MATAPOS marahas na bitiwan ang kamay ni Maggie, walang pakialam nitong kinuha ang kamay niya at hinila siya palabas mula roon.
Nang makalabas ng bakery, nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makalayo sila roon. Tumigil sila sa tabi ng daan malapit sa ilalim ng puno ng niyog.
"Iniiwasan mo ba ako?"
Hindi siya nakasagot sa tanong nito. Hawak nito ang isang kamay niya habang nakatitig siya sa mga mata ng lalaki. Mula roon ay bumaba ang paningin niya sa mga labi nito.
Mariin siyang lumunok nang maramdaman ang biglang panunuyo ng kaniyang lalamunan. "H-hindi. Bakit naman kita iiwasan?"
"Iyan din ang tanong ko. Why are you avoiding me?"
Marahan siyang umiling. "I'm not."
"Ah, talaga?"
Tumango siya at ngumuso. "Oo."
"Nasa iisang bahay lang tayo, pero pagkatapos ng gabing iyon, mahigit dalawang araw na tayong hindi nakikita."
Napatingin siya sa paligid nang makita ang paglingon ng ibang taong sa kanila. "Huwag kang maingay, Andriano."
"Sagutin mo ang tanong ko. Ayaw kong nagpapaligoy-ligoy, Patricia."
"Ay, oo na! Napakaingay mo!" Napairap siya rito.
"Puwes, bakit nga?"
"Ayoko lang isipin mo na may gusto ako sa iyo!"
Bigla itong natigilan. "Akala ko ba, gustong-gusto mo ako?"
Dagli siyang natulala sa narinig bago awkward na tumawa. "A-ano ka? Joke lang iyon, ano!"
Nagsalubong naman ang dalawang kilay nito. "Joke?"
"Yeah! Joke! May iba akong gusto."
Mariin siyang lumunok matapos ng mga sinabi. Kinakain siya ng kaba. Nahihirapan na siyang huminga sa tinatakbo ng usapan nila.
"May ibang lalaki sa buhay mo?"
Mabilis na nag-isangguhit ang mga kilay niya sa narinig. "Maka-ibang lalaki naman ito. May lalaki na akong nagugustuhan. Hindi ikaw iyon."
"At sino naman?"
Gusto niya sanang umiwas ng tingin dito, pero dahil sa tanong na iyon, mataman niyang tinitigan ang mukha ng lalaki. Seryoso ito at para bang naiinis dahil na rin sa pagsasalubong ng dalawa nitong kilay.
Nagtataka siya sa ikinikilos ng binata, pero inisip na lamang niya na ang pride nito, nakadepende sa reputasiyon nito bilang babaero. At sa katulad nitong playboy, hindi ito tumatanggap ng rejections mula sa mga babae, lalo na siguro sa katulad niya.
Agad niyang kinalikot ang dalang cell phone at ipinakita rito ang isang litrato. Picture niya iyon sa 18th birthday niya. Nakasuot siya ng pink gown at hawak sa isang kamay ang mga dried flowers. Natuon naman doon ang buong atensiyon ng lalaki.
"Tuwing birthday ko, may taong nagpapadala sa akin ng mga dried flowers. Gusto ko siya at gusto ko rin siyang pakasalan."
Matagal na natahimik si Andriano habang nakatitig sa picture. Nang balingan siya nito ng paningin, agad niyang binawi ang cell phone at ngumiti rito.
"See? May iba akong gusto. Kaya iyong ginawa natin, wala lang iyon. Di ba?"
Hindi pa man ito nakasasagot, dumating na ang kotse nitong minamaneho ni Maui.
Tahimik silang sumakay hanggang sa makauwi sila ng bahay. Bago pa man makapasok sa loob, mahigpit siyang pinigilan ni Andriano sa kamay. Hinila siya nito kaya bumangga siya sa matitipunong dibdib ng lalaki.
"Bumaba ka mamaya," anito sa mababang tinig.
Dinig nila ang boses ng ama niya mula sa loob ng bahay. Tinatanong nito kung sila na ba ang dumating.
Umiling siya sa lalaki, pilit binabawi ang kamay. "Ayoko nga."
"Kapag hindi ka bumaba, kakatukin ko sa kuwarto si Itay Miyong at sasabihin ko na ang unica hija niya, nakipaghalikan sa akin."
Mabilis na namilog ang mga mata niya sa narinig. "Bina-blackmail mo ba ako?"
"Oo." Kinindatan pa siya ni Andriano bago siya tuluyang binitiwan.
———
MALAPAD na ngumiti ang lalaking si Miyong habang pilyong nakatingin sa binatang si Andriano. Siniko pa nito ang binata at tinaas-baba ang dalawang kilay nang paulit-ulit.
"Mag-iinuman uli kayo?" Umakto ito na parang may iniinom na alak.
Napangiti si Andriano. "Oho, `Tay Miyong."
Lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ng lalaki. "Basta huwag mo masiyadong lalasingin, ha?"
Tinapik nito sa balikat ang lalaki at saka marahan na tumango. Tahimik at puno ng pag-ingat itong umakyat sa hagdan.
Si Andriano naman ay naiwang nakasunod ang tingin sa lalaki. Nang tuluyang mawala sa paningin niya ang matanda, dismayado siyang nagbuga ng hangin.
Ilang araw na rin siyang nananatili sa bahay ng mga ito, subalit hindi niya pa rin naisasakatuparan ang tunay niyang layunin.
Sa tuwing nagkakaroon siya ng pagkakataon na makausap nang salirinan ang tatay-tatayan niyang si Miyong, saka naman siya nawawalan ng lakas ng loob na magsalita.
Kasalukuyan siyang nalulunod sa malalim na pag-iisip nang maramdaman niya ang bigat ng mga yabag sa hagdan. Napangiti siya nang makita kung sino ang taong bumababa na habang panay ang lingon sa itaas.
"Kanina pa nakatulog si `Tay Miyong."
Umangat ang hintuturo ni Patti sa tapat ng mga labi nito saka umiling. "Huwag kang maingay! Hindi ko pa naririnig ang paghilik ni Itay!"
Nang tuluyang makababa ay hinawakan niya ito sa kamay at hinila patungo sa mahabang lamesa. Naghanda siya ng chicharon at adobong mani na may maraming bawang. Ito ang gagawin nilang pulutan ngayon gabi.
Hindi pa man nag-iinit ang pang-upo niya sa silya, natigilan na siya nang makita ang naghihinalang mga titig ni Patti.
"Oh, bakit na naman?"
"Si Itay ang nagsabi sa iyo, ano?"
Napalunok siya nang hindi sadya. "Nagsabi ng alin?"
"Na favorite ko ang mani na may maraming bawang."
Napangiti siya. "Ang feeling mo naman. Tingin mo, mag-e-effort ako nang ganoon para sa iyo?"
"E, ano ito?" Nakaarko ang kilay nang ituro nito ang plato na puno ng maning siya mismo ang nagluto. "Binili mo lang sa tabi? Walang nagbibenta rito ng adobong mani na halos kasing-dami na ng mani ang bawang, ano! Deny ka pa diyan."
Ngumiti na lamang siya bago nagsalin ng alak sa maliit na baso ni Patti. Hindi pa man sila nag-uumpisang uminom, nakailang kain na ito ng adobong mani.
Habang umiinom naman ay panay nakaw-tingin lang siya sa dalaga. Mabilis siyang nag-iiwas ng paningin sa tuwing nababaling sa kaniya ang mga mata nito.
Noon pa man, madali na talaga siyang magkagusto sa mga babaeng may mabibigat na timbang. Mas na-a-attract siya sa kanila kaysa sa mga babaeng payat o hindi kaya'y pang-modelo ang katawan. Siguro dahil mana siya sa yumaong ama.
May timbang na 180 pounds ang mommy niya noong iwan sila nito, pero ayon sa kuwento ni Miyong, higit sa dalawang daan daw ang timbang ng kaniyang ina noong magkakilala at magpakasal ang mga magulang niya.
Mahal na mahal niya ang kaniyang mommy kaya nagkaroon siya ng special feelings para sa mga katulad nitong sexy-chubby; tawag pa ng ama niya sa mga babaeng matataba pero sexy tingnan. Kagaya na lamang ni Patricia.
"Siya nga pala, Andriano, kailan ang alis n'yo?"
Natigilan siya sa pagmumuni-muni nang marinig ang tanong nito. "Gusto mo na ba akong umalis?"
"Oo."
Muli siyang napahinto sa pagtataka. "Bakit mo naman ako gustong umalis? Hindi ka ba nag-e-enjoy sa akin?"
Sa pagkakataong iyon ay ito naman ang natigilan sa pagkain ng mani. Pinigilan niya ang sariling mapangiti nang makita ang biglang pamumula ng magkabilang pisngi nito.
"Ba't naman kita ma-e-enjoy? Pagkain ka ba? Nakakain ka?"
Hindi niya napigilan ang matawa. "Hindi ako nakakain, pero may masusubo ka sa akin. At isa pa, sa atin dalawa, ikaw ang puwedeng kainin."
Lalong namula ang buong mukha ni Patti sa sinabi niya. Namimilog din ang mga mata nito na tila ba gulat na gulat dahil sa mga salitang narinig.
"Pinaglihi ka ba sa p*rnhouse? Bakit ganiyan ang bibig mo?"
"P*rnhouse? How did you know about that site?"
Hindi ito nakasagot at makailang ulit na kumurap. Kapagkuwa'y naging mailap ang mga mata nito.
"Huwag mong iniiba ang usapan. Kailan nga ang alis mo?"
Kumawala ang mahinang tawa mula sa mga labi niya. Natutuwa talaga siya sa ugali nito. Para sa kaniya, strong ang personality ni Patti at marunong din itong magpatawa.
"Maybe next week? I still have some things to do in here."
"Ano naman? Ang kausapin si Don Isidro? Ever since you got here, halos araw-araw ka nang nasa mansiyon nila. Hindi pa rin kayo tapos mag-usap?"
Nagpakawala siya ng hangin bago muling lumagok ng alak. "Ang totoo niyan, hindi lang ako nandito dahil sa negosiyo."
Natigilan sa pagkain ng mani si Patti. "Ano pang dahilan mo?"
Ilang minuto silang binalot ng katahimikan matapos niyon. Walang ibang maririnig sa paligid maliban sa ingay ng pagnguya ng mani ng babae.
"Ang tungkol sa pagkamatay ni Papa."
Natigil sa pagnguya si Patti at maang na napatitig sa kaniya. "Huh? Pero `di ba, namatay sa atake sa puso si Sir Mariano?"
Naglaho ang ngiting makikita sa mukha niya sa tanong na iyon. Matagal niyang tinitigan ang nagtatakang mga mata ni Patti. Sa isang iglap ay napuno iyon ng maraming katanungan.
Sa huli, mahabang buntong-hininga ang pinakawalan niya. "It's best if you know nothing."
"Ayaw mo sabihin?" Nagkibit ito ng balikat. "Okay lang. Hindi naman tayo close para magkuwento ka."
Nakangiti niyang sinandal ang likod sa sandalan ng upuan, saka muling lumagok ng alak. Kitang-kita niya ang pagtatampo sa mukha ng dalaga. Para itong bata na hindi napagbigyan sa gusto nitong bilhin.
Marahas siyang nagbuga ng hangin mula sa ilong. Mula sa hawak na baso, tumingala siya sa pangalawang palapag ng bahay, sa gawi kung nasaan ang silid ng lalaking si Miyong.
Labas si Patti sa dahilan ng pagpunta niya roon. At kung ano man ang sagot na makuha o matuklasan niya, labas din doon ang dalaga.