Mabilis na binaba ni Tyreen ang tawag ng kanilang katiwala na si Manang Cresencia.
"May problema ba?" ulit na untag ni Manang Ingga sa kanya.
"Ha? Uhmmm, tumawag kasi ang papa ko na nag-away daw ang mga kapatid ko at nagkapisikalan kaya nasa ospital si Kuya Margel," wika ni Tyreen sa matanda.
Nakita naman niyang tila naniwala ito sa kanyang sinabi.
"Manang pwede kaya akong sumaglit mamaya sa ospital, hayaan mo at aagahan ko pa ang balik para hindi po mahalata nina Senyora Franceska," wika sa matanda.
Napabuntong-hininga ang matanda bago ito nagsalita."Alam mo naman siguro na kami lang ni Elsa rito, mahihirapan kami kapag nawala ka," parunggit ni Manang Ingga.
"Alam ko po, manang kaya mamaya nga po ako aalis kapag nakakain na po sila ng hapunan at bago sila mag-almusal ay nandito na ako," giit sa matanda upang kumbinsehin ito.
"O, sige, basta bumalik ka rin," bilin nito na pumapayag na umuwi siya.
"Salamat, manang," napangiting wika na napayakap sa matanda sa sobrang galak.
"Anong meron?" tinig sa kanilang likuran at nakita si Elsa na nagtataka kung bakit niya nayakap ang matanda.
"Wala, ito kasing si Marga ay naglalambing lang," ani Manang Ingga saka sumenyas sa kanya na itikom ang bibig.
Ngumiti na lamang si Tyreen, sabagay sa konting panahon na nakasama ito ay alam na niya ang ugali nito.
***
Alas- siyete na pero wala pa rin si Senyor Patricio kaya kinakabahan si Tyreen kung makakaalis pa ba siya dahil sabi niya kay Manang Ingga na matapos ang mga itong maghapunan.
Hindi tuloy mapakali si Tyreen na noon ay nasa may pool malapit sa kusina at nagpapahangin.
Pabalik-balik siya at hindi mapakali, lingid sa kanyang kaalaman na kanina pa pala siya pinagmamasdan ng isang pares ng mga mata mula sa terasa sa itaas.
Si Perry ang may-ari ng mga mata na 'yon, hindi talaga niya maiwasang humanga sa ganda ng babaeng pinagmamasdan. Simple at walang make-up pero napakaganda niya. Hindi tuloy niya maiwasang maalala si Tyrese Escodero.
Ayaw niyang isiping swerte ito kay Marga. Halatang hindi mapakali ang babae na tila ba malalim ang kanyang iniisip. Maya-maya ay nakitang dinukot nito ang cell phone mula sa bulsa nito.
May tumawag rito at halatanh mas lalong nabalisa ang babae sa sinabi ng kausap nito.
Samantala, halos hindi na mapakali si Tyreen dahil batid na nasa mansyon na nila ang ama at tiyak na hinahanap na siya. Hindi nga nagtagal ay tumunog ang cell phone na talagang nilagay sa bulsa upang hintayin ang tawag ni Manang Cresencia dahil magpapasundo na siya kay Mang Pacio para mas mabilis siyang makauwi.
"Hello, manang?" agad na sagot ng makitang ito na nga ang natawag.
"O, senyorita, ano nakaalis ka na ba? Kanina pa si Pacio sa labasan niyo, kanina pa tanong nang tanong ang papa mo kung nasaan ka na kasi sabay daw kayong maghahapunan. Senyorita, nagtataka na siya kung ano ang ginagawa mo kung bakit ka inaabot ng ganitong oras sa labas," bulalas ni Manang Cresencia na batid na nahihirapan nang sagutin ang mga tanong ng ama.
"Sige manang at kakausapin ko ang kasama ko rito," aniya sa matanda saka agad na binaba ang tawag nito.
Akmang lalakad na siya nang makitang palapit si Manang Ingga sa kanya.
"Wala pa si senyor, siguro ay lumakad ka na dahil palalim na ang gabi para makabalik ka ng maaga bukas," ani Manang Ingga.
"Talaga po?" maang na wika na nabakas ang saya sa mukha.
Tumango ang matanda.
"Naku, salamat, manang," aniya at nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay at tinungo ang kanilang silid upang kunin ang ilang gamit niya.
Sa itaas ay may pagtataka sa mukha ni Perry dahil mukhang tuwang-tuwa si Marga sa sinabi ni Manang Ingga.
Nagmamadali siyang bumaba at sa gitna ng hagdan ay naabutan si Tyreen na palabas ng silid nila at may bag na dala.
"Saan ka pupunta?" hindi maiwasang sitang turan kay Marga.
Nagulat si Tyreen at hindi agad nakapagsalita, mainam na lamang pala at sumunod sa kanya si Manang Ingga at ito ang sumagot para sa kanya.
"Pupunta lang sa ospital si Marga, nagkaabutan ng init ng ulo ang mga kapatid niya ay nagkasuntukan," anang ni Manang Ingga rito.
"Opo, senyorito, huwag po kayong mag-alala dahil babalik rin po ako ng maagang-maaga bukas," pangako sa lalaki na itinaas pa kuno ang kanang kamay upang manumpa.
May pagdududa sa tingin nito.
"Nagpaalam naman siya ng maayos sa 'kin kaya pinayagan ko na. Ako na ang aako sa lahat ng trabahong iiwan noya ngayong gabi," saad naman ni Manang Ingga kay Perry. "O, siya, lumakad ka na at mag-aalas-otso na yata," ani pa ni Manang Ingga.
"Ihahatid na kita," boluntaryo ni Perry kay Marga.
"Naku, huwag na po, senyorito, may susundo na po sa 'kin," anang ni Marga.
"Sino? Boyfriend mo?" gagad ni Perry na napataas ang boses.
"A, hindi po, tumawag po ako kanina ng taxi," tugon ni Tyreen kay Perry.
"Siguraduhin mo lang dahil hindi pwedeng umapak ang isang Escodero sa pamamahay naming mga Caballero!" matigas na turan ni Perry saka siya iniwan nito.
'Talaga lang, a, bakit ako nandito kung hindi pwede,' anang sa isipan ni Tyreen saka sinundan ng tingin si Perry.
"Pagpasensiyahan mo na muna, ganyan ang batang 'yan, lalo na at pinagalitan ng kanyang mama," bulalas ni Manang Ingga.
Hindi na lamang kumibo pa si Tyreen at inisip na kanina pa naghihintay si Mang Pacio sa kanya.
Palabas na siya sa may main door nang makasalubong naman niya si Elsa na noon ay napakunot-noo.
"Anong meron? Teka, saan ka pupunta?" maang na usisa.
"Huwag ka nang magtanong, pinayagan ko siyang umalis pero babalik rin siya agad ng maaga bukas. Dadalawin lang niya ang kapatid niya sa ospital," paliwanag ni Manang Ingga. "Sige na, Marga, ako na ang bahala rito, lumakad ka na," giit ni Manang Marga at hindi na niya nilingon si Elsa na mukhang magsasalita pa sana.
Nasa labas na nga ang taxi na tinawag niya na maglalabas sa kanya sa eksklusibong subdibisyon na 'yon, sa labas ng gate ng subdibisyon naghihintay si Manang Pacio.
***
Samantala, malamig na ang pagkaing nakahain sa mesa pero wala pa rin ang anak na si Tyreen. Nagtataka na talaga si Mauricio kung ano ang pinaggagagawa ng anak. Laging hindi matawagan ang cell phone nito tapos kapag natawag siya roon ay wala raw ito.
"Lagi bang ganito ang ginagawa ni Tyreen?" usisa na naman ni Senyor Mauricio kay Cresencia.
"Hindi naman, senyor, minsan ay nagkukulong din po siya sa kuwarto at ayaw padisturbo," tugon ni Cresencia.
"Teka, halos araw-araw akong natawag rito pero sinasabi ko ay nasa labas siya?" maang nitong wika.
Napalunok ng sunod-sunod si Cresencia dahil mukhang mabubuko pa siya.
"Kapag kasi kinakatok ko siya ay sinasabi niyang sabihin ko raw na wala siya," dahilan na lamang niya.
Napahugot ng malalim na paghinga si Mauricio.
"Mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ni Tyreen ang hinggil sa kanyang ina. Mukhang masama pa rin ang loob niya sa 'kin," tinig ng senyor.
"Siguro nga, senyor at mukhang iniiwasan niya kayo," segundo na lamang ni Cresencia.
"Tumawag ba siya at nasabi mong nandito ako?" untag pa nito.
"Ha? Uhmmm, oo, senyor, tumawag po siya kanina pagkaalis mo papunta sa bukid," pagsisinungaling ni Cresencia.
"Ganoon ba? Siguro nga iniiwasan talaga ako ng anak ko. Mabuti pa ay tawagin mo na si Pacip at sumabay na kayo sa 'king kumain," wika ng senyor sabay sipat sa relong pambisig na noon ay limang minuto nang lagpas sa alas-otso. Late na para sa isang hapunan.
"Naku, nagtungo po si Pacio sa bayan, bumili ng gamot. Ubos na pala ang maintenance ko kaya pinapunta ko na, saktong tumawag kanina si Tyreen at sinabing nahihirapan siyang sumakay ng taxi kaya marahil ay sinundo na 'yon ni Pacio," anang ni Cresencia.
"Mainam kung ganoon," sagot na lamang ni Mauricio at hindi nagtagal ay nakarinig na sila ng ingay mula sa paparating na sasakyan.
"Mukhang sila na 'yan," ani Manang Cresencia na dali-daling nagtungo sa may pinto sa gilid kung saan kanugnog ng kanilang garahe.
"Kumusta si papa?" usisa ni Tyreen agad kay Manang Cresencia.
"Ayon mukhang nagtatampo, hinala niya ay masama ang loob mo sa kanya dahil sa pagkawala ng mama mo," ani Manang Cresencia. "Senigundahan ko na lang upang mabigyang katarungan ang tila pagtatago mo sa kanya. Pakiramdam niya ang pinagtataguan mo siya," dagdag pa niya.
"Salamat, manang, pasensiya na kung kinakailangan niyo pang magainungaling dahil sa 'kin. Gusto ko lang pong manilawan talaga sa tunay na nangyari kay mama," bulong niya sa matanda.
Tumango-tango naman ito."Naiintindihan kita, Tyreen, ako man ay talagang nabigla noon sa balitang nagpakamatay ang mama mo," saad nito. "Hanggang sa ngayon ay iniisip ko pa kung bakit at paano niya nagawa ang bagay na 'yon. Masayahin at mabait ang mama mo, may takot sa Diyos kaya hindi ko lubos-akalain na magagawa niyang kitilin ang buhay niya," hirit pa ni Manang Cresencia sa kanya.
Niyakap niya ang matanda nang maya-maya ay narinig ang tinig ng kanyang ama.
"Wala ka bang balak na saluhan ako ng hapunan?" tinig nito na halata ang pagtatampo sa tinig ng ama.
Ngumiti siya at lumapit sa ama.
"Pasensiya na, papa kung ginabi ako. Nahirapan akong makahanap ng taxi ng masasakyan. Anyways, nasabi ni Manang Cresencia na dumating kayo kaya binilhan kita ng—" ani Tyreen sabay labas ang biniling sapatos sa ama.
Napakunot-noo ito sa nakitang running shoes.
"You need some exercise, mabuti at naisipan mong magtungo rito," aniya sa ama saka niyakap ang braso nito patungo sa komedor dahil kanina pa kumakalam ang kanyang sikmura sa gutom dahil hindi siya kumain sa bahay ng mga Caballero.