UMILING-ILING SIYA KAY Helena. “Ikakasal na siya, Helena. Huli na ang lahat. Si Beatrice naman talaga ang babaeng mahal niya. Ako? Misyon lang niya ako,” malungkot na sabi niya. “Hindi totoo ‘yan, Naarah. Ikaw ang mahal niya, kaya pakiusap, bumalik ka sa loob. Harapin mo siya. M-malay mo, bigla ka niyang maalala.” “Salamat sa concern mo. Pero huli na. Ikakasal–” “Hindi pa huli, Naarah. Sa susunod na buwan pa ang kasal niya kaya may panahon ka pa para pigilan ang nakatakdang iyon.” Napatingin siya kay Axel na bagong dating. “P-pero–” “Sa katunayan, nabanggit ka niya kanina. Nagkita daw kayo sa simbahan kanina.” Napapikit siya nang maalala ang nangyari kaninang umaga. “O-oo. Kasama niya si Beatrice.” Naramdaman niya ang paghawak ni Helena sa kamay niya, pinisil nito iyon kapagkuwan.