Leana's POV
Dinampot ko ang maliit kong backpack at tiningnan kung kumpleto ba ang lahat ng kailangan kong dalhin. Dalawang buwan na ang nakalipas mula ng mangyari ang mga kaganapan na tumatak sa memorya ko at mananatili sa puso at isipan ko. Dalawang buwan na matapos pumanaw si Mamang Caring at dalawang buwan na rin matapos ang naging mainit na tagpo namin ng isang tanyag at mayaman na lalaki.
Ngayon ang araw ng isang malaking event sa roofdeck ng JDM Mall. Isang sikat at malaking mall sa bansa. Ang event ay gaganapin sa pinakamalaking branch nito sa ka-Maynilaan. Kaya naman nag-ayos akong maigi. Sa event na raw iaabot ang magiging uniform namin pero dito pa lang ay nag-ayos na ako ng sarili at siniguro kong presentable ang sarili ko. Itinali ko ng pa-bun ang buhok ko at siniguradong walang buhok na malalaglag. Baon ko ang hairnet na isa sa mga importanteng susuotin ko mamaya. Malayo-layo ang ibabiyahe ko. Kung susumahin ay humigit dalawang oras din. Kaya naman nagmamadali na akong humakbang palabas ng silid ko at isinigaw ang pangalan ni Chander.
"Chander! Aalis na ako! May pasok ka sa school hindi ba? Gumising ka ng baklita ka!" tungayaw ko dito.
"Opo, gising na!" sagot lang nito mula sa kwarto nito. Napangiti na lang ako dito. Napupuyat kasi ito hindi dahil sa pagse-cellphone at pakikipag-chat. Kung hindi dahil nagsusulat ito ng mga romance story sa isang platform. Ang kinikita nito ang ginagamit nito sa pag-aaral.
Natutuwa ako at natupad na nito ang pangarap nitong makapag-aral at kumita rin ito sa kinahihiligan niya. Dati ay sa notebook lang ito nagsusulat ngunit ngayon ay sa isang writing platform na. Inabangan ko muna itong lumabas ng kwarto bago tuluyang umalis. Kusot-kusot ang matang lumabas ito ng kwarto at humakbang palapit sa akin.
"I-lock mo ang pinto at aalis na ako." bilin ko dito. Akmang aalis na ako ng kinalabit ako nito sabay lahad ng perang papel sa akin. Kung titingnan at tag isang daan iyon at base sa pagkakatupi ay nasa tatlong piraso iyon.
"Ano iyan?" kunot ang noong tanong ko dito.
"Pera! Hala! Ang tanda na hindi pa alam!" pagmamaldita pa nito sa akin. Pinanliitan ko ito ng mata dahil sa niloloko na naman ako nito.
"Ang tinatanong ko ay kung para saan iyan?!" nandidilat ang matang asik ko dito.
"Baon mo! Malayo iyon, 'di ba?" nakangisi nitong sagot sa akin.
"May pera akong baon dito. Itabi mo iyan para pang-budget mo sa school. Huwag kang gastador!" naka-ambrisiyete kong sambit dito habang binibigyan ito ng babalang tingin.
"Hala siya! Binibigyan lang kita, gastador na?" nakanguso nitong sambit na sabay titig sa sahig. Hindi na kailangan sabihin at alam kong nagtatampo ito. Inabot ko na lang ang binibigay nitong pera at baka tuluyang magdamdam kapag hindi ko pa kinuha. Magiging alalahanin ko pa ito habang nasa biyahe.
"Sorry na! Sige na at aalis na ako. Mag-iingat ka!" ginulo ko ang buhok nitong magulo na talaga dahil bagong gising lang siya.
"Ikaw din! Ingat ka huh? Sana makatisod ka ng jowa para hindi ka na lonely." ramdam ko ang sensiredad sa mga salita nito ngunit hindi ko maiwasan mabwisit sa huling sinabi nito. Kaya nilingon ko ang ulo ko sa direksiyon niya at binigyan ulit ito ng matalim na tingin. Tanging peace sign lang ang binigay nito habang nakangisi. Iiling-iling na lang akong humakbang at hindi na pinansin ang pang-aalaska nito sa akin. Pero nakailang hakbang pa lang ako ng makaramdam ako ng pagkaliyo. Huminto ako sa paghakbang at pinakiramdaman ang sarili. Tumingin ako sa kapaligiran at tila nagsasayawan ang lahat.
"Lumilindol ba?" tanong ko sa sarili.
"Anong nangyayari sa iyo, Ate?" puno ng pag-aalalang tanong ni Chander na nasa pintuan pa rin pala at pinapanood ang pag-alis ko. Marahil ay nagtaka ito sa pagtigil ko. Napahawak ako sa ulo ko at pinapakalma ang sistema ko.
Naramdaman ko ang paghawak ni Chander sa kanan kong braso.
"Ayos ka lang ba?" puno pa rin ng pag-aalala ang boses nitong sabi.
"Oo! Siguro kasi hindi ako nakapag-almusal kaya ako nahilo." pagdadahilan ko dito. Kahit sa totoo lang ay may kutob na ako dahil ilang umaga na akong nagigising sa umaga na naduduwal. Pangalawang buwan ko na rin na hindi ako nagkaroon ng buwanang dalaw. Sana lang ay mali ang hinala ko.
"Sigurado ka? Mag-almusal ka muna kaya?" nasa tono na nito ang halong inis at pag-aalala sa kaalamang hindi man lang ako kumain muna bago umalis.
"Oo! Sa sasakyan na lang ako kakain. Bibili ako ng tinapay at maiinom." sagot ko na lang upang hindi na humaba ang usapan namin.
"Huwag ka na lang kayang umalis?" pagpipigil nito sa akin at nag-aalala na sa lagay ko.
Hindi pwede! Ano ka ba?!" natatawa kong tugon dito.
Tumunog ang cellphone ko at nakitang si Zandra ang tumatawag kaya kaagad kong sinagot.
"Babae! Sumabay ka na sa akin at nagpahatid ako sa pinsan ko. Para makatipid ka ng pamasahe at fresh tayo pagdating natin sa event venue." ramdam ko ang kasiyahan sa tinig nito.
"Wow! Mas ayos nga iyan, salamat. Paano susunduin ninyo ako dito?" paniniguro ko sa sinabi niya.
"Oo! Malapit na kami diyan." masaya nitong sagot kaya pinapasok ko na sa loob si Chander at sinabing hindi na ito kailangan pang mag-alala dahil may sasakyan naman kami papunta at may makakasama na ako.
Tumango ito pero hindi pa rin umalis sa tabi ko at tila nakikiabang sa pagdating nila Zandra.
Isang mini van na kulay silver ang parating. Mula sa bukas na bintana nito ay masayang kumakaway sa amin si Zandra.
"Pasaway talaga ang baabeng ito " bulong ko sa sarili at natatawa na lang.
"Hi, Chander! Sama ka?" masayang tanong ni Zandra sa bukas na bintana nang tumapat na ito sa amin.
"Cannot be! May pasok ang diyosa!" maarteng tanggi ni Chander at tila mahaba ang buhok na hinawi pa ito at nag-wave ng kamay paalis. Natatawa naman si Zandra sa ginawa ni Chander.
"Hop in!" kayag ni Zandra kaya pumasok na ako sa loob. Sa passenger seat nakaupo si Zandra at ang driver naman ay ang tingin ko na tinutukoy ni Zandra na pinsan niya.
"Hi!" nakangiting lumingon ang lalaki sa akin. Lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang pisngi nito. Clean cut ito na tila Alden Richard ang pagkakagupit habang nakasuot ito ng isang branded na shirt. Marahil ay nasa mahigit bente lamang ang edad nito. Napakalinis nitong tingnan at nakakaaliw ang pagngiti nito na tila inaaya kang ngumiti rin dito. Hindi ko nga napigilan mapangiti dito at inabot ang palad nitong nakalahad sa akin.
"Caleb nga pala! Caleb Sebastian Connor but you can call me... Leb!" nakangiting pakilala nito na nagpapalitaw ulit ng dalawang biloy sa magkabilaang pisngi nito at ng mapuputi at pantay na pantay na ngipin nito.
"Ako naman si Leana. Nice meeting you, Leb!" masigla kong pagpapakilala sa kanya.
"Iyan! Alam mo ba kung bakit Leb?" tanong nito habang nakangisi.
"Bakit? Siguro, dahil Caleb name mo?" tanong ko dito.
"Hindi!" halata ko ang pagpipigil nito ng tawa.
"Bakit nga ba Leb?" pagsakay ko na lang dito.
"Kasi, Leb na Leb kita!" bulalas nito sabay hagalpak. Napakagaan naman ng awra ang taong ito.
"Tumigil nga kayong dalawa! Ang ko-corny ninyo." suway sa amin ni Zandra.
" Pinsan mo siya?" tanong ko kay Zandra.
"Sa kasamaang palad? Oo!" maarte at tumitirik ang matang sagot ni Zandra sa tanong ko.
"Grabe ka sa akin! " nagtatampong sambit ni Caleb at pinaandar na ang van.
"Saka huwag ka nagpapaniwala na Leb ang nickname niyan. Caleb lang talaga! Ewan ko kung ano na naman pumasok sa kukote niyan?" natatawang sambit ni Zandra.
"Hahaha! Kidding aside, bou can call me whatever you are comfortable with." nakangiting sambit ni Caleb at mabilis akong tiningnan mula sa rearview mirror.
Gumanti lang ako ng ngiti dito bago muling tinanong si Zandra.
"Paano kayong naging magpinsan eh parang pang American ang apelyido niya?"
"Ang tita ko nakapangasawa ng Amerikano kaya nagkaroon ng pasaway na Caleb sa mundo." natatawa nitong sagot.
"Ahh! Sino matanda sa inyo?" usisa kong muli.
"Ako! Kung four years ang tanda ko sa iyo kay Caleb naman two years lang. Kaya ate niya ako, pero hindi niya ako tinatawag na ate. Bastos na bata!" napapailing na sambit ni Zandra.
"Ate, ate, ate, ate, ate!!! Okay na ba iyan?" nakakalokong tanong ni Caleb.
"Baliw ka talaga! Mag-focus ka nga sa pagdra-drive." tila batang pinagagalitan si Caleb at sinusuway ito sa kakulitan.
"Pagdating natin sa bayan eh kumain muna tayo kahit sa fastfood lang. Gutom na ako at hindi pa nakakapag-almusal. Medyo mahaba ang biyahe natin." biglang basag ni Caleb sa katahimikan habang binabagtas namin ang kalsada patungong bayan.
"Baka ma-late tayo!" nag-aalalang remind ni Zandra sa pinsan na may importante pa kaming lakad at siyang sadya kung bakit kami bumabayihe.
"Hindi! Hindi kayo male-late, promise! Saka mabilis lang tayo and wala naman kayong magagawa. Bukod sa sasakyan ko ito, ako pa ang driver niyo. Mag-commute ka na lang kung gusto mo." tudyo pa ni Caleb sa huli kay Zandra.
"Tadyakan kita eh. Sige na nga! Basta libe mo kami, huh? " payag na rin ni Zandra.
"Sure!" mayabang na tango ni Caleb sa pinsan. Napapailing at napapangiti na lang ako sa dalawang ito. Tahimik lang ako dahil muli akong nakaramdam ng pagkahilo.
Nakarating nga kami sa bayan at kaagad na mabilis na umorder si Caleb drive thru at mabilis naming kinain ito sa loob ng sasakyan habang nakapark kami sa parking ng fastfood na binilhan namin. Hindi katulad kanina ay mas mainam na ang pakiramdam ko ngayon. Wala kasi akong gana kanina kaya hindi ako nag-almusal sa bahay. Ngunit ng malamnan ang sikmura ko ay mas naging maayos na ako.
Binabagtas na namin ang highway nang isang malaking billboard ang natanawan namin. Alam kong larawan lamang itong ngunit ang titig ng lalaki mula sa larawan ay tila tumatagos sa buong pagkatao ko. Isang malaking billboard ukol sa jewelry store nito kung saan ay naka-ambrisiyete ito habang nakasuot ng itim na tuxedo.
"Ang gwapo ano? Kaya lang malabong maging jowa iyan! Tipong nasa tabi ka pa lang niyan manginginig ka sa pinaghalong kilig at takot. Kilig sa kagwapuhan at takot baka mapasama ka sa mga kinasuhan niyang babae. Hahaha!" natatawang puna ni Zandra sa lalaking nasa billboard. Walang iba kung hindi si Mr. Montecarlo.
"Sus! Mas gwapo pa nga ako diyan." napapailing na sambit ni Caleb. Nasa intersection kami at nakapula ang traffic light sa gawi namin. Kaya naman mas natitigan ko ang billboard. Hindi ko alam pero tila binubulong ng puso ko na balikan ito ngunit ang utak ko naman ay nagpa-panic sa kabaliwan ng puso ko. Hindi ko pa rin makalimutan ang lahat ng nangyari sa amin nang gabing iyon.
Hindi ko nga rin alam magiging reaksiyon ko kapag muli kaming nagkita. Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko. Nagtuloy na muli ang biyahe hanggang makarating kami sa JDM Mall. Napakaganda ng mall na ito at nakakalula. Pakiramdam ko kapag nilibot ko ito ay maliligaw ako sa loob. Kaya todo ang kapit ko sa braso ni Zandra nang makababa kami ng sasakyan.
Nagpaalam na kami kay Caleb.
"May pupuntahan akong importante dito kaya kung magpapahatid kayo pauwi sabihan ninyo ako." bilin sa amin ni Caleb at nagpaalam na kami dito.
Pagpasok sa loob ng mall ay sobrang akong nalula. Sumakay kami ng elevator na salamin ang wall kaya kitang-kita namin ang kapaligiran ng mall habang umaakyat ito.
"Mamaya pa ang start ng party. Kaya pwede muna tayong maglibot while waiting sa time. Kunin lang natin ang uniform natin kay Ma'am Grace at mag-in tayo sa log book. " agaw ni Zandra sa atensiyon ko habang abala ang mga mata ko sa pagmasid sa kapaligiran ng mall habang paakyat ang elevator. Napatigil kami sa isang palapag dahil may bumababa. Nasa walong palapag pala ang taas ng mall na ito. Nakarating na kami sa itaas at nang pagbaba ng elevator ay isang hagdan na may ilang baitang ang inakyat pa namin. Bumungad sa amin ang roofdeck kung saan ay nadedekorasyonan na para sa selebrasyon ng anibersaryo ng mall na ito, kung saan ay siya rin na kauna-unahang branch nila.
Marami na ang abalang staff sa pag-aayos at ang iba ay tila nagpa-panic pa. Lumapit kami sa may long table kung saan naroon ang mga makakasama namin. Sila ang bahala sa pagkain at kami naman mamaya ang magse-served ng mga drinks sa table. Kaya hindi pa kami abala. Inabot lang sa amin ang tshirt kung saan may print na ukol sa anibersaryo ng mall pati na rin ang black apron na may tatak ng pangalan ng catering. Kasama nito ay inabot din ang id na may kasamang maliit na pin kung saan nakalagay ang pangalan namin.
Pinayagan kaming gumala muna kaya heto ako at nakabuntot kay Zandra. Ito ang may kabisado sa paligid.
Naaliw ako sa pagtingin sa mga cute na staff toys sa isang gift shop nang paglingon ko ay wala na si Zandra. Ano ba naman iyan?
Hindi bale! Sasakay na lang ulit ako ng elevator mamaya pag time na. Inabala ko na lang ulit ang sarili sa pagtingin-tingin.
Napadaan ako sa department store at napagawi sa mga babies clothes. Natuwa ako sa mga disenyo at kung gaano ka-cute ang mga ito.
Nasa dulong bahagi na ako nang mapansin kong may mga matang tila nagmamasid sa akin. Luminga-linga ako hanggang sa magawi ito sa lalaking nakatitig nga sa akin. Tila nanigas ako mula sa pagkakatayo at namuo ang pawis sa aking noo sa tindi ng kaba.
Dahil sa hindi inaasahan ay muli kaming nagkita.
Matiim ang titig nito sa akin at kasunod ay kumorte ang labi nito pangisi. Hindi ko alam pero lalo akong kinabahan dahil puno ng pagbabanta ang ngising iyon. Bumibilis ang t***k ng puso ko at tila anumang oras ay hihimatayin ako.
Dahil muling nagtagpo ang landas namin ni Jake Dreco Montecarlo!