KINABUKASAN "SAAN ba talaga tayo pupunta?" "Basta. I know na matutuwa ka dito," ani Glenard habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa kanyang mga mata. Kagabi ay pagod na pagod ito nang umuwi. Pagsayad ng likod nito sa higaan ay nakatulog na ito kaagad. Gayunman ay mas maaga pa rin itong nagising kaysa sa kanya. Pagdilat niya ng mga mata ay gising na ito at nakatitig lang sa kanya habang pinanonood ang kanyang pagtulog. Bigla tuloy siyang nahiya. Nakanganga kasi siya kung matulog. Hindi rin siya sigurado kung hindi tumutulo ang laway niya sa gitna ng kahimbingan. Pagkatapos mag-almusal ay nagpaalam ito sa kanyang Papa na may pupuntahan lamang sila. Pagkasakay pa lamang niya sa kotse nito ay nilagyan na nito ng piring ang kanyang mga mata kaya maging ang dinadaanan nila ay hindi niya m