"Yana Romualdez, laya ka na," masayang sabi ni Ginang Asuncion, ang jail guard officer. Binuksan nito ang selda kung saan siya naroon kasama ang iba pang inmate na lalaya na rin ngayong araw.
Matapos ang anim na taon na pagkakabilanggo ay nasilayan na ni Yana muli ang Maynila.
Hindi mapigilan ni Yana na pumatak ang luha sa kanyang mga mata habang inaalala ang dahilan kung bakit siya nakulong sa loob ng anim na taon.
Pinahid ni Yana ang luha sa kanyang mga mata at tumingin kay Julie.
"Kosa, hindi ko akalain na ngayong araw na ito tayo lalaya? Birthday ko pa naman ngayon," ani Julie na sinabayan pa ng malakas na pagtawa habang lumalakad palayo sa impyernong lugar na ito.
Si Julie, trentay singko anyos na siyang naging isa sa mga kaibigan niya sa loob. May asawa na ito at tatlong anak na puro mga lalaki. Nakulong naman ito dahil sa pagnanakaw ng bigas at kaha de yero ng isang ricemill na pagmamay-ari ng amo nito. At ang dahilan ni Julie kung bakit nito ginawa iyon ay wala raw itong maipakain sa mga anak dahil hindi ito pinabale ng amo nitong madamot. Hindi pa naman maasahan ang asawa nito na isang sugarol at lasinggero kaya nito ginawa ang masamang bagay na iyon.
"Ang ganda pa nga ng langit," sabi niya naman na nakatingala sa maaliwalas na kalangitan. "Wala na akong mapupuntahan ngayon dahil pinalayas na ako noon ni Tita Olga sa apartment na tinutuluyan ko noon. Wala na rin naman akong mga magulang dahil sabi ni Tita Olga iniwan nila ako sa kanya noong baby pa lamang ako. May mga kaibigan naman ako pero hindi ko na alam kung kaibigan ko pa ba sila dahil hindi naman nila ako dinalaw kahit isang beses lang. Siguro maghahanap-hanap na lang ako ng trabaho sa ibang lugar," aniya bago tumingin muli kay Julie.
Bente uno anyos siya noong nakulong at ngayon bente syete anyos na siya. Hinawakan niya nang mahigpit ang brown envelope na naglalaman ng sertipiko na siyang patunay ng kanilang paglaya ni Julie.
"Sama ka na lang sa akin na umuwi sa Pangasinan, kosa. Maraming mga trabaho doon na p'wede-pwede sa atin. May bahay naman ako roon na malapit sa beach kaya p'wede tayo na magbagong buhay sa probinsya ko," ani Julie na may malapad na ngiti. "Mag-iinuman pa tayo dahil birthday ko," dagdag pa nito.
"Ang kaso wala naman akong pera ni singko?" malungkot na aniya sabay kibit-balikat.
"Sus, hindi naman iyon problema, kosa." Inakbayan siya nito. "Solid tayong magkaibigan sa loob at ikaw lang ang nakakaintindi sa akin noon. Nagtataka nga ako kung bakit ang isang mabuting tao na katulad mo, e, nakulong. Hindi problema ang pera, kapag naroon na tayo sa Pangasinan magkaroon ka na ng pera."
Dahil sa Acer Sandoval na iyon kaya siya nakulong. Hindi naman talaga siya magnanakaw. Wala siyang alam kung bakit sa kanya ibinibintang ni Acer ang kaha ng mga alahas na nawawala. Tatlong buwan pa lamang siya noong katulong sa pamilya ng Sandoval nang manngyari ang insidente na iyon at siya ang itinurong salarin dahil sa mga ebidensya na nakita sa kanyang maleta.
Nakiusap naman siya sa boss niyang si Acer Sandoval pero hindi naman siya nito pinakinggan. Sino nga ba ang maniniwala na wala naman talaga siyang kasalanan? Wala pa siya noong kakampi na p'wedeng magtanggol sa kanya dahil pati mga ibang katulong ay siya ng itinuturong salarin.
"Sige na nga," aniyang nakangiti rito.
Hindi niya alam kung ano ang magiging kapalaran niya ngunit bahala na. Ang importante sa ngayon may p'wede siyang matuluyan at magiging trabaho. Sa estado ng buhay niya ngayon mahihirapan na ang mundo na tanggapin ang katulad niyang galing sa bilangguan.
"Huwag ka ng malungkot, kosa. Ang dapat nating iniisip ngayon kung ano ang pupulutanin natin dahil nagsasawa na ako sa amoy ng sardinas at isda dito sa loob." Malakas itong tumawa na may kasamang pagpilantik ng mga kamay sa ere. " Ang gusto ko ngayon masarap at mainit na sabaw ng papaetan o kaya naman nilagang baka na medyo maanghang," natatakam pang sabi nito.
Napalunok na rin siya sa mga pagkain na sinasabi ni Julie. Ang gusto naman niya ay makatikim ng crispy pata. Kahit iyon na ang uulamin niya ngayon solve na solve na siya .
May nakaabang na tricycle sa may labas ng gate ng bilangguan.
"Congratulations, mga kosa!" anang matandang lalaki na siyang driver ng tricycle.
"Galing ka din ba sa loob?" Hindi nakangiting tanong ni Julie dito.
"May tatlong taon na rin, kosa. Libre ang sakay hanggang sa terminal ng jeep o kung saan kayo pupunta," nakangiting sabi pa nito.
Lumapad ang pagkakangiti niya at saka tinapik ang balikat ng matanda.
"Kung ganoon pala, kosa. P'wede mo kaming ihatid hanggang Pangasinan?" nakangising tanong niya rito.
Nagtinginan silang dalawa ni Julie habang nagkakamot naman ng ulo ang matanda na natatawa na rin kalaunan.
Sinabayan na rin nila ang malutong na pagtawa ng matanda. Magbigat ang kaniyang mga paa kanina habang paalis sa loob ng bilangguan. Ngunit ngayon pakiramdam niya gumagaan na ang kanyang mga hakbang. Umaasa siyang magkakaroon ng pagbabago ang buhay niya.
Inihatid nga sila ng tricycle driver hanggang sa terminal ng bus na patungo sa Norte. Bago sila sumakay sa bus ay bumili muna si Julie ng apat na nilagang itlog, dalawang soft drinks at dalawang supot ng tinapay.
Mabuti at may pera si Julie na ibinigay ng panganay nitong anak nang dumalaw ito noong nakaraang linggo. Naitabi iyon ni Julie na siyang nagamit namin ngayon sa pag-uwi.
Sumakay na sila ni Julie sa bus at nagbayad na rin ito ng pamasahe sa conduktor.
"Ito na ang simula ng bagong buhay nating dalawa, kosa," ani Julie na puno ng pag-asa.
Tumango naman siya rito at saka tumingin sa may bintana. Bumuga siya nang malalim at saka pilit na inginiti ang kanyang mga labi.
Tinapik ni Julie ang kanyang braso. "Kalimutan na natin ang nakaraan, Yana. Magsisimula na tayong muli ng panibagong buhay. Marami pang magagandang mangyayari sa iyo dahil bata ka pa. Matutupad mo pa ang mga pangarap mo dahil dalaga ka pa. Samantalang ako... iniwan na ako ng aking asawa at ang tungkulin ko bilang isang ina ang aking tanging iisipin. P'wede mo akong tawaging ate, Yana. Nandito lang ako sa tabi mo at kahit na ano pa ang mangyari ipagtatanggol natin ang isa't isa."
"Maraming salamat... A-Ate Julie."
"Kain na muna tayo. Pagpasensyahan mo muna ang nabili ko dahil mamaya mas masarap ang pagkain natin sa bahay."
Anim na taon siyang nagdusa. Maraming mga taon ang nasayang. Kung hindi sana siya nakulong... ano kayang buhay ang mayroon siya ngayon?