KABANATA 4:
HINIHINGAL PA AKO nang magising mula sa isang kakaibang panaginip. Kaagad na bumangon ako sa papag ko at saka napakamot sa ulo. Napaisip ako bigla, totoo ba 'yong napanaginipan ko?
Letisha Mae Valderama.
Tandang-tanda ko ang pangalang 'yon doon sa panaginip ko, pero hindi ko alam kung bakit imbes na Micaella Reyes ay Letisha Mae Valderama ang pangalan ko roon. Hindi ko lubos maisip kung bakit. Bakit nga ba? At saka, paanong napunta ako sa langit tapos nakipagkasundo ako sa isang lalaki para ibalik ako sa lupa at ma-reincarnate?
Oh shems! Paano ko ba iintindihin 'to? Hindi ko ma-gets kung paanong may ganoong klaseng panaginip ako.
Kaagad na tumayo ako paalis sa papag at saka dumiretso sa labas ng kwarto papunta sa banyo para maligo. Kailangan kong mahimasmasan kasi baka masyado lang lumalawak ang imagination ko. Noon pa man, marami na talaga akong napapanaginipang kakaiba about kay Letisha Mae Valderama. Kamukhang-kamukha ko siya at parang ako talaga iyong nasa panaginip ko. Pero ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit at paanong napapanaginipan ko siya. And now, my dream is very clear, nakumpleto na iyong glimpse lang noon na napapanaginipan ko. May boyfriend si Letisha, si Rufert. And he looks like someone I know pero hindi ko lang talaga maisip kung sino. Iyong tipong alam ko pero hindi ko alam! Ewan!
Naligo na lang ako para malamigan iyong utak ko kahit paano. Sumasakit ang ulo ko sa kaiisip sa lintek na panaginip kong 'yon e.
After kong nakaligo, kaagad akong lumabas ng banyo. Naamoy ko kaagad ang niluluto ni mama na sinangag na may itlog. Kaagad na kumulo ang tiyan ko dahil sa amoy. Nakakaloka rin talaga itong tiyan ko e, kanina hindi naman nagugutom pero no'ng makaamoy ng pagkain, biglang nagising!
"Mommy–" natigilan ako sa pagtawag kay nanay. Teka, bakit mommy ang lumabas sa bibig ko? "Nanay! Anong ulam? Bukod sa sinangag?" tanong ko.
Hindi ko na inintindi ang pagkakamali ko. Nitong mga nakaraang araw, bukod sa mga panaginip na unti-unting lumalamon sa mga isipin ko sa buhay. May mga pagkakataon pang may mga eksena sa buhay ko na para bang nangyari na, parang bang nagawa ko na noon. Mayroon ding mga naaalala kong nagawa ko, pero hindi ko naman talaga nagawa. Hindi ko na nga alam kung ano ang gagawin ko sa sarili ko. Imbes na kasi ang isipin ko lang ay 'yong mga problema ko sa buhay, pati na rin ang pag-aaral ko, pinoproblema ko pa pati itong mga lintek na visions ko.
"May pritong manok dito. Iyong adobo na ulam natin kagabi, pinrito ko na para hindi nakakasawa!" sagot niya.
"'Yon! Masarap iyan panigurado! Sinangag plus pritong adobong mano!" Excited na naupo ako sa silya kaharap ng lamesa kung saan naroon na't nakahanda ang pritong adobong manok. Hindi ko 'to naamoy kanina noong lumabas ako ng kwarto kasi masyadong occupied ang utak ko ng kung anong kalaseng panaginip kanina.
"Magbihis ka nga muna! Naka-towel ka pa, pagkain na ang nasa isip mo!" inis na bulyaw sa akin ni nanay.
Napatayo ako sa silya at saka biglang tumakbo papasok sa kwarto ko. Nakalimutan kong kagagaling ko lang pala sa banyo. Ito na nga iyong mga nangyayari sa akin. Kung minsan dahil sa mga napapanaginipan ko at iyong mga visions ay nakakalimot ako. Parang short term lang naman, 'yong tipong ginagawa ko ngayon tapos nakakalimutan ko na.
Binilisa ko na ang pagbibihis ng uniform. Kumakalam na talaga ang sikmura ko at hindi na dapat ipagpaliban pa itong gutom na nadarama ko. Matapos kong magbihis, bitbit ko pa ang suklay ay lumabas na ako at naupo sa silya.
"Ang bilis talaga 'pag masarap ang pagkain!" Nanliliit ang mga mata ni nanay habang isinasalin ang sinangag sa mangkok.
"S'yempre, sino bang hindi bibilis kapag masarap ang ulam?" pangangatwiran ko pa.
Napailing na lamang si nanay sa sinabi ko. Sanay na kami sa isa't isa. Lumaki akong si nanay na ang nakasama ko mula pagkabata, iniwan kasi kami ng tatay ko noong pitong taong gulang pa lang ako. Iniwan niya kami kasi masyado raw bungangera ang nanay ko at hindi niya ma-take ang kakaibang klaseng bunganga ng ina ko. Iyan ang sinabi sa akin ni nanay, wala rin naman akong magawa kung hindi ang maniwala na lang kasi wala rin siyang ibang maidahilan kun'di iyon lang.
"Kumusta pala ang grades mo? Huwag kang magbubulakbol ha? Hindi bale nang hindi ka first honor, basta hindi bagsak at hindi ka nagbubulakbok para hindi masayang ang baon na ibinibigay ko. Ikaw ang nagpumilit na magkolehiyo, kaya dapat pilitin mo ring makatapos," paalala ni nanay.
"Opo 'nay, hindi ka po magsisisi na pinag-aral mo pa ako ng college," sagot ko naman.
Araw-araw niya akong pinaaalalahanan. Ni hindi kahit minsan niya nakalimutang ipaalala sa akin 'yon kaya paano pa ako makakapagbulakbol? At saka, pangarap ko naman talagang makatapos para maiahon ko naman si nanay sa hirap. Nang dahil sa kaartehan ng tatay, naghirap ang nanay sa pagpapalaki sa akin. Ni hindi rin naman siya tumulong sa pagsuporta sa akin kaya nga kapag nagpakita iyong tatay ko, baka makatikim lang siya sa akin ng mga masasakit na salita.
"Siguruhin mo lang. Kasi kung hindi ka na tutuloy, tulungan mo na lang akong magtrabaho," aniya.
Tumango ako. Kahit naman gustuhin kong mag-working student, ayaw naman ni nanay na gawin ko 'yon. Ang gusto niya, kung mag-aaral ako, mag-aaral. Kung magtatrabaho, magtatrabaho. Hindi raw maganda iyong pinagsasabay ang isang bagay lalo na kung pwede namang hindi pagsabayin. Kaya sinunod ko siya, inuuna ko ngayon ang pag-aaral.
Matapos kong namnamin ang sarap ng pritong adobong manok at sinangag, kaagad na nagtoothbrush ako sa banyo kahit na ayaw ko pa sanang maalis sa bibig ko ang lasa. Hindi naman pwedeng amoy sinangag at manok ang bibig ko kapag naamoy ng maarte kong katabi sa classroom. Hindi ko nga maintindihan kung bakit gano'n siya. Noong nakaraan lang, kaunting mabahong amoy, naaamoy ng gaga! Kung hindi lang siya nerd, baka isipin ko na buntis siya e. Wala naman siyang nakakasamang lalaki kaya paano?
Nagsisimula ang araw ko sa paglalakad ko papunta sa school. Scholar ako sa school na pinapasukan ko. Mataas ang mga grado ko kasi kailangan ko iyon para i-maintain ang scholarship. Ayaw kong masayang ang dalawang taong nag-aaral ako ng kolehiyo. Matatapos na ako sa pangalawang taon ngayong taon at masasabi kong achievement iyon dahil nakayanan kong i-maintain ang grades ko. Wala naman kasing makakasira sa pag-aaral ko lalo na at walang lumalapit na lalaki sa akin. Wala rin akong mga kaibigan na pwedeng mag-bad influence sa akin. May kaibigan ako pero hindi naman palaging nakakasama. Sa lahat yata ng tao sa mundo, ako lang ang walang bestfriend. Hindi kasi ako naniniwala roon. Nadala na ako noong bata pa ako. Nagkaroon ako ng isang bestfriend na tinraydor naman ako after a month. Bestfriend ba 'yon? Kaya nga bata pa lang ako, alam ko nang mahirap ibigay ang tiwala sa isang tao.
Nang makarating ako sa school kaagad na dumiretso ako sa classroom. At ako na naman ang nauna. Kung mayroon lang na award sa best in pinakaunang pumasok sa classroom, ako na yata 'yon. Iyong iba kasi may sinasabitan pang puntahan bago pumasok sa classroom kaya nale-late e.
Language and Literature Assessment ang unang subject namin kaya inilabas ko na kaagad iyong mga gamit sa bag ko na alam kong gagamitin namin. Ilang minuto akong nakatitig sa white board habang naghihintay sa mga kaklase ko. Mayamaya pa ay naupo na si Kristal sa tabi ko na nakatakip na kaagad ang ilong.
"Grabe, ganoon na ba talaga ako kabaho?" prangkang tanong ko sa kaniya.
Umiling siya. "Hindi, ang baho kasi roon sa may canteen. Ang baho ng kinain ng nakatabi ko roon na siomai rice!" aniya.
Napangiwi na lamang ako. Wala na akong masabi sa kaartehan ng babaeng 'to. Pati siomai rice mabaho na sa kaniya. Lume-level up everyday ang mga mababaho for her.
Hindi ko na lang siya pinansin, as long as alam kong hindi ako mabaho, hinayaan ko siya. Mayamaya pa ay pumasok na ang professof namin sa unang subject.
Si professor Marc Rufert Delos Santos.
Umawang ang labi ko habang pinagmamasdan siyang naglalakad papasok sa loob ng classroom. Si prof Delos Santos na madalas tumitig sa akin. Hindi ko alam kung bakit lagi niya akong sinusulyapan. Minsan nga natanong ko na siya about doon pero ang imbes na sagutin ako, sinungitan ba naman ako sabay sabing paranoid lang ako. Ako pa tuloy ang paranoid samantalang siya ang panay tingin.
Now, somehow, ewan ko ba kung bakit parang naging pamilyar sa akin ang mukha niya. Para bang nakita ko na siya noon pero hindi ko lang alam kung saan. S'yempre nakita ko na siya kasi matatapos na ang school year at siya ang professor ko sa buong isang taon. Pero iba, ngayon, parang iba talaga ang pakiramdam ko.
"Tulungan nyo siya! Letisha, please wake up!" Napapikit ako nang maalala iyong boses na iyon sa utak ko. Para bang gumuhit iyon sa isang parte ng alaala ko.
"Huwag kang magsalita nang ganyan, masyado pa tayong bata para mamatay." Napahawak na ako sa ulo ko nang marinig muli ag isa pang kaparehong boses sa utak ko na animo'y bumulong.
Unti-unting rumehistro ang imahe sa utak ko. He was still young back then but I am sure that it was professor Marc Rufert.
"Ayos ka lang?"
Sinubukan kong pukpukin ang ulo ko gamit ang palad ko at saka nilingon si Kristal.
"O-oo, ayos lang ako."
Pero ang totoo, hindi ako ayos. Alam kong may mali talaga sa akin. May hindi talaga tama sa utak ko. Hind ko alam kung lakas-tama lang ba talaga ako o ano pero. . .
Ngayong natititigan ko si Professor Marc Rufert Delos Santos sa harap ko, pakiramdam ko gusto kong malaman pa nang husto ang pagkatao ni Letisha. Kung ano ba ang trip niya at binabagabag niya ang pagkatao ko.
Hindi kaya, minumulto niya ako?