"Mella, ikaw anong gusto mong drinks?" tanong ng Ate Grace niya nang makarating na sa isang mamahaling restaurant sa Tragora Mall.
"Strawberry shake na lang Ate," sagot niya at umayos ng upo. Pansin niya ang ilang mga matang pasulyap-sulyap sa kinauupuan nila. Alam naman niya kung bakit, halos naman lahat ng nakakakilala sa kanila eh tinatapunan talaga sila ng tingin, lalo na ang Ate Grace niya pero hindi naman pansin ng Ate niya ang mga mapanghusgang matang nakasunod rito.
"Mike, dito!" tili ng Ate Lanie niya. Nakita niya si Mike, ang boyfriend nito na taga kabilang bayan. Hindi na rin niya alam kung pang ilan na ba si Mike sa mga naging boyfriend ng kapatid, dahil high school pa lang ito mahilig na itong magpapalit-palit ng boyfriend. Wala kasing tumatagal na lalaki dito dahil masyado itong maarte at maluho sa katawan at mayayaman lang ang sinasamahan nito para makuha nito ang luho sa katawan. Sa nakikita niya kay Mike, tanggap na nito kung ano ang ugali ng kapatid niya dahil mahigit isang taon na ang relasyon ng dalawa at sana nga si Mike na ang huling lalaki sa buhay ng Ate Lanie niya. Sa edad nitong bente tres, masasabi niyang marami nang karanasan ang kapatid pagdating sa mga lalaki. Alam niyang isa din ang Ate Lanie niya sa mga pinagtsi-tsismisan sa bayan nila at madalas niyang marinig na katulad din daw ito ng Ate Grace niya at Ate Joan na paiba-iba ng lalaki at mahilig dumikit sa mga may pera.
Ang Ate Joan naman kasi niya, hindi sila kasal ng kinasama nito dahil sa pagkakaalam niya may naunang pamilya ang kinasama nito at nabuntis lang ang Ate Joan niya kaya nakisama na si Arman sa kapatid. At alam din niyang sa panahon ng kabataan ng Ate Joan niya, ginamit din nito ang ganda at katawan para kumita hanggang sa mabuntis ito ni Arman. Kaya naman usap-usapan ang pamilya niya sa San Miguel, ginagamit ng mga ito ang ganda para kumita. Sa tuwing ganitong kakain sila sa labas, maraming mga matang nakamasid sa kanila dahil kilalang-kilala ang mga kapatid sa bayan nila. Minsan nakakaramdam siya ng hiya pero hindi na lang niya pinapansin. Ang mahalaga masaya sila at sama-sama.
"Saan mo pala balak mag OJT?" tanong ng Ate Grace niya habang kumakain sila.
"Ah... sa Del Castillo Resort sana Ate," mahinang sagot niya.
"Bakit doon? Ayaw mo ba sa VincElla Hotel? May kakilala ako doon," sagot ng Ate niya na tila hindi man nagulat nang banggitin niya ang Del Castillo Resort.
"Oo nga anak, huwag na sa mga Del Castillo, maghanap ka na lang ng iba," sabat ng Nanay niya habang maganang kumakain.
"Gusto ko po kasing mapag-aralan ang ganoong kalaking negosyo."
"Naku ah... pag ikaw sa mall lang napasok pagka-graduate mo, tatamaan ka sa akin," sabat ng Ate Lanie niya habang nakapalupot kay Mike.
"Sa Hotel makakapasok si Mella at sigurado ako Manager agad yan," may pagmamalaking sagot ng Ate Grace niya.
"Oo nga, matalino tong si Mella eh," dagdag naman ni Ryan at sinubuan pa ang Ate Grace niya. Sweet na sweet ang dalawa at walang pakialam kung maraming tao sa paligid.
Ngumiti na lang siya at tinuloy ang pagkain. Mabait naman si Ryan sa kanilang lahat, wala itong kiming tulungan sila dahil mahal nito ang Ate Grace niya. Malaki ang agwat ng edad ni Ryan sa Ate Grace niya, hindi rin ito kagwapuhan at medyo may kakaiba sa style ng pananamit nito. Mahilig itong magsuot ng terno-ternong kulay at pansin niyang paborito nito ang kulay purple na kakaiba dahil lalaki ito, pero balewala na lahat iyon dahil mabait naman ito at nabibigay nito ang lahat ng kailangan ng Ate niya, isama pa na pati sila nahahambunan sa natatanggap ng kapatid mula kay Ryan.
Matapos silang kumain, namasyal pa sila at kung anu-ano na naman ang mga pinagbibili ng Ate Grace niya para sa mga kapatid at sa Nanay nila. Wala namang reklamo kay Ryan at tila natutuwa pa ito dahil masaya ang Ate Grace niya.
"Pupunta ako sa washroom," paalam niya sa mga ito habang namimili pa rin sa loob ng kilalang boutique.
"Sige, text na lang kita kung asan kami," sagot ng Ate Lanie niya na nagsusukat ng jacket.
"Oo, sige," sagot niya at mabilis nang naglakad palabas ng boutique.
Habang naglalakad, napatingin siya sa magandang sapatos sa may show window ng Charles and Keith boutique. Napangiti siya. Ilang beses na ba niyang nadaanan ang sapatos na iyon at sa tuwing madadaanan niya napapangiti siya.
"Pag may trabaho na ko mabibili rin kita," bulong niya at nagtuloy na sa paglalakad nang bigla siyang bumunggo.
"Ouch! Hey! Use your eyes b***h!" galit na sita sa kanya ng nakabunggo.
"Sorry, pasensya na," paumanhin niya sa babaing nakabunggo.
"Duh!" maarteng sagot nito sabay palantik pa sa mga kamay nito na mukhang bagong manicure pa ang mga kuko. Maganda ito at mukhang may kaya sa buhay, halata sa pananamit at kilos.
"You done?" tanong ng lalaking lumapit sa kanila.
"Yes, babe, let's go," yaya nito at kinawit sa braso ng lalaking bagong dating ang mga kamay.
Napasulyap siya sa lalaki, ganoon din ito sa kanya. Nagkatinginan sila at pakiramdam niya huminto ang ikot ng oras nang makilala kung sino ang lalaking nakatayo sa harapan niya at nakatingin sa mga mata niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang lalaki at buti na lang mabilis siyang nakabawi bago pa makahalata ang kaharap.
"What happened?" tanong ng lalaki habang sa kanya pa rin nakatingin.
"Nothing babe, let's go, I need to buy something," maarteng sagot ng babae at hinila ito.
Naiwan siyang nakatulala at nakasunod ng tingin sa dalawa. Nakita niyang sinulyapan siya muli ng lalaki kaya naman mabilis siyang nag-iwas tingin at nagtuloy na sa paglalakad.
Pagdating niya sa washroom, kaagad siyang pumasok sa cubicle. Napasandal siya sa pinto at humugot ng malalim na paghinga. Totoo ba ang nakita niya? Totoo ba na nakita niya si Aiden Del Castillo sa San Miguel? Ibig bang sabihin nito bumalik na si Aiden Del Castillo sa bayan nila?
Hindi siya maaaring magkamali. Si Aiden Del Castillo ang nakita niya. Hinding-hindi niya makakalimutan ang gwapong mukha nito, kahit pa sabihing mahigit limang taon na ang nakakalipas mula nang huli niyang makita ito sa bayan nila. Sa pagkakaalam niya, pinadala sa America si Aiden ng Papa nito para doon tapusin ang pag-aaral nito, at nangyari iyon matapos ang malaking eskandalong kinasangkutan ng pamilya niya at ni Aiden.
"Aiden Gabrielle Del Castillo," sambit niya sa pangalan nito at napapikit ng mariin.
Ano nang mangyayari sa kanila ngayon bumalik na si Aiden sa bayan nila?