Hindi maalis sa isipan ni Tyreen ang hinggil sa nakita kaya minabuti na lamang niyang hintayin na magising si Manang Ingga. Hanggang sa hindi naman nagtagal ay lulugo-lugo itong nagtungo sa kusina at laking gulat niya nang makita siya roon.
"O, Marga, ang aga mo naman yata masyado," palatak nito. "Sabagay, mainam na rin 'yon kaysa kay Elsa na ayon at naghihilik pa," bulalas nito.
Lalong napakunot-noo si Tyreen nang mapansing tila walang alam ang matanda na hindi roon natulog ang kasamang si Elsa.
"Bakit ganyan ka makatingin? May muta pa ba ako, aba, naghilamos naman ako, a?" anang ni Manang Ingga.
"Naku, hindi po, pagpasok ko po kasi kanina rito, hindi po yata ako napansin ni Elsa pero nakita ko siyang galing sa itaas at ingat na ingat na makalikha ng ingay," hindi mapigilang kuwento sa matanda dahilan upang matigilan ito.
"Ibig mong sabihin na sa itaas siya natulog?" maang ni Manang Ingga.
Nagkibit-balikat si Tyreen.
"Hindi ko po alam, Manang Ingga pero nakita ko siyang patingkayad na pababa ng hagdan, hindi niya ako napansin rito sa may kusina," anang ni Tyreen sa matanda.
Hindi niya ugaling magtsismis pero gusto lang niyang maging aware ang matanda sa kinikilos ng kasama nila.
Maging tuloy si Manang Ingga ay napapaisip kung bakit galing si Elsa sa itaas sa ganoong oras.
"Kaya nga po hindi na ako pumasok diyan kasi baka mabulabog si Elsa," aniya sa matanda. Ang mga gamit kasi niya ay nasa upuan pa sa kusina.
"Mabuti pa ay ipasok mo muna ang gamit mo sa loob ng silid, huwag kang mag-alala, tulog na tulog siya," ani Manang Ingga na noon ay nagsisimula nang maglabas ng itlog upang lutuin para sa kanilang almusal.
Pagpasok nga ni Tyreen sa silid ay nakitang tulog na tulog si Elsa na dinaig pa niyang napuyatan samantalang doon lang naman ito.
Hindi tuloy mapigilang isipin na baka may lihim itong relasyon kay Senyor Patricio.
Halos mapaantanda si Tyreen sa makasalanang isipin na 'yon.
Mabilis siyang bumalik sa kusina upang tulungan si Manang Ingga. Agad na sinunggaban ang mga sibuyas at bawang na inilabas nito upang hiwain.
"Kumusta ang kapatid mo?" maya-maya ay usisa nito.
"Po?!" bulalas na wika.
"Tinatanong ko kung kumusta ang kapatid mo sa ospital?" giit ni Manang Ingga.
"A, o-okay naman po siya," kabadong tugon dahil hindi siya sanay na magsinungaling.
"Mainam naman kung ganoon, e, ang isa mong kuya, naisip ba niyang hindi maganda ang ginawa niya? Dahil lang sa babae ay mag-aaway silang magkapatid?" palatak nito habang nagpi-prito ng itlog.
"Nakakalungkot nga po, hirap talaga kapag puso ang paiiralin mo lagi," aniya kay Manang Ingga.
"Oo, kaya nga tayo biningyan ng Diyos ng puso at isipan dahil ang puso para magmahal pero kailangan namang isipin ng isip na hindi sa lahat ng pagkakataon ay paiiralin ang puso. It's a combination, para itong niluluto ko, hindi sasarap kung walang asin," palatak ni Manang Ingga na kinangiti na lamang ni Tyreen.
Napatawa naman ang matanda.
"Masaya akong makita kang nakangiti," hirit ng matanda. "Mula ng dumating ka rito ay napakaseryoso mo," komento nito sa kanyang napansin sa kanya.
"Sa dami po kasi ng napagdaanan ko sa buhat, parang ang hirap nang ngumiti," aniya kay Manang Ingga.
"Naku, huwag kang magpapaapekto sa mga problema mo sa buhay, laban lang," pampa-good vibes ni Manang Ingga.
Napangiti na lamang si Tyreen.
Simple lang ang buhay ni Manang Ingga pero mukhang masaya at kontento na ito sa buhay.
"Ang tamis naman ng ngiti na 'yan, parang hindi pagod at puyat, a," palatak ni Manang Ingga sa kanya.
Sasagot sana si Tyreen nang may sumingit na tinig upang sagutin ang sinabi ni Manang Ingga na kinagulat nilang dalawa.
"Paano ay nakita at nakasama niya ang kanyang kasintahan," bulalas ni Perry na hindi mapigilang sagutin ang sinabi ni Manang Ingga.
Hindi kasi siya makatulog kaya pinasyang maligo na lamang pagkatapos umalis ni Elsa sa silid. Nahiga pa siya pabalik sa kama upang piliting matulog pero hindi na siya nagtagumpay at nang masipat ang liwanag sa bintana ay agad na pumasok sa isipan si Marga, ang bago nilang kasambahay kaya dali-dali siyang bumaba at nakita ito sa kusina kasama si Manang Ingga.
'Siya kaya ang pinuntahan ni Elsa?' agad na pumasok sa isipan ni Tyreen nang malingunan ang among si Perry.
"Hindi ba tama ako, Marga?" untag ni Perry sa nakatulalang babae.
"Ha? Naku, hindi po, sir, galing talaga ako sa ospital," giit sa amo. 'Kung ito ang kasama ni Elsa bakit parang ang fresh nito habang si Elsa ay burlogs pa, I mean, tulog ba tulog pa,' anang ni Tyreen sa isipan.
Napakunot-noo si Perry nang mapansing nakatulala na naman si Marga sa kanya.
"You need to rest, mukhang nawawala ka sa sarili," hayag ni Perry kay Marga saka nagtungo sa may coffee maker at gumawa ng kape nito.
Agad namang natauhan si Tyreen, masyado kasing iniisip ang hinggil kay Elsa kaya nawawala tuloy siya sa sarili.
"Mabuti naman at nakabalik ka ng maaga?" usisa pa ni Perry sa kanya.
"Naku, ayaw ko po kasing baliin ang pangako ko kay Manang Ingga," tugon sa senyorito.
"Mabait na bata 'yang si Marga at mukhang masunurin din kaya gusto ko siyang kasama," lambing na hayag ni Manang Ingga nang pagkagusto sa kanya.
"Mabuti naman at nagkakasundo kayo, manang, nagagawa bang mabuti nitong si Marga ang kanyang trabaho?" hindi mapigilang usisa ni Perry kaya Manang Ingga lalo na at halatang hindi naman yata nagtatrabaho ng ganoon ang babae. May pagtataka sa kanya dahil mukha namang kutis mayaman ito pero halata namang may alam ito sa gawaing bahay.
"Oo, senyorito, mukha lang siyang walang alam dahil sa maganda at makinis siya pero mas pulido pa siya gumawa kaysa kay Elsa," papuri ni Mananf Ingga kay Marga.
Natigilan si Perry nang marinig ang pangalan ni Elsa.
"Ayon, tulog na tulog pa ang babae, mukhang napuyatan yata ng husto. Daig pa nitong si Marga na nagbantay sa ospital," palatak ni Manang Ingga.
Sa narinig ay nabulunan si Perry sa akmang paghigop ng kape niya.
"Ohh! Ohh! Ha!" anang nang mahigop ang mainit na kape sa lalamunan. "Sh*t!" malutong na mura.
"Ano ka ba naman kasi, dahan-dahan sa paghigop ng kape mo!" anang ni Manang Ingga.
Si Tyreen naman ay tahimik an nakamasid kay Perry sabay iling sa isiping kaya ito nabulunan ay dahil sa sinabi ni Manang Ingga hinggil kay Elsa. 'Siya kaya ang kasama nito kagabi?' tanong muli sa isipan. "Anong pakialam mo kung siya nga?" sumbat sa isipan na medyo napalakas pala.
"Yes, may sinasabi ka ba?" untag ni Perry nang maulinigang may ibinulong si Marga.
"Wala po, senyorito, sabi ko, kape po 'yan kaya natural na mainit hindi coke," aniya rito dahilan upang mapataas ang may kakapalan nitong kilay.
Hindi naman nagtagal ay dumating si Elsa na halatang kagigising lamang.
"Bakit hindi mo naman ako ginising, Manang Ingga?" bulalas nito sa matanda.
"Paano ay tulog na tulog ka pa at naghihilik!" gagad naman ni Manang Ingga.
Napatawa si Elsa. "Naman, manang pwede mo naman akong yugyugin," anito. Nang mapansin si Perry na naroroon ay kaswal itong ngumiti. "Good morning senyorito, ang aga naman po yata ngayon," normal na wika ni Elsa sa lalaki na tila walang nangyari kagabi.
Napakunot-noo si Tyreen na nag-oobserba sa kilos ng dalawa pero wala naman siyang makitang kakaiba.
"Good morning rin," tugon ni Perry saka binuhat ang tasa nito at umalis.
"Ikaw, Elsa, bakit wala ka kagabi sa kama mo noong magising ako?" diga ni Manang Ingga rito.
"Ha? Uhmmm! Hindi naman ako umalis sa silid natin, manang baka noong lumabas ako upang uminom," mabilis na kaila ni Elsa.
"Ganoon ba? Siguraduhin mo lang na wala kang ginagawang kalokohan kasi oras na mahuli ka ni senyora ay tiyak na mawawalan ka ng trabaho," seryosong paalalang saad ni Manang Ingga.
"Hala siya? Seryoso ka masyado, manang, oo, alam ko sa tagal ko pa ba rito ay hindi ko pa alam ang kalakaran," bulalas ni Elsa.
"Nagpapaalala lang ako lalo na at may anak kang binubuhay," dagdag pa ni Manang Ingga.
Natigilan si Elsa.
"Salamat, manang, huwag kang mag-alala dahil hindi ako gagawa ng anumang kalokohan," bulalas ni Elsa kahit sa loob-looban ay may takot baka nakahalata si Manang Ingga na matagal siyang wala sa silid kaya ganoon ang tono ng pananalita nito.
"O, siya, patapos na kami rito ni Marga kaya ikaw naman ay ayusin mo muna ang mga labahin sa laundry room. Ituloy mong itupi ang hindi mo natapos kahapon," utos ni Manang Ingga rito na agad namang tumalima.
Hindi na nagawang humirit o magsalita pa si Elsa at mabilis na sumunod sa utos ni Manang Ingga, gusto niya ring mapag-isa kahit papaano. Hindi naman siya pwedeng magkulong sa kuwarto dahil katulong siya roon at hindi amo kahit pa may nangyayari sa kanila ng among si Perry.
Nagtinginan sina Tyreen at Manang Ingga nang mapansing tila tumahimik konti ang bibig ni Elsa, hindi sila sanay dahil sa tuwing may sasabihin ka rito ay kay sadabihin rin ito.
"Himala, hindi siya humirit," gagad ni Manang Ingga na pareho ng kanyang iniisip.
'May nangyayari ba kina Senyorito Perry at Elsa, si Senyor Patricio kaya?' mga katatungang hindi mawala sa isipan ni Tyreen habang nakatingin sa pinto kung saan ay pumasok si Elsa
Lingid sa kanyang kaalaman na nakamasid rin pala sa kanya si Perry na nasa labas at nagpapahangin sa may pool area.