KARARATING lang ni Patti mula sa mahabang biyahe galing sa party, pero sa halip na dumiretso sa silid at magpahinga, dumaan muna siya sa kusina at kumuha ng wine at glass. Sandali lang siyang naligo bago lumabas ng silid suot ang ternong pajama na may print na Hello Miming. Ito ang madalas niyang isuot noong dalaga pa siya. Sa tingin niya, walang rason para patuloy niyang suotin ang kaniyang mga nightgowns. Nagsusuot lang naman siya nang ganoon para kay Andriano. Pero ngayong wala na ang lalaki, ayaw na rin niyang suotin ang mga ito. Bumubuntong-hiningang naupo siya sa gilid ng kama saka nagsalin ng red wine sa glass na hawak niya. Nakakatatlong simsim pa lamang siya pero dama na niya ang naiipon na luha sa gilid ng mga mata. "Hindi ako dumaan sa lahat ng hirap para lang kalimutan mo."

