"NAPAKAGANDA mo, anak. Sobra-sobrang kaligayahan ang nararamdaman ko ngayon para sa 'yo. Nag-iisa kitang anak at nasanay ako na ikaw lang ang palagi kong kasama. Pero ngayon, mag-aasawa ka na ngang talaga," ani ng kanyang Nanay Celia na napansin niyang namumula ang mga mata. Parang gusto nitong umiyak pero pinipilit lang pigilan. Tapos na siyang ayusan ng kanyang make up artist sa loob ng kanyang kwarto sa resthouse. Pumasok ang Nanay niya dahil maya-maya ay kukuhanan na siya ng photographer at videographer kaya hindi na sila makakapag-usap pa. Nginitian niya ito at pinisil ang kamay ng ina. "Mag-aasawa lang ako, 'Nay. Hindi naman ho ako mawawala sa inyo. And madadagdagan pa nga ho 'yong mamahalin at aalagaan n'yo dahil magkakaroon na ho kayo ng apo," aniya na pinilit ang sarili na huwag