Hindi naikubli ni Devon sa kanyang ina ang kanyang pagkalumbay. Ano mang pilit itago ni Devon, kusang bumakas sa kanyang kilos at mukha ang naging biglaang desisyon ni Rosario.
"Para ka namang byernes santo diyan sa mukha mo, ano ba nangyari sa 'yo?" salubong agad ni Aling Salome sa anak. "May nakaaway ka ba?" dugtong agad na tanong pa nito.
"Wala 'nay. Sino naman makakaaway ko du'n? Si Rosario kasi nagpunta ng eskwelahan?" tugon ni Devon habang paupo sa kanilang kahoy na sofa.
"Oh, buti't napuntahan ka ni Rosario? Eh bakit hindi mo nakasabay pag-uwi?" usisa pa ni Aling Salome.
"Nay nakipaghiwalay na si Rosario sa 'kin." pinipilit ni Devon na huwag pumatak ang luha nito. Ang pagtatapat niya sa ina ay alam niyang magpapaluwag ng bahagya sa kanyang naninikip na kalooban.
"0h bakit daw? Naku, eh mukhang tama ang hinala ko anak. Nobyo na ba niya 'yung binatilyong naka-kotse na nagpunta sa kanya kamakailan?" Sabi ko naman sa 'yo anak eh, hindi mo pa naman kasi gaanong kakilala 'yang anak ni Fidel eh sumige-sige ka." nakapameywang na turan ni Salome.
"Nay dati na daw niyang boyfriend 'yun. Nagkatampuhan lang daw sila. Kaya ayun, bumalik na." malungkot na tugon ni Devon.
"Eh mukha nga, dahil hindi naman matutunton nu'n si Rosario kung hindi na dating kakilala 'yun. Kayo talagang mga kabataan ngayon noh, para lang kayong nagpapalit ng damit kapag nakikipag-nobyo o nobya kayo. Oh anong plano mo ngayon? Hayaan mo na't hindi pa naman kayo ganu'ng katagal na magkakilala. Saka asikasuhin mo 'yang pag-aaral mo at graduating ka. Marami ka pang makilala. Aba, kung sa itsura't itsura rin lang, hindi ka mahihirapang makakita ulit. Pero hindi ko sinabing maghanap ka agad ha. Dapat, kapag bago n'yo pasukin 'yang mga ganyan-ganyan eh kilalanin n'yo munang mabuti ang isa't-isa." saad ni Aling Salome na hinaluan na ng sermon.
"Sige 'nay magpapahinga muna 'ko sa 'taas." sinabayan na ng tayo ni Devon ang pagkakasabi nu'n.
"Naku batang ire, oh sige, tawagin na lang kita kapag nakaluto na 'ko." napailing pa si Aling Salome habang dumadaan sa kanyang harapan ang anak na lulugo-lugo.
Sa kanyang higaan ay muling itinuloy ni Devon ang pagbubulay-bulay ng naging pagsasama nila ni Rosario. Bagama't ilang buwan pa lang silang magkasintahan, pakiramdam niya ay napakatagal na nuon. Ang bawat sandali na nakakasama niya ito ay hindi matatawaran. Handa din siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng kanilang relasyon, hindi kailanman pumasok sa kanyang isip na magiging hadlang ang pagiging manananggal nito.
Nakatulugan ni Devon ang pag-iisip, hindi na din ito ginising ng ina nang akyatin ito upang yayaing maghapunan. Nakaramdam ng awa si Aling Salome sa nag-iisang anak subalit hindi niya sakop ang damdamin nito at ng kanysng kasintahan kaya't gustuhin man niya, wala siyang alam na paraan kung paano matutulngan ito.
Nang gabing iyon ay nag-utos si Rosario sa isang kaibigang paniki na dalawin at tingnan si Devon. Agad namang tumalima ang inutusang paniki, hindi nagtagal ay bumalik ito st sinabing natutulog na si Devon.
Dahil may panibago na namang gagawing pagtatanghal, hindi man gustuhin ni Devon, kailangan niyang ituon ang isip at atensyon niya dito dahil sa kanya ibinigay ng direktor ang pangunahing karakter na si Peter Pan. Kagaya ng huli nilang palabas na Romeo and Juliet, nakaatang na naman sa kanya ang buhay ng dula at kaakibat nito ang maraming linya na kanyang kakabisaduhin.
Nang ibigay sa bawat magsisiganap ang kani-kanyang iskrip, ibinaling na ni Devon ang sarili sa pagkakabisa nito. Sa tuwing sasagi sa kanyang isipan si Rosario, nawawala ang kanyang konsentrasyon sa pagsasaulo kaya't pinipilit niya ang sarili na hindi alalahanin ito.
Buong isang linggo ay tinututukan ni Devon ang pagkakabisa sa tuwing pagkagaling niya ng paaralan. Kahit nakahiga na ay hawak pa din niya ang mga papel na kinalalamnan ng kanyang iskrip. Paminsan-minsan siyang natatanaw sa bintana sa pagbabaka-sakaling dalawin siya ni Rosario o kahit isang paniki man lang na kumapit dito.
Muli namang dumalaw si Jansen sa araw na wala siyang pasok sa paaralan. Gaya ng dati, iba't ibang pasalubong na naman ang dala nito para kay Rosario at sa mga magulang nito. Ramdam ni Jansen ang pagbago ng trato sa kanya ni Rosario, kinakausap na siya nito at pinakikiharapan ng maayos. Lingid sa kanya, ginagawa lamang 'yun ni Rosario ayon sa kagustuhan ng kanyang mga magulang at upang itigil na ang paghihigpit sa kanya.
Dahil sa ipinapakita ni Rosario sa mga magulang, inakala nina Mang Fidel at Aling Lucila na nalimutan na ng kanilang anak si Devon. Napuna din nila na hindi na dumadalaw o pumapasyal man lang si Devon sa kanilang bahay. Inakala nilang sinabihan na ito ng kanilang anak na iwasan na siya nito.
Sa dalawang linggo na pagtabi sa pagtulog ni Lucila sa anak na si Rosario, hindi na niya kinakitaan na nagtangka itong lumabas uoang maglibot ng lumilipad. Hindi na din siya nakakarinig ng reklamo o pangangatwiran kay Rosario tungkol sa pagpapaiwas nila dito kay Devon. Hindi na din niya itong nahuhuling kausap si Devon sa telepono, kaya't napagpasyahan nilang mag-asawa na hayaan na muling mag-isa si Rosario sa silid nito sa tuwing gabi.
Labis namang ikinatuwa ni Rosario ang naing pasya ng kanyang mga magulang. Sa kabila nito, lubos din ang pagtataka niya dahil ni hindi man lang siya pinapadalhan ng mensahe ni Devon hanggang sa naalala niyang sinabi niyang maghintay ito sa kanyang pagtawag o mensahe. Isinantabi muna niya sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang ama tungkol sa tiyanak, ang mas mahalaga ngayon sa kanya ay ang kanyang pananabik na makita si Devon.
Nais niyang supresahin ito kaya't lakas loob siyang lumabas ng bintana upang puntahan ang kasintahan. Malayo-layo pa siya ng mabanaag niyang nakasarado na ang bintana ni Devon, pero nakakatiyak siyang gising pa ito dahil bukas pa ilaw ng kwarto nito.
Marahan siyang lumapit sa nakasaradong bintana at naghahanap ng siwang upang masilip niya kung gising pa si Devon. Sa kanyang pagkakadikit sa bintana ay naulinigan niya ang pagsasalita ni Devon na may kausap.
Dahil sa wala siyang makitang siwang o butas man lang, idinikit niyang mabuti ang kanyang tenga sa nakasaradong bintana upang marinig niya ang pag-uusap sa loob ng silid.
"Sorry Wendy, nasaktan ka ba? Patawarin mo 'ko, hindi ko alam na hindi ka pa sanay. Tara, subukan ulit natin." paanas na sambit ni Devon habang nagbabasa. Bahagyang namamaos na ang kanyang boses dahil sa antok kaya't halos binubulong na lang niya ang kinakabisadong mga linya.
Napatakip agad ng bibig si Rosario sa narinig niya. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib sa pagkabigla at unti-unting nadaragdagan ng galit.
"Mga walanghiya, bukas pa talaga ang ilaw. Kaya. naman pala hindi ako tinetext o tinatawagan, may inaaswang na pala siya dito." naghihimutok na sabi ni Rosario sa sarili.
Kahit nakaramdam na ng galit, nais pa niyang marinig ang mga pabulong na usapan sa loob ng kwarto, kaya't umakma siya ulit na idikit ang kanyang tenga sa bintana.
"Mga pare, ano 'yun? Manananggal ba 'yun?" wika ng isang lalaki kasama ang dalawa pa na naglalakad pauwi galing ng handaan sa kabilang baryo.
Napalingon agad si Rosario sa pinagmulan ng boses. Hindi na siya nag-aksaya kahit ng isang sandali at mabilis siyang tumalilis palayo.
"Nasa'n pare?" tanong agad ng isa.
"Ayun oh umalis na. Nakita mo ba?" tugon ng nakakita kay Rosario.
"Nasa'n ba? Baka malaking paniki lang nakita mo." saad ng isa pa.
"Manananggal, sigurado kong manananggal 'yun. Kailangan mabalaan natin sila Aling Salome. Mukhang kwarto pa yata ni Devon ang puntirya." wika ng nakakita.
"Pare, baka naman nasobrahan ka lang ng inom kaya kung anu-ano nakikita mo." saad ng isa.
"May lasing ba sa 'tin? Oo nakainom ako pero hindi ako lasing. Teka mapasok nga si Aling Salome." lumakad na ang lalaki papasok sa bakuran nila Salome. Sumunod naman ang dalawang kasama nito.
Malalakas na pagkatok sa pintuan at pagtawag ang ginawa ng lalaki.
"Aling Salome... Devon." ulit pa nito.
Dahil gising pa si Devon, nagmamadali itong bumaba sa narinig,nuyang sunod-sunod na pagtawag. Maging si Salome ay nagising naman sa malakas na pagkatok.
"Oh Berting, halos magiba ang pintuan namin sa pagkatok mo ah." bungad ni Salome sa tatlong kalalakihan na mas bata sa kanya. Siya namang pagdating ni Devon galing sa itaas ng bahay.
"Aling Salome, nakakita po ako ng manananggal. Sigurado akong manananggal 'yun. Hindi nakita nitong dalawang 'to eh. Pero ako, kitang-kita ko. Nasa tapat ng bintana ni Devon." wika nito pagkatapos ay bumaling sa kadarating lang na si Devon. "Devon, mukhang bubuksan 'yung bintana mo. Napasigaw lang ako kaya biglang umalis 'yung manananggal." patuloy ni Berting na hinihingal pa sa takot sa pagkukwento.
"Dyusku, totoo ba talaga 'yan? Kinikilabutan naman ako sa kwento mo. A-ano ba itsura? Naaninag mo ba?" niyapos pa ni Aling Salome ang sariling braso.
"May pakpak Aling Salome saka kalahati lang ang katawan." tugon ng lalaki.
Nabigla man si Devon sa kanyang naririnig, hindi iyon sa takot, kundi sa kagalakan dahil sigurado siyang si Rosario ang tinutukoy nito.
"Devon, kanina ka pa ba tulog? Wala ka bang naramdaman sa bintana mo na nagbubukas?" tanong ni Berting.
"Huh? H-hindi pa 'ko natutulog. Nagme-memorize pa 'ko. S-saka wala naman akong naramdaman." pautal na sagot ni Devon. Mabilis ding pumasok sa isip niya na hindo dapat mabuo sa isipan ng mga kaharap niya na totoong may mananggal.
"K-kuya, madalas kasi may mga paniki na tumatambay sa may bintana ko. B-baka anino lang 'yun ng paniki. M-magmumukha kasing malaki 'yun kapag natapat sa ilaw du'n sa may poste." panlilinlang ni Devon sa mga kaharap.
"Yun din nga sabi namin Devon eh. Saka baka 'kako lasing na siya kaya kung anu-ano nakikita. Pero baka nga tama si Devon, nakita na din pala niya 'yun dati eh." wika ng kasama ni Berting.
"Oo, natakot din ako dati. Ayan oh, tanong n'yo kay Nanay." sambit pa ni Devon
"Ah oo nga pala, naalala ko na. Naku, nanginginig sa takot 'yang si Devon. Nakakita daw siya ng manananggal. Kaya dati hindi na nagpapatay ng ilaw sa kwarto niya 'yan eh. Nito na lang ulit." sambit ni Aling Salome na bahagyang bumaba na ang naramdamang pagkabigla.
"Simula kasi nu'ng inayos na 'yung lumang bahay, nabulabog 'yung mga paniking nakatira duon kaya pakalat-kalat ang mga paniki sa gabi." imbentong kwento pa ni Devon.
"Oh Berting, 'yun naman pala eh. Tara na at baka hinahanap na tayo ng mga asawa natin eh tayo matatanggalan ng matutulugan nito." biro ng kasama nito.
"Oh sige, akala ko naman eh ano na nangyari. 'Wag kasi kayong masyadong nagpapakasagad kapag dumadayo kayo ng inuman." saad oa ni Aling Salome bago isaradong muli ang kanilang pintuan.
"Manananggal talaga 'yung nakita ko eh." pabulong pang turan ni Berting na napakamot pa sa ulo nito habang paalis ito at ang mga kasama.
"Sige 'nay panhik na ko ulit." nakangiting turan ni Devon sa ina.
"Eh bakit abot-tenga naman 'yang ngiti mo?" ani Aling Salome.
"Po? Ah, eh 'yung mga 'yun kasi, kung anu-ano nakikita. mga lasing na yata." naisip na sagot ni Devon sa kanyang ina pero ang totoo ay natutuwa siya dahil alam niyang nais siyang dalawin ni Rosario.
"Oh sige, matutulog na din ako. Patayin mo 'yung ilaw mo bago ka matulog. At baka manananggal ng kuntador ang pumunta sa 'tin kapag hindi tayo nakabayad ng kuryente." saad pa ni Salome habang pabalik ito sa kanyang kwarto.
Naging inspirado agad si Devon sa kanyang ginagawa. Plano din niyang pasyalan si Rosario kinabukasan pagkagaling niya sa paaralan.
Samantala, magkahalong kaba at galit ang nararamdaman ni Rosario nang makabalik siya ng kanyang kwarto. Nag-aalala siya ng labis kung talagang nakita siya ng husto ng mga kalalakihan kasabay nu'n ay nagpupuyos sa galit ang kanyang damdamin dahil sa mga narinig niyang salita ni Devon sa kausap nito sa loob ng kwarto.