CHAPTER 19

3502 Words
Malayo pa lang ay natanaw ko na si Sealand na nakaupo sa loob ng coffee shop. Abala siya sa hawak niyang cellphone kaya hindi niya napansin ang paglapit ko. Sa simpleng suot niya, tila nagliliwanag ang sulok na iyon ng cafe. May kung anong kaba ang biglang sumuntok sa dibdib ko habang papalapit sa kanya. “Hi!” bati ko, pilit pinapalakas ang loob. Tumingala siya. Ang seryoso niyang mukha ay biglang napalitan ng isang napakagandang ngiti nang magtagpo ang mga mata namin. “Hello!” Mabilis siyang tumayo at pinaghila ako ng upuan. “Akala ko mamaya ka pa darating?” Matamis akong ngumiti sa kanya. “Nahihiya naman kasi akong paghintayin ka nang matagal.” “Okay lang naman sa akin na maghintay. Ako naman ang nagbago ng oras kaya deserve kong maghintay,” aniya,. “Pero thank you dahil nandito ka na.” “You’re welcome,” tipid kong sagot. “Order lang ako. Anong gusto mo?” “Kape Amerikano na lang sa akin. 'Yung matapang.” 'Yung kaya akong gisingin sa magulong realidad ko, sa loob-loob ko. “Okay.” Pinagmamasdan ko ang likod ni Sealand habang nakapila siya. Bigla kong na-miss ang buhay ko bago ang gulong ito. Ang mga katrabaho kong lalaki, masaya silang kasama. Kapag pay day namin, sabay-sabay kaming kumakain sa tabi-tabi. Kahit hindi mamahalin ang pagkain, okay lang. Uuuwi kaming may ngiti sa mga labi dahil sa walang humpay na tawanan at kuwentuhan. Napabuntong-hininga ako. Ngayon, hindi ko na magagawa ’yon. Ninakawan ako ng pagkakataon ng sarili kong mga problema. “Are you okay?” Nabalik ako sa realidad. “Ha?” Nilapag niya sa mesa ang dalawang tasa ng kape at may kasama pang dalawang slice ng cake. Kitang-kita ang pag-aalala sa mga mata niya. “Kanina pa ako nakatayo sa harap mo pero hindi mo ako napansin. Mukhang napakalalim ng iniisip mo, ah.” Umiwas ako ng tingin. Hindi ko kayang salubungin ang mga mata niya. “Iniisip ko lang ang magulang ko kapag bumalik na ako ng Pilipinas,” alibi ko, bagaman may katotohanan din naman. “Oh, sinabi nga pala sa akin ng Nanay mo na hindi talaga kayo rito nakatira.” Tumango ako, unti-unting naninikip ang lalamunan. “Tatlong araw na lang ay babalik na ako ng Pilipinas. Kahit masakit sa akin na iwan sila rito na may sakit si Tatay, wala akong magagawa. Kailangan kong magtrabaho para sa kanila. Ako ang inaasahan nila, eh.” Binalot ng lungkot ang boses ko. Napatitig siya sa akin, punong-puno ng emosyon ang mga mata. “Huwag kang mag-alala, lagi ko silang dadalawin para hindi ka masyadong mag-alala sa kanila. Tumingin ako sa kanya, hindi makapaniwala. “Gagawin mo ’yon?” “Oo naman. Walang pag-aalinlangan.” “Hindi ba nakakaabala sa iyo? Alam kong masyado kang busy, Sealand.” Hindi siya sumagot sa halip ay marahan niyang hinawakan ang kamay ko sa ibabaw ng lamesa. Gusto kong bawiin ang kamay ko, pero parang may sariling isip ang katawan ko na gustong kumapit sa lalaking nagbibigay ng lakas ng loob sa akin.. “Okay lang sa akin,” bulong niya. “Gano’n naman ’di ba ang magkakaibigan nagdadamayan?” Kaibigan. Ang sarap pakinggan ang katagang iyon. Hindi ko inakala na magkakaroon ako ng kaibigan sa bansa na ito, kahit na nakakulong ako sa isang sikreto na pilit kong itinatago sa lahat. Dahan-dahan kong binawi ang kamay ko at pilit na ngumiti. “Salamat. Mapapanatag na ang loob ko kahit malayo ako sa kanila.” “Inumin mo na ’yang kape mo baka lumamig. At kumain ka, kailangan mo ng lakas,” pag-iiba niya ng usapan. Tumango ako at sumubo ng cake. Masarap, pero parang walang lasa dahil sa dami ng iniisip ko. “Jillian, puwede bang magtanong?” Biglang seryoso ang tono niya. Huminto ako sa pagsubo. “Ano ’yon?” “May boyfriend ka ba?” Huminto ako sa pagkain. “Boyfriend?” Tumango siya, ang mga mata ay nakatitig sa akin. “Gusto ko lang malaman. Baka kasi may magalit kapag nalaman niyang magkasama tayo... at ayokong makagulo sa iyo.” Natigilan ako. Kulang na lang ay marinig niya ang mabilis na t***k ng puso ko dahil sa kaba. Sasabihin ko ba sa kanya ang tungkol kay Ryker? Kung sasabihin ko, paniguradong magtatanong siya kung paano at bakit. At kapag may nalaman siya, baka umabot 'yon sa magulang ko. Malalaman nila ang maruming sikreto ko. Ang sakripisyong ginawa ko para lang mabuhay ang tatay ko. Hindi ko kakayanin kung kamumuhian nila ako. Ikinubli ko ang takot sa likod ng isang pilit na tawa. “Wala akong boyfriend. Hindi rin ako naghahanap dahil... alam mo 'yon? Sa panahon ngayon, baka maghiwalay lang din kami.” “Bakit naman maghihiwalay agad?” tanong niya, medyo gumaan ang ekspresyon ng mukh niya. Sumubo muna ako ng cake para lunukin ang bara sa lalamunan ko. “Naka-focus ang lahat ng atensyon at lakas ko sa tatay ko, Sealand. Nagtatrabaho ako para sa pamilya ko. Wala akong oras para maglaan ng panahon sa love life. Sarili ko nga, hindi ko maasikaso, lalaki pa kaya?” Tumango siya, tila nauunawaan niya ang bigat ng responsibilidad ko. “So... single ka pala talaga?” “Oo nga. Bakit, mukha ba akong nagbibiro?” natatawang sabi ko, kahit sa loob-loob ko ay nadudurog ako sa pagsisinungaling. “Good,” biglang sumilay ang isang nakatutunaw na ngiti sa mga labi niya. “Puwede pala kitang yayain na pumunta sa Disneyland bago ka umuwi ng Pilipinas.” Napasinghap ako, lumapad ang ngiti ko at sandaling nawala ang bigat sa dibdib ko. “Talaga? Isasama mo ako sa Disneyland?” “Oo, sana... kung papayag ka?” napakamot pa siya sa batok. Sunod-sunod ang naging tango ko. “Siyempre naman! Kasama kaya ’yan sa bucket list ko na akala ko hindi ko na matutupad.” Ngumiti si Sealand, dahilan para lumabas ang mga dimples niya na kay sarap titigan. “Wala nang bawian, ah? Susunduin kita bukas.” “Sa ospital mo na lang ako sunduin bukas pagkatapos kong magbantay sa tatay ko.” “Okay, sige.” Bigla akong napatitig sa kanya. May kung anong lakas ng loob ang pumasok sa sistema ko. “Ikaw... single ka ba?” tanong ko naman, pilit ibinabalik ang mapaglarong tono para hindi halatang interesado ako. “Oo, single ako.” “Sigurado ka?” tinaasan ko siya ng kilay, sinusubukan siyang timbangin. “Baka mamaya habang naglalakad tayo roon, may biglang manghila ng buhok ko at sumigaw ng, ‘Walanghiya kang malandi ka! Kabit ka ng asawa ko!’” Humalakhak nang malakas si Sealand, ang tunog ng tawa niya ay parang musika na nagpagaan sa buong paligid. “Walang sasabunot sa maganda mong buhok, Jillian. At lalong walang magsasabi na kabit ka dahil wala akong asawa o kasintahan. Ikaw lang ang kasama ko.” “Mabuti naman kung gano'n,” nakahinga ako nang maluwag. ”Hindi rin ako nahanap ng girlfriend dahil busy ako sa negosyo." Tumingin siya sa akin, "Pero parang gusto ko ng magkaroon ng girlfriend ngayon." Umiwas ako nang tingin upang itago ang pamumula ng pisngi ko. Sa paraan ng tingin niya sa akin, pakiramdam ko ay ako ang tinutukoy niya. “Ang sarap ng cake na ito," pag-iiba ko ng usapan. Tumango siya. “Isa ito sa paborito ko." Pinagpatuloy ko ang pagkain habang ninanamnam ang natitirang oras na kasama siya. Ang sarap kausap ni Sealand. Parang matagal na kaming magkaibigan kung mag-asaran at magbahagi ng kuwento. Sa isip-isip ko, kakaiba ang gaan ng loob na nararamdaman ko ngayon; hindi ako naiilang sa kanya, at lalong hindi ako nakakaramdam ng takot tulad ng kakaibang kilabot na dulot sa akin ni Ryker. Sa ilang sandaling kasama ko si Sealand, pansamantala kong nalimutan ang mabigat na pasanin at problemang nakadagan sa dibdib ko. “Maraming salamat sa meryenda, sa pasalubong para kay Nanay, at... sa masayang oras na kasama ka,” nakangiting sabi ko habang inilalagay sa bag ang ilang pagkain. “You’re welcome. See you tomorrow,” tugon niya habang nakatitig sa aking mga mata, tila may pahiwatig na ayaw pa niyang matapos ang hapon na ito. Tumayo na ako mula sa pagkakaupo. “Sige, babalik na ako sa ospital para ako naman ang pumalit sa pagbabantay kay Nanay.” “Ihahatid na kita,” prisinta niya sabay tayo na rin. Magkasabay kaming naglakad palabas ng coffee shop. Habang ninanamnam ko ang simoy ng hangin sa labas, biglang nawalan ng balanse ang mga paa ko at natalisod ako. “Ay!” bulalas ko, napapikit sa takot na sumubsob sa semento. “Oops! Careful!” Bago pa man ako tuluyang bumagsak ay naramdaman ko na ang mabilis na pagkapit ng kamay ni Sealand sa aking bewang. Nahila niya ako pabalik kaya halos magkadikit na ang aming mga katawan. Dahan-dahang nagtagpo ang aming mga paningin. Kay bilis ng t***k ng puso ko habang nakatitig sa nag-aalalang mga mata niya. “Are you okay?" tanong niya. Tumango ako. “T-thank you,” nauutal kong pasalamat, ramdam ang biglang pag-init ng aking mga pisngi. Dahan-dahan niya akong binitawan, ngunit nanatiling malapit ang kanyang mukha. “Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo,” malambing na paalala niya. Mabilis akong tumalikod at naunang naglakad upang itago ang nagbabagang mukha. Ang bilis-bilis ng kabog ng dibdib ko, parang may nagwawalang tambol sa loob. Bakit ganito ang nararamdaman ko? “Wait!” habol ni Sealand. Hindi na ako nakatanggi nang abutin niya ang aking palad at dahan-dahang isiniklop ang kanyang mga daliri sa akin. “Alalayan na kita, baka madapa ka na naman.” Napasulyap ako sa aming mga kamay at tipid na ngumiti. “T-thank you.” Holding hands while walking. Para kaming totoong magkasintahan habang naglalakad sa gilid ng kalsada patungo sa ospital. Sa pagkakataong ito, walang bakas ng pandidiri o takot ang humaplos sa puso ko habang magkahawak ang mga kamay namin. Sa halip, isang mainit na pakiramdam ng seguridad ang lumamon sa akin. Pakiramdam ko... ligtas ako basta kasama ko siya. “Salamat sa paghatid,” sabi ko nang makarating kami sa tapat ng pinto ng silid ni Tatay. Ngumiti siya nang napakatamis, dahilan upang lumalim ang kanyang mga dimples. “Chat na lang tayo mamaya.” “Okay.” Tumalikod na ako at pinalabas ang isang malalim na buntong-hininga bago pinihit ang doorknob. Subalit pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto, tila gumuho ang mundong kani-kanina lang ay kay ganda. Nabitawan ko ang hawak kong supot ng pasalubong at lumagapak iyon sa sahig nang mahagip ng paningin ko si Ryker, na kasalukuyang prehong nakaupo at kausap si Nanay. Sari-saring lamig ang gumapang sa aking likuran. Pakiramdam ko ay sabay-sabay na nawalan ng dugo ang buong katawan ko. “Oh, Jillian! Anong nangyari sa ’yo?” Agad na lumapit sa akin si Nanay at pinulot ang nahulog kong pagkain, ngunit hindi ko siya magawang lingunin. Nakapako ang buong atensyon ko kay Ryker. Ang talim ng tingin nito sa akin. May ganti at pait sa kanyang mga mata, na parang anumang oras ay handa akong sakmalin at lapain sa harap mismo ng aking pamilya. “P-pasensya na po, bigla lang akong nahilo,” pagsisinungaling ko, habang pilit na pinapakalma ang nanginginig kong boses. “Hindi ka ba kumain sa date ninyo ni Sealand?” usisa ni Nanay habang inaayos ang pagkain sa mesa. Parang umurong ang dila ko. Literal na natuyo ang aking laway, lalo pa’t alam kong narinig ni Ryker ang salitang nanggaling sa bibig ni Nanay. Nalaman niyang nakipagkita ako sa ibang lalaki. “K-kumain naman po,” nauutal kong sagot, hindi alam kung saan itutuon ang paningin. “Maupo ka muna roon at magpahinga. Nakakahiya sa bisita natin,” wika ni Nanay sabay turo sa bakanteng silya malapit sa kama. Umupo ako, ngunit bawat segundo ay parang parusa. Pakiramdam ko ay hihimatayin ako sa sobrang takot. Nilalamon ako ng takot na baka bigla na lang isumbat at sabihin ni Ryker sa mga magulang ko ang kasunduan sa pagitan naming dalawa. “Jillian, nandito pala ang nag-sponsor ng pagpapagamot ng tatay mo. Siya si Sir Ryker Alder,” pakilala ni Nanay na bakas ang labis na kagalakan sa boses. Seryosong tumingin sa akin si Ryker. Dahan-dahan niyang inilahad ang kanyang kamay, may nakapangingilabot na ngisi sa kanyang mga labi. “Ikaw pala ang anak na... nakipag-date.” Pinagdiinan niya ang huling salita, bawat pantig ay tila may babala na parang gumawa ako ng isang napakalaking kasalanan. Pilit kong iniabot ang kamay ko na ngayo’y kasing-lamig na ng yelo. “H-hello, Sir. Maraming salamat po sa tulong ninyo kay Tatay. H-hindi po ako nakipag-date... may pinag-usapan lang po kami,” paglilinaw ko, kahit alam kong sa talas ng utak ni Ryker ay hinding-hindi niya paniniwalaan ang palusot ko. Pilit siyang ngumiti. “Don’t worry, hindi mo kailangang mag-explain sa akin,” wika niya, ngunit ang diin ng hawak niya sa kamay ko bago binitawan ay sapat na para malaman ko ang galit niya sa akin. “Tama si Sir Ryker. Huwag kang mahiya kung nakipag-date ka. Jillian, kailangan mo rin mag-enjoy at taong masasandalan," wika ni Nanay. Yumuko ako, pilit na itinatago ang panginginig ng aking mga tuhod. "Nay, huwag mo nga akong ibugaw sa iba," tugon ko. “Hindi ka dapat natatakot magkaroon ng boyfriend," wika ni Ryker. Alam kong kanina pa siya nagtitimpi ng galit sa akin. “Jillian, tignan mo nga naman. Puro mga guwapo ang tumutulong sa atin dito sa Singapore. Bakit kaya sa Pilipinas, walang katulad nila?” biro ni Nanay upang basagin ang katahimikan. Tipid at pilit akong ngumiti, pilit na hinahatak ang sarili mula sa bangungot. “Nay, kumusta po si Tatay?” pag-iiba ko ng usapan. Sinisikap kong ikilos ang mga kamay at katawan ko sa pinaka-normal na paraan upang hindi mahalata ni Nanay, at lalo na ni Ryker kung gaano ako kaparalisado sa takot ngayon. “Okay naman ang tatay mo, malakas-lakas na siya. Gusto nga niyang lumabas ng ospital at maglakad-lakad. Nabuburyong na raw siya rito sa loob,” wika ni Nanay. Habang nagpapatuloy sila sa pag-uusap, unti-unting sumasikip ang dibdib ko. Hindi ko na kaya ang hangin sa loob ng silid na ito. “Nay, punta lang po muna ako ng comfort room.” Hindi ko na hinintay na sumagot si Nanay. Halos patakbo akong pumasok sa banyo at agad na naghilamos ng mukha. Hinayaan kong dumaloy ang malamig na tubig sa balat ko, umaasang matatanggal nito ang labis na kaba na nagpapasakit sa dibdib ko. Humarap ako sa salamin para ayusin ang sarili, ngunit bago ko pa man makuha ang buong kontrol sa aking paghinga ay biglang niyanig ng sunod-sunod na vibration ang cellphone ko. “Ay!” gulat kong usal, napahawak sa aking dibdib. Nanginginig ang mga kamay na dinukot ko ang telepono mula sa bulsa ng aking pantalon. Kung may lakas lang ako ng loob na itapon o i-flush ito sa inidoro para lang hindi ko makita ang pangalang nakasulat sa screen, ginawa ko na. Ryker is calling... Napatitig ako sa screen habang mabilis na lumalabas-masok ang hangin sa aking baga. Sasagutin ko ba? O hahayaan kong mag-ring hanggang sa mapuno siya sa galit? Sa huli, pinili kong huwag itong galawin, nanlalamig habang pinapanood ang pagkutitap ng kanyang pangalan. “Shit...” bulong ko sa sarili, kasabay ng pagpatak ng luha ng takot sa aking mga mata. “Bakit ba siya nandito?” Nanginginig ang mga daliri ko habang binubuksan ang mga mensahe ni Ryker. Sunod-sunod ang pagpasok ng mga notification, sobrang dami, at bawat isa ay tila kutsilyong bumabaon sa dibdib ko dahil sa puro pagbabanta. Ang kaninang tuwa at gaan ng loob na naramdaman ko kasama si Sealand ay biglang naglaho, napalitan ng nanunuot na takot na lumukob sa buo kong katawan. “Shit... bahala na,” bulong ko sa sarili ko, pilit pinapakalma ang mabilis na t***k ng puso ko. Paglabas ko ng banyo, agad kong inilibot ang paningin ko, ngunit wala na ang anino niya. Pagak akong napangiti. “Umalis na ’yung guwapong lalaki. Tatawagan niya raw ang asawa niya,” wika ni Nanay habang nag-aayos ng gamit. Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan. Doon lang ako nakahinga nang maluwag dahil kahit panandalian lang, naramdaman ko kung ano ang pakiramdam ng maging malaya. “Nay...” Pasimple akong lumapit sa kanya, pilit pinapanatili ang normal na tono ng boses ko. “Paano n’yo po nalaman na siya ang nag-sponsor sa gamutan ni Tatay?” “Pumunta rito ’yung head nurse kanina at ipinakilala sa amin ang nag-sponsor sa Tatay mo. Ang akala ko nga ay matanda na ang tumulong sa atin, guwapong lalaki pala at mukhang napakabait,” nakangiting sabi ni Nanay, bakas ang labis na pasasalamat sa kanyang mga mata. Nanginig ang panga ko sa narinig. Mabait? “Baka ugaling demonyo,” bulong ko sa hangin. “May sinasabi ka ba, anak?” tanong niya na bahagyang lumingon sa akin. Sunod-sunod akong umiling at pilit na ngumiti. “Wala po, Nay. Wala po.” “Mabait si Sir Ryker, anak. Sinabi nga niya sa Tatay mo na huwag nang isipin ang gagastusin dahil sagot na niya lahat, pati ang mga gamot na iniinom niya. Alam mo naman kung gaano kamahal ang mga gamot ng Tatay mo, laking bawas sa isipin natin.” Humigpit ang kapit ko sa sarili kong braso. “Iyon lang ba ang napag-usapan n’yo, Nay?” “Tinanong lang niya kung anong trabaho mo at kung may boyfriend ka na. Sinabi kong single ka pa dahil trabaho at bahay lang naman ang inaatupag mo araw-araw.” Lalong lumuwag ang paghinga ko. Salamat naman at hindi niya idinamay si Nanay sa maruming sikreto naming dalawa. “Nay, kumain na muna kayo at magpahinga. Ako naman ang bahalang magbantay rito kay Tatay,” sabi ko, pilit siyang inaakay paupo. Tumango siya, bakas ang matinding pagod sa mukha. “Maliligo muna ako bago kumain,” wika ni Nanay sabay pasok sa banyo. Nang masigurado kong nakasara na ang pinto ng banyo, doon ko lang hinayaang manginig ang mga kamay ko habang muling binubuksan ang cellphone. Binasa ko nang buo ang mga chat ni Ryker, at bawat salita ay tila sampal sa aking pagkatao. “Kaya pala gusto mong umuwi agad dahil may ka-date ka pa.” “Magkano ang ibinayad sa iyo ng lalaki mo para pag-aksayahan mo siya ng oras?” “Sumagot kang puta ka!” Unti-unting pumiglas ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Pumatak iyon sa screen ng cellphone ko, lumabo ang paningin ko sa tindi ng sakit ng mga salitang binitawan niya. Ang dumi-dumi ng tingin niya sa akin. Gayunpaman, kahit isang letra ay wala akong isinagot. Sobrang sakit ng mga paratang niya, mga paratang na kahit alam kong hindi totoo, ay halos hindi ko na kayang lunukin dahil sa bigat. Pagsapit ng alas-diyes ng gabi, binalot ng katahimikan ang silid. Tanging ang tunog na lang ng heart monitor ni Tatay ang naririnig. Muling rumesbenta ang pangalan ni Ryker sa screen ko dahil tumatawag siya. Dahil tulog na si Nanay sa sofa at mahimbing din ang tulog ni Tatay, sinagot ko ang tawag. Dinala ko ang cellphone sa tapat ng labi ko, halos pabulong na ang boses sa takot na may makarinig. “Bakit ka tumawag?” mahina ngunit mariin kong tanong. “Son of a b***h! Mabuti naman at naisipan mong sagutin ang tawag ko, bwiset ka!” Dumagundong ang galit sa boses ni Ryker sa kabilang linya, tila bulkang sumasabog. “Busy ako kaya hindi ko sinasagot ang mga tawag mo,” pagsisinungaling ko, habang pilit kong pinipigilan ang panginginig ng boses ko. “Busy? O busy ka sa pakikipagharutan sa mga lalaki mo?!” sabi niya, puno ng pang-uuyam. “Hindi ko alam ang sinasabi mo, Ryker.” “Huwag mong sagarin ang pasensya ko, Jillian. Huwag mong kalilimutan ang pinag-usapan natin kung ayaw mong magkasama-sama kayo sa hukay ng pamilya mo!” Parang may sumabog sa loob ko. Ang takot na kanina pa nakasakal sa akin ay biglang napalitan ng pagod at puot. Wala na akong pakialam. Umakyat ang emosyon ko sa aking lalamunan, at sa unang pagkakataon, lumaban ako. “Alam mo, pagod na pagod na ako sa pananakot mo sa akin!” mariin at nanginginig kong sabi, lumuluha pero matapang ang mga mata. “Kung gusto mo akong patayin, gawin mo! Patayin mo na ako ngayon para matapos na ang lahat ng ’to! Para matapos na ang problema ko!” Natahimik ang kabilang linya ng ilang segundo. “Tumatapang ka na ngayon, dahil ba 'yan sa lalaking ka-date? magkano ba ang binayad sa 'yo ng lalaki mo para magkaroon ka ng lakas ng loob na magsalita sa akin?!" Nanggigil niyang sabi. “Hindi lang ikaw ang nauubos ang pasensya," matapang kong tugon. “f**k!” singhal niya, bago marahas na pinutol ang tawag. Naiwan akong nakatulala sa kawalan, habang mabilis ang t***k ng puso ko. Sa unang pagkakataon ay nilabanan ko si Ryker. Bahala na! kung mamatay siya sa galit sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD