"Uy Mella!"
"Ah, ano iyon?" tila lutang na tanong niya kay May.
"Lutang ka te?" biro nito at kinurot siya sa pisngi.
"Ah... aray!"
"Ang sabi ko tuloy ka na ba talaga sa Del Castillo Resort?" tanong nito.
Iyan din ang iniisip niya. Ilang araw na mula nang makita niya si Aiden sa Tragora Mall at hindi pa rin ito maalis-alis sa isip niya. Alam niyang hindi siya nagkakamali, si Aiden ang nakita niya.
"Ewan ko," sagot niya. Dahil iyon ang totoo. Mula nang makita niya si Aiden, tila nagbago ang isip niya, dahil baka makita at makilala siya ni Aiden at paalisin siya sa Resort. Nakaramdam siya ng takot nang makita ito kahapon. Alam niyang halos mahigit limang taon na ang nakakalipas pero tila sariwa pa rin sa kanya ang bawat eksena nangyari nang gabing iyon. Takot na takot siya noon at iyon ang takot na naramdaman niya muli nang makita ito makalipas ang mahigit limang taon.
"Sama ka na lang kasi sa akin sa VincElla Hotel, anong malay mo magustuhan nila tayo doon at i-hire tayo pagka-graduate natin," pangungumbinsi ni May sa kanya na tila hindi naman niya naiintindihan dahil na kay Aiden Del Castillo ang isip niya.
"Ah... May, alam mo ba kung nasaan si Aiden Del Castillo?"
"Ah? Bakit?" nagtatakang tanong ng kaibigan.
"Wala lang, naalala ko lang siya, baka siya na ang nagma-manage sa Resort nila."
"Malabong mangyari iyon, dahil matagal nang wala dito si Aiden at sa pagkakaalam ko wala na daw itong balak bumalik dahil sa mga nangyari noon," sagot nito at sinulyapan siya.
Hindi na lang siya kumibo. Alam niyang wala namang taga San Miguel na hindi nakakaalam ng mga nangyari noon kay Aiden at sa pamilya niya. Alam niyang ayaw lang siyang tanungin ng kaibigan tungkol sa bagay na iyon.
Si May lang ang nag-iisang kaibigan niya sa SMU. Wala halos pumapansin sa kanya, maliban sa ilang mga lalaking nagpaparinig sa kanya na kaagad naman niyang tinatanggihan. Sa edad niyang bente, wala pa siyang naging boyfriend ni isa. Maraming nanligaw sa kanya pero ni isa wala siyang sinagot, dahil aaminin niyang natatakot siya na baka pag nagkarelasyon na siya ay hindi na niya alam ang gagawin at maging tulad na siya ng mga kapatid niya.
Nais sana niyang iwasang maging tulad ng mga kapatid. Nais sana niyang maging iba sa mga ito, at nais sana niyang maiwasang pagtsismisan sa San Miguel. Alam niyang inaasahan ng lahat na susunod siya sa yapak ng mga kapatid. Alam din niyang inaabangan na ng mga ito kung anong lagim ang gagawin niya tulad ng mga kapatid. Pero hindi, hindi siya magiging tulad ng mga kapatid. Bata pa lang siya, pinangako na niya sa sarili na magiging iba siya sa mga ito at gagawin niya iyon. Hindi naman niya kinahihiya ang mga kapatid dahil ito ang mga sumusuporta sa kanya sa pag-aaral niya. Hindi siya makakapasok sa SMU kundi dahil sa tulong pinansyal ng mga kapatid, lalo na ang Ate Grace niya na nagsusumikap para makapag-tapos siya. At eto na nga, ilang buwan na lang ga-graduate na siya at hahanap siya ng magandang trabaho, siya naman ang babawi sa mga kapatid.
Pagkatapos ng klase, kaagad na siyang lumabas ng campus sakay ng bike niya. Maaga pa naman kaya balak niyang pumasyal sa Del Castillo Resort. Madalas naman siyang mamasyal doon sa tuwing naiinip siya. Nakakapasok siya doon nang libre dahil kakilala niya ang gwardiya, si Mang Cesar. Matanda na ito at sa pagkakaalam niya matalik itong kaibigan ng Tatay niya at mula nang itayo ang Del Castillo Resort eh doon na ito namamasukan kaya naman nang mapansin nitong malimit siyang mamasyal doon, sa tuwing makita siya nito eh kaagad na siyang pinapapasok sa loob.
"Magandang hapon po Mang Cesar," bati niya sa matanda nang makababa ng bike at nilagay sa gilid ng kalsada.
"Oh, Mella andito ka pala, wala ka bang pasok?"
"Katatapos lang po," sagot niya at itinaas ang plastik na hawak. Binilhan niya ng bananaque ito sa daan para meryenda nito at pasalamat na rin niya.
"Nag-abala ka pa, salamat ah," magiliw na sabi nito at pinapasok na siya sa loob.
"Mang Cesar, balak ko po sanang dito mag OJT, maganda po ba ang patakaran dito?" tanong niya nang nasa loob na siya ng malawak na beach.
"Sa naririnig ko nagpapasahod sila ng mga training dito," nakangiting sagot nito habang hawak-hawak ang bananaque.
"Talaga po?"
"Oo Mella, at may mga nakapasok na ding OJT dyan, nagustuhan nila at pagka-graduate kinuha nila agad at dyan na nagtatrabaho," sagot nito. Napangiti siya at nagpaalam na maglalakad-lakad lang sa tabi ng dagat gaya ng madalas niyang gawin sa tuwing napapasyal siya sa Resort.
"Wow, iba talaga pag andito ako, parang wala akong problema," sabi niya habang naglalakad-lakad sa tabi ng dagat. Bitbit niya ang sapatos at nataas ang suot niyang pantalon para hindi mabasa sa hampas ng tubig. Sa tuwing narito siya, nare-relax ang isip niya at pakiramdam niya wala siya sa San Miguel, wala sa lugar kung saan inuusgahan ng marami ang pamilya niya.
Weekdays ngayon kaya wala masyadong tao sa beach. May mga ilang turista, bakasyonista na naglalakad-lakad at alam niyang babalik-balikan din ng mga ito ang Del Castillo Resort, dahil sa hatid nitong nakakapayapa ng magulong kaisipan.
Naupo siya sa buhanginan at pinanood ang hampas ng tubig. May mga ilang batang naglalaro at may ilang mga couples na sweet na sweet habang magkahawak kamay na naglalakad sa tabi ng dagat.
"Kailan ko kaya mararanasan yan?" bulong niya at ginala ang mga mata sa magandang kapaligiran.
Napako ang mga mata niya sa lalaking naglalakad mag-isa habang nakatingin sa dagat. Nakapaa lang ito habang nilalaro ng mga paa ang naghahabulang tubig sa buhangin. Asul na khaki short ang suot nito at puting polo na halos bukas na ang ilang butones na nagpapakita sa maganda nitong pangangatawan.
Nagpatuloy siya sa pagsuri sa lalaki at nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ito.
Aiden Del Castillo.