Kinabukasan. Maagang nagising si Aqua, maaga din kasi silang natulog ni Shiela kagabi. Puro tulog at pahinga ang kanilang ginawa sa maghapon dahil talagang sobra ang kanilang pagod sa biyahe. Painat- inat pa at may pahikab- hikab pa si Aqua na nagtungo sa kanilang kusina. Agad na sumilay ang ngiti sa labi niya nang kanyang mabungaran ang kanyang Lola. "Good morning, 'La!" Bati niya sabay halik sa pisngi ng matanda. "Good morning din Apo! Magkape ka na," masayang sagot ng matanda. "Sige po!" Turan niya sabay hagilap ng tasa para magtimpla. "Siyanga pala Apo, pagkatapos mo diyan at pakisundan ang kasama niyong binata. Sumama sa Lolo mong nanguha ng pinya sa bundok." Kapagkuwan ay wika ng matanda. Natigil ang kamay ni Aqua sa ere saka bumaling sa kanyang Lola. "Sino po sa kanila Lola?"