INIS NA PINUNIT ni Naarah ang kalendaryo nang mapatingin doon. Pitong buwan na ang nakakaraan nang huli silang magkita ni Akilah. At ngayon, nasa pitong buwan na rin ang ipinagbubuntis niya, pero wala pa rin sa tabi niya ang binata. Napangiti siya nang mapakla. Dalawang buwan na nga pala siyang sumuko sa paghihintay sa binata. Umalis na rin siya sa tinitirhan at bumalik sa dating bahay nila. Kinuha niya agad iyon nang makitang pinapaupahan iyon. Dati, bumibisita lang siya sa dating bahay nila kapag nami-miss ang ina. Pero ngayon, nakatira na siya dito. Ang laki ng pinagbago ng dating bahay nila pero para sa paningin niya, dating ayos pa rin iyon. ‘Yong sila-sila lang ng ina. Mas pinili niyang tumira dito sa dating bahay nila dahil wala namang mag-aakala na nandito siya, kahit si Mandy.