MASAYANG naglalaro nang hapong iyon ang tatlong magkakapatid sa malawak na damuhan sa may harapan ng mansiyon. Hindi maiwasan ni Janicah na maalala si Don Alonzo na masayang nakikipaglaro sa mga apo nitong sina AJ at Emerald. Pero ngayon, naroon na rin si Kieran na masayang humahabol sa ate at kuya nito. Kay sarap pagmasdan ng tatlo. Idagdag pa si Ezekiel na nakikigulo sa mga anak nila. Nakaupo lang si Janicah sa folding chair. May ngiti sa labi na pinanonood ang kaniyang mag-aama. Ang kapatid naman niyang si Jenny ay katatapos lang kuhanan ng video ang mga pamangkin nito. Naupo rin ito sa karatig niyang folding chair. “Bakit mukhang napagod ka?” biro pa niya sa kaniyang kapatid. “Nakakapagod ding humabol sa mga bata, ate,” ani Jenny. Napatingin ito sa puting kotse na paparating. “May

