Chapter 24
MULI niyang binalik ang babae sa pagkakahiga at inalalayan na makatayo. Isang malakas na palakpakan na naman ang ibinigay sa kanya ng mga manonood. Saka siya ngumiti sa lahat na para bang mapupunit ang labi niya, sumagi siya sandali sa pagsulyap sa puwesto ko, hindi ako sigurado kung nakita ba niya ako at muli siyang bumalik sa ginagawa niya.
Pumasok ang babae sa loob ng kurtina at muling lumabas para ilagay ang maliit na lamesa sa gitna nito saka bumalik sa loob para iwan sa stage ang lalaking magician. Napasinghap sa gulat ang lahat nang mabitawan niya ang baston sa stage, naningkit ang mga mata ko nang mapansin kong para siyang umaakto ng baliw, pilit niyang hinuhubad ang tall hat niya ngunit hindi niya matanggal-tanggal.
Nahila niya ito, naibato niya sa lamesa patayo at nasa labas ang butas ng tall hat. Hingal na hingal siya saka dahan-dahan lumapit doon, kahit wala ako roon sa malapit nabigla ako nang may lumabas na kamay doon na may hawak na espadang pang fencing kaya ginamit din niya ang basto niya. Paano nagkaroon ng kamay sa loob ng maliit na tall hat? Visible ang lamesa at wala na itong maaring pagtataguan ng isang tao para lang sa act, mahika na ba yung matatawag?
‘Mia, andyan ka pa ba?’ Napakunot-noo ako nong pinilit kong tawagin si Mia ngunit naramdaman kong parang wala na siya, ‘Mia?’ Ngunit walang sumagot na Mia sa kabila nu’n. Hinayaan ko na muna at tinuon ang atensyon ko sa lalaking magician na nakikipaglaban sa kamay.
Tawa nang tawa ang mga manonood dahil sa ginagawa niya. Natapos ang act niya at nawala na ang kamay sa tall hat nang ipakita niya sa manonod na wala naman kahit na anong meron sa butas.
“Sa susunod na act…”
Ang akala ko’y hindi siya nagsasalita at namangha pa ako nang marinig ang boses niya dahil pwede siyang maging announcer sa radio station dahil sa ganda ng boses niya.
“Kailangan ko ng pitong babae para sa pang huling act sa gabing ito…”
Agad na nagtaasan ng kamay ang mga dalaga at nagsitayuan pa ang ilan para mapili. Naglakad siya patungo sa mga audiences, nakapila siya ng isa…dalawa hanggang sa nakarating siya sa puwesto ko at tinuro ang baston sa ‘kin na siyang pinagtaka ko kaya napaturo rin ako sa sarili ko.
“Ako?”
“Yes, magandang binibini,” kahit na hindi ko pa inaabot ang kamay ko kinuha niya, para bang na hipnotismo ako sa ngiti niya na wala sa sariling sumama ako sa kanya kahit pa labag sa sarili ko. Habang papalapit ako sa stage may pitong box doon na kasya ang isang taong papasok doon. Malamig ang kamay niya at mahigpit pa rin niyang hawak sa kamay ko.
“Anong pangalan mo, binibini?” Saka niya ako binitawan.
“Sia.”
“Napakagandang pangalan, Sia,” saka niya tinuon ang atensyon sa mga audience.
“For the final act na gabi-gabing pinakahihintay ng lahat, ang misteryosong mahika na maaring mawala ang papasok sa kahon ng ilang minuto’y makakarating sila sa ibang lugar na hindi nila at pipiliting makabalik,” sabay tawa niya kaya natawa rin ang mga manonood.
‘Ito na ba iyon?’
Hindi na ako nakaimik nang isa-isa na niyang pinasok ang mga dalaga sa kanya-kanyang mga kahon, ni-lock niya ito hanggang sa makarating siyang muli sa ‘kin saka ako binigyan ng kakaibang ngiti, wala akong nagawa kundi ang pumasok din sa kahon, hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit nagawa kong sumunod sa kanya, hanggang sa tuluyang nilamon ako ng dilim sa loob, naririnig ko pa ang ingay sa labas, bilis nang t***k ng puso ko at pinagpapawisan na ako ng malamig. Kung anong naglilikot sa ‘king tyan at gusto ko nang bumalik sa mansyon…
Sa pagdilat ko nakita ko na naman ang sarili kong nakalubog sa tubig, nanlaki ang mata ko at pilit na hinabol ang katawan ko na papalubog sa tubig, puno nang dugo ang damit at bibig ko. Anong nangyari sa ‘kin? Bakit sa pagkakataon na ito nakikita ko sa panaginip ang sarili ko?
Hindi ito maari! Hindi!
Muli na naman akong nagising at sa pagkakataon na ito wala na ako sa tubig. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ang kisame at maramdaman ang sarili kong nakahiga sa kamang malambot. Igagalaw ko na sana ang paa at kamay ko nang hindi ko magawa dahil nakatali pala ito sa magkabilang poste ng kama kung saan ako nakahiga.
Nagpupumiglas ako, pilit na hinihila para bawiin ang paa’t kamay ko ngunit mahigpit ang pagkakatali at lalo lang itong humihigpit sa tuwing gumagalaw ako. Palinga-linga ako at hindi lang isang kama ang naroon, may mga nakahiga rin katulad ko, nakasuot ng puting bistidang pangkasal, nanlaki ang mata ko nang makilala ko kung sino ang isa sa kanila, luminga ako sa kanan at naroon pamilyar na babaeng nakikita ko sa panaginip ko
‘Mia! Mia! Tulong!’ Sigaw ko sa aking isip ngunit walang sumasagot.
Bumukas ang pinto kaya nasinag ako sa ilaw na pumapasok mula sa loob, saka lang nakapag-adjust ang utak mga mata ko nang maisara muli ang pinto at nakita ko ang pumasok lalaking magician kanina sa carnival. Wala na ang tall hat niya at suot niya pa rin ang tuxedo costume niya.
“Kumusta, munting binibini?” Lumapit siya sa dulo ng kama kung na saan ako.
“Anong ginawa mo sa kanila? Anong gagawin mo sa amin?” Nilalakasan ko na lamang ang loob ko kahit pa sa loob-loob ko takot na takot na ako sa maari niyang gawin sa amin…lalo na sa ‘kin.
“Kompleto na ang pitong asawa ko at mauumpisahan na ang ritwal,” masaya niyang balita sa ‘kin.
“Hindi ka ba naawa? Kinuha mo kami sa mga pamilya namin…”
Nagtaka siya at napakunot-noo, “anong sabi mo?”
Nakuha ko ang atensyon niya.
“Hindi ka ba naawa?” Muli akong nagtanong.
“Kayo, hindi ba kayo naawa sa ‘kin? Iniwan ninyo ako mag-isa, ito lang ang panahon para magkasama-sama tayo, hindi na ako papaya na iwan ninyo ako,” lumapit siya sa ‘kin at mas lalo akong nangilabot nang pumatong siya sa ibabaw ko at kiniwelyuhan ako kaya bahagya akong napaangat.
Nanlalaki ang mga mata niya, “hindi ako papayag na iwan ninyo ako, hindi,” bulong niya sa ‘kin.
Saka niya binagsak ako sa kama, gusto kong umiyak ngunit pinigilan ko ang sarili ko, hindi ko alam kung paano ako makakatakas? Lumayo siya at muling lumapit sa pinto.
“Maiwan ko na muna kayo dyan, magkikita uli tayo mamaya,” paalam niya bago siya lumabas at muling i-lock ang pinto.
Saka lang bumagsak ang luha ko, naawa ako sa sarili ko, hindi ko alam kung anong gagawin ko o saan ako hahanap ng paraan para makatakas…para matulugan sila.