"Alam mo, naiinis nga ako kung bakit ang pangit ng kwento tungkol sa kagaya ko. Kakabad trip, lalo na 'yung mga pinapalabas sa sinehan saka sa mga tv. Pinapapangit kami, kinatatakutan, mga inggitero siguro mga tao nuong araw. Mas talented kasi kami, nakakalipad kasi kami eh ang pangkaraniwang taong gaya mo eh hindi." panimula ni Rosario.
"Eh ano ba ang totoo?" puno ng kuryosidad ang tanong ni Devon.
"Totoong may manananggal, kita naman ang ebidensya 'di ba? Pero ang hindi totoo eh 'yung kumakain kami ng lamang loob. Kapareho lang din ng pangkaraniwang tao ang ugali naming mga manananggal. May mabait, may masungit, may plastik, may pogi, may maganda, may pangit... basta pareho nga lang. Kaso dahil nga sa nakagisnan ng mga tao na nakakatakot kami, hindi na ipinilit ng mga ninuno namin na lumabas ng lumilipad, dahil nga hinahabol ng mga tao at pinapatay. 'Yun ang mga masasama, 'yung mga taong pumatay sa iba naming mga ninuno." patuloy na kwento ni Rosario.
Napunta ang atensyon ni Devon sa gawing beywang ni Rosario, kung saan nahati ang katawan nito. Napansin naman ni Rosario ang direksyon ng mga mata ng binata.
"Gusto mo bang makita 'to?" ang pinaghatian ng katawan niya ang tinutukoy ni Rosario.
Inililis niya ang blouse niya at ipinakita kay Devon ang beywang niya.
"Oy walang malisya 'yang tingin mo ha. Oh 'di ba flawless pa din. Tapos itong ilalim sarado 'yan, puro balat. Kusa lang 'yan bumubuka kapag nakasalubong na niya ang kalahati ng katawan ko. So 'yung iniwan kong kalahati, ganyan din. Kung makikita mo, para lang siyang manikin. Hindi gaya sa mga pelikula na pinapakita pa 'yung bituka. Ako nandidiri kapag napapanuod ko 'yung ganu'n. Hindi ako natatakot. Eh paano kung pasukin ng lamok o langgam 'yung bituka namin, ang hirap yatang kamutin 'yun. O kaya makatuwaan ng pusa o ng aso. De makikipag-agawan pa kami sa hayop ng sarili naming bituka." nangingiting sambit ni Rosario. Bahagya namang natawa si Devon sa kwento nito.
"Eh paano kayo nga pala dumarami?" muling tanong ni Devon.
"Magandang tanong 'yan. Alam mo, nu'ng nagsimulang kumonti ang lahi namin, nauso ang arranged marriage sa 'min. Kapapanganak mo pa lang eh may naka-destiny ka ng mapapangasawa. Kaya hanggang ngayon, nakagawian na ng mga lolo ng lolo ng lolo ng lolo namin 'yung ganoong kaugalian." tugon ni Rosario.
"Ibig sabihin, ikaw gaya mo, may destiny ka na? 'Yun na mapapangasawa mo?" si Devon.
"Nu'ng una meron, buti na lang natuklasan ng mga magulang ko na beki 'yung naka-destiny sa 'kin. Nahuling hinahada 'yung kalahating katawan ng kabarkada niya. Niyayang mamasyal, naglibot sila pagkatapos eh iniligaw, nuon pala, binalikan niya 'yung kalahati. Eh nararamdaman namin 'yun kahit malayo sa 'min 'yung kalahati ng katawan namin, ayun, huli sa akto. Super tsupa si bakla."
Napatawa ng malakas si Devon sa kwento ni Rosario. Maging kung paano ito magkwento ay natawa siya. Hindi niya akalain na kwela pala ito. Akala niya ay suplada ito dahil sa pagiging tahimik nito.
"Oh ngayon natatawa ka. Eh kanina lang mukha kang bangus na ibinabad sa suka." dugtong pa ni Rosario.
"Eh nakakatawa naman talaga eh. So, ibig sabihin single ka niyan?" turan ni Devon na hindi pa nahihinto sa pagtawa.
"Oo, pero may makulit akong manliligaw. Buti nga hindi ako nasundan dito eh." maaagap na sagot ni Rosario.
"Manananggal din?" si Devon.
"Hindi, isang lahi ng engkanto." si Rosario.
Napawi ang mga ngiti ni Devon sa sinagot ni Rosario. "Mga lamang lupa? 'Yung mga nakakatakot na nagpapanggap na tao pero mga may sariling mundo, 'yung ganu'n ba?"
"Ayan na naman po. Base na naman sa mga pelikula at palabas sa tv. Maling-mali kayo sa pagkakakilala n'yo sa mga engkanto. Sila ang mga angkan ng mga magaganda at mga naggagwapuhan dito sa mundo. Nakakahalubilo natin sila. Kami nararamdaman namin na engkanto sila, pero kayong pangkarinawang tao eh hindi. Dedma lang kayo." tugon ni Rosario.
"Nagpapanggap lang silang gwapo at maganda, ganu'n ba?" napakunot ang noo ni Devon.
"No! Literal na gwapo at maganda. Baka nga nakakasalubong mo na eh hindi mo pa alam na engkanto 'yun. O baka nalingon ka pa sa sobrang ganda niya, at kapag kaakit-akit din ang tingin sa 'yo, 'yan ang mga engkanto. Sila 'yung mga taong mamahalin mo sa unang kita mo pa lang. Love at first sight 'ika nga nila. Sila 'yung kapag nahuli nilang nakatingin ka, ngingitian ka. Hindi sila titigil hangga't hindi ka kinikilig sa kanila. At hindi lang basta kilig ha, papakitaan ka ng maganda ng mga 'yan. Sweet din sila at thoughtful. Sa madali't salita, sila 'yung mga pa-fall... mga paasa. Teka nga pala." awat ni Rosario sa kanyang pagkukwento.
"Pwede bang lumapit ka sa 'kin?" may titingnan lang ako.
"Hah? Ano 'yun? Ayan ka na naman ha. Baka kung ano gawin mo sa 'kin?" tanong ni Devon may pagdududa.
"Kung ako may balak sa 'yo, kanina ko pa sana ginawa. Dali na may titingnan lang ako. O ako na lalapit sa 'yo?" si Rosario.
"Oh sige eto na." turan ni Devon at inusog niya ang katawan habang nakaupo sa higaan niya papalapit kay Rosario.
"Tingnan ko lang 'tong ilalim ng mata mo. Dilat ka." hinala ng kaunti ni Rosario ang balat sa ilalim ng mata ni Devon. "Tapos tingin ka sa itaas." siniyasat nito ang loob ng mata ni Devon, lalo na ang ilalim ng itim sa mata. "Oh sige balik ka na 'dun." sambit nito pagkabitaw sa mukha ni Devon. Ang totoo ay binibiro lamang niya si Devon dahil alam naman niyang hindi ito engkanto.
"Ano ba 'yung tiningnan mo sa mata ko?" si Devon.
"Ang palatandaan ng isang engkanto ay ang nunal sa ilalim ng mata nito. Tiningnan ko kung engkanto ka. Hindi pala." si Rosario.
"Uy hindi ako pa-fall saka paasa ha. Pogi lang ako." maagap na sagot ni Devon.
"Akala ko sa labas lang mahangin." irap ni Rosario sa binata.
"Biro lang, eto naman. Nanay ko lang nagsabing pogi ako." nangingiting sabi ni Devon.
"Naku seryoso 'ko sa sinasabi ko. Marami ding babaeng engkanto. Mas malakas umeksena ang mga iyan. Sila 'yung halos ipakita na ang singit sa ikli ng mga palda at shorts, pero in fairness makikinis talaga sila, saka kita na halos ang kalahati ng mga boobs. 'Yan ang unang pang-akit nila. Alam mo kasi, kapag may nasasaktan silang karaniwang tao, mas lumalakas ang kapangyarihan nila." saad ni Rosario.
"B-bakit? Ano ba ang kapangyarihan nila?" napaseryoso ng mukha si Devon.
"Mas lumalakas ang pakiramdam nila para hanapin ang kagaya namin. Mas gusto nilang mapangasawa ang manananggal na kagaya ko dahil mas malakas at makapangyarihan ang magiging anak ng isang engkanto at isang manananggal. Bukod pa duon, kapag inisip nilang makapunta sa isang lugar, sa isang kisapmata lang ay nakakarating sila. Ganu'n katindi ang kapangyarihan ng engkanto kapag may mga napapa-ibig sila at napaluha nila." salaysay pa ni Rosario.
"Eh nasaan na nga pala 'yung manliligaw mong engkanto?" si Devon.
"Hindi pa ganuon kalakas ang kapangyarihan niya. Maaaring hindi pa abot ng powers niya kung nasaan ako. Nasa Aklan siya ngayon. Pero gaya ng sabi ko, kapag malakas ang kapangyarihan niya, bigla na lang siyang susulpot dito sa isang segundo lang." si Rosario.
"B-bakit parang ayaw mo sa kanya? Akala ko ba gwapo ang mga engkanto?" naalangang tanong ni Devon.
"Gwapo nga, as in super gwapo, kaso super arogante. Naku, saka malilibog 'yang mga engkantong 'yan. Gusto agad nila s*x. Gusto kasi nilang kumalat ang lahi nila. Ayaw nila sa pangkaraniwang tao, dahil nababawasan ang kapangyarihan nila. Kaya kundi kapwa nila engkanto, kaming mga manananggal ang puntirya nila." tugon ni Rosario.
"Aba teka, nauuto mo na 'ko ah. Panay ang kwento ko. Anong oras na ba?" dugtong ni Rosario na nalibang kakekwento.
"Ah, alas-dose na pala." sagot ni Devon.
"Hah? Naku, uuwi na 'ko. Hmp, kakainis ka. Sumira ka sa usapan natin. Ang daya mo." saad ni Rosario.
"Eh hindi ko din namalayan ang oras eh. B-bukas na lang siguro." sagot ni Devon.
"Bukas? 'Yan ha, sinabi mo 'yan. Wala ng bawian. Ay teka, uuwi na nga pala Nanay mo bukas 'di ba." tanong ni Rosario.
"Paano mo nalaman? Ikaw ha, nandito ka din kagabi noh. Siguro binobosohan mo 'ko." biro ni Devon.
"Excuse me, oo nandito 'ko pero maaga ka natulog at nagsara ka agad ng bintana. Bakit naman kita bobosohan? Yummy ka ba?" pagtataray ni Rosario.
"Eto naman 'di na mabiro. Oh sige, bukas. Pagtulog na ni Nanay saka ka pumunta. Ay teka." may kinuha si Devon na papel at inabot 'yun kay Rosario. "Ayan, gusto mong ikaw si Juliet 'di ba. Kabisaduhin mo 'yan, para hindi ako mukhang tanga kapag nagpapraktis, paara totoong may kausap ako. Galingan mo ha." dugtong ni Devon.
"Okay, 'yun lang pala eh. Oh sige na. Baka malaman pa sa 'min na umalis na naman ako. Oy, baka naman ipagsabi mo pa sa buong baryo tungkol sa 'min ha. Secret lang 'to." habilin ni Rosario habang umuusog papuntang bintana.
"Oo naman. Sige. Ingat ka." nakangiting paalam ni Devon.
"Sila mag-ingat sa 'kin. Sige bye." paalam ni Rosario. " Up up and away." sambit ni Rosario nang lumabas ito ng bintana at tuluyan ng lumipad.
Naiwang nakangiti pa din si Devon. Hindi pa din niya mapaniwalaan ang nangyari. Kinusot-kusot pa niya ang mga mata at kinurot ang sarili niyang braso para alamin na hindi siya nananaginip nang oras na 'yun.
Sa isang iglap ay nawala ang takot niya sa kinatatakutan ng karamihan tungkol sa manananggal. Sa halip, ay parang kinasabikan pa niya na makita at makausap muli si Rosario. Bukod sa kagandahan nito, kinagiliwan n'ya ang pakikipag-usap nito sa kanya. Kung dati ay hanggang tingin lamang siya dito, pakiramdam niya ngayon ay matagal na silang magkakilala.
Samantala, nakauwi na ng bahay si Rosario at nakapasok na ng kanyang kwarto. Magaan ang kanyang kalooban na ngingiti-ngiti nang siya ay humiga na para matulog.
"Naduga ako nu'n ah. Ginawang talk show ang usapan namin. Puro ako ang kwento ng kwento, wala man lang ako nalaman tungkol sa kanya. Pero okay lang, at least close na kami. At buti na lang hindi siya natakot sa 'kin. " aniya sa sarili habang nakahiga.
Bago siya tuluyang matulog ay tiningnan pa niya ang papel na binigay sa kanya ni Devon kung saan naroon ang script na pinapakabisa sa kanya nito.
"Bukas ka sa 'kin." aniya sa papel na hawak. Matapos itabi ito ay itinulog na ni Rosario ang gabing 'yun ng may ngiti sa labi.
Kinabukasan, oras ng almusal ay hindi pa din bumababa ng bahay si Rosario. Inisip ng ina nitong si Lucila na nahihirapan ang anak na bumaba dahil sa pinsala nito sa paa. Naisipan niyang akyatan na lang ito ng pagkain upang hindi na ito mahirapan pang bumaba sa dalawampu't isang hakbang ng hagdanan.
Kakatukin na sana niya ang pintuan ng kwarto ng anak nang maulinigan niyang may kausap ito sa loob.
"Kahit anong mangyari Romeo sasama 'ko sa 'yo. Kahit ayaw sa 'yo ng mga magulang ko." unang linyang narinig ni Lucila nang pakinggan niya ito.
"Aba, sinong Romeo ang kasama nitong si Rosario? At dinamay pa kami, ayaw daw namin du'n sa Romeong 'yun. Saan naman sila pupunta?" napataas pa ang kilay na sabi ni Lucila sa sarili. Muli niyang idinikit ang tenga sa pintuan upang muling pakinggan ang pinag-uusapan ng anak at ng Romeo na narinig niyang kausap nito.
"Kamatayan lang ang makakapaghiwalay sa atin Romeo. Mahal na mahal kita." kasunod na linyang narinig ni Lucila na sinasabi ng anak. Narinig din niya ang tono nito na parang paiyak na.
Napanganga sa pagkabigla si Lucila sa narinig. Hindi siya makapaniwalang sasabihin ito ng anak sa isang lalaki. Ang alam nila ay walang nobyo ang kanilang anak at may nanliligaw man ditong engkanto pero hindi Romeo ang pangalan at hindi rin ito gusto ni Rosario.
"At nagpapasok pa ng lalaki dito sa kwarto niya ah. Aba'y ilang linggo pa lang kami dito eh nagka-boyfriend siya? Eh hindi naman lumalabas ng bahay 'to. Pila-pilantod na nga eh nakuha pa yatang lumandi. Jusku, baka kaya dito pinatulog ni Rosario si Romeo. Baka buntis na anak ko. Baka matagal na niyang nobyo ito at inilihim lang sa 'min ng daddy niya." aniya sa sarili na bahagyang nanginig ang hawak nitong tray ng pagkain dahil sa namumuong galit sa kanyang dibdib.
Marahang ibinaba ni Lucila ang hawak na tray at buo ang loob niyang gulatin ang anak at ang iniisip nitong kasama sa loob ng kwarto.