CHAPTER 02: Confrontation in the Office

2331 Words
Ria Peñaflor BAHAGYANG kumunot ang noo niya habang nakatitig sa akin, na tila ba kinikilala ako. Mas lalo pang kumabog ng malakas ang dibdib ko. "Babe, come on." Bigla naman akong napalingon sa babaeng tumawag. At muli akong natigilan nang matanaw ko si Lucinda, malapit din sa kabaong. Nakilala ko siya kaagad kahit natatakpan pa ng malaking sunglasses ang mga mata niya. Nangunot ang noo ko sa katabi niyang batang babae na hawak niya ang kamay. "What are you still doing there?" tanong muli ni Lucinda habang nakatingin sa amin. Hindi ko alam kung saan siya direktang nakatingin pero tumaas ang isa niyang kilay. Siguro ay hindi niya rin ako nakikilala. Nilampasan na kami ni Daemon at lumapit na rin sa kanila. Sinalubong pa siya ng batang babae at hinila kaagad ang kamay niya. Siya na kaya ang anak ni Lucinda? Natuloy ba noon ang kasal nila? Napansin kong nakatitig pa rin sa amin si Lucinda, kaya kaagad na akong yumuko at nagpatuloy na sa paglalakad palayo sa kanila. "Ano bang sinabi ko sa 'yo, Daeria?" mahinang sermon ko sa anak ko. "Nakalimutan mo na ba kaagad ang sinabi ko? Hindi ka naman bingi, 'di ba?" Niyuko ko siya at nakita ko ang paghikbi niya. "Aalukin ko lang po sana sila ng bulaklak at kandila, Mama. Para marami tayong benta." Tumulo ang luha niya sa pisngi na agad din niyang pinunasan gamit ang braso niya. Namumula na kaagad ang ilong at pisngi niya. "Hindi ka talaga nakikinig kay Mama," sermon ko pa rin. "Sinabi ko na sa 'yo na kapag ililibing pa lang ang patay, marami silang dalang bulaklak at kandila. Ang bebentahan lang natin, 'yong mga dumadalaw lang. Hindi mo ba naiintindihan 'yon? At hindi ka rin pwedeng makihalubilo sa mga taong hindi mo kilala o kahit pa kilala mo. Paano kung bigla ka na lang nilang kunin at isilid sa sako? Ano'ng laban mo? Ang liit-liit mong 'yan." "Sorry po, Mama. Hindi na po mauulit." "Talagang hindi na mauulit!" hindi ko napigilang sigaw. Naiiyak na rin ako sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Tuluyan nang lumakas ang iyak niya at yumakap na sa akin ng mahigpit. "Sorry, Mama. 'Wag ka na magalit." Sumiksik siya sa leeg ko. Hinagod-hagod ko ang likod niya. Agad akong nakunsensiya at naawa sa kanya. Pinunasan ko rin ang pumatak na luha sa pisngi ko. "Hindi na. Basta, makinig ka lang palagi kay Mama." "Opo. 'Di ka na galit, Mama?" Hinawakan niya ang pisngi ko at tumitig sa akin. Patuloy naman ako sa paglalakad. "Hindi na, basta hindi ka uulit. Kapag umulit ka pa, ikukulong na lang kita sa bahay. Hindi na kita isasama sa pagtitinda." "'Di na po, Mama. Promise." Agad niya akong hinalikan sa pisngi. Hindi siya nandidiri kahit may mga pilat ako sa pisngi. Tuluyan na rin kaming nakarating sa mesa namin. "Naku, Dae-Dae, tinakasan mo na naman ang Mama mo," ani Kuya Roy sa kanya. "Wag mo nang uulitin 'yan. Baka mamaya, may mga bad people na bigla na lang kumuha sa 'yo dyan." Hindi sumagot si Daeria, pero humihikbi pa rin siya at may luha pa rin ang mga mata niya. Ibinaba ko na siya sa upuang kahoy. "May benta ka nang tatlong bulaklak at apat na kandila, Dae-Dae!" turan muli ni Kuya Roy. "Inilagay ko dyan sa supot ng kandila." "Salamat po, Kuya Roy," sagot ko naman. Nakita ko nga ang pinagbentahan sa supot ng kandila. Inilagay ko ito kaagad sa malalim na bulsa ng bestida ko. Tatlong dadaanin at apat na bente. One hundred pesos kasi ang bawat flower vase. Bente pesos naman ang isang kandila. Binibili ko rin ang vase sa online—bundle-bundle para mas mura. Malaki lang ang kinikita ko kapag Sabado, Linggo, sa tuwing araw ng patay o Pasko. Marami rin ang dumadalaw kapag Pasko. Pero kapag normal days naman, kung minsan ay walang kita. May time din na natutuyo na lang ang mga bulaklak ko. Pero hindi naman nasasayang dahil ginagawa ko silang herbal tea. Ang chrysanthemum flowers ay may natural mild, floral flavor at kadalasang iniinom para magpakalma ng katawan, pampababa ng lagnat, o pampabawas ng stress. Gumagawa rin ako kung minsan ng potpourri, na pampabango sa loob ng bahay. Naubos nga noong nakaraang linggo ang stock ko. Naubusan na rin ako ng bottle kaya hindi pa ako nakakagawa ulit. Naibebenta ko rin sila dito, kung minsan ay sa school, sa mga ka-nanay ko sa tuwing hinahatid-sundo ko si Daeria. Kaya kahit papaano ay nakakapag-ipon ako para sa aming mag-ina, para sa future ng anak ko. Wala naman kasi kaming ibang aasahan. 'Wag lang sanang magkasakit ang isa sa amin. Siguradong doon lang mapupunta ang ipon. "Kuya Roy, nakita ko po, lolo na 'yong patay!" biglang marites ng anak kong matigas ang ulo. Mukhang okay na kaagad siya. Ganyan naman siya palagi. "Anak, hinaan mo 'yang boses mo," saway ko sa kanya. May mga naglalakad na kasing mga tao paalis sa mga nakikipaglibing. Karamihan sa kanila ay taga-rito lamang din sa bayan namin. "Opo," sagot ng aking anak. "Nakita mo 'yong patay, Dae-Dae?" tanong din naman ni Kuya Roy. "Hindi ka natakot?" "Hindi po. Lolo po siya, matanda na." "Ssh," mahinang saway ko ulit sa aking anak. "Parang nakita ko na siya dati, Mama. May kamukha siya doon sa bayan, sa palengke." "Nakikilala mo pa siya?" tanong ko naman. "Opo, parang nakita ko na siya, eh. Kamukha niya si Lolo Morgan. Siguro si Lolo Morgan 'yon." Kilala niya talaga si Mang Morgan. Kung minsan kasi ay bumibili kami sa tindahan nila ng bigas. At palagi rin silang nagkukulitan niyon. Giliw na giliw si Mang Morgan kay Daeria. Ang 'di niya alam ... apo niya talaga sa tuhod si Daeria. At walang ibang nakakaalam kundi ako lang. Ni kay Tatay ay hindi ko rin sinabi kung sino ang tunay na ama ng anak ko, kahit kay Tiyo Mariano. Sigurado kasing hindi matatahimik si Tatay kung nalaman niya noon ang totoo, noong nabubuhay pa siya. Ang sabi ko lang ay nagkaroon ako noon ng boyfriend sa Manila. Pero inatake sa puso kaya namatay. Tungkol naman sa malaking pilat ko sa mukha. Ang sabi ko ay aksidente akong nasabugan ng pressure cooker sa apartment ko dahil first time kong gumamit niyon noon. Pero totoong nasabugan ako niyon, pero sinadya ng mga masasamang tao. Mas mabuti nang walang ibang nakakaalam nang tungkol kay Daeria dahil sa oras na sumabog ito, siguradong gulo ang mangyayari. Manganganib lang ulit ang buhay naming mag-ina katulad nang nangyari sa amin noon habang ipinagbubuntis ko siya. Nagtrabaho ako noon sa Manila, sa Delavega Imperial Group, sa Delavega Real Estate Development bilang isa sa mga office staff. Si Daemon Delavega Jr. ang CEO. Si Lucinda naman ay fiancée pa lang niya noon, kaibigan at kababata din niya. Hindi ko alam kung kasal na ba sila ngayon, pero malamang dahil limang taon naman na ang nakalilipas simula noong nasa kanila pa ako. Ayon sa tsismis na narinig ko noon mula sa mga ka-officemate ko, nabuntis daw ng ibang lalaki si Lucinda, na sinalo lang ni Daemon upang maiwasan ang kontrobersya dahil Mayor ang kanyang ama dito sa Bulacan. Siyempre, kahiya-hiya iyon para sa pamilya nila, lalo na't noong panahong 'yon ay tumatakbo na naman si Mayor Lino Barrientos para sa pangalawang termino niya. Isa rin ang pamilya nila sa mga pinakamayamang tao dito sa Bulacan. Madalas daw silang magkasama noon dito ni Daemon dahil Bulakenya din ang mga Said, ang mga lolo at lola ni Daemon. Si Daemon din ang pinakamalapit kay Mang Morgan. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit ganun kamaga at kapula ang mga mata niya ngayon. Siguradong hindi niya matanggap ang pagkawala ng lolo niya. Pero kahit ikakasal na noon si Daemon kay Lucinda, nagagawa pa rin nitong tumikim ng ibang babae. At isa na ako sa mga 'yon. NAKARAAN "Ria, hindi ka pa ba uuwi?" Napalingon ako sa officemate kong si Susie na nag-aayos na ng mga gamit niya. "Mga two hours pa siguro bago ko ito matapos, friend. Sige na, mauna ka na. Saglit na lang 'to." Nagpatuloy ako sa pag-aayos ng mga papeles sa mesa. Pinasok ko sa folder ang mga contracts at invoices ng mga property units. Kailangan ko pang suriin ang listahan ng mga upcoming site inspections at schedules ng mga clients, para masiguro na wala nang magiging sablay sa susunod na linggo. Friday ngayon at wala akong planong mag-overtime ng Saturday. Gusto ko kasing umuwi sa Bulacan bukas para madalaw ko si Tatay. "Oh, sige. Mauuna na 'ko sa 'yo. Mukhang nasa office pa naman si Sir," ani Susie. "Okay. Ingat ka." "Thank you. Ikaw din." "Sige." Agad na rin siyang umalis at lumabas ng opisina. Nagpatuloy naman ako sa ginagawa ko. Pero maya-maya'y kamuntik na akong mapatalon sa gulat nang makarinig ako ng bagay na tila nabasag sa kung saan. Napalingon akong bigla sa opisina ni Sir Daemon. Parang doon nanggaling ang ingay. Nakita kong bumukas ang pinto at lumabas si Ma'am Lucinda. "Akala mo ba hindi ko alam ang mga ginagawa mo?!" sigaw niya. Mukhang nag-aaway na naman sila ni Sir Daemon. Palagi naman. Mas ipinasok ko pa ang sarili ko sa loob ng cubicle ko upang hindi nila ako mapansin. Pero makikita pa rin talaga nila ako dahil bukas pa ang ilaw dito sa table ko, pero sa ibang table ay patay na at ako na lamang ang natitirang office staff dito. "Hindi ako tanga, Daemon! Harap-harapan mo 'kong niloloko! Ikakasal na tayo!" muling sigaw ni Ma'am Lucinda. "Ano bang niloloko ang sinasabi mo?" narinig kong tanong ni Sir Daemon. “Come in here, Lucinda. Let’s talk here!” “No! Ano? Takot ka bang malaman ng iba ang panloloko mo sa akin?! Fiancée mo 'ko pero kung sino-sino pang mga babae ang kinakadyot mo!" "Damn it!" Naipit ko nang mahigpit ang mga labi ko. Tumutok ako sa mga papeles na nasa harapan ko at hindi sila nilingon. "Isusumbong kita kay Daddy!" “Go ahead, do it!” biglang sigaw ni Sir Daemon. “Do it right now, Lucinda! You know exactly what will happen if you do that! At alam mo rin kung ano'ng tunay na estado natin kaya huwag kang umarteng niloloko kita. You should be grateful I’m here covering for you!” Narinig ko na lamang ang biglang paghagulgol ni Ma'am Lucinda. “So that’s it! You don’t really love me. You’re only doing this because you’re forced to!” "Ano pa bang gusto mo? Everything’s already clear between us. I’m giving up my own happiness for you—for your name and your family’s honor!” "Umaasa ako na mamahalin mo ako higit pa sa kaibigan, Daemon! Para na rin 'to sa magiging anak natin! Magiging anak mo na rin 'to sa oras na maikasal na tayo!" “Damn it. You’d better go home now. Ang hirap mong paliwanagan. Sarili mo lang ang iniisip mo!" Nakarinig ako ng malakas na kalabog na tila sumaradong pinto. "Sarili ko lang ang iniisip ko?!" sigaw pa rin ni Ma'am Lucinda. "Ako pa ang makasarili ngayon?! Ikaw 'yon, Daemon! Kung mahal mo 'ko, hindi mo 'ko sasaktan ng ganito! Hindi ka na titingin pa at hahawak ng ibang babae! Alam mong buntis ako at makakasama 'to sa baby!" Dumaan ang ilang segundong wala na akong narinig na sagot mula kay Sir Daemon. Ang tanging narinig ko na lang ay pag-iyak ni Ma'am Lucinda. Hindi pa rin ako lumingon. Ipinagpatuloy ko pa rin ang gawain ko kahit nahihirapan na akong mag-concentrate. "Hoy!" "Ay, anak ng kalabaw!" napasigaw na lang akong bigla sa gulat nang bigla na lamang may sumigaw sa likod ko. Agad ko itong nilingon at bumungad sa akin si Ma'am Lucinda na sabog sabog na ang buhok at basang-basa ang mukha sa luha. Sumabog na rin ang itim niyang eyeliner sa mata. Nagmukha na siyang panda. "M-Ma'am, kayo po pala. N-Nagulat po ako, pasensiya na po." "Kanina ka pa ba dito? Nakikinig ka ba sa usapan namin?!" sigaw niyang bigla. "H-Hindi po, Ma'am. N-Nagtatrabaho pa po ako. Wala po akong narinig na kahit ano. Promise po." Napayuko akong bigla sa harapan niya kahit nakaupo ako sa swivel chair ko. "Siguraduhin mo lang! Kundi, mag-impake ka na ng mga gamit mo!" "W-Wala po talaga, Ma'am." Hindi na siya sumagot pa. Nilampasan niya ako bitbit ang bag niya. Nagmartsa siya patungo sa pinto ng opisina hanggang sa tuluyan na siyang makalabas. Napailing na lamang ako at napahinga ng malalim. Hay, madadamay pa ako— “You should finish your work—” "Ay, nanganak na ang kalabaw!" muli akong napahiyaw sa gulat nang may bigla na namang nagsalita sa tabi ko! Agad ko itong nilingon at si Sir Daemon naman ang nabungaran ko! Namilog bigla ang aking mga mata at agad akong napatayo. "S-Sir, kayo po pala. Sorry po, nagulat din ako sa inyo, eh." Ilang ulit din akong yumuko sa harapan niya sa labis na takot at hiya. "Bigla po kayong sumusulpot sa dilim. Akala ko multo na." Medyo may kadiliman na talaga dito sa opisina at cubicle ko na lang ang may ilaw. “Tsk. Why are you still here?” mahinahon naman niyang tanong. "Eh, S-Sir, tinatapos ko po kasi itong mga papeles—mga contracts at invoices para sa next week." "Tapusin mo na lang bukas. Umuwi ka na." "Eh, S-Sir, uuwi po kasi ako bukas sa province namin, eh. Dadalaw po ako sa tatay kong may sakit kaya tatapusin ko na po ito ngayon. Saglit na lang po ito, Sir." Hindi naman siya sumagot. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya ng malalim. “Alright. Make me a coffee first. Bring it to my office.” Tumalikod na rin siya at naglakad patungo sa office niya. "H-Hindi pa rin po ba kayo uuwi, Sir?" pahabol kong tanong sa kanya. “I’ll go home when you’re done,” sagot niya nang 'di ako nililingon. Bigla naman akong napahinto sa sinabi niya. Huh? Pagtapos ko? Bakit? P'wede naman siyang umuwi na. Bakit hihintayin pa niya ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD