CHAPTER 2:
AYAW KO TALAGA sa lahat ay iyong dinidiktahan ako sa mga bagay na dapat kong gawin, kahit sino naman siguro. Pakiramdam ko ang tanga ko para maniwala na hindi na nila ako tutuksuhin. Ngayon nasa harap na nila ako, imbes na agawin ang eksena at mag-walk out, pumasok na lamang ako saka nilapitan si Davie na nasa gitnang sofa katabi si Anya, bago niyang girlfriend.
“Happy birthday,” bati ko sa kanya saka inabot ang regalo ko. Iaabot ko na lang sana pagdating ng Lunes kasi wala na talaga sana akong balak na dumalo pero ito ako ngayon.
“Salamat! Hayaan mo na ‘yang si Milly, bukas kurutin mo ang singit,” nakangising pagpapasalamat ni Davie. “Upo ka na.”
Tumango ako at saka naupo sa tabi ng lalaking pamilyar sa akin ang mukha. Wala namang ibang bakante kundi sa tabi niya lang. Busy ito sa paggamit ng cellphone kaya naman hindi ko na ito pinansin pa. Inabutan naman ako ni Davie ng isang bote ng beer. Sinasabi ko na nga ba, kaya kumain na muna ako sa bahay dahil alam kong alak kaagad ang unang iaabot sa akin. Simula noong tumuntong kami ng 18, natuto na silang uminon. At isinama nila ako roon. Nasa pangalawang taon na kami ng kolehiyo at magkakasama pa rin kami mula pa noong junior high school. Hindi na kami nagsawa sa mukha ng isa’t isa.
Kaagad akong uminom ng beer sa bote saka nilingon si Milly na ngayon ay kumakanta at inaasar-asar ako. Siya pa ang nangungunang nag-promise sa akin na hindi niya ako tutuksuin pero ayan at nangunguna rin ngayong lasing na siya. Ilang minuto pa lang ang nakakalipas mula nang dumating ako, lasing na kaagad siya? Si Milly talaga!
“Rory, right?”
Napalingon ako sa tabi ko nang marinig siyang nagsalita.
“Hmm, oo.” Pagkatapos ay muli ko nang ibinalik ang tingin kay Milly at Phil na sumasayaw pa rin at nagkakantahan.
“Hindi mo manlang ba tatanungin ang pangalan ko?”
Napabuntong-hininga ako. Ayaw ko namang maging tunog rude kaya humarap ako sa kanya nang nakangiti. “Ikaw? Anong pangalan mo?”
He smiled widely. Ngayon ko lang napansin na kulay berde pala ang mga mata niya, ang ganda!
“I’m Travis,” he replied.
“May lahi ka?”
Kumunot ang noo nito sa naging tanong ko kaya bahagya akong natawa. “Are you a foreigner?”
“Half Scottish,” he chuckled. “Hindi naman ako lumaki sa ibang bansa kaya diretso akong managalog.”
“Ahh,” tanging sagot ko.
Wala naman akong sasabihin sa kanya, na-curious lang ako sa kung may lahi siya. Hindi ko na sana siya kakausapin ulit, uminom akong muli sa bote ng beer na hawak ko saka ibabaling na sana ang tingin sa pumalit kay Milly at Phil pero nagtanong pa itong si Travis.
“Madalas kitang nakikita sa classroom, mahilig kang magbasa?”
Naiilang na tumango ako. “Oo.”
“Have you read the Harry Potter series?”
“Oo.”
Tumango siya saka ngumiti. Nakitaan ko siya ng pagkadismaya sa mukha. Matapos no’n ay hindi na niya ako tinanong pa ng kung ano. I see, he’s trying to communicate with me but I can’t. Hindi ako entertainer, I don’t talk a lot especially when we haven’t talked before. Sa mga kaibigan lang ako nakikipagkwentuhan. Kung minsan pa nga, sinasabihan nila akong boring kung makipag-usap dahil hindi ako nakikisabay sa kwentuhan nila. Maybe this was the reason why my ex-boyfriend dumped me, sobrang boring ko rin yata kausap.
“Do you have a boyfriend?”
Hindi ako kumibo, una pa lang alam ko na kung saan tutungo ang pakikipag-usap niya sa akin. Isa pa, pangalan niya ang sinabi ni Milly kanina. Ibig sabihin single siya at mukhang available dahil nagtatanong kung may boyfriend ako.
“Silence means yes,” he added.
“Kung wala nga akong boyfriend, ano naman sa ‘yo?” tanong ko, muling ibinaling ang tingin sa kanya.
Nagkibit-balikat siya. “Don’t worry, I won’t ask you to be my girlfriend, I don’t do such cheesy thing.”
Marahan akong tumango. “Mabuti. Huwag mo nang tangkain dahil wala akong balak magkaroon ng boyfriend.”
“Then, can we be friends instead?” hirit niya pa.
“Why?”
“We’re in the same class, we have the same friend, Davie.”
“So?”
Lumapad ang ngiti niya sa akin, ilang segundong ganoon saka siya uminom ng beer sa bote na hawak niya. Pagkatapos ay dinilaan niya ang kanyang labi. Hindi ko alam kung epekto na ba ng alak ‘to but I find that sexy when he licked his lower lip. Ang gwapo pala niya.
“This is harder than I thought,” he murmured.
“Ano?”
“Wala, ang sabi ko magkaibigan na tayo kahit hindi ka pa um-oo.” Tumayo siya nang tawagin siya ni Davie. Nasa stage na si Davie at hawak ang microphone.
“Kanta tayo bro!” tawag ni Davie kay Travis.
Na-excite ako nang iabot na ni Davie kay Travis ang microphone. Alam kong magaling kumanta at sumayaw si Davie pero si Travis, hindi ko alam. Hindi ko maalala kung kaklase ko nga talaga siya sa isang subject pero baka nga. Hindi ko kasi kabisado ang mga kaklase ko.
Nagsimula na ang intro ng kanta, Travis was smiling while talking to Davie. Medyo tinatamaan na ako ng alak dahil nag-iinit na ang magkabila kong pisngi.
“Tumingin sa aking mga mata, makikita ang tunay kong nadarama, gusto kita matagal na…” panimula ni Travis sabay sulyap sa akin. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya, sa halip ay tiningnan ko si Davie na siyang susunod na kakanta.
“Woah! Nakaka-in love!” sigaw ni Milly na lasing na lasing na.
Nagpatuloy ang kantahan nilang dalawa at masasabi kong para akong nakikinig ng radyo dahil sa galing nilang kumanta. Wala nga yata akong narinig na sintunadong part, ni kahit noong tumaas na ang tono ay hindi pumiyok si Travis.
Mayamaya pa ay tumabi sa akin si Milly saka inilingkis ang braso sa leeg ko.
“Be, babaero ‘yan. Huwag kang magpalinlang sa galing niyang kumanta,” bulong ni Milly sa akin.
Natawa ako sa sinabi niya sa akin saka siya bahagyang itinulak. Nagpadala rin naman siya at lumayo sa akin. Amoy alak siya at kaamoy na rin ni Phil, mukhang may ginawa silang kababalaghan.
“Kanina lang inasar-asar mo ako sa kanya, ngayon babalaan mo ako? Ang gulo mo rin e,” sarkastikong pagkakasabi ko.
“Pwede naman, landian lang gano’n,” kinikilig na aniya.
“Ewan ko sa ‘yo! Kaamoy ka na ng pabango ni Phil.”
Her eyes widened at what I said. “Totoo?” tila nakikiliting tanong niya. “Huwag kang maingay, huh? Pero fling na kami ni Phil. ‘Pag nagustuhan ko siya, baka next week pwedeng kami na.”
Napailing na lang ako sa sinabi ng kaibigan kong halatang lasing na lasing na, “huwag kang mag-alala, wala akong balak na pumatol sa kanya.”
Nag-angat ako ng tingin nang may tumikhim. Nasa harap na namin ngayon si Travis.
“Excuse me, that’s my seat,” aniya, nakatingin kay Milly na ngayon ay malaki ang ngisi.