NAGHIHINTAY SA tabi ng convenience store na iyon si Ada habang pinapanood ang pakikipag-usap ni Rozen sa mga highway patrols na rumesponde nang bigla na lang bumaba sa highway na iyon ang chopper nila. Kanina pa nakaalis si Mark Ashly sakay ng chopper kaya ngayon ay si Rozen na lang ang nakikipagbuno sa mga pulis. Mukhang naayos na ang kaguluhan dahil bumalik na sa dati ang daloy ng trapiko na pansamantalang naantala.
Nilapitan na siya ni Rozen. “Okay ka na?”
Tumango lang siya ngunit nararamdaman pa rin niya ang impact ng pagsakay niya sa chopper sa unang pagkakataon. Hindi pa rin niya magawang gumalaw ng maayos. Nanghihina pa rin ang mga tuhod niya. Saglit na pumasok ng convenience store si Rozen at pagbalik nito ay may dala na itong papercup na may lamang umuusok na kape.
“Pampanerbiyos,” wika pa nito nang iabot iyon sa kanya. “Pagtiyagaan mo na. Wala silang brewed coffee dito.”
“S-salamat.”
Subalit kahit ang paghawak sa papercup ay hindi niya magawa ng matino. Her hands just couldn’t stop shaking. Hinawakan ni Rozen ang isa pa niyang kamay at pinagsalikop iyon sa katawan ng papercup, with his own hands enveloping hers. Napatingin siya rito.
“You can thank me later.” Hinubad nito ang suot na americana at inilatag iyon sa sementadong harapan ng convenience store. “Dito ka na maupo. Puno ang mga tables nila sa loob. Wala na tayong mapupuwestuhan doon.”
Inalalayan pa siya nitong makaupo nang maayos saka ito sumalampak na rin sa tabi niya. Their arms brushed as well as their bodies. Pero kung naging aware man siya sa pakiramdam na iyon, tila wala namang anomang napupuna ang lalaki habang nakatanaw ito sa mga nagdaraang sasakyan sa harap nila.
“Nakatawag na ako ng susundo sa atin,” wika nito mayamaya. “Hintayin na lang natin. Darating na rin siguro iyon.”
Tumango lang uli siya kahit hindi naman siya nito tinatanong at tahimik na sinimsim ang kape. Hindi niya sigurado kung ang init na hatid ng kape ang unti-unting nakakapagpakalma sa kanya. O ang kaalamang inaalagaan siya ngayon ng taong nakilala niyang may pinakamasamang ugali sa mundo. Lihim niyang sinulyapan ang lalaki sa kanyang tabi. He looked so calm and distant. Oh, well, nauna na nitong ipinamukha sa kanya na hinding-hindi kailanman magbabago ang pakikitungo nito sa kanya bilang isang ordinaryong empleyado ng Stallion Riding Club.
Pero…nagawa pa rin nitong damayan siya nang mangailangan siya ng tulong.
“Sa susunod,” mayamaya’y wika nito nang hindi siya nililingon. “Kung may bagay kang gustong gawin, gawin mo. Hindi iyong hihintayin mo pang masalang ka sa sitwasyon saka ka magre-react. Isipin mong maraming tao kang maaaring maistorbo sa ugali mong iyan. Katulad ng nangyari kanina. kung sinabi mo lang na takot ka palang sumakay sa chopper—“
“Hindi naman ako takot sa chopper. Takot lang ako sa…matataas na lugar.”
Saglit itong natahimik. “Dapat nagsabi ka pa rin.”
“Sorry.”
“Nangyari na iyon, ano pa ang magagawa natin.” Tiningnan nito ang relong pambisig saka marahang umiling. “I’m so late for my meeting now.”
“Sorry.”
“Ubusin mo na iyang kape mo.” May dinukot ito sa bulsa ng slacks nito. Isang mamon. Ibinigay uli nito iyon sa kanya. “O. Makakatulong din ito para makalma ang mga nerves mo.”
Bigla niyang naalala ang problema nito sa tiyan. “Hindi na, salamat na lang. Ikaw dapat ang kumakain. Hindi ka pa yata nag-aagahan.”
“I don’t eat these stuffs.”
“E, bakit mo binili iyan?”
“Bakit ba ang dami mong tanong? Kunin mo na lang ito at kumain ka na lang diyan.”
Tatanggihan pa rin sana niya iyon nang may ma-realize siya sa sinabi nito. Hindi raw ito kumakan ng mamon. Pero bumili pa rin ito. Kung ganon…binili talaga nito ang mamon na iyon para sa kanya? With her heart getting lighter by the minute, she took the soft bread.
“Ah, excuse me.” Tatlong babae ang nakatayo sa tabi ni Rozen at nakangiting nakatingin sa binata. “Hindi ba’t ikaw si Rozen Aldeguer? ‘Yung mayor ng Sta. Barbara sa Laguna?”
“Oo,” matabang na sagot nito.
Masayang nagtilian ang mga babae. “Puwede ka ba naming makuhaan ng pictures? Ang guwapo mo pala talaga sa personal.”
“Okay lang.”
Ni hindi man lang makangiti ang binata nang pagpiyestahan ito ng mga cellphone camera ng mga babae. Pero kahit seryoso ito, tila balewala naman iyon sa mga babae na tuwang-tuwa pa nga. After the women left, hindi niya napigilang magtanong.
“Bakit sa mga babaeng guests sa Stallion Riding Club, magiliw ka? Pero sa tatlong iyon…”
“Wala naman akong mapapakinabangan sa kanila kaya hindi ko na kailangang makipag-associate pa sa kanila.” He took out a stick of cigarrette and lighted it. “Hindi ako nag-aaksaya ng oras sa mga taong walang silbi sa akin.”
“Hindi ba’t parang napakasama naman yata niyan?”
“Dahil ba sa alam ko ang mga dapat kong i-prioritize? What’s wrong with wanting something out of everyone? Ganon din naman sila sa akin so quits lang kami.”
Kung ganon, naging mabait lang pala ito sa kanya dahil sa kailangan siya nito para manatili sa Stallion Riding Club. This guy was so evil, it almost made him look cool. Gayunpaman, hindi pa rin niya maiwasang matuwa sa ginawa nitong pag-aasikaso sa kanya. Pinagmasdan na naman niya ito. Tuloy ay parang gusto niyang paniwalaan na sa kabila ng mga sinasabi nito, may kabutihan pa rin itong itinatago sa katawan.
Hinati niya ang mamon at ibinigay ang kalahati rito. “Kumain ka rin. Ang sabi ni Dr. Mondragon, hindi ka raw puwedeng magpalipas ng gutom.”
“Wala naman si Kester dito.”
“Pero nandito ako. Sabi ko na sa iyo, pinalaki akong matapat ng magulang ko. Kailangan mong kumain.”
“Wala akong gana.”
“Konti na lang naman itong mamon. Basta lang malagyan ng pagkain ang tiyan mo.”
“Ang sabi ko, wala akong gana.”
Tinapik nito ang kamay niya at tumilapon ang pobreng mamon. Tumalbog-talbog pa iyon sa tabi niya bago gumulong patungong highway kung saan nasagasaan ito at tuluyang nawala sa kanilang paningin.
“Poor thing,” sambit na lang niya. “Ang gusto lang naman niya ay makatulong sa nutrisyon ng katawan mo. Tapos ganon pa ang gagawin mo sa kanya. Hindi mapupunta sa langit ang mamon na iyon dahil hindi niya nagawa ang tanging purpose niya sa mundo.”
“That’s your fault. Kung inubos mo na lang iyon, sana nagkaroon pa siya ng silbi.”
“Nag-aalala lang naman ako sa iyo. paano kung bigla ka na lang uli atakihin ng sakit ng tiyan mo? Wala na tayo sa Stallion Riding Club ngayon. Sino ang makakatulong sa iyo sa tingin mo?”
“I can take care of my own.”
“Narinig ko na iyan, eh. Pero hindi ba’t clinic pa rin naman ang kinabagsakan mo?”
Idinutdot na nito ang sigarilyo sa semento saka tumayo. “Nandito na ang sundo natin.”
Isang itim na Land Cruiser ang huminto sa tapat nila at bumaba ang isang lalaki. “Mayor, mabuti naman ho at bumalik na kayo.”
“Kumusta ang bayan natin?”
“Wala pa ring pagbabago, eh. Makulit pa rin kasi ang mga tao. Ilang araw lang kayong nawala, tambak na ang reklamo sa opisina ninyo.”
“Hindi bale. Akong bahala dun.” Nilingon siya nito. “Tumayo ka na riyan. Aalis na tayo.”
Sumunod naman siya agad. Ngunit paglapit niya sa sasakyan ay napansin niya ang mga dumi sa buong katawan niyon.
“A, napag-initan na naman ako ng mga tao kanina, eh,” tila nahihiya pang paliwanag ng bagong dating. “Huwag mo na lang intindihin iyan, Ma’m…”
“Ada,” sagot niya. “Ada na lang.”
“Ma’m Ada.”
“Hindi. Huwag mo ng lagyan ng Ma’m.”
“Naku, nakakahiya naman para sa kasintahan ni Mayor. Malaki ang paggalang ko sa kanya kaya dapat lang na igalang din kita.”
“Kasinthan? Nge! Hindi ko boyfriend iyan—“
“Tama ng daldalan iyan. Tayo na, Albert.”
“Yes, Sir.”
Pinagbuksan muna siya nito ng pinto bago nagtungo sa driver’s seat.
“Salamat.”
Their journey to Sta. Barbara was relatively quiet. Again. At para sa gaya niyang tatlo ang bibig, nakipagkuwentuhan na lang siya kay Albert habang abala si Rozen sa pakikipag-usap sa cellphone nito.
“Maganda ba sa Sta. Barbara? Ano ba ang main attraction ninyo roon? Marami bang cute?”
Ngumingiti lang ang driver. “Gusto kong ipagmalaki ang lugar kung saan ako ipinanganak, Ma’m. Pero sa ngayon…”
“Anong meron ngayon?”
“E…nakakahiya mang aminin pero nagkakagulo pa ang buong bayan.”
“Bakit? Pasensiya na, ha? Hindi na kasi ako nakakanood ng balita, eh. Kaya wala akong alam sa mga nangyayari ngayon sa mundo.”
“Huwag mong istorbohin sa pagmamaneho si Albert,” saway ni Rozen sa kanya. “Kapag nabangga tayo dahil sa pakikipagkuwentuhan mo sa kanya, itatapon kita sa pinakamalapit na bangin dito.”
Umayos na lang uli siya ng upo at sinulyapan ito. Nakasalpak pa rin ang cellphone sa tenga nito. He looked like a businessman more than a provincial mayor. Ah, no. Not a businessman but a ramp model. Oo, sa panlabas na anyo, walang sinoman ang mapagkakamalan itong pulitiko. He was too goodlooking to be a politician. Although, hindi ba’t uso na nga ngayon ang magkaroon ng guwapong nasa gobyerno? Plus points ang mga iyon para sa naturang pulitiko.
Nilingon siya nito. “Ano na naman?”
“Wala. Masama bang tumingin?”
“Oo. Lalo na kung ako ang tinitingnan mo.”
But she didn’t look away. “Ilang taon ka na?”
“None of your business.”
“Sa tantiya ko, nasa early thirties ka na. Matagal ka na bang nasa politics? Bakit naisipan mong maging mayor?”
“Hello, Mr. Yasay,” bumaling na ito sa kabilang panig ng sasakyan habang nakikipag-usap sa cellphone. “Yes, I’m sorry kung ngayon ko lang kayo na-contact. Inaayos ko kasi ang lahat ng kailangan natin para sa pipirmahan nating kontrata. Yeah, its going smoothly as planned. No problem. When? This Saturday? Of course, I’ll be there. Ngayon pa lang, mauuna na akong bumati sa anak ninyo ng maligayang kaarawan…”
Naiwan siyang pinagmamasdan na lang ang likod nito. Ang malapad nitong likod na mahahalata na ngayon dahil sa suot nitong puting longsleeve polo. Ang coat kasi nito ay nasa kanya pa. Isinandal niya ang kanyang ulo sa backseat. Inaatake na naman siya ng antok. Ilang oras nga lang naman kasi ang naging tulog niya kanina sa clinic at hindi pa siya nakakabawi.
“Such nice back…” sambit niya saka tuluyang sumuko sa kaway ng antok.