CHAPTER 18

3759 Words
Wala na si Ryker nang magising ako ng alas-onse ng umaga. Sa paggising kong 'yon, ang unang sumalubong sa akin ay ang nakabibinging katahimikan ng silid at ang reyalidad na iniwan na naman niya akong mag-isa na parang basura. Agad akong bumangon upang maligo, ngunit bago pa man dumiin ang mga paa ko sa malamig na sahig, isang matinding pananakit ng katawan ang biglang gumapang sa aking mga kalamnan. "Ouch!" Napahawak ako sa aking braso, napapikit nang mariin habang tinitiis ang bawat pintig ng sakit. Kulang na lang ay maiyak ako, hindi lang dahil sa pisikal na dusa, kundi dahil sa paulit-ulit na pagkamuhi sa sitwasyong kinalalagyan ko. Napatitig ako sa sahig. Doon ay nakakalat ang aking mga damit mga piraso ng tela na tila saksi sa marahas na gabing pagtatalik namin. Isa-isa ko itong pinulot habang nanginginig ang aking mga kamay. Bawat dampi ng tela sa balat ko ay parang paalala ng kawalan ko ng kalayaan. Dumiretso ako sa banyo. Sa ilalim ng umaagos na tubig, dahan-dahan kong sinabon ang aking katawan. Ngunit natigilan ako nang tumama ang tingin ko sa salamin. Napasinghap ako. Ang aking braso, binti, at leeg... halos mapuno ng mga pasa. Para akong binugbog sa dami. Naramdaman ko ang biglang pag-init ng aking mga mata at ang pagsikip ng aking dibdib. "Hayop talaga ang Ryker na 'yon..." gigil kong bulong. Ramdam ko ang pait sa aking lalamunan habang marahang pinapatakbo ang sabon sa mga pasang iniwan niya. Masakit, pero kailangan kong tiisin. Pagkatapos kong maligo, nagbakasali akong may pagkaing iniwan para sa akin. Ngunit gaya ng inaasahan, walang anuman doon. Hinayaan niya akong magutom. Walang konsiderasyon sa akin. “Demonyo talaga! Hindi pa siya mamatay," gigil kong sabi. Huminga ako nang malalim upang maibsan ang galit na nararamdaman ko. Pagkatapos, nagpasya na lang akong umalis para pumunta sa ospital. Bago ako humarap sa aking mga magulang, hinarap ko muna ang pinakamahirap na bahagi ng umaga ko: ang magkunwari na malakas. Maingat kong pinahiran ng makapal na concealer ang bawat pasa sa aking katawan. Pinanood ko kung paano unt-unting natatakpan ng kolorete ang mga ebidensya ng paghihirap ko. "Okay, ready na ako," bulong ko sa sarili, pilit na nagpapakawala ng isang pekeng ngiti sa salamin. Kailangan kong maging matatag. Kung makikita ng mga magulang ko na mahina ako, baka tuluyan na silang panghinaan ng loob, lalo na si Tatay na nakikipaglaban sa sakit. Ang lahat ng bigat, ang lahat ng dumi at sakit na nararamdaman ko, akin lang dapat 'to. Walang dapat makaalam. Naglakad ako sa koridor ng ospital patungo sa silid ni Tatay nang makasalubong ko ang tauhan ni Ryker na si Emma. "Ma'am Jillian!" bakas ang gulat sa kaniyang tinig nang huminto siya sa harap ko. Nilunok ko ang lahat ng pait at nag-angat ng tingin. "Magandang tanghali. Pauwi ka na?" tanong ko, pilit kong ngiti. Tumango siya, medyo nahihiya. "Opo, may pasok pa kasi ako mamayang hapon sa regular kong trabaho." "Pumapasok ka pa sa iba?" "Opo, part-time ko lang naman ang pag-asikaso kay Sir Ryker," paliwanag niya, bahagyang bumaba ang boses. "Ang sahod ko nga sa kaniya sa isang araw, katumbas na ng sahod ko sa isang buwan sa regular kong trabaho. Kaya kahit nakakahiya, uma-absent talaga ako kapag kailangan niya ako." Isang mapait na ngiti ang sumulyap sa mga labi ko. Ganoon pala talaga kayaman ang demonyong 'yon. Nabibili ang lahat ng bagay. "Gano'n ba? Paano mo ba siya nakilala?" "Siya po ang isa sa mga may-ari ng hotel na pinapasukan ko rito sa Singapore. Kaya hindi rin ako natatakot na baka matanggal ako sa trabaho kasi alam kong isang salita lang niya, protektado ako." "Okay, ingat ka. Salamat nga pala sa pagbabantay kagabi," tapat kong pasasalamat. Kahit papaano, gumaan ang loob kong hindi naiwang mag-isa sina Nanay. "Thank you, Ma'am." Isang tipid na ngiti ang isinukli niya bago tuluyang umalis. Humakbang ako patungo sa silid ni Tatay. Pagpihit ko ng door knob at pagpasok ko sa loob, nakita kong abala ang si Nanay sa pakikipag-usap sa isang estranghero. Ayaw kong sirain ang magandang momentum ng kuwentuhan nila, kaya tahimik akong umupo sa isang tabi. "Jillian, nandiyan ka na pala!" masayang wika ni Nanay. Sabay-sabay silang lumingon sa akin. Doon ko natitigan nang maayos ang kausap nila. Isang napaka-gwapong lalaki ang kausap ng magulang ko. Kung susuriin, malalaman mo agad na may halong filipino ang itsura niya. Pilit akong ngumiti. "Sige lang po, ipagpatuloy ninyo ang pag-uusap ninyo. Huwag ninyo akong intindihin." Ngunit hinila ako ni Nanay palapit. "Jillian, halika rito. Nais ko lang ipaalam sa iyo kung gaano kabait ang lalaking ito." Habang lumalapit ako, naramdaman ko ang titig ng lalaki sa akin. Hindi ito ang uri ng titig na bastos o mapanghimasok gaya ng nakasanayan ko kay Ryker. Nakaramdam ako ng bahagyang pagkailang, kaya umiwas ako ng tingin. "Hello, Sir," wika ko, sabay yuko nang bahagya bilang paggalang. "Jillian, siya si Sealand Hawk," masiglang pakilala ni Nanay, hawak-hawak ang kamay ng lalaki. "Alam mo bang kaarawan niya ngayon? Pero imbes na magdiwang o magpakasaya, nag-ikot-ikot siya rito sa ospital para mamahagi ng tulong." Ipinakita sa akin ni Nanay ang isang malaking eco-bag na naglalaman ng mga mamahaling medical supplies para kay Tatay, at isa pang bag na puno ng pagkain. Tumingin ako sa kaniya, at sa pagkakataong ito, naging totoong bahagya ang ngiti ko. Sa mundong puno ng mga taong mapagsamantala gaya ni Ryker, may ganito pa palang tao? "Thank you, Sir Sealand, for your help. You really have a big heart." "You're welcome. Masaya akong nakakatulong sa ibang tao, lalo na sa mga kababayan natin," sagot niya. Malalim at kalmado ang kaniyang boses. Dahil gumaan ang pakiramdam ko, bahagya akong nakipagbiro. "Sabi ko na nga ba at half-breed ka." Natawa nang malakas si Sealand, at doon ay lumitaw ang dimples niya "Ginawa mo naman akong aso, pero sige na nga, tanggap ko na. Mas guwapo naman ako sa aso." "Uy! Joke lang 'yon!" Itinaas niya ang kaniyang kamay, tila sinasabing huwag akong mag-alala. "Okay lang, nagbibiro lang din ako." Sa gitna ng bahagyang tawanan, biglang nagbago ang ihip ng hangin nang humarap sa akin si Nanay. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na pag-aalala. "Jillian... bakit ngayon ka lang? Kagabi pa ako hindi mapalagay." Napatikom ang bibig ko. Naramdaman ko ang hapdi ng mga pasa sa ilalim ng aking damit, tila sumisigaw ng katotohanan. Huminga ako nang malalim, nilunok ang bara sa aking lalamunan. "May... may part-time job po kasi ako kagabi, Nay, kaya hindi ako nakabalik agad. Kaya pakiusap ko muna kay Emma na samahan kayo." "Oo, nandito nga siya. Pero Jillian..." Hinawakan ni Nanay ang aking mga kamay. "Huwag ka nang tumanggap ng ibang trabaho habang nandito ka. Napapansin kong nangangayayat ka na, anak. Sapat na ang hirap natin kay Tatay mo, huwag mo nang patayin ang sarili mo sa pagtatrabaho." Parang pinipiga ang puso ko sa bawat salitang binitawan ni Nanay. Kung alam lang niya kung anong uri ng "trabaho" ang ginagawa ko para lang may makarating kami sa ospital na ito. Marahan kong pinisil ang kaniyang kamay, pilit na pinipigilan ang emosyong gustong sumabog sa dibdib ko. "Sige po, Nay... pangako. Hindi na ako tatanggap ng part-time job habang nandito tayo," pagsisinungaling ko. Isang matamis ngunit mapait na kasinungalingan upang mapatag lang ang kaniyang loob. "Mabuti naman, anak..." bulong ni Nanay, halatang nakahinga nang maluwag. "Excuse me, aalis na ako," basag ni Sealand sa katahimikan. Sabay kaming napalingon ni Nanay sa kanya. "Maraming salamat sa lahat ng binigay mo sa amin, Sealand. Napakalaking tulong nito para sa amin,” sabi ko. Ngumiti siya "You're welcome." May kinuha siya sa loob ng bulsa ng kanyang pantalon at iniabot sa akin. Isang makinis na calling card. "Puwede ninyo akong tawagan direct kung kailangan ninyo ng kahit ano." Tiningnan ko ang card, hinaplos ang mga nakatatak na letra roon. "Dito ka pala nakatira?" "Yes, pero palagi naman akong umuuwi ng Pilipinas lalo na kung may meetings at events. Kunin ko na rin ang social media account mo para puwede kitang i-chat anytime." Tumango ako at mabilis na ibinigay sa kanya ang account ko, tila nakatagpo ng kahit kaunting kapanatagan sa presensya niya. "Okay, sige. Ingat ka sa biyahe," sabi ko. Tahimik naming pinanood ni Nanay ang likod ni Sealand hanggang sa tuluyan siyang makalabas ng pinto. "Napaka-gwapo at napaka-bait na bata," malambing na wika ni Nanay, bakas ang labis na paghanga habang nakatanaw pa rin sa pinto. Hindi ako sumagot. Humakbang ako palapit sa mga supot ng pagkain at gamit na dala ni Sealand, pilit na ibinubuhos doon ang atensyon ko. "Oo, mabait nga siya," bulong ko. "Alam mo, Jillian, kapag nag-asawa ka... ganyang klaseng lalaki ang piliin mo. 'Yung may puso." Biglang kong naalala si Ryker. Ang malamig na tingin, ang mapang-aping presensya, at ang hawla na kinasadlakan ko dahil sa kanya. "Nay, hindi lahat ng guwapo at mabait sa paningin ay totoong mabuting tao," mapait kong sabi, "Ang iba... mukhang santo, pero kapag nakatalikod ay ugaling demonyo." Natigilan si Nanay, tila nagulat sa talim ng boses ko, bago dahan-dahang tumango. "Kung sabagay, may punto ka, anak. Hindi mo naman talaga makikilala ang isang tao hangga't hindi mo nakakasama sa iisang bubong,” wika ni Nanay. "Nay, kumain ka na ba?" "Oo, kumain ako bago umalis ang kaibigan mo." "Okay," maikli kong sagot. Lumingon ako sa paligid. Dahil maganda, malaki, at marangya ang silid ni Tatay, madalas naming malimutan na nasa loob kami ng isang ospital. Para kaming nasa isang marangyang condo dahil kumpleto ito sa gamit. May refrigerator, telebisyon, mini sofa, at maging mini oven. Pero sa halip na gumaan ang loob ko, tila lalo akong nasasakal. Alam ko kung anong kapalit ng karangyaang ito. Alam ko kung anong isinuko ko para lang maging kumportable si Tatay. "Nay, uuwi ba kayo sa bahay para magpalit ng damit?" pag-iiba ko sa usapan, sabay sulyap kay Tatay na mahimbing na natutulog. Kakatapos lang ng chemotherapy niya kaya bagsak ang katawan nito at tulog nang tulog. Nasisira ang puso ko kapag nakikita ko siyang ganito kahina. "Hindi na, anak. Dinala ko na ang isang linggong damit ko kagabi pa," malumanay na sagot ni Nanay. "Puwede naman akong maligo at mag-ayos dito. Parang nasa hotel naman tayo, e." "Kayo po ang bahala." Biglang naging seryoso ang mukha ni Nanay. Humakbang siya palapit sa akin at hinawakan ang magkabila kong kamay. Malamig ang mga palad niya, at kitang-kita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata. "Anak, hanggang ngayon, hindi pa rin ako mapanatag. Paano ka nagkaroon ng ganyang kalaking pera para matustusan ang lahat ng ito? Tinanong ko ang nurse kanina... hindi raw ito ordinaryong kuwarto. Siguradong ginto ang halaga ng bawat araw dito." Yumuko ako. Huminga ako nang malalim, pilit hinahanap ang boses na hindi malalaman ang itinatago kong sikreto. "May... may taong sumagot sa lahat ng gastusin ni Tatay dito sa ospital, Nay. Kaya huwag na kayong mag-alala, wala akong babayaran kahit piso," pagsisinungaling ko, habang unti-unting nadudurog ang puso ko. "Ang tanging ginagastos ko lang ay ang pagkain natin araw-araw. At patuloy pa rin naman ang fundraising ng mga katrabaho ko." Nanginig ang labi ni Nanay, at sa isang saglit, bumuhos ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. "Napakabait ng taong 'yan... Napakabait niya sa tatay mo. Hulog siya ng langit, Jillian. Hulog siya ng langit sa atin." Pinunasan niya ang kanyang mga pisngi, pero patuloy pa rin ang pag-agos ng luha ng pasasalamat. Napapikit ako nang mariin sa sobrang sakit. Hindi siya hulog ng langit, Nay. Demonyo siya. At ako ang kabayaran sa karangyaang tinatamasa natin ngayon. "Kaya pakiusap, Nay, huwag ninyo nang isipin ang pera. Ang isipin ninyo lang ay ang paggaling ni Tatay," sabi ko. "Siguradong matutuwa ang tatay mo kapag nalaman niyang may nag-sponsor sa pagpapagamot niya," nakangiting sabi ni Nanay sa gitna ng kanyang pag-iyak. Isang pilit at tipid na ngiti lang ang nagawa kong isagot. Mas pipiliin kong akuin ang lahat ng dumi at sakit, huwag lang silang mag-alala. "Kapag bumalik na ako sa Pilipinas, palagi ninyo akong babalitaan sa mga nangyayari sa inyo rito, ha?" paalala ko, habang hinahaplos ang braso niya. "Yung babaeng kasama ninyong nagbantay kagabi, mapagkakatiwalaan siya. Siya muna ang makakasama ninyo habang wala ako." Hinawakan ni Nanay ang pisngi ko, puno ng pagmamahal ang mga mata. "Mag-iingat ka roon, anak. At huwag kang magpapagutom, ha? Walang magluluto sa iyo roon kapag nag-iisa ka." Sa salita pa lang ni Nanay, parang nilalamon na ako ng lungkot. Ngayon pa lang, dinudurog na ako ng katotohanang kailangan kong iwan ang mga magulang ko para bumalik sa Pilipinas para bumalik sa piling ng lalaking nagmamay-ari na ng buhay ko ngayon. Pinilit kong ibalik ang dati kong sigla, kahit man lang sa panlabas. "Hindi ako magpapagutom, Nay. Bakit naman? Hindi ba't itinuro mo naman sa akin ang lahat ng mga paborito mong recipe?" Bahagyang natawa si Nanay, nabawasan ang bigat sa kanyang mukha. "Mabuti naman kung ganoon." “Mukhang masaya kayo sa pinag-uusapan nyo? Sana lang, hindi ako ang pinagtatawanan nyo,” pilit na ngiti ni Tatay. Tumayo kami ni Nanay at lumapit kay Tatay. “Tay, kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ko. “Medyo nanghihina at walang ganang kumain.” “Kahit wala kang ganang kumain ay pilitin nyong kumain para lumakas kayo.” Tumango siya. “Oo, kahit nakakasuka ang pakiramdam ko ay kakain ako.” “Sandali kukuha ako ng guyabano.” Tumayo ako para kunin sa refrigerator prutas. Lahat ng prutas na binili ko para kay Tatay para sa panlaban sa cancer niya. Bukod sa mga alam kong dapat kainin. Nag-research din ako at nagtanong sa mga kilala kong doktor. Kinabahan ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Agad akong napatingin sa screen at bahagyang nanlamig ang mga palad ko. Baka si Ryker ang tumatawag? Hindi ko namalayang napakagat ako sa ibabang labi habang nakatitig sa umiilaw na screen ng cellphone. "Jillian, hindi mo ba sasagutin ang tawag?" tanong ni Nanay. Mabilis akong umiwas ng tingin. "Mamaya na lang siguro. May ginagawa pa ako," pagsisinungaling ko. Ang totoo, natatakot akong marinig ang boses ni Ryker. Natatakot akong baka sa isang simpleng tawag lang ay muli niyang magulo ang isip ko. "Ako na ang sasagot. Baka importante ang tumatawag." "Huwag na—" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil agad niyang sinagot ang tawag. "Hello, Lora! May ginagawa pa si Jillian." Natigilan ako. "Si Lora ba ang tumatawag?" mabilis kong tanong. Parang may malaking batong naalis sa dibdib ko nang marinig ang pangalan ng kaibigan ko. "Oo, siya nga." Napapikit ako sandali at lihim na napabuntong-hininga. Salamat naman. "Akin na ang cellphone ko. Baka importante ang sasabihin niya." "Oh, sige." Iniabot ni Nanay ang cellphone at agad ko iyong kinuha. "Hello, Lora!" bati ko. Pagkatapos ay mabilis akong lumabas ng silid. Naglakad ako papunta sa dulo ng pasilyo upang makasiguro na walang makakarinig sa aming pag-uusap. "Jillian, kumusta na kayo riyan?" tanong ni Lora. Sumandal ako sa malamig na pader at napatingala sa kisame. "Okay naman kami rito. Ginagamot na si Tatay." "Gagaling ang tatay mo riyan. Maganda naman ang healthcare sa ibang bansa." Napangiti ako nang bahagya. "Oo nga. Ibang-iba kumpara sa Pilipinas." Saglit akong tumahimik bago nagtanong. "Ikaw? Kumusta naman kayo riyan?" "Medyo nakakapagod kapag maraming pasyente, pero ayos naman kami rito." "Mabuti naman kung ganoon." Ilang segundo kaming natahimik. Pagkatapos ay bigla niyang sinabi, "Jillian, kinukulit ka pa rin ba ng demonyo mong asawa?" Napahigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone. Mabilis akong tumingin sa paligid upang matiyak na walang makakarinig. "Ang demonyong iyon..." mahina kong sabi. "Nandito rin siya sa Singapore." "Ano?!" Halos mabingi ako sa lakas ng boses niya. "Sinundan ka niya hanggang Singapore?" Huminga ako nang malalim. "Hindi ko nga alam kung bakit siya narito." Napatingin ako sa malawak na bintana ng ospital. Sa kabila ng magagandang tanawin ng lungsod, hindi pa rin mawala ang bigat na dinadala ko sa dibdib. "Pero hindi na mahalaga sa akin kung nandito man siya. Ang mahalaga, hindi ko na kailangang isipin ang gastusin sa pagpapagamot ni Tatay dahil siya na ang sumagot sa lahat." "Totoo ba ang sinasabi mo?" "Oo." “Bilyonaryo siguro ang demonyo mong asawa kaya parang barya lang sa kanya ang binabayad niya sa pagpapagamot sa tatay mo.” Napabuntong-hininga ako. "Pero kahit ganoon, hindi pa rin ako mapalagay. Hindi ko alam kung ano ang balak niya. Hindi ko alam kung bakit bigla siyang naging mabait." Tahimik si Lora sa kabilang linya. "Tama ang nararamdaman mo," aniya. "Hindi ka dapat agad magtiwala. Sa ugali niya, parang laging may kapalit ang bawat kabutihang ginagawa niya. Napayuko ako. Iyon din ang kinatatakutan ko. “Bakit bigla kang tumahimik?” tanong ni Lora. Muli akong huminga nang malalim na parang kayang alisin ang bigat na nararamdaman ko. “Si Ryker, muntik na niyang video-han ang intimate night namin.” “Oh my gosh! Totoo ba ang narinig ko? May nangyari sa inyong diyan sa Singapore?” “Oo, at hindi ko siya puwedeng iwasan.” “Hayop talaga ang lalaki na ‘yon!” Galit na sabi ni Lora. "Malapit na rin naman akong umuwi," sabi ko upang baguhin ang usapan. "Ano ang gusto mong pasalubong?" Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. "Gaga ka talaga. Huwag ka nang mag-abala." Humina ang boses niya. "Ang importante, makauwi ka nang ligtas kasama ang mga magulang mo." Naramdaman kong uminit ang sulok ng mga mata ko. Sa lahat ng nangyari, mabuti na lang at may mga taong tunay na nagmamalasakit sa akin. "Thank you, Lora." "Walang anuman." Narinig ko ang mahinang kaluskos sa kabilang linya. "Sige na, tapos na ang break time ko. See you soon. Bye!" "Bye." Napatitig ako sa screen nang maputol ang tawag. Dahan-dahan kong ibinaba ang cellphone. Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ang mga taong naglalakad sa pasilyo. Lahat sila ay tila may sariling problemang dala-dala. At gaya nila, may sarili rin akong laban na pilit kong hinaharap araw-araw. Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik ako sa silid ni Tatay na parang walang nangyari. "Tay, nakainom ka na ba ng gamot mo?" tanong ko. Ngumiti siya nang bahagya. "Oo, nakainom na ako." "Jillian, bakit tumawag sa'yo si Lora?" usisa ni Nanay. Saglit akong natigilan. "Ah... tungkol lang sa trabaho." Pinilit kong ngumiti. "Pagbalik ko sa Pilipinas, siguradong marami nang pagbabago sa ospital na pinapasukan ko dahil iba na ang may hawak sa amin." Tumango si Nanay. "Kaya pala. Siya nga pala, kanina ay bumalik si Sealand at hinahanap ka niya." Agad akong napakunot-noo. "Bakit niya ako hinahanap?" Malapad ang ngiti ni Nanay. "Gusto sana niyang humingi ng tulong sa'yo. Nalaman kasi niyang nurse ka sa Pilipinas." Lalo akong nagtaka. "Paano niya nalaman na nurse ako?" "Sinabi ng nanay mo," sabay na sagot ni Tatay. Dahan-dahan akong napalingon kay Nanay. "Sinabi mo sa kanya?" Parang batang nahuling nagkamali, agad siyang yumuko at tumango. "Bakit mo naman sinabi?" "Eh..." nag-aalangan niyang sagot. "Akala ko kasi magiging magkaibigan kayo." Napapikit ako at napahawak sa noo. "Nay, nakakahiya naman. Baka isipin niyang nakikipaglapit tayo sa kanya dahil may kailangan tayo." Agad siyang nagtaas ng tingin. "Hindi naman ganoon ang intensyon ko." Alam kong wala siyang masamang hangarin. Ngunit hindi niya alam kung gaano kakomplikado ang sitwasyon ko kay Ryker. "Okay, sorry na," mahina niyang sabi. Napalambot ang ekspresyon ko nang makita ang guilty na mukha niya. Kahit naiinis ako, hindi ko rin kayang magalit nang tuluyan sa kanya. Dahil alam kong ginagawa lang niya ang lahat para sa ikabubuti naming pamilya. “Ano bang klaseng tulong ang kailangan niya?” sabi ko. Lumapad ang ngiti ni Nanay. “Kausapin mo raw siya sa social media kung gusto mo siyang tulungan.” “Sige, tatawagan ko siya bukas.” “Ngayon mo na siya tawagan para magkapag-usap na kayo.” Tumango ako at tinawagan ko ang numero na nakalagay sa calling card niya. "Hello? Sino ito?" tanong ni Sealand nang sagutin niya ang tawag ko. Hindi ko napigilang mapangiti kahit hindi niya ako nakikita. "Hi. Ako ito, si Jillian. Sinabi kasi ni Nanay na hinahanap mo raw ako?" "Oo," agad niyang sagot. "Gusto sana kitang yayain lumabas." Para akong nabuhusan ng malamig na tubig. "Lumabas?" ulit ko, bahagyang nagulat. "Akala ko kaya mo ako hinahanap ay dahil kailangan mo ng tulong." Narinig ko ang malakas niyang tawa sa kabilang linya. "Well, puwede mo naman talaga akong tulungan," biro niya. "Pero ang totoo, gusto kitang yayain lumabas." Bigla akong natahimik. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Mula nang masira ang buhay ko dahil kay Ryker, natuto akong mag-ingat sa bawat lalaking lumalapit sa akin. Ayokong bigyan ng maling kahulugan ang simpleng kabaitan. Ayoko ring umasa sa isang bagay na maaaring mauwi lamang sa panibagong sakit. Ngunit sa kabilang banda, wala namang masama kung magkakape lang kami. Huminga ako nang malalim bago sumagot. "Sige. Magkita tayo bukas sa coffee shop malapit sa ospital." "Talaga?" Bakas sa boses niya ang tuwa. "Okay. See you tomorrow." "See you." "Good night, Jillian." Bahagyang kumabog ang dibdib ko sa paraan ng pagbanggit niya sa pangalan ko. "Good night." Dahan-dahan kong ibinaba ang cellphone at napabuntong-hininga. Pag-angat ko ng tingin, nadatnan kong nakangiting nakatitig sa akin si Nanay. Kaagad na naglaho ang munting ngiting namutawi sa labi ko. "Nay," tawag ko habang nakataas ang isang kilay, "bakit ka nagsinungaling sa akin?" Agad na nawala ang ngiti sa kanyang mukha. "Pasensya ka na, anak." "Sinabi mo kasing kailangan niya ng tulong kaya niya ako hinahanap." Napakamot siya sa ulo na parang nahuling may ginawang kalokohan. "Eh kasi..." nahihiya niyang simula. "Gustong-gusto ko kasi si Sealand para sa'yo." Napapikit ako at marahang napailing. "Nay, kahapon ko lang nakilala ang lalaking iyon." "Alam ko, pero mabait siya." "Hindi iyon ang punto." Napabuntong-hininga ako. "Hindi maganda na ako pa ang unang nagbibigay ng motibo sa isang lalaki para lang mapansin niya ako." Biglang lumungkot ang mukha ni Nanay. "Naiintindihan ko, anak. Pasensya na talaga." Nang makita ko ang pagsisisi sa kanyang mga mata, bahagyang lumambot ang puso ko. Alam kong wala naman siyang masamang intensyon. Gusto lamang niya akong makitang masaya. Pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan ko kay Ryker, nawalan na ako ng tiwala sa mga lalaki. Lumapit ako at marahang hinawakan ang kanyang kamay. "Okay lang, Nay. Huwag mo nang ulitin." Agad siyang ngumiti at mahigpit na pinisil ang kamay ko. "Hindi na, pangako." Ngumiti ako, ngunit nang sumagi sa isip ko ang magiging pagkikita namin ni Sealand kinabukasan, hindi ko maiwasang makaramdam ng kakaibang kaba. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil matagal na panahon na rin mula nang may lalaking lumapit sa akin nang walang halong pananakot, kasinungalingan, o sakit. .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD