KABANATA 5

2214 Words
    KABANATA 5:         MAAGA akong gumising kinabukasan. Excited ang lola mo. Syempre, level up ang opportunity para sakin. Paghuhusayan ko talaga ang pagrampa para makakuha ng stable na trabaho sa modelling.       Ganado din si Mama na maghanda ng almusal ko kinaumagahan. Panay ang bukambibig niya na maging maayos ang takbo ng pagpunta ko sa opisina. Medyo kinakabahan ako dahil hindi ako masyadong maalam sa mga lugar sa Maynila. Mabuti na lang at itong si Dana ay luluwas na din mamaya kaya makikisabay ako sa kanya.     Maaga siyang nagpunta sa bahay para sunduin at ihatid ako sa opisina ni Mr. Randy Cruz, iyong road manager. Kumakain pa ko ng dumating si Dana at ng natapos ako ay nagpasya na kaming tumulak pa Maynila.       “Nak! Baunin mo ito. Baka magutom ka kasi sa biyahe. Mainam na may baon kaysa bumili. Sayang ang pera. Heto at meron ka din Dana. Salamat sa pagsama sa anak ko,” si Mama na inabot sakin ang dalawang piraso ng buns na may palamang peanut butter at ganoon din kay Dana.       Binigyan ako ni Mama ng limang daan para sa pagbiyahe ko. Dahil alam niyang wala ng natira sakin. Nagtataka man na may naitago pala siya ay nagpasya akong itikom na lang ang bibig at tanggapin iyon. Sabay kaming nagpaalam ni Dana at umalis na sa bahay namin.       Bumawi ako ng tulog pagka-biyahe. Paano ba naman ay hindi na ako makatulog simula kagabi palang sa kakaisip kung anong mangyayari bukas. Nagising ako ng baba na kami sa Guadalupe.     Pagkababa galing sa bus ay nagtanong tanong pa si Dana kung saan ang Maginhawa Building. Hindi rin naman nagtagal ay nakita namin ang limang palapag ng building. Kaso bakit ganoon? Madilim at parang luma na?       Tinignan muli ni Dana ang address sa calling card pagkatapos nag-angat ng tingin sa building.       “Ito talaga ‘yon, e.”       Tumango ako sa sinabi niya. Hindi na pinansin ang may kalumaan ng building.       “Samahan kita. Halika, akyat tayo. Sa 3rd floor naman itong office niya.”       Hinawakan ni Dana ang aking kamay at sabay kaming pumasok sa loob. Walang guard kaya wala din naman nanita samin pagpasok. Kaya lang sa labas ay may mga ihi pa at mga tambay sa tapat. May mga batang parang sa kalsada na ata nakarita, e.       Ganunpaman, masaya ako na nakarating kami ng maayos ni Dana. Huminto kami sa maliit at mainit na opisina. Sumilip kami sa pinto at nakita naming nakayuko si Mr. Randy at may kausap sa telepono. Kitang-kita namin siya mula sa glass na pinto.         “Ayan siya!” mahina ngunit may bahid ng excitement ang aking boses.  Bumaling ako kay Dana.           “Okay na ko. Pwede mo na kong iwan. Kaya ko ng umuwi din mag-isa. Tinuro mo naman sakin saan ako sasakay, e. Baka ma-late ka pa sa trabaho mo. Pagalitan ka ng amo, mo.” Nakangiti kong baling kay Dana. Naabutan ko itong hindi matanggal ang tingin sa buong opisina ni Mr. Randy.       “Sigurado ka ba talaga dito, Rica?” aniya na may bahid pa ng hinala ang sinabi.     Sunod-sunod akong tumango. Ayan na nga, o! Kitang-kita na may opisina talaga siya. Hindi man maganda iyong building. Mainit at maliit itong sa opisina niya alam kong totoo itong pinasok ko.         Sumulyap siya sakin at tumango. “O, sige. Iwan na kita. Baka mapagalitan ako ng Mrs. Tan at inaasahan niya kong maaga sa mansion nila, e. Mag-ingat ka Rica ha! Sayang wala kang cellphone. Hindi mo ko matatawagan kung nakauwi ka ba sa inyo.”           “Di bale, kapag nakuha ko iyong bayad sakin sa Bench. Bibili din ako kahit maliit at mura lang.”         Tumango lang ito at ngumiti. Nagwave pa sakin bago ako tuluyang iwan sa labas ng opisina ni Mr. Randy. Huminga ako ng malalim at kumatok kaya napa-angat ito ng tingin.       Mabilis na binaba ang telepono at tumayo para pagbuksan ako ng pintuan.       “O, buti nakarating ka! Pasok ka muna,” yaya niya sakin. Tumalikod ito para bumalik sa de plastic niyang upuan. Pasimple kong pinasadahan ang buong paligid. Maliit nga ang space ng office niya. Ang lamesa niya ay puro papel at nahagip ng mata ko ang mga photocopies na may nakalagay na wanted encoder, admin staff, janitress. Marami pala siyang sideline? Pwede palang maghanap ng ganoon ang mga road manager? Akala ko mga models or talents ang hinahanap nila.         Natawa si Mr. Randy at pasimpleng hinawi iyong mga papel sa lamesa. Kinuha nito ang pampaypay na nasa tabi at pinaypayan ang sarili.       “Bueno, dala mo na ba ang pera para sa event fee?” aniya at hinatak ang kulay gray nitong t-shirt para mas mapaypayan ang sarili.     Tumango ako at inilabas ang tigi-isang libo galing sa aking lumang pitaka. Inabot ko sa kanya. Kitang-kita ko kung paano nagliwanag ang mga mata ni Mr. Randy at nakatitig doon sa pera. Mabilis niya iyong kinuha.         “Ayan! So, sure na itong pagsali mo sa amin. Ililista ko na ang name mo,” masiglang sabi niya at kinuha ang isang folder na may listahan ng mga pangalan na hula ko mga inalok din niyang model.       Ngiting-ngiti pa ko at alam kong puno ng excitement at pag-asa ang buong mukha.       “Bale, paano na po ang gagawin pagkatapos nito?”         “Kokontakin ka namin kung kailan ang practice niyo. Pero isang beses lang iyon. Dapat magwork out at mag-diet ka para sexy ka talaga sa araw ng event. May cellphone ka na ba? Paano ka namin kokontakin kapag kailangan ka na sa practice at sa event?” tanong niya pero hindi naman nakatingin sakin kundi sa kaha nito na may lamang pera.         “Uh—wala pa po kasi akong cellphone. Balak ko bumili pagnakuha ko na po ang bayad niyo. Siguro ako na lang po ang kokontak. Mayroon naman akong calling card mo, sir.”         “Ay, oo! Pwede din. Sige at ganoon na nga lang,” sabi niya at nag-angat na ng tingin sakin. Tumayo siya at lumapit sa door glass. Nakatanga pa ako sa kanya.         “Okay na. Pwede ka ng umalis. Tapos na. Pasok ka na sa event,” aniya.         Tumayo ako at todo ang ngiti. “Naku! Salamat po! Pagbubutihan ko po! Salamat po! Mga kailan po kaya ang practice at event?”         “Tumawag ka sakin sa katapusan. Kasi ngayon naghahanap pa kami ng iba. Kapag kumpleto na tsaka kayo magpa-practice. Tapos ang event ay sa a-kinse ng susunod na buwan. Pagusapan natin ang ibang detalye kapag tumawag ka sakin sa katapusan. Inaayos pa namin kasi sa venue,” sabi niya at kinuha ang cellphone sa bulsa ng shorts nito.       Panay ang tango ko at hindi na nagtanong pa. Tuwang-tuwa ako na lumabas doon sa maliit niyang opisina. Nagpaalam ako at tumango lang ito sakin dahil abala na din sa pagdutdot sa cellphone niya.         Nakalutang ata ako sa ulap habang nasa biyahe na pauwi. Excited na kong ibalita ito kila Mama at sa mga kapatid ko. Tiyak na matutuwa sila na may malaki akong raket!       Dahil sa sobrang traffic at kailangan pang punuin ang Bus ay after lunch na ko nakauwi samin. Naglakad pa ko papasok sa barangay namin para makatipid sa pamasahe. Mahal kasi ang tricycle. Sayang din. Inabutan na din ako ng gutom sa daan kaya laking pasalamat ko na binaunan ako ng tinapay ni Mama.       Ang five hundred ko ay may natira pa at nalagasan lang ng dalawang daan. Ibabalik ko din ang sobra kay Mama dahil alam kong kailangan niya ng pera. Pagdating sa bahay ay masaya kong ibinalita kay Mama ang nangyari sa aking pagluwas. Wala pa ang mga kapatid ko dahil nasa eskwela pa. Ang labas ng mga iyon ay mamaya pang alas-kwatro ng hapon.       Tuwang-tuwa si Mama at ganado sa pagluluto dahil sa aking ibinalita. Natatawa ako na hindi pa nga namin hawak ang pera ay pinagpa-planuhan na namin kung anong gagawin doon. Syemprem unang-una ang cellphone dahil kailangan ko sa trabaho iyon. Pangalawa gamit ng mga kapatid ko sa eskwela. Ang bag nila Johan ay tatlong taon na nilang gamit.       Lumang-luma na pero pinagtiya-tiyagaan pa. Ang sapatos nila ay ganoon din. Awang-awa ako sa kanila pero wala naman akong magawa dahil ang mga kinita ko ay hindi naman sapat. Una na naming nabili ay iyong mga papel, notebook at ballpen para sa kanila kaya hindi talaga kasya. Dagdag pa na dumede pa ang bunsong kapatid na si Yolly. Sa tuwing nagdadala ang Papa ng bear brand ay umaayaw na ang mga kapatid sa gatas ng aming ina. Tulad ng nangyari kay Queenie. Alam na nga iyon ni Papa, inulit pa niya. Gusto lang daw niya makatikim ang bunso ng ganoong gatas. Ayan tuloy ayaw na ni Yolly.       Sumapit ang hapon at isa-isa ng dumating ang mga kapatid ko. Abala ako sa pagpi-prito ng galunggong habang ang mga kapatid kong sina Johan, Esmeralda, Patricia at Wilbert ay abala sa pagsagot ng kanilang mga assignments.       Si Mama naman ay nasa kwarto at nagbabantay kay Queenie at Yolly. Natapos ako sa pagluluto.       “Ligpit niyo muna ‘yan at kakain na tayo ng hapunan. Johan, ikaw na ang magsandok ng kanin. Esmeralda, ikaw na ang magpunas ng lamesa. Patricia, kunin mo si Queenie kay Mama para makakain na tayong lahat,” sabi ko at sunod-sunod silang sumunod sakin.       Mabuti na lang mababait ang mga kapatid ko. Matiyaga at hindi reklamador maliban kay Esmeralda. Natuto ng magreklamo ngayon dahil sa nakikita niyang kumikita ako. Kahit naman hinahatian ko na ng gamit. Gusto niya talaga na maging katulad ko. Nakikita ko sa kanya na marami siyang gustong bilhin.         Sa tuwing naririnig ko sila ni Patricia na nagu-usap tungkol sa mga classmates nila. Kumikirot ang dibdib ko na salat sa maraming materyal na bagay ang mga kapatid ko. Pero gusto ko ding malaman nila na hindi lahat ng bagay ay madaling makuha. Lahat pinagsisikapan. Kaya ng marinig ko iyon ay kinausap ko sila. Pilit kong pinapaintindi na kaya namin nararanasan lahat ng ito ay para mas magsumikap kami na maka-ahon sa hirap.         Kung lahat sila ay pare-parehong maghahanap ng trabaho. Pa-chambahan na lang sa ganda ng kapalaran. Pero kung makakatapos ka mas magandang kapalaran ang mangyayari sa buhay mo. Tinuturuan ko sila na ia-appreciate kung anong mayroon kami.       Gawing motivation lahat ng nangyayari samin o sa buhay namin para magsumikap sa buhay. Para paglaki, kami na mismo ang bibili ng mga gusto naming gamit. Hindi na kailangan mainggit. Dahil ang inggit ay nagdudulot ng masama sa tao. Maraming masamang nagagawa ang inggit kaya hanggat maari ayokong maramdaman nila iyan. Kaya paulit-ulit ko silang pinagsasabihan.         Oo lang ng oo si Esmeralda pero pakiramdam ko hindi naman niya sineseryoso ang sinabi ko. Simula noon hindi ko na siya naririnig na nagku-kwento ng kung ano-ano kay Patricia.           Nakahain na ang pagkain sa lamesa. Lahat kami ay nakaupo na. Nagdasal muna bago nagsimulang atakihin ang hapunan. Habang ang lahat ay sarap na sarap sa kanilang pagkain ay nagpasya akong ibahagi sa kanila ang magandang nangyari sakin ngayong araw.         “Nakapasok na si Ate sa event ng Bench. Next month na iyon at kikita ako ng malaki-laki. Pwede ko na kayong bilhan ng bagong bag at sapatos!” masayang anunsyo ko sa kanila.       Namilog ang kanilang mga mata at halata mo ang tuwa sa kanilang mga mukha ng marinig ang magandang balita.       “Talaga, ate?!” si Patricia na natigil sa pagsubo at buong atensyon niya ay na sa akin na.       Nakangiti akong tumango.       “Pwede mo ba akong bilhan ng bagong uniporme? Kasi iyong uniform ko sobra ng luma at nabubutas na sa kakalaba,” si Patricia. Tumango ako dahil alam kong kailangan niya rin iyon. Si Johan at Esmeralda kasi ang nabilhan namin dahil iyon palang kaya ng pera.     “Ako din, ate!” sabay na sabi ni Diego at Wilbert. Iisa lang kasi uniporme nila at araw-araw nila iyong nilalabhan para magamit kinabukasan.         Bumaling ako kay Johan na nakangiti habang kumakain.     “Ikaw, Johan?” tanong ko sa kapatid. Sumulyap ito sakin at umiling.       “Sigurado ka? Wala kang kailangan?”         Umiling ito. “Iyong bag at sapatos lang, ate. Sabi mo naman bibilhan mo kami.”     Tumango-tango ako at bumaling kay Esmeralda na nakatingin na sakin at mukhang may sasabihin.       “Ako, ate! Make-up!”       Napakurap ako sa request niya. Iyong iba naming mga kapatid iniintindi gamit sa school. Iyon ang gustong ipabili. Siya iba? Gusto ko sanang umalma. Pero naalala ko na mayroong sama ng loob sakin si Esmeralda. Gusto ko din maging okay kami at walang samaan ng loob.         “Bakit make-up? Magpapaganda ka? Bawal naman sa school, ‘yon!” sita ni Johan pero sinimangutan siya ni Esmeralda.       “Nagtatanong si Ate ano ‘yong gusto. Sinagot ko lang naman. Tsaka magpa-praktis kasi ako magmake-up para kapag marunong na ko. Pwede akong magmake-up sa iba at pagkakakitaan ko ‘yon!”       “O, ‘wag mag-away sa harap ng pagkain!” sita ni Mama habang kandong si Yolly sa hita niya.       Napatango-tango ako sa sinabi ni Esmeralda. May punto naman din siya. Kaya pinagbigyan ko na. Nahuli kong sumimangot si Johan bago bumaling sa sarili nitong plato.       “Okay ba, Ate?” tanong ni Esmeralda.         Tumango ako at nginitian siya.         “Yes!” masayang sabi ni Esmeralda. Excited itong kumain at hindi maalis-alis ang ngiti sa kanyang mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD