyang bata, at kapag may nambu-bully sa kanyang mga bata, lalo na sa school, lumalaban talaga siya at nagsusumbong kaagad sa akin o sa teacher. Kaya walang nakakaporma sa kanya.
Kami ang naglilinis ng buong sementeryo mula sa mga puntod, pagwawalis ng damo, pag-aalis ng basura at kung ano-ano pa. Kung minsan ay tumutulong din ako kay Tiyo Mariano sa pagla-landscape, pagpipintura at pag-aayos ng mga bakod o gate.
Mabait ang may-ari ng cemetery na ito, at hinayaan kaming tumira dito. Ang barong-barong naman namin sa may sulok malapit sa likurang bahagi ay matagal nang itinayo noon ni Tatay. Wala na akong ina. Namatay siya sa panganganak sa akin noon. Mag-isang anak lamang din ako.
"Mama, baka may mga guwapo na doon pwede kong maging daddy," turan muli ng aking anak na ikinahinto ko naman.
Hayan na naman siya sa paghahanap ng daddy niya. Palagi niyang binabantayan ang mga taong nagtutungo dito. At sa tuwing may nakikita siyang guwapo at mukhang mayamang lalaki, gusto niya kaagad maging daddy. Kung minsan ay tinatakasan pa niya ako para lang lapitan ang mga 'yon.
Kaya napapagalitan ko siya palagi. Mahirap magtiwala sa panahon ngayon. Mabuti na lang, may guard kami sa gate nitong memorial park at kilalang-kilala kami dito, lalong-lalo na ang makulit kong anak.
"Tumigil ka na, Daeria," mahinang saway ko sa kanya. "Bakit ba naghahanap ka pa ng daddy? Nandito naman ako, nandito ang Lolo Mariano mo. Parang daddy mo na rin ang Lolo mo."
"Matanda na si Lolo! Hindi naman kayo bagay!"
Natisod ako sa isang bato at kamuntik nang madapa dahil sa sinabi niya.
"Dahan-dahan lang, Mama! Gusto ko bata pa na daddy. Tapos isasama ko siya sa school. Ipapakita ko sa mga nambu-bully sa akin na may strong akong daddy. Hindi matanda!"
Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano sa mga sinasabi niya.
"Sige ka, kapag narinig ka ni Lolo Mariano. Tinatawag mo siyang matanda. Hindi ka na no'n bibigyan ng baon sa school."
"Wala naman si Lolo, eh." Agad ding humina ang boses niya at luminga sa paligid.
Siguradong nag-a-assist na ngayon sa mga naglilibing si Tiyo Mariano.
Nakarating din kami sa wakas sa mesa namin, dito sa malapit sa gate.
"Hello, Kuya Roy!" tawag kaagad ni Daeria sa guard namin kasabay nang pagkaway niya. "Magtitinda na naman kami ni mama ko!"
"Hello, baby Dae-Dae!" Kumaway din naman ito kaagad sa amin. "Napakasipag naman talaga. Galingan mo, ha? Para makarami ka kaagad ng benta!"
"Opo! Tatawagin ko silang lahat! Dapat bibili silang lahat sa amin!" sagot din naman ng maingay na bata.
Natawa naman kami sa sinabi niya.
Inilapag ko na sa lupa ang planggana bago isa-isang ipinatong sa mesa ang mga flower vase. Ipinatong ko rin sa gilid ang tatlong pack ng mga maliliit na candle, kasama na rin ang posporo. May mahabang kahoy na upuan kami dito, at mayroon ding malapad na payong ang aming mesa.
"Kuya Roy, sino 'yong patay?" tanong ko sa guard habang nililingon siya. "Kilala niyo po ba?"
"Si Mang Morgan. 'Yong may-ari ng malaking bigasan sa palengke at ng tubigan."
Bigla akong napahinto sa sinabi niya. "M-Mang Morgan? M-Morgan Said?"
"Oo, 'yon nga. Sabi nila atake daw sa puso. Biglaan na lang."
Lumakas bigla ang kabog ng dibdib ko, kasabay nang kilabot na bumalot sa akin. Awtomatikong bumaling ulit ang ulo ko sa kinaroroonan ng mga taong nakikipaglibing. Naririnig ko na ang malalakas na iyakan nila doon.
K-Kung ganun, naririyan din ngayon ang pamilya ng mga Delavega. L-Lalong-lalo na si ... Daemon ... na siyang apo.
Napayuko akong bigla sa anak ko sa aking tabi. Ngunit natigilan ako nang hindi ko na siya makita.
"Daeria?" Napatayo akong bigla at hinanap siya sa paligid. "Daeria!" Nataranta akong bigla at mas lalo pang kinabahan.
"Naku, tumakbo na si Dae-Dae! Naroroon na!" biglang turan ni Kuya Roy kasabay nang pagturo niya sa kinaroroonan ng mga taong nakikipaglibing.
Napalingon din ako doon, at nakita kong nakikipagsiksikan na nga sa mga tao ang aking anak.
"Oh, Diyos ko." Napatakip akong bigla sa bibig ko, kasabay nang panginginig ng mga tuhod ko. "K-Kuya Roy, p-pakibantayan ang paninda ko."
"Sige na, ako na ang bahala dyan. Puntahan mo na."
Hindi ko na siya nilingon pa. Nagmadali na ako sa paglalakad patungo sa kinaroroonan ng mga tao. Mahigpit kong itinuon ang paningin ko sa aking anak upang hindi siya mawala. Halos takbuhin ko na ang pathway makalapit lang kaagad doon.
"Diyos ko namang bata 'to. Bakit ba napakatigas ng ulo?" Nangingilid na ang mga luha sa aking mga mata.
Natigilan na lang ako nang hindi ko na siya makita pa.
"s**t!" Halos manggigil ako sa halo-halong galit at pag-aalala.
Nagpatuloy ako sa mabilis na paglalakad kahit pakiramdam ko'y parang bibigay na ang mga tuhod ko dahil sa labis na panginginig.
Tuluyan na akong nakalapit. Nakisiksik din ako sa mga tao. Yumuko ako upang hindi ako gaanong mapansin. Mabuti na lang at puti rin ang bestida ko.
Hinanap ko sa kanila ang aking anak.
Hanggang sa 'di nagtagal ay nakita ko itong nakatayo na sa harapan ng kabaong, sa tabi ng ilang mga taong naroroon. Nakikisilip din siya sa salamin ng kabaong na 'yon.
"Lolo na rin po siya?" tanong niyang bigla, na ikinanganga ko ng husto.
At ang mas lalo kong ikinatulala ay nang lumingon din sa kanya ang matangkad na lalaking katabi niya. At kahit nakasuot ito ng sunglasses, nakilala ko pa rin siya.
Napasapo akong bigla sa dibdib ko, na napakalakas ng kabog.
D-Daemon...
Umupo ito sa tabi Daeria hanggang sa magpantay sila. Hinubad din niya ang sunglasses niya hanggang sa makita ko ang mga mata niyang namamaga at namumula.
"Who are you?" tanong niya kay Daeria kasabay nang pangungunot ng noo niya.
Shit.
"Apo ka rin ba niya?" muli niyang tanong.
"Kapag kayo po ang naging daddy—"
"Daeria!" napasigaw na akong bigla sa labis na pagkataranta.
Napalingon naman ang lahat sa akin, kaya kaagad akong napayuko.
"P-Pasensiya na po. Pasensiya na po talaga," hingi ko ng paumanhin sa kanila habang nilalapitan ang aking anak. "P-Pasensiya na po sa pangangambala ng anak ko. P-Paumanhin po." Sa mga oras na ito, parang gusto ko na lang magpalamon sa lupa.
Ramdam ko ang matinding pamumula ng aking mukha.
Agad kong binuhat ang aking anak habang nananatiling nakayuko. Pero nakita ko pa rin sa gilid ng aking mga mata ang pagtitig sa akin ni Daemon, at siguradong malinaw niyang nakikita ngayon ang aking mukha dahil nakaupo din siya ng bahagya.
"P-Pasensiya na po ulit. Nakikiramay po kami," ani kong muli bago umatras at agad ding tumalikod.
"Wait."
Ngunit bigla akong napahinto nang marinig ko ang tinig ni Daemon. Hindi ako lumingon pero pakiramdam ko ay magigiba na ang dibdib ko sa mga sandaling ito dahil sa lakas ng kabog nito.
Shit!
Hindi niya naman siguro ako makikilala. Hindi. Hindi talaga.
Maya-maya'y may malaking katawan na ng lalaking humarang sa aming harapan. Ramdam ko na ang panginginig ng buo kong katawan. Kilalang-kilala ko ang presensiya niya, lalong-lalo na ang mabango niyang amoy na walang ipinagbago kahit limang taon na ang nakalilipas simula noong magkasama kami.
"Nahulog niya."
Bigla akong natigilan sa sumbrerong inilahad niya sa aming harapan. Ang sumbrero ni Daeria.
"Akin po 'yan!" Agad din itong inagaw sa kanya ng aking anak. "Salamat po!"
Dahan-dahan akong tumingala...
Hanggang sa tuluyan nang magtagpo ang aming mga mata.