Kabanata 3

1091 Words
"Kanina ka pa tahimik mula nang makauwi ka, a. May problema ka ba, Yana?" Tinabihan siya ni Julie sa inuupuan niyang bangko. "Heto, o. Mainit na kape panlaban sa ginaw ng hangin dito sa labas." Inabot ni Yana ang tasa ng kape na hawak nito. Maganda naman ang halos isang linggo niya rito sa Pangasinan. Tahimik ang mga tao na kanilang kapitbahay. Ang mga anak ni Julie ay mababait at magagalang. Wala naman siyang problema sa pera dahil kahit paano kumikita na siya ng pera sa tuwing namamasada siya. Ngayon lamang naging magulo ang isip niya dahil muli niyang nakita si Acer Sandoval. Hindi niya nakalimutan ang mukha nito ngunit siya mukhang nakalimutan na nito. Kung p'wede nga lang niyang ibangga ang motorsiklo, e, ginawa na niya. Kaso hindi naman sa kanya ang motorsiklo at hiniram lamang niya iyon sa kapatid ni Julie. Isa pa mahal pa naman niya ang buhay niya at hindi pa niya gustong makita si San Pedro. "Hindi na ako mamasada, ate. Wala akong lisensya mahirap na kung mahuli ako baka madagdag lang iyong record ko sa mga pulis. Naisip ko na maghanap na lang ng ibang trabaho iyong hindi na kailangan ng lisensya. May alam ka bang p'wede kong pasukan? Maliban sa bakery dahil ayoko naman na magtinda, bopols ako sa math baka mamaya wala ng matira sa sahod ko." Hinipan niya ang kape bago lagukin iyon. "May alam akong trabaho kaso sa isang night club. Sa San Sebastian malapit sa malaking sabungan." Tinaasan niya ng kilay si Julie. "Hindi ko naman iyon pinangarap na trabaho. Gipit ako noon sa pera pero hindi ko pa naranasan na magtrabaho sa ganoong lugar. Mamaya makapatay ako ng tao kapag nagkataon." Tinawanan siya ng malakas ni Julie. "Hindi ka naman magtratrabaho bilang babaeng parausan, e. Ang trabaho mo roon maging waitress medyo malaki din ang pasahod ng boss doon na isang intsik. Ang oras ng trabaho alas sais ng gabi hanggang alas dos ng madaling araw. Limang daang piso ang sweldo araw-araw bukod doon ay may extrang bayad ka kapag nag-over time ka." "Saang club ba iyan?" mabilis niyang tanong dito na may malapad na ngiti sa kanyang mga labi. Sa limang daang piso araw-araw na may dagdag sa over time, panalo na iyon para sa kanya. "Tiramuko Night Club," ani Julie na kinindatan pa siya. "Sa pangalan pa lang ng club na iyon mukhang maraming tumitira." Humaglpak naman ng tawa si Julie sa sinabi niya. Napailing na lamang siya sa hindi kanais-nais na pangalan ng club na iyon. "Oo nga pala." Dinukot niya ang limang daang piso sa bulsa niya at ibinigay dito. "Bilhan mo ng masarap na ulam ang mga anak mo, ate. Malaki ang kinita ko kanina, naka-isang libong piso ako pwera gas." "Aba, hanep, a!" Kinuha nito ang pera at saka inilagay iyon sa loob ng bra nito. "Ibibili ko bukas ng ulam nating letchon manok. Iyong birth certificate mo nga pala, kailangan iyon kapag nag-apply ka na ng trabaho." Nagkibit-balikat si Yana sa sinabi nito. Siya lang yata sa mundo ang wala ng bagay na iyon. Naka-graduate siya ng grade six na walang birth certificate. At kapag tinatanong niya ang Tita Olga niya ay palagi nitong sagot na hindi siya nito ipinarehistro dahil wala daw iyong pera. Kaya hanggang grade six lang ang natapos niya dahil wala siyang birth certificate. "Iyan nga ang wala sa akin, ate. P'wede mo ba akong ipagawa ng birth certificate ko? Anak ng teteng talaga, oo!" Sinapo ni Julie ang noo nito sa sinabi niya. "Paano ka nga makakakuha ng lisensya kung wala ka namang birth certificate? Ah, teka may naisip ako. Ano kaya kung gamitin mo muna iyong birth certificate ng kapatid ko kaso patay na." "Kasing edad ko ba? P'wede na iyon, ate." "Oo, kasing edad mo lang siya. Alam mo ang pangalan niya Esmeralda Natividad Arelyano." Napailing na lamang si Yana. "Kabantot naman ng pangalan ng kapatid mo Julie?" "Baliw! Sabi ni Nanay ang pangalan ni bunso ay galing pa sa pangalan ng namayapa naming Lola Esmeralda na isang kastila." "Asus, sige na nga. Pahiram muna ako ng birth certificate niya, ha. Ang hirap kasi kung hindi ka parte ng mundo." "Aasikasuhin ko ang birth certificate mo pero sa ngayon iyon na lang muna ang gamitin mo. Marami kasing mga dokumento ang kailangan para magawan ka ng birth certificate." "Salamat, Ate Julie, ha." "Wala iyon, Yana. Malaki ang naitulong mo sa akin at ngayon ko pa lamang ibinabalik ang lahat ng kabutihan mo sa akin sa loob." "Ang drama nating dalawa baka mamaya pati mga insekto umiiyak dahil sa madrama nating buhay," pagbibiro niya kahit na ang totoo talagang nalulungkot siya. Nabuhay siya sa mundo na hindi kilala ang mga magulang niya. May naging tiyahin naman siya na naging malupit sa kanya. Sa edad niyang kinse ay kung kani-kanino na siya nanilbihan bilang isang katulong. Mabuti na nga lang at sa anim na taon niya sa loob ng kulungan natutunan na niyang depensahan ang kanyang sarili. Mabilis siyang natuto kahit nanunod lamang siya ng TV. Matalino nga siya sa lahat ng bagay maliban na lang sa pagalingan sa pag-iingles at mathematics. Naiwan si Yana sa labas ng bahay ni Julie. Nakatingin siya sa maliwanag na kalangitan. Gusto niyang magbagong buhay pero hindi magiging masaya ang buhay niya kung hindi siya nakakabawi kay Acer. Kailangan pa ring mapanagot ang totoong may kasalanan at malinis nang tuluyan ang kanyang pangalan. Ipapangako niya sa kanyang sarili na bago siya magkaroon ng birth certificate malilinis muna ang pangalan na kanyang iniingatan. "Humanda ka, Acer. Hindi mo na ako nakikilala pero kilalang-kilala pa rin kita. Lumiliit na ang mundo nating dalawa, hindi ka na sisikatan pa ng araw!" Hinipan niya ang dulo ng kanyang hintuturong daliri na ginawa niyang baril. Tsk! "Yana, halika ka na rito sa loob. Huwag mo ngang isipin na ikaw si FPJ." Nagkamot ng batok si Yana at saka tumayo na. "Panira ka talaga, Ate Julie. Minsan na nga lang akong emeksena sa linya ng idol ko tapos babarahin mo pa ako." "Naku, Yana! Kinakabahan ako bukas kapag nagsimula ka na sa trabaho mo sa club, a." "Behave na ako, Ate Julie. Huwag lang ako ang titirahin." "Ang bastos talaga ng bibig mo, baka mamaya marinig ng mga anak ko," sermon ni Julie sa kanya at pinalo pa siya sa may braso. "Sorry na Sister Julie," natatawang aniya bago magtungo sa kanyang higaan na naroon sa sala. Bukas ay panibagong umaga. Kailangan niyang magpalakas sa muli nilang paghaharap ni Acer. Ang lalaking iyon... mananagot talaga sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD