“HINAHANAP KA ni Angelo kanina, ah.”
Natisod sa sofa si Nadja nang salubungin siya ng tanong na iyon ni Ada pagdating niya ng Picka-Picka. Iika-ika na tuloy siya nang maupo roon.
“O, okay ka lang, Nadja?”
“Oo.” Hinilot niya ang nasaktang binti. Pasa na naman sigurado iyon. “Dumaan siya rito?”
“Oo. May usapan ba kayo?”
“Hindi. Wala.”
“Ganon ba? A, oo nga pala. Nakalimutan niya ito kanina. Nagmamadali siya kaya siguro hindi na niya naalala. Ikaw na lang ang magsoli tutal close naman kayo.”
Iyon ang member’s card ng binata. “Itabi mo na lang diyan. Dadaanan na lang siguro niya iyan mamaya pagbalik niya.”
“Sige.”
“Bakit kasi umalis ka pa kanina? Sana ikaw na lang ang nagbigay sa kanya ng mga bulaklak na inayos mo. Mukhang may importanteng sasabihin pa naman ‘yung tao.”
Sinadya talaga niyang hindi magpakita sa shop matapos ayusin ang mga bulaklak na ibinigay niya sa mommy ni Angelo. Naguguluhan din kasi siya sa sarili niya kaya hanggat maaari ay iiwas na muna siya. Nagpaikot-ikot siya sa paligid ng SRC at nakipagkuwentuhan sa mga kakilala niya roon para lang makalimutan ang dilemma niya damdamin niya sa binata. Pero wala ring nangyari dahil na kay Angelo rin ang balik ng isip niya.
“Nadja, may problema ka ba?”
“Ha? Wala naman. Bakit?”
“Nagtataka lang ako. Hindi ka kasi balahura ngayon.”
“Gaga. Sisantehin kita riyan, eh.”
“Uy, huwag naman. Dalawang beses ko pa lang nakakadaupan palad si Papa Jigger. Maawa ka naman sa pagsinta ko.”
Natawa lang siya. Naalala kasi niya na ganon din ang mga choice of words niya kapag si Ian Jack na ang pinag-uusapan. Si Ian Jack…Nakapagtatakang hindi na niya ito hinahanap-hanap. Samantalang noon, malaman lang niyang nasa SRC ito ay hindi na siya mapakali. So, ano ang ibig sabihin niyon? Na nawawala na rin ang pagtingin niya rito? Pero bakit? Dahil ba…kay Angelo?
“Good afternoon, Sir Ian Jack!” narinig niyang bati ni Ada sa bagong dating.
“Good afternoon. Nandito ba si Nadja?”
Nilingon niya ito. “Bakit?”
Nilapitan siya ni Ian Jack. “Can I ask you something?”
“About what?”
“Would you go out with me tonight?”