Chapter 20

1923 Words
Hindi halos pinatulog si Rosario ng kanyang alalahanin at ng matinding selos. Madaling araw na siya ng dalawin ng antok at maaga din siyang nagising. Naisipan niyang bumaba agad ng bahay upang magkape. Napuna niyang wala din ang kanyang mga magulang. Naisip niyang tumungo ng palengke ang mga ito. Tumambay siya ng veranda habang nagkakape. Hinihintay din niya ang mga magulang kung may hatid itong balita tungkol sa nangyari ng nakaraang gabi. Nagtatalo pa din ang utak niya kung alin ang una niyang iisipin, ang pagkakita sa kanya ng mga kalalakihan na kalahati ang katawan niya o ang pagkakarinig niya ng usapan sa loob ng kwarto ni Devon. Hindi naman nagtagal at natanawan na niya ang kanilang padating na sasakyan. Bumaba ang kanyang daddy upang buksan ang kanilang gate. Natanawan agad siya ng ama kahit may kalayuan ang pagitan ng gate at veranda ng bahay nila. Inihanda niya agad ang sarili sa anumang maririnig niya, nakahanda na din siya sa gagawin niyang pagtanggi kung sakali mang tanungin siya ng mga ito kung lumabas siya nang nakaraang gabi. Kabisado na nila ang mga tao sa kanilang lugar, mabilis ang tsismis, ugali na ng mga ina ng tahanan ang magsitsitan tuwing umaga sa gitna ng pagwawalis ng kanya-kanyang bakuran. "Himala at nand'yan ka." bungad agad ng kanyang ina na si Lucila pagkababa nito ng kotse. Nakahinga ng maluwag si Rosario at batid niyang walang tsismis na nasagap ang mga ito. "Ineexercise ko 'yung paa ko mommy, baka kapag tinanggal na 'yung semento nito eh hindi ko na maikilos." naisip na dahilan ni Rosario. "Mainam 'yan. Saka para nasisikatan ka din ng araw." turan ni Mang Fidel habang bitbit ang mga pinamili galing ng compartment ng kotse. Tuluyan ng nawala ang agam-agam sa isipan ni Rosario nang makasiguro na siya na walang tsismis na kumalat tungkol sa pagkakita sa kanyang ng tatlong lalaki. Ipinagtataka man niya, pinagkibit-balikat na lamang niya iyon at na-sentro na ang kanyang isipan kay Devon. inisip niyang ipinagpalit na kaagad siya ni Devon sa maikling panahon na wala silang komunikasyon. Naikumpara pa niya si Devon sa isang engkanto, na pinaibig lamang siya pagkatapos ay sasaktan lamang. Nagpupuyos man sa ngitngit ang kanyang damdamin, hindi niya 'yun mailabas dahil iniiwasan niyang mapansin iyon ng kanyang mga magulang. Hawak ang kanyang cellphone, ngani-ngani na niyang itext si Devon at sabihin lahat ng nararamdaman niya. Subalit nanaig ang kanyang amor propyo. Nais niyang si Devon mismo ang magtapat ng kataksilang ginawa nito sa kanya. Lalong nagdagdag ng ngitngit niya sa tuwing itinutuloy niya sa kanyang isipan ang ginagawa ni Devon at ng Wendy na inaakala niyang kasama nito sa kwarto. Samantala, muling nagbalik ang sigla ni Devon nang araw na 'yun. Kinainipan niya ang oras ng uwian upang puntahan si Rosario at alamin ang sadya nito kung bakit siya dinalaw nang nakaraang gabi. Naglalaro sa kanyang isipan na napagtanto ni Rosario na siya ang mahal nito at hindi ang dati nitong nobyo. Ipinagtataka naman ng mag-asawang Fidel at Lucila ang hindi pagdalaw ni Devon sa kanilang bahay. Kung kailan batid na nila ang relasyon nito at ng anak, saka naman ito biglang tumigil ng pagpunta sa kanila. "Baka naman sinabi ni Rosario na may nobyo na siya kaya hindi na nagpupunta. Naisip-isip siguro ng anak natin na hindi talaga sila para sa isa't-isa." wika ni Aling Lucila habang nagdadamo sila ng hardin nang hapon na 'yun. "Ganu'n bang kadaling susuko ang isang lalaki kung talagang mahal niya ang babae? Baka nakalimutan mong ilang engkanto at manananggal ang naging karibal ko sa 'yo nun? Sumuko ba 'ko agad?" tugon naman ni Fidel sa asawa. "Kung sakaling ipinagtapat ng anak natin ang totoo niyang pagkatao, baka sakaling maniwala pa 'ko." dugtong pa nito. "Pero imposible naman 'yun, baka dinumog na tayo ng tao dito kung sakali mang ginawa ni Rosario 'yun. Eh baka naman gusto na niya talaga si Jansen?" ani pa ni Aling Lucila. "Kow, 'yan ang hindi ako sigurado. Oo nga't hinaharap ng anak natin si Jansen, pero kita mo naman, parang wala din. Saglit lang dito si Jansen, mukhang hindi naman sila nakakapagkwentuhan man lang. Saka iba ang kilos ng anak natin kapag si Devon ang kausap niya." saad ni Mang Fidel. "Sabagay, eh pero paano ngang tumigil na magpunta si Devon dito?" huminto panandali si Lucila sa ginagawa. "Yan naman ang gusto nating mangyari 'di ba?  Dapat nga eh masaya na tayo at hindi na natin aalalahanin 'yung maaaring kahinatnan kung sakaling magtagal pa 'yung relasyon nu'ng dalawa." ani Fidel. "Oo nga. Napagkekwentuhan lang naman natin." sinabayan ni Lucila 'yun ng pagtayo habang nakahawak sa balakang. "Teka nga't nangangawit ako." "Lucila, pinag-uusapan pa lang natin oh." halos pabulong na turan ni Fidel habang nakatingin ito sa labas ng kanilang gate kung saan papalapit si Devon. Nilingon naman agad ng asawa ni Lucila ang direksyon ng mata ni Fidel kung saan ito nakatingin. "Aba, kita mo nga naman. Lapitan mo na Fidel at dito tiyak ang punta niyan." aniya. "Magandang hapon po Mang Fidel. Kamusta na po?" salubong na bati agad ni Devon. "Ah eto ayos naman. T-tagal mo yatang hindi napasyal? Tara pasok ka." sabay bukas ng gate ni Mang Fidel. Nagmano agad si Devon dito at tinungo agad nito ang kinatatayuan ni Aling Lucila upang batiin at magmano din dito. "Ah teka tawagin ko si Rosario ha." paalam ni Aling Lucila matapos siyang pagmanuhan ni Devon. "Devon, upo ka muna diyan ha at tatapusin lang namin ni Lucila itong pagbubunot ng mga d**o. Tinawag lang yata si Rosario." ani Mang Fidel. "Tulungan ko na po kayo Mang Fidel." nakangiting alok ni Devon. "Naku 'wag na. Kaya na namin 'to. Eto na nga lang libangan namin kapag ganitong oras." malakas na tugon ni Mang Fidel habang pabalik sa kanyang pinagdadamuhan. Magkahalong pananabik at galit ang naramdanmman ni Rosario nang sabihin ng ina nito na naroon si Devon. Subalit anuman sa dalawang nararamdaman niya, hindi niya iyon pinahalata sa ina. "Anak, harapin mo ng maayos si Devon pero unti-unti mong iparamdam sa kanya na hanggang pakikipag-kaibigan lang ang kaya mong ibigay sa kanya. Hindi na namin kailangang ulit-ulitin pa sa 'yo ng Daddy mo ang dahilan. Sinasabi ko sa 'yo 'to dahil sa huli eh pareho lang kayong masasaktan. Mas maganda, habang maaga pa eh alam n'yo na ang limitasyon n'yo." saad ni Aling Lucila. Upang mapabilis sa kanyang pagbaba, nilipad na lamang ni Rosario mula silid hanggang sa sala nila bitbit ang saklay at ang kalahsti niyang katawan. Matapos ayusin ang sarili ay paika-ika na itong lumabas ng bahay papuntang veranda kung saan nakaupo si Devon. Isinimangot niya agad ang mukha pagkakita kay Devon, samantalang todo naman ang ngiti nito sa kanya. "Hi." bati agad ni Devon. "B-bakit naman ganyan ang mukha mo?" Hindi agad nakasagot si Rosario dahil naramdaman niyang palabas ng bahay ang kanyang ina. Pansamantala din niyang iniayos ang mukha mula sa pagkakasimangot nito. "Oh magmeryenda muna kayo." ani Aling Lucila habang inilalapag ang tray na may lamang orange juice at tinapay na palamanin. "Salamat po." ani Devon at tuluyan nang nagpaalam si Aling Lucila upang damayan ang asawa sa ginagawa nito. "N-nagpunta ka kagabi sa 'min noh." mahinang sambit ni Devon upang hindi marinig ng mga magulang ni Rosario. "B-bakit naman kita pupuntahan? May dahilan ba?" may katarayan na tugon ni Rosario. "Eh may nakakita daw ng ano... ng manananggal sa bintana ko kagabi. Kinatok pa kami. Eh buti na lang hindi naniniwala si Nanay. Saka mga nakainom eh, sabi tuloy ng mga kasama baka namamalik-mata lang siya."  nakangiti pa ding salaysay ni Devon. Nangiti ng lihim si Rosario sa narinig niya mula kay Devon pero nanatiling masungit ang kanyang mukha. "Hindi ako 'yun noh. Nananahimik ako dito sa 'min kagabi." aniya pa. "Ah sorry kung ganu'n. Kaya lang naman ako nagpunta dito dahil du'n. Akala ko nagbago na isip mo." ani Devon. "Anong nagbago ng isip? Ano ba dapat isipin ko?" si Rosario. "'Yung pakikipag-break mo sa 'kin. Nagkamali pala 'ko. S-sorry. Baka malaman pa ng boyfriend mo na pumunta ko dito." napawi bigla ang mga ngiti ni Devon. Napakunot naman ang noo ni Rosario dahil hindi nito maunawaan ang sinasabi ni Devon. Napuna din niya ang paglungkot ng mukha nito na nagpahaplos ng kanyang puso. "A-anong nakipag-break? Anong boyfriend sinasabi mo?" sambit ni Rosario na pigil ang paglakas ng boses. Bahagya pa siyang sumulyap sa mga magulang sa pangambang naririnig ng mga ito ang kanilang pinag-uusapan. Subalit patuloy lang sila Fidel at Lucila sa kanilang ginagawa na ang ibig sabihin ay hindi sila naririnig ng mga ito. "Last week, 'di ba nagpunta ka pa ng eskwelahan namin para lang makipaghiwalay? Saka may boyfriend ka na kamo, na dati mo ng boyfriend nu'ng hindi pa kayo dito nakatira." malungkot na turan ni Devon. "Ano? Devon, hindi ako umaalis ng bahay. S-saka bakit ko naman gagawin 'yun? Tingnan mo nga itsura ko. Sa palagay mo ba eh makakapunta ko du'n sa paaralan n'yo?" gulat na gulat na reaksyon ni Rosario. "Ano 'yun multo? Binawalan mo na din nga akong magtext o tumawag sa 'yo, sabi mo kasi kinuha na ng mommy mo 'yung simcard mo at iba na ang number mo ngayon." patuloy ni Devon. Naguluhang bigla si Rosario. Batid niyang totoo ang mga sinasabi ni Devon dahil napansin niya sa pagsasalita at sa mukha nito. Napaisip siya ng malalim sa mga sinabi at kwento nito. Alam niyang isang engkanto lang ang maaaring gumawa ng ganoong bagay, ang manggaya ng itsura ng iba. "Isang engkanto. Engkanto ang nakausap mo hindi ako Devon. Hindi ko ba nasabi sa 'yo na kayang manggaya ng itsura ang isang engkanto? Pero bakit ka niya kilala?" napatitig si Rosario sa kaharap. "S-sinong engkanto Rosario? Siya ba 'yung kinukwento mo na manliligaw mo?" nabalot na ng kaba ang damdamin ni Devon. "Oo Devon, nakita na niya 'ko. Ilang beses na din siyang nagpupunta dito. Pero ayoko talaga sa kanya Devon. Ang tanong ko lang eh bakit kilala ka ni Jansen. Paano niya nalaman ang tungkol sa atin?" naging malikot ang mga mata ni Rosario habang patuloy ito sa pag-iisip. "Ano na nga pangalan ng engkanto na sinabi mo Rosario? Jansen ba kamo?" napadukwang sa mesa si Devon nang marinig ang pangalang nabanggit ni Rosario. "Oo si Jansen. Siya 'yung manliligaw kong engkanto. Bakit mo naitanong?" nakakunot noo pa ding tanong ni Rosario. "Jansen ang pangalan ng boyfriend ni Sally. Mukhang artista, matangkad na maputi. Mukhang anak mayaman." paglalarawan ni Devon. Lalong napadilat ang mga mata ni Rosario. "Baka si Jansen at 'yung boyfriend ni Sally ay iisa. Diyos ko, nasa panganib si Sally kapag nagkataon." "Teka, naalala ko 'yung sinabi ng Nanay ko na 'yung nakita niyang lalaki na nagpupunta sa inyo ay katulad daw ng uniform ko. Bigla nga daw nawala nu'ng kausap niya eh." saad ni Devon. "Kailan nakita ng Nanay mo Devon? Hindi pa nagpunta si Jansen ng naka-uniform dito." "Mga tatlong linggo na siguro nakakaraan." sagot ni Devon matapos nitong maisip. "Siya nga 'yon Devon. At siya din ang naramdaman namin nuon nina Mommy at Daddy pero hindi nagpakita." saad ni Rosario. "Si Jansen? Isang engkanto si Jansen? Ganu'n pala itsura ng engkanto. Hindi pala talaga mahahalata. Saka transferee lang siya Rosario." ani Devon. "Nasabi ko na din lahat kay Jansen, kaya tiyak na alam na din niya." dugtong pa nito. "Na ano?" agap ni Rosario. "Na alam ko ang totoong pagkatao n'yo. Buong akala ko talaga ay ikaw 'yun kaya ang sabi ko handa naman akong humarap sa mga magulang mo at sabihing matagal ko ng alam 'yung tungkol sa inyo." tugon ni Devon. "Patay, malaking problema 'to." napailing na turan ni Rosario. Napaisip ito nang biglang sumagi sa isipan niya ang nakaraang gabi. "Teka nga pala, sige aaminin ko ako 'yung nagpunta sa 'yo kagabi. Aminin mo din kung ano 'yung ginagawa n'yo nu'ng haliparot na Wendy na kasama mo sa kwarto?" muling naningkit ang mata ni Rosario.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD