Hindi mapigilan ni Nanay ang pagpahid ng kanyang luha habang panay ang paalala ko sa mga dapat niyang gawin kapag umalis na ako. Ang bawat salitang lumalabas sa bibig ko ay tila may kasamang tinik na bumabara sa sarili kong lalamunan. “Nay, huwag kayong umiyak. Mas lalo lang akong mahihirapan niyan na umalis,” pakiusap ko, pilit na pinatatag ang boses kahit ang totoo ay nangangatog na ang mga tuhod ko sa lungkot. Muli niyang pinunasan ang kanyang mga mata na namumula na sa kaiiyak. “Hindi ko lang maiwasan na malungkot, anak. Babalik ka na sa Pilipinas... malalayo ka na naman sa amin. Ang tatay mo nga, eh. Sobrang bigat din ng loob kaya ayaw niyang makita kang umalis. Natulog na lang siya para hindi niya masaksihan ang paghakbang mo palabas ng pinto.” Nangilid ang luha sa mga ma

