IPAGLABAN MO

1511 Words
            Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan sa kuwarto ni Klarence. Nakalipat na ito sa regular room mula noong nagising ito mula sa pagkaka-comatose niya.             Nakita kong nakapikit ito habang nakahiga sa hospital bed niya. Dahan-dahan din akong naglakad papasok sa takot na makagawa ako ng anumang ingay na ikagigising niya. Ayoko siyang magising. Kailangang makabawi ng lakas ang katawan niya.             Inilapag ko muna ang dala kong eco bag sa mesang naroon bago ako nagpunta sa gilid ng kama niya. Doon ay malaya kong napagmasdan lalo ang mukha nitong payapang natutulog. Bahagya akong napangiti. Desidido na ako.             Pipilitin kong maalala mo ako, Klarence. Kung ano ako sa iyo. Kung anong meron tayo.             Bahagya itong gumalaw. Halos pigilin ko ang paghinga ko. Hindi ko alam kung sa anong dahilan -- dahil ba sa gusto ko pa siyang magpahinga at makabawi ng lakas o dahil natatakot ako sa magiging reaksiyon niya kapag nakita niya ako dito sa loob ng kuwarto niya.             Unti-unti itong nagdilat ng mga mata. Na-sense niya sigurong may tao sa tabi niya. Sinalubong nito ang tingin ko sa kanya. Pero agad din nitong binawi.             "Anong ginagawa mo dito?" walang sigla nitong sabi.             Bakas sa mukha nito ang pagka-irita na tila ba hindi nito nagustuhan na naririto ako sa tabi niya. Pilit akong lumunok. Pakiramdam ko ay may malaking bara sa lalamunan ko.             "Ahm... dinalhan kita ng.... ng makakain," alanganing sagot ko dito.             "Hindi mo obligasyong dalhan ako ng pagkain. May pagkain naman dito sa hospital. And besides kaya kong bumili ng gusto kong kainin anytime," sabi nito na hindi pa rin nagbabago ang tema ng boses.             Parang may tumusok sa dibdib ko. Mas masakit pa yata sa tusok ng tinik ng cactus iyong naramdaman ko. Muli akong lumunok.             "Gu-Gusto ko lang dalhan ka. Gusto kong makita kung okay ka na talaga,"  sabi ko dito.             "Nakita mo na ako. Pwede ka nang umalis," prankang sabi nito.             Ikinurap-kurap ko ang aking mga mata para labanan ang pagbagsak ng mga luha. Nasasaktan ako sa cold treatment na pinapakita niya sa akin. Pinilit kong ngumiti.             "Baka gusto mo ng makaka-kwentuhan. Nakakainip kaya dito sa hospital. Saan nga ba tayo natapos ng kuwentuhan natin noon--"             "Look! I will not buy those stories of yours! Hindi ako iyung taong magkukuwento ng buhay ko sa taong hindi ko kilala at ngayon ko lang nakita. So please.... get out of my room?" masungit na sabi nito.             Natigilan ako sa sinabi niya. Naikuyom ko ang palad ko ng sobrang higpit. Halos bumaon na ang mga daliri ko sa palad ko. Gusto kong dito ko na lang maramdaman ang sakit, para mailipat ko na lang yung sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko.             Kalma lang, Annika. Try to understand him.             Pinilit ko uling ngumiti. "S-Sige. Magpahinga ka muna. Baka kailangan mo pang matulog. Doon lang muna ako sa sofa. Pag may kailangan ka, tawagin--             "I will not call you ever! Not now! Not ever!" sigaw nito.             Sa ganung sitwasyon kami naabutan ni Tito Hernan.             "Klarence. Annika? Anong ginagawa mo dito?" tanong nito sa amin habang salitan kaming tiningnan na may pagtataka.             "Tito Hernan. I want to rest more. Pauwiin mo na ang pamangkin mo. She's disturbing me," sabi nito, at saka tumagilid na ng higa patalikod sa akin.             Tiningnan ako ni Tito Hernan na may halong awa at pagmamakaawa. Bahagya akong tumango. Nag-umpisa na akong maglakad papunta sa pintuan             "Hintayin mo ko mamaya sa bahay. Mag-usap tayo," mahinahong sabi ni Tito Hernan pagkatapat ko sa kanya.             Bahagya lang ako tumango. Muli kong nilingon si Klarence na nasa ganun pa ding posisyon. Nakaramdam ako ng lungkot na hindi ko man lang nasilip uli ang guwapo niyang mukha.             "Mauna na po ako, Tito Hernan," sabi ko dito, at saka humalik na sa pisngi nito.             Mabigat ang loob na naglakad na ako papunta sa pintuan. Bago ko pinihit ang doorknob ay nilingon ko si Klarence sa kama niya. Nahuli ko itong nakatingin sa akin at kapagdaka ay agad nitong binawi ang tingin nang mahuli ko siya. Tumagilid uli ito ng higa patalikod sa akin. [Klarence]               Ilang minuto nang nakalabas iyung pamangkin ni Tito Hernan pero hindi na ako nakatulog uli. Hindi maalis sa isip ko ang imahe ng mukha niya.             Naguguluhan ako. Sinasabi niyang kilala niya ako na para bang matagal na kaming magkakilala. Pero wala talaga akong matandaan na nakilala ko siya. Una ko siyang nakita noong nagkamalay na ako mula sa pagka-comatose. Siya ang una kong nabungaran at kung anu-ano ang sinasabi niyang hindi ko nauunawaan.             Ang nakakapagtaka lang ay para bang pamilyar na pamilyar siya sa akin. Ang mukha niya, ang ngiti niya. Pero wala akong mahagilap na alaala niya sa isip ko. Maski isa.             Hinawakan ko ang sentido ko. Sumasakit ang ulo ko tuwing pipilitin kong isipin ang babaeng yun. Pinilit ko siyang alisin sa isip ko. Kailangan kong makatulog. Kailangan kong makaalis na dito. Baka napapabayaan na ang AMCO. Kailangan ko nang makabalik doon.             Sabagay, alam ko namang hindi pinapabayaan ni Tito Hernan ang kumpanya. Katunayan ang patotoo ng kaibigan kong si Chad at Adam. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Andito ang stepsister ni Papa, si Auntie Elvira. Alam kong ngayong nakabalik na siya sa AMCO ay hindi na siya papayag na hindi maging bahagi nito.             Dumagdag pa ang ampon niyang si Heather...                 NAGISING ako na parang may mga boses na nagtatalo sa loob ng kuwarto.             "You don't have to do this, Annika. Tama na," boses ng lalaki.             Bahagyang napakunot ang noo ko. Andito pala uli yung pamangkin ni Tito Hernan. Annika pala ang pangalan niya.             Bilib din ako sa fighting spirit niya.              "Di ba ikaw ang maysabi sa akin nito? Na ipaglaban ko yung sa amin," narinig kong sinabi ni Annika.             "Oo nga. Pero kung alam ko lang na ganito ang magiging trato sa iyo ng lalaking iyan, hindi ko na isa-suggest yun," sagot ng kausap niyang lalaki.             Sino ba yung kausap niyang lalaki?             Parang hindi pamilyar ang boses nito. Ngayon ko lang narinig. Ang balak ko ay dumilat lang ng konti para makita kung sino ang kasama niya. Pero nakabantay yata sa bawat galaw ko ang makulit na babaeng ito kaya nakita niya akong nagdilat ng mga mata.             "Ayan! Nagising tuloy siya. Ang ingay mo kasi Duncan!" inis na sabi niya sa kasama niya.             Duncan? Parang hindi ko siya kilala.             Hindi ko alam kung bakit nagkaroon ako ng interes na makita ang itsura ng Duncan na tinawag niya. Pati kung sino siya kay Annika.              Tutal naman ay alam na nilang gising ako kaya pinanindigan ko na. Nakangiting lumapit sa akin si Annika.             "Good morning, Klarence!" bati ni Annika.             Hindi sinasadyang napagmasdan ko si Annika. Simpleng puting tshirt at maong lang ang suot nito pero nahihirapan akong ilayo ang mga mata ko sa kanya. Lumutang ang mala-krema nitong balat sa suot na tshirt. Visible sa suot niyang maong pants ang magandang hubog ng kanyang mga hita.             Klarence! Kailan ka pa nagpa-apekto sa isang babae?!             Pilit kong pinilas ang tingin ko mula kay Annika at saka itinuwid ang aking tingin.             "Ano na namang ginagawa mo dito?" pilit kong pinatapang ang boses ko.             "Ipinagluto kita ng almusal. Anong gusto mo? May dala akong lugaw, sopas, saka adobong manok tapos fried rice. Hindi kasi kita naipagluluto noong espiritu ka," masiglang sagot ni Annika, na para bang balewala lang dito ang pagsusungit ko sa kanya.             "Kailan mo ba ako titigilan?" tanong ko dito.             Ayoko ng ganito. Kailan ba huling may nagpahalaga sa akin ng ganito? Si Mama ang madalas na nagluluto para sa akin noon. Pero ilang taon na nga bang wala si Mama?             "Manhid ka ba? Hindi ka makahalatang ayaw sa iyo ng tao?!" sabi ko sabay tingin kay Annika.             Nagsisi ako na tumingin pa ako sa kanya. Nakita ko ang pagbabago ng ekspresyon ng kanyang mukha. Biglang nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Kita ko ang pangingilid ng mga luha. Bigla akong nakaramdam ng awa sa kanya.             Sh*t, Klarence....sumobra ka na yata.             "Tara na, Annika. Umalis na tayo."             Hindi ko namalayang nakalapit na agad yung Duncan sa tabi niya. Hinawakan niya si Annika sa palapulsuhan nito at saka hinatak palayo. Bigla namang may bumangong galit sa dibdib ko.             "H-Hey!" sabi ko dito.             Sabay silang napatingin sa akin. Para namang nagsisi ako na nasabi ko yun. Bakit ko nga ba nasabi yun?             "Duncan..." pagsumamo ni Annika dito.             "Tama na, Annika. Hindi mo deserve ang isang lalaking katulad nito!" sabay duro sa akin ni Duncan.             Nakita kong bumagsak na ang kanina pang pinipigilang luha ni Annika. At sa pagbagsak ng mga luhang yun, kasabay nito ang tila sakit na naramdaman ko sa dibdib ko.             "For your information, kung hindi dahil kay Annika, marahil sa kabaong ka na nakahiga ngayon hindi sa kama na yan! Saksi ako sa ipinangako mo kay Annika. Pero kung ngayon, na-realize mo na wala kang nararamdaman para sa kanya....tratuhin mo naman siya nang maganda kahit bilang pagtanaw ng utang na loob man lang!" sabi nito at saka hinatak na uli si Annika.             Naiwan akong nakatulala sa sumaradong pinto. Ewan ko ba. Nang lumabas si Annika sa pintuang yun pakiramdam ko ay may nawala din sa akin.     ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD