Kabanata 15: Kilig.
Ayla’s POV:
Buong gabi kong pinag-isipan kung sasabihin ko ba sa Mama at Papa ko ang nangyari kahapon pero nakapagdesisyon akong huwag na ipaalam sa kanila dahil sigurado akong ma-i-stress lang sila kapag nalaman nila ang nangyari. Hindi ako nakatulog nang maayos, tatlong oras lang yata ang naitulog ko nang dahil sa labis na pag-iisip.
“Inaantok ka… hindi ka nakatulog nang maayos kagabi?” tanong ni Stryker nang makaupo na ako sa tapat ng lamesa.
“Sino bang makakatulog nang maayos sa nangyari?” bumuntong-hininga ako. “Ayaw kong sabihin kila Mama at Papa ang nangyari. Sana huwag mo na lang ding sabihin sa kanila.”
Umiling si Stryker. “Don’t worry, I won’t. I respect your decision.”
Tahimik na nginitian ko siya at nagsimula na akong kumain ng almusal. Kung ilang araw kaming nagbabangayan, ngayon nakakapanibago na tahimik kaming dalawa habang kumakain. Wala akong ganang makipag-asaran sa kanya kahit na minsan ay may nasasabi siyang dapat kong ikainis.
“Ihahatid kita sa school,” aniya.
“Ayos lang ako, kaya kong mag-isa.”
“No, I insist. Mag-j-jeep ka na naman? Ihahatid kita at susunduin. Anong oras ang labas mo?”
“Ihatid mo lang ako, kahit huwag mo na akong sunduin.”
“Ayla… akala ko natatakot ka?”
“Natatakot saan?” Nag-angat ako ng kilay. “Hindi ba sabi mo sa akin kagabi, ini-report mo na sa pulis ang nangyari?”
“Oo nga, pero kahit na… hindi natin alam ang pwedeng mangyari. I want to make sure you’re safe. Afterall, you’re my wife now and my priority is to protect you.”
Pagak na natawa ako. “Muntik na akong kiligin.”
“Sus! Kinilig ka talaga!” bulalas niya. At saka naglakad palapit sa akin at ingaw ang hawak kong bag at ilang school materials. “Ihahatid kita sa ayaw at sa gusto mo. Hangga’t nasa puder kita, ako ang masusunod.”
“Gano’n?” Napangisi ako.
Hinayaan ko na lang siya sa gusto niyang gawin. Siguro naawa rin siya sa akin dahil nakita niya akong natakot kahapon. Natakot naman talaga ako, hindi iyon drama! Akala ko talaga makikidnap na ako kung kailan matanda na ako. Kapag naaalala ko ang putukan ng baril, kinikilabutan ako. Ang ipinagtataka ko lang, bakit kaya hindi iyon naibalita sa TV?
“May ibinalita ba sa TV tungkol sa nangyari kahapon?” tanong ko kay Stryker habang naglalakad kami palabas ng bahay.
“Wala…” sagot niya. “Hindi ibabalita ng media ang isang bagay na siguradong ikaka-panic ng mga tao.”
“Dapat nga ibalita nila para mas maging maingat ang mga tao,” I replied.
“You’re so innocent to know things like that, Ayla.” Iiling-iling na sabi niya.
Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niya pero hindi na ako nakapagtanong nang huminto kami sa tapat ng kotse at pagbuksan niya ako ng pinto.
“Sa harap ako?” takang tanong ko.
“Oo, hindi mo ako driver. Asawa mo ako.”
Umirap ako at pumasok sa kotse. Pagkapasok ko ay umikot siya para sumakay sa driver’s seat. Saka niya inilagay sa likod ng kotse ang bag ko at ilang gamit. Isusuot ko na sana ang seat belt ko nang siya na mismo ang gumawa no’n para sa akin.
Napalunok ako nang marahas nang lumapit ang katawan niya sa akin at naramdaman ko ang kaba sa aking dibdib. Hindi ako nakapag-react lalo na nang mag-angat siya ng tingin sa akin at nagkatitigan kami sa mga mata.
“Sira ang seatbelt nito kaya ako na ang nagsuot para sa ‘yo,” paliwanag niya.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko saka marahang tumango.
“Why are you biting your lips? Inaakit mo ba ako?” naningkit ang mga mata niya.
Na ikinabilog naman ng mga mata ko. “H-hindi ah!”
Napailing si Stryker at saka lumayo mula sa akin pero hindi nawala ang nakakalokong ismid sa kanyang labi. “Namumula ka. You’re such a cutie.”
“Cutie?!” bulalas ko.
“Cute innocent little girl,” sagot niya. “Huwag mo akong akitin, para ka lang batang maliit sa akin.”
“Batang maliit?!”
“Oo, tingnan mo nga ang hinaharap mo? Anong size niyan? Cup A?”
“Aba’t siraulo ito, ah!” reklamo ko. “Hindi ‘to Cup A!”
“Marami na akong nahawakan at nakitang ganyan, kabisado ko na kung gaano kalaki ang size.”
Mas lalo pang nag-init ang ulo ko. HIndi ba talaga matatapos ang araw na hindi kami mag-aaway? Palagi na lang niya akong iniinis! Nakakainis talaga siya, ano bang pakialam niya sa dibdib ko?
“Ewan ko sa ‘yo! Magmaneho ka na nga at ma-le-late na ako sa trabaho! Hindi naman ako kagaya mo na direktor ng kompanya!” sabi ko. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at lumingin sa bintana.
Alam kong namumula na ang mukha ko sa sobrang inis. Baka kung ano pa ang maidagdag niya sa sasabihin niya sa akin! Mabuti na lang at pinaandar na niya ang kotse. Buong byaheng tahimik ako, hindi ko na siya kinibo. Masama ang loob ko na sinabi niyang cup A ang bra ko, hindi naman ‘no! Cup B ito kahit na papaano!
Pagkarating sa school, bababa na sana ako pero nahirapan akong alisin ang seatbelt ko.
“Ako na ulit, sira nga iyan,” ani Stryker saka lumapit sa akin para alisin.
At dahil conscious nga ako sa dibdib kong pinuna niya, medyo lumayo ako sa kanya nang kaunti para hindi niya mapansin. Pero mas lalo niya lang yatang napansin dahil napahalakhak siya.
“Ang pikunin mo talaga, Mrs. Mariano,” natatawang aniya.
“Ewan ko sa ‘yo, bababa na ako.”
Binuksan ko ang pinto at akmang bababa na sana nang pagbaba ko ay nakita ko ang ilang co-teachers ko na nakatingin sa akin. Nakangiti silang lahat na para bang nag-aabang na makasagap ng bagong tsismis!
“Babe, kiss ko?” tanong ni Stryker mula sa likuran ko.
Namilog ang mga mata ko nang dahil sa pagkabigla. Hinarap ko siya at pinanlisikan ko siya ng mga mata pero patuloy lang siyang nakatingin sa akin at nakangisi. Hanggang sa ngumuso siya at saka bumulong-bulong.
“Nakatingin sila sa atin. Remember, Ayla, asawa mo ako.”
Gusto ko siyang sakalin sa sobrang inis. Pero wala akong magawa kundi ang lumapit sa kanya at bumulong nang malapit na ang labi ko sa kanya.
“Lagot ka sa ‘kin mamaya…” bulong ko.
“Excited ako kung anong klaseng lagot ba ‘yan, Mrs. Mariano.”
Umirap ako at mabilis na idinampi ang labi ko sa kanya. Mabilis lang sana iyon pero hindi siya nakuntento at hinawakan niya ang likod ng ulo ko para idiin ang mga labi namin. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat.
“I love you! Sunduin kita mamaya,” sigaw niya at saka ako kinindatan.
Napapikit ako nang mariin. Gusto kong humiyaw sa inis lalo na’t narinig ko ang hagikgikan ng co-teachers ko sa likod.
“Sige… I love… you too,” nauutal na sabi ko at saka siya tinalikuran at nagmamadaling pumasok sa gate.
Binilisan ko ang paglalakad ko pero ang co-teachers ko ay parang si flash sa bilis! Humawak sila sa magkabilang braso ko habang kinikilig na nagtanong.
“Iyon ba ‘yong kumakalat na asawa mo raw, Ma’am Ayla?” kinikilig na tanong ni Ma’am Yvette.
“Akala namin habambuhay ka nang Mama Mary! Ang gwapo ng asawa mo!” bulalas ni Ma’am Irene sa kabila.
“Pwede bang mamaya ninyo na ako gisahin? May klase pa tayo!” saway ko sa kanilang dalawa.