KABANATA 4

2158 Words
KABANATA 4:           NAKABUSANGOT ako ng lumabas sa banyo. Paano ay nagmamadali na naman si Patricia dahil masakit na daw ang tiyan niya. Hindi pa ko ganoong nakakahilod! Kailan niyo ba ko paghihiludin ng maayos!           Naabutan ako ni Esmeralda na nagsusuklay na ng buhok.           “Ate, ano ‘yan? Bakit nagbabalat ka?” tanong niya at nilapitan pa ko para suriin ang balat ko. Kunot ang noo nito at nag-angat ng tingin sakin.           “Ah, dahil ‘yan sa sabon na binili ko kay Dana. Ano ba tawag don? Micro... micro...” Tumingin pa ko sa itaas para mag-isip. Nanlaki ang aking mata ng maalala.         “Micropeeling! Ayon, ‘yon ang tawag daw. Nakakaputi ito. Gusto mo ba? Hinati-hati ko iyong sabon para tipid. Magi-isang linggo ko palang na gamit. Mukhang effective. Kita mo? Makintab legs ko, o! Pagnatatamaan ng ilaw. May kintab. Galing ano?” Kumindat pa ko sa kanya.         Manghang-mangha si Esmeralda.         “Bili mo ko niyan, ate,” aniya at nagpaawa pa ng mukha sakin. Ginulo ko ang kanyang buhok.       “O, sige. Kapag nakita ko si Dana sa sabado. Ibibili kita ng isang piraso. Bigyan na muna kita ng dalawang hiniwa ko. Tinitipid ko ito kasi maganda nga.” Humagikgik ako sabay kinuha ang nakatagong hiwa-hiwang sabon sa aparador. Ibingay ko sa kanya ang dalawang piraso.       “Thank you, ate!”       Mabilis akong tinalikuran ni Esmeralda, siguro para maligo at masubukan na ang mahiwang sabon ni Dana. Lumipas ang araw, hanggang sa linggo at naging buwan. Paulit-ulit na gawi. Pasalamat na lang at nakakaraos kami sa araw-araw. Iyon nga lang ang mga gamit namin na sana ay dapat palitan na ay hindi pa mabilhan ni Mama.       Sapat lang ang pera para sa pangaraw-araw namin lalo na naga-aral ang mga kapatid ko. Si Diego ay pumasok na sa Grade one. Hindi biro ang gamit nila sa school. Public school man maglalabas ka pa rin ng pera kasi kailangan ng sapatos, uniporme, bag at gamit sa eskwela. Hindi tulad noon na nagbibigay ang Mayor namin ng libreng gamit sa eskwela kaya nakakahinga kami ng maluwag ni Mama dahil hindi na iyon inintidihin pa. Ngayon ay wala na. Ewan ko ba.         Tipid na tipid kami dahil malapit ng manganak si Mama kaya kahit na sira na iyong kahoy na kama nila Johan ay hindi pa mapalitan. Sa huli ay pinangsiga na lang namin iyon at naglatag na lang ng banig sa lapag. Titiis tiis lang balang-araw sa magandang kama na din kami hihiga.         “Rica!”         “Ate, tawag ka sa labas!” si Patricia na kadarating lang galing eskwela. Kumpleto na naman kaming pamilya dahil naguwian na ang mga estudyante namin ni Mama.         “Sino ba ‘yan?” Kunot-noo kong tanong. Binitawan ko ang hawak na kaldero na may lamang bigas.           Nagpunas ako ng kamay sa suot kong shorts. Sumulip ako sa pinto at nakita kong tinatanaw ni Ate Azul ang munti naming bahay.       “Bakit, te?” tanong ko at tuluyan ng lumabas para mas makausap siya ng maayos.         “Sali ka daw sa Santacruzan!” sigaw niya sakin.           “Huh? Ba’t ako?” Kumunot ang aking noo. Paano ako nadamay diyan, e, hindi naman ako kagandahan? Hindi naman kapu-tian?         “Ba’t hindi ikaw? Maitim ka lang pero maganda ka naman! Bilisan mo at lumabas ka diyan. Magsukat ka na ng gown!” Lumayo na ito ng kaunti sa kawayan naming bakod.           Umiling ako. Ayoko sumali dahil hindi ako sanay sa ganyan. Hindi ko alam ang gagawin at baka asarin lang ako ng mga kapitbahay namin. Huwag na lang!           “Ayoko, te! Ikaw nga nilait mo kong maitim pero bumanat ka naman ng maganda sa dulo. Ayoko ng ganyan! Hindi ako marunong!” Sumenyas pa ako ng huwag at kuntodo iling ako sa ideya niya na isali ako sa ganyan.         “Suskong bata ito! Maglalakad ka lang naman! Parada lang naman ‘yan! Ikaw ang maganda dito sa bayan natin kaya ikaw ang mag Reyna Elena! Bilisan mo na!” may bahid ng pagmamadali ang kilos ni Ate Azul.           “Ayoko nga! Hanap na lang kayo ng iba.” Tinalikuran ko siya dahil hindi talaga ako papayag sa gusto niya. Isa pa abala ako sa paga-alaga ng mga kapatid ko at sa tinda namin ni Mama.           “Isang libo! Ayaw mo?”       Natigilan ako sa paghakbang papasok sa bahay. Napakurap ako. Totoo ba ito o ginogoyo lang ako nito?         “Isang libo, Rica. Bahala ka sayang naman. Ikaw lang ang niyaya na bibigyan pa ng pera. Nakakaloka.”           Dahan-dahan akong humarap sa kanya. Nakagat ko ang ibabang labi. Gusto ko iyong isang libo. Kailan ba ko huling nakahawak ng papel na kulay blue? Matagal na. Marami akong mabibili non. Ilang Cocoberry ang mabibili ko at aabot ng ilang buwan samin ni Esmeralda ‘yon. Pagkatapos pwede ko ng mabilhan ng masarap na ulam ang mga kapatid ko. Mabibilhan ko pa sila ng bagong bag at sapatos!         Tila kuminang ang aking mga mata sa offer na iyon ni Ate Azul. Napangisi na lang sakin ang huli. Tinakbo ko ang distansya naming dalawa. Sa pagmamadali ay muntik ko pang masira ang kawayan naming bakod.         “Halika na! Hindi mo kasi agad sinasabi na may bayad pala! Mabilis naman akong kausap.” Ikinawit ko ang kamay ko sa braso niya. Tinignan lang ako nito at naiiling na lang ngunit may ngiti sa mga labi.         Simula noon ay naging suki ako sa Santacruzan. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil may bayad. Syempre, sasali ba ko kung walang pagkaka-kitaan. Akala ko nga aasarin nila ako dahil sumali ako sa ganoon. Pero hindi naman. Hindi lang nila ako mapilit sa beauty pageant. Hindi ko kaya dahil may Q&A pa.         Ang dami ko ng problema na iniintindi, wag na nila ako idamay sa ganyan. Masakit lang sa ulo. Sa huling santacruzan ko ay nakilala ako ng baklang event organizer. Naimbitahan ako sa mga mall events para sa local brand ng mga damit. Hindi nga ako makapaniwala. Kasi hindi naman ako gandang-ganda sa sarili. Marami pa kong dapat i-improve pero masaya ako na nakapagside-line ako ng ganito.         Mas lumaki ang kinikita kong pera pero hindi pa rin naman ako tumigil sa pagtitinda ng kakanin ni Mama. Bihira lang iyong alok sakin sa mga events pero masaya ako na napapansin din ang beauty ko kaya heto at tyinatiyaga ko ang sarili sa kakakuskos ng pamputing sabon at kakapahid ng lotion. Puhunan ko na din ang katawan kaya dapat mag-invest ako sa sarili para mas may mga offer pang pumasok para sakin.         Lahat ng kinita ko sa events ay tinitipid ko at nagbibigay ako kila Mama. Lalo na ngayon na walo na kami. Isang taon na si Yolly. Iyong bunso na naming kapatid. Pero hindi pa rin iyon naging sobra para sa pangangailangan namin lahat. Lumalaki na sila Johan at papasok na sa kolehiyo. Mabuti na lang at pasok na scholar pero paano ang iba kong kapatid kung hindi?       Basta makatapos sila ay masaya na ko. Makita ko lang silang umakyat sa stage ay matutuwa na ako. Salamat na lang na matiisin ang mga kapatid ko at hindi ganoon ka reklamador. Pero iyon ang akala ko.       Simula ng nakikita ni Esmeralda na may malaking kita sa pagra-rampa ko sa mga malls. Gusto na din niya gumaya sakin kaso hindi ko pinayagan. May oras kasi na weekdays tumatapat at hindi ako papayag na a-absent siya sa eskwela para dito. Kaya ko pa naman kaya bakit kailangan niyang magmadali. Walang nagawa si Esmeralda pero alam kong masama ang loob niya. Siguro gusto din niyang may mabili para sa sarili niya. Kaya para mabawasan ang sama ng loob ay binibigyan ko siya ng gamit kong pampaganda.           Si Mama naman sa tuwing may raket ako syempre nasa bahay lang siya at nagaalaga ng anak. Walang ibang maasahan dahil apat na sa kapatid ko ang pumapasok na. Susunod na nga si Wilbert dahil maga-anim na. Grade one na sa susunod na pasukan.           “Hi! Ako pala si Randy Cruz, road manager ako. May i-offer sana ako sayo. Kukunin kitang model sa isang event ng Bench. Mas maganda sana kung pagu-usapan natin ito sa opisina namin. Heto nga pala ang calling card ko.” Inabot sakin ng lalaking nagpakilalang road manager ang maliit na piraso ng papel.           Paalis na sana ako sa mall ng harangin ng lalaking payat at matangkad ang aking dinaraanan. Katatapos lang ng pagrampa ko kanina. Nakuha ko na din ang bayad sakin at hindi ko alam kailan ulit ako magkaka-raket. Iniisip ko palang ‘yan kanina pero heto narinig at sinagot na ni Lord.           Natigilan ako at napa-isip. Bench? Iyon ata ang nakikita kong brand ng damit? Mga undies and may gamit din silang binibenta. Sikat na minomodel ng mga artista.         “Kung familiar ka sa Bench Body Fashion Show. Gusto sana kitang kuning modelo. You are hot and sexy. Bagay na bagay irampa sa Bench. If you’re interested, we can talk about the fees sa opisina na. Nandiyan ang office namin sa may Guadalupe.”           Nakatanga lang ako sa kanya. Tila pinoproseso pa ng utak ko iyong offer niya. Naku! Magkano kaya ibabayad nila sakin?         “Magkano po kaya inaabot ng bayad dito? Kaso malayo ang Guadalupe samin. Hihiram pa po ako ng pera para pamasahe papunta sa opisina niyo.”           “Sa mga beginner models namin. Nasa twenty thousand ang bayad. Offer ko na sayo ang twenty.” Nakangiti niyang sabi. Hindi ko alam kung anong mayroon sa mga mata niya pero nahihipnotismo ako. Tumango lang ako sa sinabi niya. Mas lumawak ang ngiti nito.           “Great! Pero kailangan mo magbayad ng five thousand para sa event fee. Pero mababawi mo ‘yon once naibigay na ang twenty thousand. O, diba. May fifteen ka pa.”           “Ah... ganon po ba? Okay po.” Tumango ako at alam kong buo na ang desisyon kong sasali ako sa show na iyon.         “O, sige. Aasahan kita. Kailan ka ba pupunta? May cellphone number ka ba? Para matawagan kita.”         Umiling ako dahil wala akong cellphone. Wala naman kasi akong pambili. Uunahin ko pa ba ‘yon kaysa punan ang mga pangangailangan ng mga kapatid ko?           Nakita ko ang pang-ngiwi nito pero agad ding nakabawi.       “Di bale, ganito na lang. Aantayin kita sa Lunes. Bukas ang office namin ng 8am hanggang 5pm. Aantayin kita.”       Nagliwanag ang mukha ko at tumango.       “Sige po. Pupunta ako!”         Mas lalong napangiti ito sa sagot ko. Tumango ito at nagpaalam na na aalis. Tinanaw ko lang itong naglalakad palayo hanggang sa nawala na sa aking paningin tsaka ako natauhan.     Na-realize ko na may kailangan pang limang libo. Pero mababawi naman iyon dahil twenty thousand ang bayad sakin. Problemado tuloy ako kung saan kukuha ng pera pangbayad kay Mr. Randy.       Iyong huli ko kasing pera na itinabi. Ibinayad ko kay Aling Pacita at binili ng gatas ni Yolly. Wala pang sahod si Papa kaya ako na ang bumili. Naalala ko ang matalik kong kaibigan na si Dana. Alam kong uuwi iyon bukas sa kanila dahil bakasyon niya.       Nagta-trabaho ito bilang katulong sa mayamang nakatira sa Forbes Park sa Makati. Sabi niya mga mayayaman daw talaga nakatira doon kaya galante magpasahod! Siguro naman pahihiramain niya ako. Ibabalik ko din naman agad.           Kaya naman kinabukasan. Bitbit ang paninda kong puto at kakanin ay sinadya ko talaga si Dana sa bahay nila. Hindi lag para bentahan siya kundi para utangan muna.           “Hala, ang laki naman! Baka naman s**m ‘yan? Paano ka nakakasigurado?” Nanliit ang mga mata ni Dana habang tinitignan ako.           “Heto, binigyan niya ko ng calling card. Gusto mo tawagan mo kung totoo. Tsaka pupunta ko sa opisina nila. Kung s**m ‘yan dapat wala silang office. Gawa-gawa lang. Pero siya pinapapunta ako.”         “Huwag na. Naniniwala na ko. Sige at pahihiramin kita ng pera. Basta ibabalik mo ‘to agad kapag may pera ka na, ha?”       Sunod-sunod ang aking pagtango. Sobrang saya ko na may pera na kong maibibigay bukas para kay Mr. Randy! Sure na kong makakasama sa Bench Body Fashion Show! Ang kailangan ko lang mas magpaganda ng katawan. Malay mo may magalok na saking exclusive models nila. Pagnagkataon mas malaki at stable na income na ‘yon!           Tuwang-tuwa ako paguwi sa bahay. Mahigpit na kapit ang limang libong pinahiram ni Dana sakin. Napansin iyon nila Mama.       “Bakit ang saya mo?”         “Ma! Pagdasal mo na magiging model na ko talaga. Para makabili na tayo ng bahay!”             “Ha? Model ka ate? Pwede pala maging model kapag maliit?” inosenteng tanong ni Patricia.           “Hindi naman siya maliit. 5’1 siya! Maliit kung didikitan ng six-footer! Grabe ka kay Ate!” si Johan na ipinagtanggol pa ako.       “Wala kang bilib sa Ate mo? Baka ito na ang sagot sa pagiging mayaman natin! Pagdasal niyo ang Ate!” maligaya kong sabi. Sabay-sabay silang tumango habang si Mama ay nakangiti na rin sakin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD