KAGAT-KAGAT NI Sonja ang takip ng kanyang ballpen habang nagta-type sa kanyang laptop nang makuha ang atensyon niya ng pagkakagulo sa labas ng Café Bonita. Napangisi siya nang makita na nagtatawanan ang mga taong nagkakatipon sa labas ng café. May kung anong tinitingnang ang mga ito sa isang bahagi ng establishment na iyon na dahilan ng tawanan ng mga ito. And she knew exactly what it was.
“Sonja, nakita mo ba ‘yung mga pictures doon sa bulletin board ng Café Bonita sa labas?” tanong ng kaibigan at co-writer niyang si Sindy pag-upo nito sa kabilang sofa. Nakipagkita ito sa kanya dahil nababato na raw ito na walang kausap buong araw. “Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maaawa dun sa pobreng biktima ng kumuha ng picture na iyon.”
“Matawa ka na lang.” Sonja turned her attention back to her work, but the smile on her lips was still there. “Kasi ako, tawang-tawa dun.”
“’Di ba masama ang kunan ng picture ang mga natutulog?”
“Talaga?”
“Oo. Kasabihan kaya iyon.”
“Never heard of it.” Of course she heard of it. Pero siyempre, di sya aamin. He-he!
Nilingon ni Sindy ang mga tao sa labas na masayang-masaya pa rin sa tinitingnan na mga larawang naroon. “Wala sigurong magawa ang taong kumuha ng picture na iyon. At bakit kailangan pa niyang ilagay sa bulletion board?”
“Kasi it’s good for me po.”
Tumawa si Sindy. “’Yan ‘yung lines na nakalagay dun sa caption ng mga pictures sa labas. Nabasa mo rin pala. In a way, its really funny. Kung hindi ka lang nagsusulat ngayon, Sonja, iisipin kong ikaw ang may kagagawan nun. Iyon kasi ang forte mo, eh.”
“Alin, ‘yung magpasaya ng mga tao? Oo naman. Sugo ako ng Diyos sa mga nalolongkot, eh,” pagbibiro pa niya.
Sonja grinned and looked up just in time to see the gloomy face of the man of the hour as he entered the café with a knot on his forehead as he looked around for, probably, somewhere he could take a seat. Hawak nito ang mga printed pictures na marahil ay dinagit nito mula sa bulletin board.
And then the guy turned to their direction when he seemed to have overheard what she just said. Pero imbes na magtago sa sinapupunan ng nanay niya, ngumisi lang si Sonja. Pa-cute din ng konti para kunwari inosente. Dahil sa totoo lang, tama ang kaibigan niyang si Sindy. Forte nga niya ang magpasaya ng mga tao, too bad ang lalaking ito ang medium niya. Dahil siya nga ang may gawa ng mga printed pictures nito sa bulletion board.
Sabi na sa iyo, eh. Hindi ako basta papayag na masira ang concentration ko sa pagtatrabaho. Ngayon, hah! Magdusa ka!
Lumapit na si Rodjan sa puwesto nila. “Ikaw ba ang may gawa nito?”
“What?” Naks, English. “Hindi ko nga alam kung ano iyan. Bakit, ano ba iyan? Patingin nga—“
Inilayo ni Rodjan ang mga larawan. Hangin lnag tuloy ang nahawakan ni Sonja.
“Ikaw ba ang may gawa nito?” ulit ng lalaki.
“Paano ko nga malalaman kung ako ang may gawa niyan kung hindi ko makikita?”
Ipinakita ni Rodjan ang mga larawan pero hindi nito hinayaang mahawakan man lang iyon ni Sonja.
Kuntodo-pigil siya na mapangisi.
Ang mga larawan kasi na iyon ay kuha niya kay Rodjan habang natutulog ito na nakanganga pa ang ipina-print niya at idinikit sa bulletin board ng cafe sa paglabas ng establishment. Ginuhit-guhitan pa niya ng pentel pen ang mga pictures at nilagyan ng mga captions for more audience impact.
“Hindi ako ang kumuha nyan. Hindi ako ganyan ka-pangit kumuha ng picture. Ang ganda kaya ng cellphone camera ko.” Sinilip-silip pa niya kunwari ang mga larawan na hawak ni Rodjan. “In fairness, hindi halata na ikaw ‘yan.”
“Ikaw ang nasa picture?!” tanong ni Sindy na hindi na mapigilan ang matawa. “Ops, sorry.”
Kitang-kita niya ang pamumula ng mga pisngi ng lalaki sa kabila ng mga papatubong facial hair nito. What the—he’s blushing?! She never thought a guy this tough-looking could actually blushed.
“I’d get you for this,” iyon ang mga huling sinabi nito bago sila tinalikuran ang nagmamadaling lumabas ng cafe.
“Sonja, ikaw ba talaga ang may gawa nun?”
“Oo.”
“Praning ka talaga, ano? Kawawa naman ‘yung tao. Mukhang gusgusin na nga, pinatulan mo pa.”
“Kasalanan niya iyon. Sinira niya ang concentration ko sa pagsusulat kahapon at lagi siyang nakikipag-unahan sa akin dito sa paborito kong puwesto. E, alam mo namang may ugali ako na hindi ako nakakapagsulat kapag hindi ako kumportable sa kinauupuan ko. At ito ang pinaka-kumportableng puwesto ko rito.”
“PEro hindi mo pa rin dapat ginawa iyong kuhaan siya ng larawan at i-post dun sa bulletin board. Napahiya tuloy ‘yung tao.”
“Hindi siya napahiya. Trust me. At tsaka, hindi rin iyon isang pulubi. Dahil alam mo ba kung sino ang girlfriend niya? Si Alicia Manzano lang naman.”
“Alicia Manzano? ‘Yung artista at paborito ng mga advertisement agencies?”
“Yep.”
“Wow.” Nilingon ni Sindy ang direksyong tinungo ni Rodjan. “Pero alam mo, parang pamilyar ang mukha niya sa akin. Parang nakita ko na siya noon.”
“Saan? Sa garbage dumpsite?”
“Gaga.” Saglit pa itong nag-isip na tila ba pilit na inaalala kung saan nakita o nakilala ang lalaking kaaalis lang. Pero mukhang bigo ito kaya nagkibit-balikat na lang. “Anyway, kahit ganon ang japorms niya, napansin mo bang may itsura siya? ‘Lakas din ng dating nya, ah. Siguro kung mag-aayos lang iyon, baka pinag-aagawan na iyon ng mga talent scouts lalo na at may sikat pa siyang girlfriend na artista. Matangkad, maganda ang body proportion, kahit di ko trip ang mga facical hairs, in fairness, bumagay sa kanya. Hmm…”
Binato ito ni Sonja ng takip ng ballpen na puro marka na ng kanyang ngipin. “Hoy, bruha, may boyfriend ka nang vavavoom, kung sino-sino pa ang pinagpapantasyahan mo. Magtigil ka nga dyan. Kurutin kita sa singit, eh.”
Ibinalik nito sa kanya ang ibinato niyang takip ng ballpen. “Excuse me! Hinding-hindi ko ipagpapalit ang Brye ko sa kahit na sinong lalaki, ‘no? Tsaka, si Brye lang ang pinakaguwapong lalaki sa mundo. Pinansin ko lang ang asset nung mukhang pulubing iyon para sa iyo.”
“Para sa akin?”
“Parang bagay kasi kayo.”
“Hindi kami bagay nun. Wala siyang pera, ako…wala rin.” Binuntutan pa niya iyon ng tawa. “Hindi ko kailangan ng lalaking guwapo, matangkad, at may magandang body proportions. Ang kailangan ko, ‘yung kaya akong buhayin.”
“Kahit hindi mo mahal?”
“Wala nang mahal-mahal ‘pag nang kumakalam ang sikmura.”
“Kung magsalita ka, parang hikahos na hikahos kayo sa buhay. Samantalang ikaw nga ang isa sa may pinakamalaking suweldo sa Straeh Publishings.”
“Kulang pa rin iyon, ‘no? Ang tataas na kaya ng mga bilihin ngayon, at ilan kami sa pamilya ko. Ikaw ang masuwerte dahil bukod sa pagbabalik mo bilang prinsesa ng inyong pamilya, may prinsipe ka pang mayaman, guwapo at mabait.” Napabuntunghininga na lang si Sonja. “Sana ako rin magkaroon ng boyfriend na tulad ni Brye. Meron ba siyang kakambal o kapatid man lang?”
“Wala. Pero marami siyang mga kaibigan.”
Nagningning ang kanyang mga mata. Umilaw ang pag-asa sa kanyang puso. “Oo nga pala! Ang mga Stallion boys! Haaay…bakit ko ba sila nakakalimutan?” Pansamantalang kinalimutan ni Sonja ang pinagkakaabalahan niya kanina sa laptop. “Isama mo na ako sa Stallion Riding Club! Sindy, sige na. Sige na, please…” Inalog pa niya ang mga braso ng kaibigan.
Tinapik lang ni Sindy ang mga kamay niya. “Huwag ako ang harass-in mo at hindi naman ako ang member ng exclusive riding club na iyon. Alam mo namang lalaki lang ang tinatanggap nilang miyembro.”
“E, ‘di kumbinsihin mo si Brye. Sabihin mo sa kanya na isama ako sa susunod ninyong punta sa Stallion Riding Club! Sabi mo naman na puwedeng magsama ng kahit na sino ang mga miyembro ng club nila, di ba? E di isama ninyo ako! Sige na, Sindy. Alam kong naroon lang ang kapalaran ko, eh. Naghihintay lang sa akin.”
“Iyon lang ang dahilan mo sa pagpunta mo dun? Ang maghanap ng lalaki?”
“Correction. ‘Kapalaran’. Destiny po. Destiny ko ang pupuntahan ko sa SRC.”
“Hindi papayag si Brye.”
“Kaya nga tulungan mo akong kumbinsihin siya. We’re friends naman, di ba? Ayaw mo bang maging masaya ako?”
“Hindi ka magiging masaya roon. Dahil dudumugin ka ng mga dakilang playboy ng club nila.”
Napasinghap siya. “Gusto kong madumog ng mga playboy!”
“Gaga!” Sindy drank her own blended coffee. “You’re too good for them, Sonja. You deserve someone who’ll love you all the way.”
“Sus! Kahit hindi na nila ako mahalin, ang importante, mapapasaya nila ako. Kaya nga ‘yung mga Stallion boys ang target ko, eh. Dahil natutuwa ako sa kanila marinig ko pa lang ang title nilang iyon.”
“Sonja—“
“Ey, huwag mo nga akong dramahan ng ganyan. Nangingilabot ako sa iyo. Sanay ako sa mga kamalditahan mo, pero nagka-boyfriend ka lang e nagbago ka na.”
“Hindi ko rin alam kung bakit nagiging mabait ako kapag kadikit ko si Brye.”
“Bad influence siya sa iyo.”
“Oo nga.” Napangisi na lang silang pareho. “Pero, kidding aside, Sonja. Talaga bang gusto mong magka-boyfriend ng mayaman kahit hindi mo mahal?”
“Well, hindi na rin iyan masama, hindi ba?” Umayos siya ng upo. “Pero…I’m a romance writer. I’m a born romantic, kaya imposibleng hindi ako maghanap ng mamahalin. Press release ko lang na gusto ko ng mayaman kahit di ako mahal.”
“Baliw ka talaga, ano?”
“Wala, eh. Gusto ko lang magpa-cute,” nakangisi niyang sagot. “Pero gusto ko pa ring magpunta ng Stallion Riding Club. Para kasing maraming inspirasyon doon, eh. Hindi nga ba’t sa kanila ka nakagawa ng isang napakagandang series? Gusto ko rin ng ganon.”
“Kunsabagay, gusto ko na ring magka-boyfriend ka. Lagi ka na lang kasing out-of-place pag kasama mo kami ni Brye.”
“Huwag mo na akong inggitin diyan at baka masabunutan pa kita. Sige na, tawagan mo na ang boyfie ever mong iyon.”
Napailing na lang ito nang sagutin ang nag-iingay na cellphone. “Hello? O, Brye, tamang-tama. I was about to call you. Gusto raw ni Sonja na sumama sa Stallion Riding Club. Puwede ba natin siyang isama?” Sinulyapan siya ni Sindy. Binigyan naman ni Sonja ang kaibigan ng pinakamaamo niyang mukha. Natawa lang ito. “Pupuntahan daw nya roon ang kapalaran nya.”
Sonja leaned back against her seat with a satisfied smile on her face when Sindy motioned ‘okay’ with her fingers. Sumenyas din ito sa kanya na kakausapin saglit ang boyfriend nito. Hinayaan lang niya ang dalawa sa sarili nilang mundo.
Mangangarap na lang siya ng mga naghihintay sa kanya sa Stallion Riding Club.
Noon pa man kasi ay naiintriga na siya sa exclusive equestrian club na iyon na madalas niyang mabasa sa mga society pages ng mga magazines at laging laman ng mga online discussions kapag napapadako sa mga guwapo ang topic ng usapan. Dahil ang mga miyembro niyon ay talaga nga namang naghuhumiyaw sa kaguwapuhan at status sa buhay. Nung una nga ay hindi siya gaanong naniniwala pero mula nang magka-boyfriend ang kaibigan niyang si Sindy ng isa sa mga Stallion boys at nagkuwento sa kanya, naniwala na rin siya. Lalong nabuhay ang curiosity niya dahil sa mga kuwento ni Brye kapag nakakasama nila ito sa kuwentuhan nilang magkaibigan.
Bakit nga ba ngayon ko lang naisipan na sumama sa Stallion Riding Club? Oh, the missed opportunities…
“Okay, I’ll tell her. Sige, ingat. Bye. ‘Love you.”
“Muah!” dugtong niya nang i-off na ni Sindy ang cellphone nito. “Ang corny ninyong dalawa.”
“Lahat naman ng inlove, corny. At magiging ganyan ka rin kapag na-inlove ka na, ‘no?”
“No way. Hindi ako magiging ganyan. Ever.”
“So, wala ka na ring balak na magpunta ng SRC kung ganon?”
Napasinghap siya. “Oh, my God! Don’t tell…pumayag si Brye?” Impit na lang siyang napatili nang tumango ito.
“So, maghanda ka na. I think may ranking tournament ang buong Stallion Riding Club sa Sabado. Isasama raw tayo ni Brye para manood.”
“Yes! Thank you!”
“Oo nga pala, since isusulat mo ang batch two ng series na ginawa ko, maglagay ka ng doktor na babae as one of your character. Gusto ko sanang ako ang gumawa nun kaso, kulang na ako ng character at tinamad na akong magsulat dahil mas abala ako kay Brye ko ngayon.”
“Ah, okay.”
“And then puwede ring bigyan mo ka-partner ‘yung mga characters na nabanggit ko doon sa mga nobela ko. Ikaw na ang bahala kung ano ang gagawin mo sa kanila…”
Patuloy lang siya sa pagtango sa mga suhestiyon ni Sindy. Hindi na siya tumatol dahil magkukulitan lang sila nito gaya ng madalas mangyari sa kanila kapag nagkakaroon sila ng series collaboration. Tango lang siya nang tango para walang gulo. Ayaw niyang makipag-argumento rito dahil lagi lang naman siyang talo.
Pero ang hindi alam ni Sindy, wala siyang papatulan sa kahit na anong sinabi nito. He-he-he.