Makalipas ang ilang oras ay binabagtas na nila ang isang pang-mayamang subdibisyon. Napapanganga si Rosario sa mga nadadaanan nilang naggagandahan at naglalakihang mga bahay. Wala din siyang nakikitang naglalakad na mga tao, halos lahat ay mga nakasasakyan. Hindi man alam ng kanyang ama ang mismong pupuntahan, ginagamit lang nito ang pakiramdam upang matunton ang kinaroroonan ng mga engkanto. Hanggang sa bumagal ang pagpapatakbo nito nang maramdaman ang malapit na aura ng maraming engkanto. Isang mataas na bakod na kulay ginto ang kanilang hinintuan. Maging ang malaking gate nito ay kulay ginto din. Kusang bumukas ang malaking gate nang itinapat ni Mang Fidel ang kanilang sinasakyan. Mula sa gate, isang mahabang daan pa ang kanilang binagtas na may bahagyang pagliko-liko. Namangha ang