KABANATA 3

2194 Words
KABANATA 3:        WALA akong gana sa mga sumunod na araw. Buong linggo ko atang inisip iyong sitwasyon ni Mama. Bakit ba ako itong problemadong problemado! Hindi naman ako iyong manganganak pero daig ko pa ang nabuntis ng maaga pagkatapos ay hindi na alam kung anong gagawin. Sobra akong apektado at iniisip ko lang kung ano na naman bang sitwasyon namin pagkatapos ng pitong buwan.     Paano dalawang buwan ng buntis si Mama. Nagpacheck up na sila ni Papa kahapon kaya nalaman namin kung ilang buwan na ang tiyan niya. Narinig ko ang hagikgik ni Mama. Tamad akong sumulyap sa pwesto nila ni Papa sa sofa. Nagbu-bulungan pa na akala mo mga binata at dalaga! Nakakairita!       Kung sa iba siguro tuwang-tuwa na sweet ang magulang nila. Pero ako? Hindi, kasi problemado ako. Tamo sila. Tamang tawa at harot lang. Kala mo walang problemang utang at hindi problemado sa pagpapakain ng pitong anak.       Inis kong kinuskos ang kaldero gamit ang steel wool sponge.  Sinulyapan ako ni Johan habang nagtatakal ng gatas para sa dede ni Quennie.         “Ate, ayos ka lang?” tanong niya.       Napabuntong-hininga ako. Tinuon ang atensyon sa kinukuskos na kaldero habang kinakausap siya.         “Paglabas ng panibagong bunso. Alam mo na, Johan? Kayo muna mag-alaga habang magtitinda kami ni Mama sa labas tuwing weekend. Mas dapat magtrabaho ang Ate kasi sobrang dami na natin.”       “Alam ko ‘yan, Ate. Sana last na nga nila Mama ‘yan. Kasi hindi na kami makapag-aral ng maayos. Inaalagaan pa iyong mga nakababatang kapatid natin. Tulong-tulong kami ni Esmeralda at Patricia sa paga-alaga. Kaya imbes na may mga group projects kami hindi ko na maasikaso.”         “Hindi, ‘yan. Last na ni Mama ‘yan,” sabi ko na tila puno ng kasiguraduhan iyon.         “Sana nga...” aniya at iniwan ako sa kusina para puntahan na si Quennie sa kwarto nila Mama.           Isang linggo lang si Papa na nanitili sa Tanza. Lumuwas din siya at nagtungo sa Batangas kung saan andoon ang kanyang trabaho. Balik sa dating gawi. Gigising akong muli ng maaga para maligo at tumulong kay Mama na magluto ng puto at kakanin. Masarap kasi itong gawa ni Mama kaya medyo marami na siyang suki. Mas okay pa din na maglako kaysa na magbenta sa harap ng bahay dahil wala namang ibang taong makakita.     Ang mga bahay dito ay hiwa-hiwalay. Malalayo ang agwat. Kaya mas mainam na ilako ang tinda. Sumubok na kami ng pang-almusal kaso walang nabili. Sa huli kami ng mga kapatid ko ang kumakain at umuubos niyon. Mabuti na lang talaga naisipan ni Mama magbenta ng puto at kakanin. Ayon at nakakaraos sa araw-araw na gastos namin sa bahay.             Hinabilin ni Mama ang mga bunsong kapatid kay Johan bago kami umalis. Tig isa kami ni Nanay na may bitbit na puting tupperware at bilao. Sabay kaming umalis sa bahay naming yari sa kawayan.           “Magkita ulit tayo dito, Rica. Sana maubos ang tinda nating dalawa,” si Mama na pagkatapos sabihin iyon ay tinalikuran ako at naglakad na palayo.         Sa tuwing may pasok ay nasa bahay ako para magbantay ng mga kapatid. Si Mama kapag walang labada. Nagtitinda siya. Pagmaagang natatapos at nakauwi siya ng bahay ay siya namang raket ko sa paglilinis ng kuko o pagtitinda ng meryenda. Salitan kami kumabaga pagdating sa paghahanap buhay. Pagdating ng weekend sabay kaming magtitinda.             Kunot ang aking noo ng makita si Dana na patawid sa kalsada. Nagmamadali at may bitbit pang plastic.       “Dana!” sigaw ko at nagmamadali na habulin siya kasi aalukin ko ulit ng puto. Alas otso na ng umaga at halos kalahati na itong napapaubos kong puto. Itong biko ko malapit na din maubos. Kaya tuwang-tuwa ako na maaga akong makakarating sa tagpuan namin ni Mama.             Huminto ito at hindi na tumuloy sa pagtawid. Nakangiti akong lumapit sa kanya.       “Oy, Rica! Buti nahabol mo pa ko. May meet-up pa naman ako ngayon. Pabili nga ng biko at puto mo. Hinahanap ni Papa iyang luto niyo. Tuwing sabado at linggo lang niya natitikman.” Nakangiti niyang sabi sabay kuha ng singkwenta sa bulsa nito para iabot sakin.           Nakangiti akong tumango. Akala ko magsasawa sila sa tinda naming puto at biko. Effective din pala na maglako ako sa kalye nila tuwing weekends lang.     “Ilan? Tig dalawa ba ulit?”       Tumango ito at nakita kong napasulyap ito sa suot na tig-one hundred pesos na relo. Iyong nabibili sa mga muslim at nakalatag sa sahig. Gusto ko din ‘non, e. Kaso walang pera.       “Oo.”     Binuksan ko iyong puting tupperware para kumuha ng dalawang puto at inabot sa kanya.         “Ano bang meron? Ba’t may meet-up ka?” tanong ko habang kumukuha na din ng dalawang biko para sa kanya.       “Ah! Kasi nagreseller ako ng Cocoberry. Alam mo ba ‘yon? Iyong sikat na sabong pampaputi? Trending iyong kilo soap na ‘yon ngayon! Dapat bumili ka sakin! Diba gusto mong pumuti?” masiglang sabi niya.       Nag-angat ako ng tingin at inabot sa kanya ang binili nitong biko. Kitang-kita ko ang liwanag sa kanyang mukha. Namilog ang mata ko. Gusto ko ‘yon! Pumuti!       “Magkano ba ‘yan? Patingin nga?” usisa ko at nakisilip na sa bitbit nito. Inangat nito ang hawak na plastic at nilabas doon ang kulay pink na sabon. May tatak na Cocoberry. Nagliwanag ang aking mukha dahil ang dami sa isang pack!         “298 ‘to. Pero since magkaibigan naman tayo. 290 na lang. Discount ko na ‘yong otso.” Ngiting-ngiti pa niyang alok sakin. Lumabas tuloy ang biloy niya sa pisngi.     Nalaglag ang aking balikat. Naalala kong wala akong budget. Ang mahal pala. Kung bibili ako ay buong tinda ko sa puto ang mawawala. Hindi naman makakain ng mga kapatid ko iyong sabon.       Mukhang napansin ni Dana ang bigla kong pagtahimik.         “Kung di mo kaya, pwede naman itong isang piraso. Heto, o! Singkwenta lang! Bili ka na! Tatanggal ang libag mo niyan, pramis!” Nilabas niya mula sa bulsa ang isang piraso na sabon na nakasealed ng plastic.           Muling bumalik ang liwanag sa aking mukha. Tumango ako bilang pagsang-ayon sa alok niya,       “Sige, pabili akong isa!”           Inabot niya sakin ang isang pirasong sabon. Mabilis ko ding nilagay sa bulsa ng daster at binalik sa kanya ang singkwentang bayad niya din sakin kanina.           “O, siya. Alis na ko. Late na ko sa meet-up namin. Salamat, Rica! Ingat!” sigaw niya dahil nanakbo na siya palayo sakin.           “Rica! Pabili kami ng puto!”         Napalingon ako sa tindahan ni Aling Pacita. Hindi kasi nadaan o naga-alok si Mama dito kahit na maraming bibili sa takot niya na singilin ni Aling Pacita. Natigilan ako at napalunok. Sana anak niya iyong andiyan sa tindahan. Ayoko makarinig ng galit na naman ni Aling Pacita.           “Hoy, negra!” sigaw ng mga lalaking naka-tambay sa tapat ng tindahan.         Di bale, kita din ito. Dapat mapaubos ko na ito lahat lalo na nalagasan ako ng singkwenta dahil sa tindang sabon ni Dana. Ngayon ko lang narealize. Nagswap lang kami ng tinda. Tumawid ako sa kabilang kalsada.           “Ayan! Namiss namin ‘yang puto at biko mo. Bakit kasi tuwing sabado at linggo ka lang nadaan dito. Kung minsan pa hindi ka namin matyempuhan. Kasarap pa naman niyan!” Dinungaw ni Quintin ang bilao ko.         Dinig ko ang pag-ngisi ng mga kasama niyang lalaki at may kanya-kanya pang softdrinks na hawak.         “Kaunti na lang pala. Tol! Bilhin na natin ‘to.” Nakangising yaya ni Quintin sa mga kasama niya.         “Masarap ba talaga ‘yan, Rica? Patikim muna?”         Tinigil ko ang pagkuha ng plastic para sumulyap sa lalaking nagsalita. Nanliliit ang kanyang mga mata at nakangisi pa habang malagkit akong pinasadahan nito ng tingin.           “Ihampas ko ‘tong bilao ng biko sa mukha mo, isa pa.” Inirapan ko siya. Naghiyawan sila.         “Palaban! Palaban, ‘tol!” asar ng ibang kasama na hindi ko na pinansin.           “Sabi senyo ‘eh! Sige, Rica bibilhin ko na lahat ‘yan,” sabi ni Quintin at nagabot na ng dalawang daan sakin.           Nagmamadali ako habang sinasalin ang mga biko at puto sa plastic. Baka maabutan pa ko ni Aling Pacita. Mabuti na lang at hindi siya ang bantay sa tindahan.           “Teka, si Rica ba ang nandiyan?”           Napapikit ako ng mariin. Kasasabi ko lang pero sumulpot na agad si Aling Pacita! Parang ramdam niyang andito talaga ako. Nagmamadali kong binigay kay Quintin ang binili niya at sinuklian ng sampung piso. Mabilis kong sinara ang tupperware ng marinig na ang nagsasalitang si Aling Pacita palapit na sa maliit na binatana ng tindahan.         “Hoy, Rica! Iyong utang ninyo ng Mama mo! Aba, nahiya pa kayo at gusto niyo pang maganibersaryo na naman ang utang niyo sakin?!” Sigaw ni Aling Pacita pero nanakbo na ko paalis doon. Alam kong nakadungaw siya at pulang pula na naman ang mataba niyang mukha sa galit saming mag-ina.             Naku, Aling Pacita. Kung may pera ako hindi mo na kailangan magalit sakin. Babayaran kita agad!           “Rica! Hoy!”           Napapikit ako sa sobrang lakas ng sigaw niya. Mabuti na nga lang hindi ako hinabol, e. Hingal na hingal ako ng makarating sa kanto kung saan kami magkikita ni Mama. Nakita kong nagwawalis ng bakuran si Ate Azul.           “Ate!” tawag ko sa kanya sabay tumingkayad at hinawakan ang tarangkahan nilang yari sa kawayan.         Natigil ito sa pagwawalis at tumayo ng tuwid ng makita ako.           “O, Rica? Bakit?”          “Pasabi naman kay Mama, mauna na ko. Maaga akong natapos. Uuwi na ko kamo.” Nakangiti kong sabi sa kanya. Tumango lang ito at binalik ang atensyon sa pagwawalis sa bakuran.             “Sige!”         Masaya ko siyang tinalikuran at naglakad na papauwi sa bahay. Pagdating ay naabutan ko pang iyak ng iyak si Quennie. Narinig ko ng naiinis si Johan sa bunsong kapatid Si Esmeralda naman ay pinaliguan si Wilbert at si Patricia ay naghahain na ng pagkain.           “O, bakit sigaw ka ng sigaw?” tanong ko ng tuluyan ng makapasok sa bahay. Nilapag ko sa lamesa ang walang laman na tupperware at bilao.           “Ayaw kasi magpababa nitong si Quennie, e! Marami pa kong gagawin sa school, ate!” Iritado niyang sabi. Bumuntong-hininga ako. Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Tapos may darating pa na panibagong sanggol.         Kinuha ko sa kanya si Queenie at inalo-alo. Nakasimangot si Johan na pumasok sa kwarto. Malakas pa niyang sinarado ang pinto. Wala ni isa saming nagulat. Sanay na kami na minsan ay isa samin ang nakakaramdam ng pagka-pikon at pagod sa lahat ng nangyayari sa bahay.           Nakikita naman ‘to ni Mama pero bakit deadma? Pati ako napapagod na pero dahil mahal ko sila ayokong sumuko.         Ako ang nag-alaga kay Quennie. Mabuti na lang talaga maaga akong natapos sa tinda ko. Nabenta lahat. Balak ko nga sana sumide-line sa paglilinis ng kuko kaso marami palang gagawin si Johan. Sinulyapan ko si Esmeralda na katatapos lang maglagay ng plato sa lamesa. Tinulungan na si Patricia dahil antagal kumilos. Nakaupo na ang mga nakababata naming kapatid at nagaantay na sa pagkain.         “O, ‘wag ako, ate! Marami din akong gagawin sa school. Ayokong magbantay kay Quennie. Kanina ko pa nga inaasikaso ‘tong mga ‘to, e,” pagmamaktol niya. Tinalikuran ako at nagsandok na ito ng kanin para ihain sa mesa.         Bumuntong-hininga ako ulit. Pera na nga sana. Magiging bato pa. Wala akong choice kundi magbantay sa kapatid. Sumulyap ako kay Quennie na nakatunghay lang sakin habang supsop ang hinlalaki nitong daliri. Ang mga hugis ng mata nito ay bilog na bilog. Imbes tuloy na pagsabihan kong matulog na nagawa ko pang makipaglaro sa kanya.         Matapos kumain ay kanya-kanya na ulit sa toka. Si Mama ay hindi pa nakakauwi galing sa pagtitinda. Malamang may kasamang tsismis na naman ang trabaho niya. Ganoon naman palagi ‘yon, e. Palibhasa walang labada siya ngayon kundi bukas pa.         Pagsapit ng gabi ay kumpleto na kami. Syempre, except kay Papa. Nagta-trabaho iyon. Kaya sanay na kaming bihira siya umuwi. Ilang taon ng ganito ang buhay namin. Nakakakasawa pero aminado akong masaya na sama-sama kami. Masaya na marami. Masaya na mahirap.         Sa tuwing tinitignan ko ang mukha ng mga kapatid ko kung gaano sila katuwa sa ulam naming tilapia. Mas gusto kong magpursige na kumita ng malaki at maghain ng litsong manok sa lamesa para makain nila. Kahit na ganyan si Mama. Parang walang pakialam na naghihirap na kami. Mahal na mahal ko siya. Kahit saan ako magpunta palagi kong nasa isip ang ikabubuti nila na lahat ng ginagawa ko para sa kanila.           Naawa ako sa tuwing uuwi ang kapatid ko na sira na ang sapatos o di kaya bag. Pero nagsusumikap paring pumasok sa school kasi alam nila kung gaano kahirap ang buhay. Kung minsan pinabaunan ko pa si Esmeralda ng paninda namin ni Mama para maibenta niya sa school. Masaya na kami na hindi niya kinakahiya ang hanap buhay namin at tumutulong din talaga siya.       Balang-araw. Yayaman din ako. Kasabay ng yaman ko ay siya ring pag-angat ng buong pamilya ko. Hindi ko sila iiwan. Hahatakin ko sila pataas. Sama-sama kaming aahon sa hirap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD